Sabado, Agosto 13, 2011

Diskurso at Diyalogo at Hindi Pananakot at Sensura

Hindi ko pa nakikita ang mga likha ni Mideo Cruz. O baka nakita ko na pero hindi na masyadong napansin. Pero ngayong napakaraming ingay at komentaryo na ang nasabi tungkol sa kanyang mga likha, gusto ko na rin itong makita gamit ng sarili kong mga mata at hindi na lamang umaasa sa sinasabi ng iba. Mahirap kasing manghusga nang hindi nabibigyan ng mabuting pagtingin at pagmumuni sa isang bagay. Ito ang natutuhan ko sa mga taon ko ng pag-aaral at pagtuturo. Kailangang timbangin ang sariling damdamin, ang sariling kamalayan, bago husgahan ang isang likhang-sining bilang "maganda" o "pangit".

Ito ang aking paniniwala kung paano dapat harapin ang sining. Nakaka-offend daw ang likha ni Mideo Cruz. Ngunit bakit nga ba ito "nakakabastos"? Kailangang humakbang palayo at palabas sa sarili upang unawain ang karanasan. Ngunit ito marahil nga ang naging problema ng mga likha ni Cruz. Hindi nito hinahayaang pagmunihan ng manonood ang likha at nadadala na lamang ang nakakita sa likha ng kanyang mga damdamin. Kaya't hindi kataka-taka ang napakamadamdaming reaksiyon ng maraming tao. Ang damdamin, di tulad ng karunungan at pagmumuni, ay madaling maipasa sa iba. Kaya't kahit hindi pa nila nakikita ang isang likhang-sining, may panghuhusga na agad na ipinapataw kahit na wala pa naman talaga silang nakikita.

Hindi ko pa nakikita ang mga likha ni Mideo Cruz kaya ayokong husgahan ito agad. Pero ito lang ang masasabi ko sa mga konserbatibong naging madamdamin ang reaksiyon, sasabihin ko ito sa napakapayak at napakabalbal na paraan: ang OA n'yo naman. Bakit hindi n'yo na lang ihayag, sa isang malinaw na paraan, ang inyong pagtutol? Bakit ba kailangang idaan sa pagpapatahimik ang lahat ng ito? Bakit ba kailangang kitlin ang tinig ng hindi sumasang-ayon sa inyong paniniwala? Bakit ba kailangang kitlin ang tinig na hinihikayat tayong tingnan ang mga bagay sa ibang paraan, nakababastos man na paraan ito o higit na matimpi't mapagmuni? Ito ang trabