Martes, Nobyembre 29, 2011

Rebyu: City Lights

Taon: 1931
Direktor at manunulat: Charlie Chaplin

Sinusundan ng pelikulang ito ang klasikong karakter ni Chaplin, ang Tramp, nang dumating ito sa lungsod. Makikilala niya ang isang bulag na babaeng nagbebenta ng bulaklak at iibig dito. Sa kanyang paglalagalag din sa lungsod, makikilala rin ng tramp ang isang mayamang lasenggong iniligtas niya sa pagpapakamatay nang minsang masobrahan ito sa kalasingan. Aakalain ng bulag na babae na isang mayaman ang tramp. Ang tramp nama'y aakuin ang pagkataong ito para lamang mapalapit sa bulag na babae. Gagamitin niya ang pakikipagkaibigan sa mayaman upang mapalapit sa bulag na babae. Gayundin ay magtatrabaho sa iba't ibang uri ng trabaho upang mapanatili ang ilusyon ng pagiging mayaman upang matulungan ang pinansiyal na problema ng babaeng bulag. Kaya't hindi perpektong karakter ang tramp. Ngunit sa likod ng kanyang kapayakan, sa pagiging mahirap, hindi edukado, at kulang sa "kultura", (puno ang pelikula ng mga eksena kung kailan kasama niya ang milyonaryo sa iba't ibang pangmayaman na gawain at kitang-kita ang hindi pagiging bagay ng tramp doon) ay isang mabuting hangarin lalo na para sa bulag na nagbebenta ng bulaklak. Madalas na binabasa ang karakter na tramp ni Chaplin bilang simbolo ng naiisantabi't naetsa-puwera ng lipunan ng Amerika. Ngunit sa pelikulang ito, ang naisantabi ang nasa sentro, at ang sentro'y inilantad sa kanilang kababawan at kakulangan.

Huwebes, Nobyembre 24, 2011

Kung Bakit Hindi Ako Sang-ayon na Kalimutan si Epifanio de los Santos

Naaalala pa ba natin kung sino si Epifanio de los Santos? Sino nga ba siya? Bakit ba ipinangalan sa kaniya ang isang abenidang puros perwisyo sa nakararaming motorista? Isa siyang makabayang intelektuwal. Nagtatag siya kasama ng iba ng isang pahayagan sa kasagsagan ng rebolusyon. Bilang isang kritiko, malaki ang ambag niya sa pagtatanghal ng kagalingan ng mga Filipino sa larangan ng sining. Naging aktibo rin siyang politiko (mas administrador, sa totoo lang, ng iba't ibang institusyon tulad na lamang ng mga paunang institusyong sinundan ng National Library at National Museum sa kasalukuyan) noong panahon ng Amerikano. Nakalulungkot lamang at karamihan ng kanyang isinulat ay nasa wikang Kastila at karamihan ay hindi pa muling naisasalin sa Filipino o Ingles. Kaya't nakalulungkot na madali siyang makalimutan. Na alam lamang natin ang kanyang pangalan dahil sa abenidang dinaraanan ng mga kotse, MRT at paminsan-minsa'y ginaganapan ng mga rebolusyon. Gusto kong magbaliktanaw tayo, iyong tunay na pagbabaliktanaw at hindi lamang pagpapasentimental para sa politikal na pagsipsip. Itanghal din natin ang mga tulad ni Epifanio de los Santos na nagbuhos ng lakas at isip para ikabubuti ng Pilipinas.

Narito ang link sa isang maikling talambuhay ni Epifanio de los Santos.
http://tl.wikipedia.org/wiki/Epifanio_de_los_Santos

Narito naman ang link sa isang sanaysay na isinulat ko para sa isa sa mga undergrad electives ko noong 2004 tungkol sa kanyang librong "El Teatro Tagalog".
http://bagongpook54.blogspot.com/2004/12/isang-pag-unawa-sa-tagalog-theater-ni.html

Biyernes, Setyembre 16, 2011

Kung paano makaligtas sa isang pandemic ayon sa pelikulang "Contagion"

1) Galing sa Exotic Orient ang mga sakit na nakamamatay at kinatatakutan ng Occident. Kaya umiwas at wag basta pumunta sa Exotic Orient.

2) Huwag kung saan-saan hahawak. Please lang, huwag mong hahawakan ang kung ano-ano.

3) Umasang maging immune na agad sa nakamamatay sa sakit para wala nang hassle. Ang hassle na lang ay paano mabubuhay sa isang post-apocalyptic na scenario.

4) Umasa sa kabutihan ng Pamahalaan lalo na ng Pamahalaan ng Estados Unidos. Na gagawin nila ang lahat para mailigtas ang Sangkatauhan.

5) Umasa sa kabutihan ng mga Korporasyon. Na gagawin nila ang lahat para mapanatili ang kalusugan ng consumer base.

6) Huwag magtiwala sa Internet. Puno lang iyan ng haka-haka at kasinungalingan.

7) Huwag maniwala sa holistic medicine. Vaccine lang ang tunay na makapagtatanggol sa atin sa mga sakit. Maliban na lang kung immune ka na nga.

8) Kung nagsisimula nang maging post-apocalyptic ang mga nangyayari sa paligid mo, armasan mo ang sarili mo at magkulong ka na lang sa bahay.

9) Walang etikal o di-etikal sa isang pandemic. Kaya't kung may ginawa kang sinasabi ng ibang tao na "unethical", magtiwalang ginawa mo iyon para sa pamilya mo at para sa pag-ibig.

10) Kung okey na ang lahat, pwede ka nang magsayaw kasama ng iyong pinakamamahal.

Martes, Agosto 30, 2011

25

Quarter life crisis? Nararamdaman ko iyon ngayon? Parang hindi. Mas alanganin pa ang pakiramdam ko noon, noong hindi ko pa tapos ang aking MA at part-time lang ako sa Kagawaran. Mas alangan ang pakiramdam ko noon. Dalawang taon ang nakararaan, kasisimula ko pa lamang ng tesis ko at alangan pa ako kung saan ko gustong dalhin ang pagsusulat ko. Noong unang semestre ng nakaraang taon, part-time pa rin lamang ako at unti-unti pa rin lamang akong nagiging komportable sa pagiging guro. Ngayon, atat na akong gawing isang libro ang tesis at gustong-gusto ko talagang maabot ang tenure sa Ateneo. Kaya't kahit papaano, ngayon, tila umuusad ang mga bagay-bagay kahit alam kong hindi pa rin sigurado ang lahat at marami pa ring maaaring magbago.

Ngayon, heto ang mga plano ko sa darating na taon:

1) Tapusin na ang kailangang tapusin, lalo na ang pagsusulat. Noong hindi ko pa natatapos ang tesis ko, parang hindi ko alam kung saan ang gusto kong puntahan pagdating sa pagsulat. Ngayon, parang ang dami kong gustong puntahan. Ulit, tulad ng sinabi ko noong isang taon, kailangan lang talaga nito ng tiyaga.

2) Maging mas magaling na guro. Gusto kong maging leyenda. Seryoso, gusto kong maging leyenda.

3) Maghanap ng girlfriend? Tangna, ba't nagtapos sa question mark iyon?

4) Pag-isipan at kung pwede magsimula na ng Ph.D. Kasi iyon ang pressure sa pagiging nasa akademya.

Sabado, Agosto 13, 2011

Diskurso at Diyalogo at Hindi Pananakot at Sensura

Hindi ko pa nakikita ang mga likha ni Mideo Cruz. O baka nakita ko na pero hindi na masyadong napansin. Pero ngayong napakaraming ingay at komentaryo na ang nasabi tungkol sa kanyang mga likha, gusto ko na rin itong makita gamit ng sarili kong mga mata at hindi na lamang umaasa sa sinasabi ng iba. Mahirap kasing manghusga nang hindi nabibigyan ng mabuting pagtingin at pagmumuni sa isang bagay. Ito ang natutuhan ko sa mga taon ko ng pag-aaral at pagtuturo. Kailangang timbangin ang sariling damdamin, ang sariling kamalayan, bago husgahan ang isang likhang-sining bilang "maganda" o "pangit".

Ito ang aking paniniwala kung paano dapat harapin ang sining. Nakaka-offend daw ang likha ni Mideo Cruz. Ngunit bakit nga ba ito "nakakabastos"? Kailangang humakbang palayo at palabas sa sarili upang unawain ang karanasan. Ngunit ito marahil nga ang naging problema ng mga likha ni Cruz. Hindi nito hinahayaang pagmunihan ng manonood ang likha at nadadala na lamang ang nakakita sa likha ng kanyang mga damdamin. Kaya't hindi kataka-taka ang napakamadamdaming reaksiyon ng maraming tao. Ang damdamin, di tulad ng karunungan at pagmumuni, ay madaling maipasa sa iba. Kaya't kahit hindi pa nila nakikita ang isang likhang-sining, may panghuhusga na agad na ipinapataw kahit na wala pa naman talaga silang nakikita.

Hindi ko pa nakikita ang mga likha ni Mideo Cruz kaya ayokong husgahan ito agad. Pero ito lang ang masasabi ko sa mga konserbatibong naging madamdamin ang reaksiyon, sasabihin ko ito sa napakapayak at napakabalbal na paraan: ang OA n'yo naman. Bakit hindi n'yo na lang ihayag, sa isang malinaw na paraan, ang inyong pagtutol? Bakit ba kailangang idaan sa pagpapatahimik ang lahat ng ito? Bakit ba kailangang kitlin ang tinig ng hindi sumasang-ayon sa inyong paniniwala? Bakit ba kailangang kitlin ang tinig na hinihikayat tayong tingnan ang mga bagay sa ibang paraan, nakababastos man na paraan ito o higit na matimpi't mapagmuni? Ito ang trabaho ng sining, ang bigyan tayo ng ibang pananaw sa mundo upang lumawak ang ating kamalayan (salamat, Aristoteles sa kabatirang ito).

Sa huli, ang pagtatangkang patahimikin si Mideo Cruz, sa matalinghaga o literal man na paraan, ay taliwas sa malaya at demokratikong pundasyon ng lipunan. Lumilikha ito ng kaligirang mapanakot sa mga taong may nais sabihin. Kung hahayaan nating mangibabaw ang pananahimik, hindi lang tayo magiging pipi, magiging bulag at bingi pa tayo sa mga katotohanang ayaw nating tanggapin o sa mga kasamaang inaakala nating mabuti.

Mga link tungkol sa isyu:

Ang malalim at mapagmuning kritika ni Lito Zulueta tungkol sa eksibisyon ng CCP. Binibigyang-pansin ni Zulueta ang buong ekshibit na "Kulo" at hindi lamang itinutuon ang pansin sa "Politeismo" ni Mideo Cruz.





Mga litrato na kinuha sa CCP na nagpapakita ng maraming likha bukod pa sa Politeismo. (Hindi ko sa sasabihing "nakita ko na" ang eksibit hangga't hindi ko pa talaga ito nakikita nang personal. Pero dahil sarado na ang eksibit, ito na lang muna ang kaya kong panghawakan.)


Miyerkules, Hulyo 20, 2011

Cinemalaya 7: I-Libings, Isda, Niño, Busong

I-libings
Direktor: Rommel Andreo Sales

Umiikot ang kuwento kay Isabel (Glaiza de Castro), isang mag-aaral, na kumuha ng internship sa isang puniraryang may video service para sa mga kamag-anak ng namatayan na nasa ibang bansa. Isang film student, ang internship na ito ang ipinayo ng kanyang adviser na kunin ni Isabel at ng kanyang kaklase dahil nagagamit nila ang kanilang kakayahan sa video editing at videography. Ngunit nasa gilid lamang talaga ng kuwento ni Isabel ang pagiging video intern. Tunay na tampok ng drama ng kuwento niya ang personal niyang buhay partikular ang realidad ng pagiging anak niya sa labas at ng pagiging kabit ng kanyang nanay.

Isang tema na pumapaloob sa pelikula ang konsepto ng pagpapakita, paglalantad at pagtatago, pagkukubli. Bakit ba gusto ni Isabel na maging filmmaker? Hindi ito sinasabi sa pelikula. Mahihinuha na lamang ito marahil sa kanyang pagiging anak sa labas. Na ang pelikula, isang anyong nagpapakita, ay isang paraan ni Isabel na ilantad ang lahat. Siyempre, sarili ko na itong psychoanalysis ekek na hindi ko rin naman talaga matutunayan nang mabuti dahil walang imahen sa pelikula na nagtuturo roon. Sa karanasan ni Isabel sa i-libings, malay din naman siya na may mga bagay na hindi ipinakikita sa mga video na ginagawa nila. Makikita lamang talaga ang paglalantad sa dulo ng pelikula, nang harapin ni Isabel ang unang pamilya ng kanyang ama. Magaan at mayroong katatawanan ang buong pelikula ngunit natitisod pag minsan ang daloy ng kuwento sa pagtampok ng drama (na bumabaybay sa melodrama) ng buhay ni Isabel.

Sa pangkalahatan, wala akong nakikitang mali sa pelikula. Wala nga lang akong makitang ubod na katangi-tangi rito. At isang pansin lamang: bakit kailangang may daddy issues ang mga bidang dalaga sa pelikula? (Mangatyanan, For the First Time)

Isda
Direktor: Adolf Alix Jr.
Panulat: Jerry Gracio

Paano nga ba uunawain ang panganganak ni Lina (Cherry Pie Picache) ng isda? Marahil mauunawaan ito sa mga pangyayari bago siya nanganak. Dumating mula sa probinsiya sina Lina at Miguel (Bembol Roco) sa Maynila upang magkaroon ng bagong buhay. Tumira sila malapit sa tambakan. Nagtrabaho sa ice factory si Miguel ngunit hindi niya natagalan at nagkasakit pa nga. Kaya't napilitang mangalkal na lamang ng basura't ibenta ang natatagpuan nila sa tambakan. Ito ang kalagayan ng buhay nila, dehumanisasyong dulot ng kahirapan. Sa kontekstong ito nagbuntis si Lina. Tila isang milagro ito para sa mag-asawa. Hindi na nila inisip kung maibubuhay nga ba nila ang kanilang magiging anak. Ang mahalaga'y nabiyayaan sila kahit papaano sa harap ng kahirapang nararanasan nila.

Sa kaligiran ng fishkill at pagbagyo nang naipanganak ni Lina si Miguelito, ang kanyang anak na isda. Mababalita si Lina at Miguelito at bagaman may pagdududa ang ilan kung totoo ngang nanganak ng isda si Lina, walang duda sa isip ni Lina na si Miguelito'y anak niya. Dito magkakaiba ang pagtrato ng mag-asawang Miguel at Lina sa pangyayari. Bagaman lubos ang pagtanggap ni Lina kay Miguelito bilang sarili niyang anak, hindi lubusang matanggap ni Miguel ang katotohanang anak niya si Miguelito. Ito ang lilikha ng tensiyon sa pagitan ng mag-asawa sa huling hati ng pelikula. Bagaman kababalaghan, tinitingnan din na isang suwerteng bagay si Miguelito dahil pagkatapos niyang ipanganak ay nakatagpo ng pera si Lina na hinala'y perang nakaw sa isang bangko. At makakaahon sa kahirapan sina Lina at Miguel.

Paano nga ba uunawain ang panganganak ni Lina ng isda? Inuunawa ko ito bilang isang talinghaga. Kinakatawan ni Miguelito ang kawalan ng pagkatao (humanity) ng sangkatauhan. Ito ang interpretasyon ko sa kuwentong "Apokalipsis" ni Sir Vim Yapan at hindi rin naman malayo sa nangyari sa "Isda". Paano mo ba tatratuhin ang anak ng isang tao gayong isda ito? Tao ba o isda? Pinapatungan pa ito ng isyu ng uri. Para sa mga kapitbahay ni Lina, lalo na ng mga kaibigan at kamag-anak doon, tunay ngang anak ni Lina si Miguelito. Hindi ito malayong talon para sa kanila. Bagaman nasa lungsod, puno pa rin ng pamahiin ang Looban nina Lina at ang kakaibang pangyayaring ito ay bahagi lamang ng pang-araw-araw na kababalaghan na nangyayari sa lungsod.

Magaling ang pagganap nina Cherry Pie Picache at Bembol Roco bilang mag-asawang naghahanap lamang ng munting ligaya sa gitna ng lungsod na, sa dulo ng pelikula'y wala naman talagang pakialam sa mahihirap, may anak man sila ng isda o tao.

Niño
Direksiyon: Loy Arcenas
Panulat: Rody Vera

Inaakala ko'y isang pangkaraniwang kuwento ang maaasahan sa "Niño". Kuwento ng isang upper-class na pamilyang nawala na ang ningning at katayugan ng posisyon sa lipunan? Parang hindi kaengga-engganyo lalo na't sanay ka sa melodrama sa TV na puno ng mga eredero't erederang tauhan na umiibig sa mga katulong. Hindi. Walang ganito sa "Niño".

May malinaw na agwat sa pagitan ng mga henerasyon dito sa pelikula. Ang mga nakatatanda, sina Celia (Fides Cuyugan Asensio) at Gaspar (Tony Mabesa), ay inaasam pa ring ang pagbabalik sa kadakilaan ng kanilang angkan. Si Celia'y isang soprano at naging tanyag na mangangawit sa opera ng Pilipinas. Si Gaspar naman ay isang dating congressman na hindi nakabalik sa poder mula nang kalabanin si Marcos. Ibang-iba ang kanilang mga anak. Si Mombic (Arthur Acuña) ay anak ni Celia. Lumipat na siya sa Davao ngunit dahil sa pagbagsak ng negosyo'y napilitang bumalik sa Maynila upang asikasuhin ang kanyang papeles papuntang Dubai. Si Merced (Shamaine Buencamino) ay lesbianang kapatid ni Mombic at ang naiwan sa piling nina Celia at Gaspar. Si Merced ang nagmistulang tagapamahala ng kanilang mansiyon at ng natitira nilang kayaman. Si Raquel naman, anak ni Gaspar, ay matagal nang nasa Amerika na bumalik lamang upang harapin ang krisis na nangyari matapos magkasakit ng kanyang ama. Ang sumunod na henerasyong ito'y wala nang bahid ng ilusyon na babalik pa sa dati ang kanilang angkan. Sapat na sa kanilang mangibang bayan (Mombic, Raquel) o magkaroon ng bagong buhay na wala sa ilalim ng anino ng matandang bahay (Merced).

Humahanga ako sa galing ng iskript na nilikha ni Rody Vera. Puno ito ng katatawanan ngunit may karampatang bigat. Puno rin ng kabig at pagliko na bagaman maaaring inaasahan na'y nakakukuha pa rin ng reaksiyon mula sa manonood. Puno rin ng siste ang mga dialogo'y eksena na marahil ay marka ng kanyang taon ng karanasan ng pagiging mandudula.

Dalawang simbolo ang nakikita sa loob pelikula: ang matandang bahay at ang Santo Niño. Umiikot talaga ang kuwento ng pelikula sa realidad kung ano ang gagawin sa lumang bahay pagkamatay ni Gaspar, ang may-ari nito. Ibebenta ba ito o hahayaang tirhan pansamantala ni Celia? Simboliko ang matandang bahay ng nakaraan at mismong hinaharap ng mga tauhan. Kakapit ba sa nakaraan o bibitiwan ba ito't harapin ang hinaharap? Sa ganito'y magkakawing ang matandang bahay sa Santo Niño. Noong bata si Mombic ay muntik na siyang mamatay dahil sa meningitis at iniuugnay ang milagroso niyang pagkaligtas mula sa sakit sa debosyon ni Celia sa Santo Niño. Ipinagsuot pa noon ni Celia si Mombic ng damit ng Santo Niño. Nang magkasakit si Gaspar, suot ni Antony (Jhizhelei Deocareza), anak ni Mombic, ang damit ng Santo Niño at tumatag sa isip ni Celia na gagaling si Gaspar sa tulong ni Antony na naging Santo Niño. At iyon nga ang madalas na kinakatawan ng Santo Niño, bagong buhay at pag-asa. Ngunit muling pagbangon ng angkan o bagong buhay na hinaharap ang bagong tadhana ay dulo lamang talaga ng pelikula ilalahad.

Busong
Direksiyon: Auraeus Solito

Sa kabuua'y kuwento ito ni Punay (Alessandra de Rossi) at ng kanyang kapatid na si Angkarang (Rodrigo Santikan). Ipinanganak na puno ng sugat sa katawan si Punay at binubuhat ni Angkarang ang kanyang kapatid habang naglalakbay sa mga kapuluan ng Palawan ng isang manggagamot na makagagamot kay Punay. Sa paglalakbay na ito'y pagtatagni-tagniin ni Solito ang iba't ibang kuwento tungkol sa Palawan.

Sa mga iba't ibang naratibong bumubuo sa "Busong", paulit-ulit ang tema ng pagkawala at paghahanap sa tadhana at ang dahilan ng busong. Sa kuwento ni Ninita (Bonivie Budao) at Tony (Walter Arenio), ang tradisyunal na relasyon na mayroon sa pagitan ng tao'y nawala dahil sa pagsasamantala nila sa kalikasan (isang tagaputol ng kahoy Tony). Sa kuwento naman ng mangingisdang Palawanon (Dax Alejandro), nakaharap niya ang isang banyagang kumamkap sa islang matagal na nilang pinangingisdaan. Sa kuwento naman ni Aris (Clifford Banagale), muli siyang bumabalik sa kanyang iniwanang lahi/kultura ng Palawan.

Pinaaalalahanan sa akin ng "Busong" ang mga pelikula ni Apichatpong Weerasethakul bagaman malinaw para sa akin na may pagtatangka ng lumikha ng sariling lohika si Solito pagdating sa sinematikong naratibo na ibang-iba sa pangtatangka ni Weerasethakul. Nagtatagisan ang pagkasira ng kalikasan at tradisyon sa oportunidad na binubuksan ng kapitalismo at modernidad. Ngunit maaaring may pag-asa pa sa pagbalik sa kultura (sa kasong ito, sa kulturang Palawanon ni Solito). Sa pagsusuri ni Oggs Cruz, tila ito nga ang nais gawin ni Solito, isang pagpupugay sa isang tila namamatay na kultura.

Martes, Mayo 24, 2011

Mga Natagpuan sa Aklatan

Pansamantala akong nagsaliksik sa Rizal Lib noong Martes. Wala lang. Pahinga sa pagtsetsek ng mga kung ano-ano. Nakatagpo ako ng anim na abstract entries ng mga artikulo't pananaliksik na co-author ang lolo ko, si Ciriaco Celino. Siyempre hindi ako sigurado kung siya nga iyan pero, isip ko naman, ilan bang Ciriaco Celino ang nabuhay noon na isang entomologist? Parang kaunti. Noong i-google ko ang kanyang pangalan, isang entry lang ang lumabas at ito'y isang PDF copy ng isang USAID itinerary noong 1971 na inililista ang kanyang pangalan bilang isa sa mga taong binisita ng grupo para sa kanilang pananaiksik. Nakatutuwa lang isiping may isinulat siya noon na maaari kong balikan kahit na magkaibang-magkaiba kami ng larangan ng pag-aaral. Sabi ni Mama, maraming mga pagsasaliksik ag inilathala ni Lolo. Sa kasamaang palad, nawala na ang mga dokumentong pagmamay-ari ni Lolo nang ayusin ang bahay namin sa San Pablo. At mukhang kalingkingan lamang ito ng kabuuang pananaliksik ni Lolo na ginawa niya sa buong buhay niya. Kaya lang, nang hanapin ko na ang mismong mga artikulo na kasama si Lolo, walang kopya ang Rizal Lib ng mga mismong mga journal na pinaglathalaan ng mga iyon. Kailangan ko pang pumuntang UP Library. Heto ang mga nakita ko:


Studies on insect transmission of the tristeza virus in the Philippines. Ciriaco S. Celino, Dante R. Panaligan and Urbano V. Molino, Philippine Journal of Plant Industry, 2nd Quarter 1966, vol. 31, no. 2, p 89-93


Studies on the field control of Diaphorina citri, kuway. Progress Report I. Ciriaco S. Celino and Urbano V. Molina. Animal Husbandry and Agricultural Journal, March 1971, vol. 6, no. 3, p. 23-24.


Study on the control of citrus fruitfly [Dacus dorsali, var. occipitalis (Bezz.)] by annihilating the male population with the use of methyl eugenol as attractant. Ciriaco S. Celino and Dante Panaligan. Animal Husbandry and Agricultural Journal, July 1970, vol. 5, no. 7, p. 32-33.

Gross morphology of parasite associated with citrus psylla, (Diaphorina citri kuway). Dante R. Palaginan and Ciriaco S. Celino. Animal Husbandry and Agricultural Journal, March 1973, vol. 8, no. 3, p. 10.


Biology and control of citrus psylla, Diaphorina citri kuway, in the Philippines (Homoptera: Psyllidae). Dante R. Panaligan, Ciriaco S. Celino and Urbano V. Molina. Animal Husbandry and Agricultural Journal, Jan. 1973, vol. 8, no. 1, p. 20-21.


Studies on the ecology of Diaphorina citri kuway in Batangas. Ciriaco S. Celino and Dante R. Palanigan. Plant Industry Digest, July-August 1975, vol. 38, p. 4-5, 18-19, 30-31.


Pamagat pa lang, nosebleed na.

Sabado, Marso 05, 2011

Rebyu: Senior Year

Senior Year
Direksiyon at Panulat ni Jerrold Tarrog

Kailangan ng isang munting pasintabi: napanood ko ito nang libre noong ika-2 ng Marso sa SM Megamall, matapos magyaya si Camille, co-fellow ko noong 6th ANWW, na manood kami kasi nakakuha siya ng libreng mga ticket. At hiling din lang daw para sa kapalit na libreng ticket ay i-blog ang pelikula. Bahagi na rin ito marahil ng promotion ng pelikula sa napipinto nitong pagpapalabas simula sa ika-9 ng Marso.

Isa itong pelikula tungkol sa huling taon ng isang batch ng St. Fredrick's Academy. At bilang isang pelikula tungkol sa high school, nariyan na ang ilang mga inaasahang tema: INTRAMS, college entrance tests, pagkakaibigan, pag-iibigan, isyung pangkasarian, problema sa pamilya, "ano na pagkatapos ng high school?". Maraming mga tauhan, sampung estudyanteng tauhan kasama na ang ilang mga guro, kaya't pagminsa'y parang ang bilis ng daloy ng mga pangyayari dahil kailangang bigyang-tuon ang bawat grupo ng mga magkakaibigan. Hindi rin maiwasan pag minsan na sumalalay ang pelikula sa ilang mga stock o isteryotipong tauhan. Ngunit lampas sa mga ito, hindi ko maikakaila ang dating at appeal ng pelikula. Mainam ang balanse nito ng pagpapatawa at pagbibigay ng drama sa buhay ng tauhan at sigurado akong matutuwa ang mga manonood sa pelikula dahil, bagaman may mga cliche at isteryotipo, sasabihin nilang, "Oo, ganoon nga ang high school."

May dalawang malinaw na target audience para sa pelikula: ang mga kasalukuyang mag-aaral sa high school at ang mga nagtapos na't isang alaala na lamang ang high school. Maraming eksena sa pelikula ang umikot sa matatandang bersiyon ng mga tauhang nasa high school. Muli silang nagkita-kita dahil sa kanilang reunion. Dito ako marahil tunay na nasasayangan sa pelikula dahil hindi lubos na nagamit ang pagmumuni ng mga tauhang tumanda upang suriin ang nakaraan. Hindi sila naging lubos na foil para sa kanilang mas batang sarili. Pagminsan nga'y nagiging dating sa akin ng mga eksenang ito'y mga transitional device lang ang mga ito para magkaroon ng "flashback" o di kaya'y para ipaalam sa manonood kung ano na nga ba ang nangyari sa kanila tulad ng isang "flashforward". O baka naman sobra-sobra nang hilingin ang napakaradikal na pamamaraan ng pagsasalaysay sa isang pelikula na gusto lang naman talagang ilahad ang isang sandali sa buhay ng isang grupo ng mga tauhan. Na ang pamagat naman talaga ng pelikula ay "Senoir Year" at hindi "Reunion".

Sa lahat-lahat, isa itong pelikulang magugustuhan ng maraming mag-aaral ngunit marahil ay ikababagot ng ilang ng nagtapos na dahil hindi sila mag-ugnay sa isang pelikulang hindi naman talaga ginawa para sa kanila.

Para sa mga estudyante ko ng Fil 12

Para sa dagdag na impormasyon sumangguni lamang sa :

Kate L. Turabian, A manual for writers of research papers, theses, and dissertations : Chicago style for students and researchers, 7th edition. Nirebisa nina Wayne C. Booth, Gregory G. Colomb, Joseph M. Williams, at ng University of Chicago Press editorial staff. Chicago : The University of Chicago Press, 2007.


BIBLIOGRAPIYA/TALASANGGUNIAN

l Iayos ang bawat tala/entri batay sa pagkakasunod-sunod ng apelyido batay sa alpabeto

l Kung mahaba ang nilalaman ng tala/entri, kailangang ipasok ng 5 espasyo batay sa naunang linya bago idugtong ang susunod na impormasyon.

Hal.

Mojares, Resil. Origins and Rise of the Filipino Novel: A Generic Study of the Novel Until 1940. Quezon City: University of the Philippines Press, 1983.

l Hindi laktawan para sa nilalaman ng tala/entri

l Laktawan para sa paghihiwalay ng bawat tala/entri

l Kung higit sa iisang akda ang ginamit mula sa isang awtor, ayusin ang mga akda batay sa pamagat, at gumamit ng blangko sa halip na ulitin ang pagtatala ng pangalan ng mga may-akda.

Hal.

Mojares, Resil. Origins and Rise of the Filipino Novel: A Generic Study of the Novel Until 1940. Quezon City: University of the Philippines Press, 1983.

__________. Waiting for Mariang Makiling: Essays in Philippines Cultural History. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2002.

1.Aklat na may iisang may-akda/awtor

Apelyido, Pangalan. Pamagat ng Aklat. Lungsod na pinaglimbagan: Palimbagan, taon ng pagkakalimbag.

Hal.

Mojares, Resil. Origins and Rise of the Filipino Novel: A Generic Study of the Novel Until 1940. Quezon City: University of the Philippines Press, 1983.

2. aklat na isinulat iisang may-akda; at isinalin

Apelyido, Pangalan. Pamagat ng Aklat. Isinalin ni pangalan ng tagasalin. Lungsod na pinaglimbagan: Palimbagan, taon ng pagkakalimbag.

3. aklat na may 2 o tatlong may-akda

Apelyido, Pangalan ng unang may-akda at buong pangalan ng isa pang awtor. Pamagat ng Aklat. Lungsod na pinaglimbagan: Palimbagan, taon ng pagkakalimbag.

4. aklat na may higit sa 3 may-akda

Apelyido, Pangalan at iba pa. Pamagat ng Aklat. Lungsod na pinaglimbagan: Palimbagan, taon ng pagkakalimbag.

5. aklat na may patnugot

Apelyido, Pangalan ng patnugot, pat. Pamagat ng Aklat. Lungsod na pinaglimbagan: Palimbagan, taon ng pagkakalimbag.

6. aklat na may higit sa 3 patnugot

Apelyido, Pangalan ng patnugot at iba pa, pat. Pamagat ng Aklat. Lungsod na pinaglimbagan: Palimbagan, taon ng pagkakalimbag.

7. Journal na may pahinang nakabatay sa magkakasunod na isyu sa buong taon

Apelyido, Pangalan. “Pamagat ng isyu/artikulo.” Pamagat ng journal. Bilang ng isyu (taon): pahina.

8. magasin na gumagamit ng petsa kaysa isyu o tomo/volume

Apelyido, Pangalan. “Pamagat ng isyu/artikulo,” Pamagat ng magasin, petsa buwan taon, pahina.

9. artikulo mula sa online database (hal. JSTOR at EBSCO)

Apelyido, Pangalan. “Pamagat ng artikulo.” Pamagat ng journal. Bilang ng isyu (taon): pahina, URL (nakuha noong petsa)

10. artikulo mula sa isang magasin sa internet

Apelyido, Pangalan. “Pamagat ng artikulo,” Pamagat ng magasin, petsa buwan taon, URL (nakuha noong petsa)

11. aklat mula sa internet

Apelyido, Pangalan. Pamagat ng Aklat. Lungsod na pinaglimbagan: Palimbagan, taon na pagkakalimbag. Pamagat ng website, URL (nakuha noong petsa)

12. website na may awtor, pamagat, serye, tagapaglimbag, at petsa

Apelyido, Pangalan. “Pamagat ng Artikulo.” Pamagat ng Serye. Tagapaglimbag. Pamagat ng website, URL (nakuha noong petsa)

TALABABA

l Piliin ang “continuous” na pagbibilang ng talababa imbes na umuulit ang bilang “1” sa bawat pahina.

l Siguraduhing higit na maliit ang mga titik ng talababa kaysa sa laki ng titik para sa nilalaman ng papel.

l Nakapasok ang unang linya kumpara sa susunod na linya ng nilalaman ng iisang tala sa talababa.

l Gamitin ang unang tala sa unang beses na pagtukoy o pagbanggit.

Hal.

1Resil Mojares, Origins and Rise of the Filipino Novel: A Generic Study of the Novel Until 1940. (Quezon City: University of the Philippines Press, 1983), 32.

l Kung mula pa rin sa naunang sanggunian ang tala ngunit sa ibang pahina, gamitin ang sumusunod:

2Ibid., 43.

l Kung mula sa parehong akda at pahina, gamitin ang sumusunod:

3Ibid.

l Kung nasingitan ng isang ibang sanggunian at nagkataong muling gagamitin ang naunang sanggunian, gamitin ang apelyido ng may-akda ng sangguniang pinagkunan ng tala.

Hal.

4Resil Mojares, Origins and Rise of the Filipino Novel: A Generic Study of the Novel Until 1940. (Quezon City: University of the Philippines Press, 1983), 32.

5Jovita Castro , pat. Antolohiya ng mga Panitikang ASEAN: Mga Epiko ng Pilipinas. (Manila: Nalandangan, Inc., 1986), 44.

6Mojares, 55.

7Castro, 77.

l Kung mula sa parehong akda ang susunod na talababa ngunit nasa bagong pahina, banggitin ang apelyido ng may-akda at pahina.

8Mojares, 55.

9Ibid.

(next page)

10Mojares, 55.

11Ibid.

l Iba pang gamit ng talababa:

  1. pagbibigay ng depinisyon
  2. pagbibigay ng trivia/dagdag impormasyon
  3. pagbibigay ng pasintabi/komentaryo

1.Aklat na may iisang may-akda/awtor

8Buong Pangalan, Pamagat ng Aklat. (Lungsod na pinaglimbagan: Palimbagan, taon ng pagkakalimbag), pahina.

2. aklat na isinulat iisang may-akda; at isinalin

9Buong Pangalan, Pamagat ng Aklat. Isinalin ni pangalan ng tagasalin. (Lungsod na pinaglimbagan: Palimbagan, taon ng pagkakalimbag), pahina.

3. aklat na may 2 o tatlong may-akda

10Buong ng unang may-akda at buong pangalan ng isa pang awtor. Pamagat ng Aklat. (Lungsod na pinaglimbagan: Palimbagan, taon ng pagkakalimbag), pahina.

4. aklat na may higit sa 3 may-akda

11Buong Pangalan et al, Pamagat ng Aklat. (Lungsod na pinaglimbagan: Palimbagan, taon ng pagkakalimbag), pahina.

5. aklat na may patnugot

12Buong Pangalan ng patnugot, pat. Pamagat ng Aklat. (Lungsod na pinaglimbagan: Palimbagan, taon ng pagkakalimbag), pahina.

6. aklat na may higit sa 3 patnugot

13Buong Pangalan ng patnugot et al, pat. Pamagat ng Aklat. (Lungsod na pinaglimbagan: Palimbagan, taon ng pagkakalimbag), pahina.

7. Journal na may pahinang nakabatay sa magkakasunod na isyu sa buong taon

14Buong Pangalan, “Pamagat ng isyu/artikulo.” Pamagat ng journal. Bilang ng isyu (taon): pahina.

8. magasin na gumagamit ng petsa kaysa isyu o tomo/volume

15Buong Pangalan, “Pamagat ng isyu/artikulo,” Pamagat ng magasin, petsa buwan taon, pahina.

9. artikulo mula sa online database (hal. JSTOR at EBSCO)

16Buong Pangalan, “Pamagat ng artikulo.” Pamagat ng journal. Bilang ng isyu (taon): pahina, URL (nakuha noong petsa)

10. artikulo mula sa isang magasin sa internet

17Buong Pangalan, “Pamagat ng artikulo,” Pamagat ng magasin, petsa buwan taon, URL (nakuha noong petsa)

11. aklat mula sa internet

18Buong Pangalan, Pamagat ng Aklat. (Lungsod na pinaglimbagan: Palimbagan, taon ng pagkakalimbag): pahina, Pamagat ng website, URL (nakuha noong petsa)

12. website na may awtor, pamagat, serye, tagapaglimbag, at petsa

19Buong Pangalan, “Pamagat ng Artikulo.” Pamagat ng Serye. Tagapaglimbag. Pamagat ng website, URL (nakuha noong petsa)

Biyernes, Pebrero 25, 2011

Six Memos for the Next Millennium

Six Memos for the Next Millennium
Italo Calvino, salin ni Patrick Creagh
Vintage International
1993

Isa sa mga huling akdang sinulat ni Italo Calvino bago siya mamatay, tila isang mainam na pamamaalam ang “Six Memos for the Next Millennium”. Bagaman hindi niya natapos ang anim na lecture na pinlano niyang isulat para sa Charles Eliot Norton Lectures, nanatiling isang ideya lamang ang huling sanaysay na pinamagatang “Consistency”, sapat na ang limang natapos niya upang ipakita ang mga pinahahalagan niya bilang isang manunulat.

Bagaman maikli lamang ang bawat sanaysay, tigib ang mga ito ng mga ideya ni Calvino kung ano ba dapat ang pahalagahan ng mga manunulat sa darating na milenyo at, sa madaling salita, kung ano ang pinahahalagahan niya. Subalit bagaman binabanggit niya ang ilan niyang mga akda sa pagtalakay sa mga pagpapahalagang ito, sekundaryo lamang ang ito sa pagtalakay ng mga akda ng ibang manunulat na kanyang tinalakay. Sa limang sanaysay na ito’y lumilikha si Calvino ng isang personal na kanon bukod pa sa personal na poetika.

Bagaman may mga pagpapahalagang itinatanghal ang bawat sanaysay tulad ng “Lightness,” “Quickness”, “Exactitude”, “Visibility” at “Multiplicity”, hindi nakakaiwas si Calvino sa pagtalakay sa mga kabaligtaran ng mga bawat pagpapahalaga na ito. Ngunit sa halip na pagtapatin bilang simpleng binary opposites ang kabaligtaran sa pinahahalagahang katangian, malinaw na ipinakikita na kakikitaan din ng kabaligtaran sa mismong pinahahalagahang katangian ng panitikan. Halimbawa, mahalaga ang kabigatan upang maabot ang kagaanan at vice versa. Gayundin, inililista ni Calvino ang mga manunulat na pinihahalagahan niya, mula klasikong panahon tulad nina Ovid at Lucretius, mula sa Italya tulad nina Boccaccio, Giacomo Leopardi, Cyrano de Bergerac, Dante, Cavalcanti, Leonardo da Vinci at Carlo Emilio Gadda, at mga manunulat ng panahong moderno tulad nina Jorge Luis Borges, Goethe, Gustave Flaubert, James Joyce, Robert Musil, Thomas Mann at Marcel Proust. Ilan lamang ang mga manunulat na ito ang nililingon ni Calvino bilang kanyang pamantayan at panandang bato.

Sa limang sanaysay, pinakatumalab sa akin ang sanaysay na “Multiplicity” dahil binigyang-titik ni Calvino ang mga personal ko ring pinaniniwalaan tungkol sa panitikan at lalong-lalo na sa pagsusulat. Ang ideal ng nobela, para kay Calvino, ay ang pagtatangka nitong abutin pinakasukdulan lalo na sa pagtatangkang sakupin ang lahat-lahat. Ani Calvino, “Overambitious projects may be objectionable in many fields, but not in literature. Literature remains alive only if we set ourselves immeasurable goals, far beyond all hope of achievement.” (112) Hindi ito nalalayo sa paboritong kong quote mula kay William Faulkner, “All of us failed to match our dream of perfection. So I rate us on the basis of our splendid failure to do the impossible.” Kung kay Faulkner ay “splendid failure” ang isang ambisyosong proyekto, kay Clavino nama’y may posibilidad ng kawalan ng katapusan. Makikita ito sa mga obra nina Musil, Proust at Flaubert. Tinatangka ng mga akda nina Musil, Proust at Flaubert na ipaloob ang kani-kanilang pagkakaunawa ng totalidad.

Kaugnay ng kawalan ng katapusan sa pagkakalarawan ni Calvino sa nobela bilang isang encyclopedia subalit iba ang nobela sa pangkaraniwang encyclopedia na nababasa natin. Ani Calvino,

What tends to emerge from the great novels of the twentieth century is the idea of an open encyclopedia, an adjective that certainly contradicts the noun encyclopedia, which etymologically implies an attempt to exhaust knowledge of the world by enclosing it in a circle. But today we can no longer think in terms of a totality that is not potential, conjectural, and manifold. (116)

Sa madaling salita, tinatangka ng nobelang paloobin ang totalidad subalit malay din ang nobela sa potensiya ng lahat-lahat. Sa personal na poetika, ito ang nais kong abutin sa aking mga sinusulat ngayong akda, kasama na dito ang prinoyekto ko sa aking thesis na ngayo’y pinalalawig ko sa pagtatangka kong ihanda ito sa paglalathala nito. Nais kong ipaloob ang lahat-lahat sa aking mga proyekto. Pagbigyan lang sana ako ng oras para gawin ang lahat-lahat ng ito.

Magtatapos ako sa pagsipi sa pasintabi ni Calvino tungkol sa pagsulat ng ganitong uri ng ambisyosong paglikha. Iniisip na niya ang posibleng pagbatikos ng mga tao na ang ganitong uri ng pagsulat ay mabubura’t mawawala ang sarili. Subalit pasintabi ni Calvino,

Think what it would be to have a work conceived from outside the self, a work that would let us escape the limited perspective of the idividual ego, not only to enter into selves like our own but to give speech to that which has no language, to the bird perching on the edge of the gutter, to the tree in spring and the tree in fall, to stone, to cement, to plastic... (124)

Ito ang halaga ng panitikan, ang lumagpas mula sa sarili. Ang hanapin ang kabuluhan hindi lamang mula sa katulad natin kundi sa mga bagay na malayong-malayo sa atin. Hindi ito malayo sa sinabi ni Aristoteles sa kanyang pagtatanggol sa panitikan, na ang panitikan ay isang pagtatangkang ipakita ang mga posibilidad. Marahil ito ang dahilan kung bakit mas interesado akong magsulat ng katha sa halip na sanaysay, lalong-lalo na ang personal na sanaysay. Gusto kong hanapin ang posibilidad, at hindi nalalayo na ito rin ang hinahanap ni Calvino hanggang sa mga huling sandali niya sa buhay.

Miyerkules, Pebrero 23, 2011

Break, Blow, Burn

Break, Blow, Burn
Camille Paglia
Vintage Books, 2005

Simple lang naman ang buong proyekto ng “Break, Blow, Burn”: ibalik sa sentro ng kamalayan ngakademya, maging ng taumbayan, ang panulaan. Ani Camille Paglia,

Poststructuralism and crusading identity politics led to the gradual sinking in reputation of the premiere literature departments, so that by the turn of the millennium, they were no longer seen even by the undergraduates themselves to be where the excitement was on campus. (ix)

Mahalaga ang tula, lalo na ang pagbabasa ng tula, upang bigyan ng kakayahan ang mga mambabasa ng talas ng pag-iisip at sensitibidad ng pandama. Ito ang nawawala sa kasalukuyang kalagayan ng akademya sa Amerika at ito ang suliranin na nakikita ni Paglia doon. Bagaman iba ang konteksto ng akademya ng Amerika sa Pilipinas, hindi malayo ang mga problema na kinakaharap ni Paglia sa problemang kinakaharap ng mga paaralan sa Pilipinas lalo na sa pagtatanong sa estado ng humanidades sa mga kolehiyo.

Bukod pa sa pagtatanghal sa panulaan bilang sentro ng kultura, ninanais din ni Paglia na lumikha ng kanyang sariling kanon ng panulaan. Bagaman mapapansin sa sipi kanina ng naikita ni Paglia na masamang dulot ng masyadong pagtuon sa politika at ideolohiya sa pag-aaral ng panitikan at kultura, inaangkop niya ang mga ito para sa kanyang sariling paglikha ng kanon. May ilang akdang African-American at akdang sinulat ng mga babae ang kanyang binigyang-pansin. Maging sa mismong pagbabasa niya’y hindi nawawala ang kamalayan ni Paglia sa historikal at politikal na konteksto na pinanggagalingan ng mga tula’t makatang nagsulat ng mga tula.

Isa ring sagot ang librong ito sa, para kay Paglia, na kagulat-gulat na kalagayan ng panulaan sa Amerika. Sa kasalukuyan, ang unti-unti nang nawawala sa kamalayan ng mga makata ang pagpapahalaga sa nag-iisang tulang matatag at tigib sa kahulugan. Higit na raw pinahahalagahan ang buong panulaan ng isang makata. Isa ito marahil pasaring sa mga postmodernong makata. Wala raw ambisyon ang mga makata ngayon. (xii) Subalit maitatanong kung pareho lang ba ang konsepto ng ambisyon ni Paglia sa mga postmodernong makata? Malinaw na hindi. Para kay Paglia, higit na lumilitaw ang henyo ng isang makata sa isang siksik na tula kumpara sa pagpapamalas nito sa kalipunan ng mga tula ng isang makata.

Sa mismong mga pagbasa ni Paglia, bagaman maninipis lamang ang mga ito, tigib ang mga ito ng pagkakaunawa sa mga tulang sinuri. At kahit na maninipis, sapat na ang pagtalakay ni Paglia upang higit na palawakin ang pagkakaunawa ng mambabasa o, kung mayabang kang iskolar/kritiko, malugod na naisip mo na ang naisip ni Paglia.

Matalino ang libro sa pag-unawa sa mga tula bagaman hindi ipinamumukha sa mambabasa ang kamangmangan nito sakaling hindi niya maunawaan ang tulang sinusuri. Ginagabayang pautay-utay ni Paglia ang mambabasa upang makarating ito sa pagkaunawa.

Lunes, Enero 24, 2011

Pangarap at Bangungot sa Kotse

Simboliko ang mga kotse bilang tanda ng mobilidad, binibigyan ng kakayahan ang may-ari nito upang makarating sa kahit saang gustuhin nila. Hindi na kailangang magsiksikan sa MRT o LRT. Hindi na kailangang mainitan at mausukan sa mga dyip at traysikel. Hindi na kailangang sumakay sa mamahalin (kumpara sa dyip at MRT/LRT) na taxi. Sa kay ng iyong sariling kotse, kailangan mo na lang magsiksikan sa nagsisikip na mga kalye.

Ang Tsina ang pinakalumalagong bansa pagdating bentahan at bilihan ng kotse at inunahan na ang US bilang pangunahing domestic buyer ng kotse noong 2008. Iniuugnay ang paglagong ito dahil sa lumalagong middle class at ekonomiya ng Tsina. Tinitingnan sa Tsina, maging sa ibang mga bansa tulad sa Pilipinas, ang pagkakaroon ng kotse bilang isang status symbol. Mataas ang tingin sa Tsina ng mga kotseng may tatak ng isang US car company. Tinitingnan nga ng mga US car companies ang merkado ng Tsina bilang posibleng magsasalba sa kanila mula sa pagkalugi (na ikinadidismaya ng mga politiko ng US dahil sa bilyon-bilyong ipinasok sa mga kumpanya'y pinipili ng mga car companies na sa Tsina mag-expand sa halip na sa US). Sa Pilipinas ngayon, wala namang kakaibang pagtingin sa mga brand ng kotse. Ang mahalaga'y mayroon kang kotse.

Paano ba maaaring unawain ang sensational na pagtrato ng kamakailang pagnanakaw ng mga kotse, pangingidnap at kalauna'y pagpatay sa mga may-ari ng mga kotse? At bakit kotse ang pinili ng mga sindikatong ito? Ano ang ipinakikita ng mga balitang ito ang kabuuang kamalayan ng Filipino para sa kotse?

Kung tutuusin, hindi marahil malalagay sa headline ang mga carnapping kung wala itong kasamang pagpatay. Pinaniniwalaan na isang malawakang sindikato ang carnapping sa Pilipinas na maaaring bahagi ang ilang tauhan ng LTO. Malaking negosyo ang carnapping dahil malaki ang demand para sa kotse. At maaari itong tingnan bilang isang walang katapusang pag-ikot dahil hangga't may pagkahumaling ang mga tao sa kotse, hindi mawawala ang kriminal na aktibidad upang mapuno ang tila fetisismo para sa kotse.

Ipinamumulat ng mga krimeng ito sa sariling fantasya ng Filipino para sa kotse. Inaatake ng mga krimeng ito ang pangarap na inaasam ng maraming Filipino, lalo na ang gitnang uring Filipino. Inaatake nito ang mga imahen ng kotse na makikita sa mga komersiyal para dito. Una'y inaatake ang imahen nito bilang pangalawang tahanan para sa pamilya (makikita ito sa komersiyal ng mga van na kotse na pamilya ang target market), isang behikulong mangangalaga sa mga bata sa kanilang paghatid at pagsundo sa iba't ibang lugar. Pangalawa'y inaatake ang imahen ng kotse bilang behikulo ng pakikipagsapalaran (makikita ito sa mga sports car at maging sa mga off-road na mga kotse), isang behikulo na nagbibigay sa may-ari nito ng kapangyarihan ng bilis o ng kakayahang magtungo sa mga lugar kung saan hindi madaling makapupunta ang pangkaraniwang mga kotse. Sa harap ng mga krimeng ito, hindi ligtas ang kahit sino man sa krimen. Hindi nakapagbigay ang kotse ng bilis upang makatakas ang mga biktima. At tanging pakikipagsapalaran na natamo ng mga biktima ay tungo sa kamay ng mga kriminal.

Sa post-apocalyptic na mga pelikula ng "Mad Max", ang mga kotse'y ginawang mga sandata. Mistulang tangke o cocoon ang mga ito sa harap ng unti-unting pagkasira ng lipunan. Hindi ito imahen sa mga kotse ng mga naging kamakailang biktima ng carnapping. sunog at iniwan sa kung saang lugar. Maihahambing ang mga sunog na labi ng mga kotse na ito sa mga kotseng naaksidente bagaman mas mabigat sa damdamin ang una kaysa sa huli dahil sinadya.

Ginigising tayo ng mga krimeng ito mula sa fantasya ng kotse. Na hindi lamang ang mga tumatawid ng kalye nasa palagiang peligro kundi pati ang mga nakasakay sa mga humaharurot na kotse. Hindi sapat ang mga seatbelt at airbag kung ihaharap sa bangungot ng krimen. At ito ang binibigyang-tuon ng media at sinusubaybayan natin ang balita kung saan na patungo ang lahat.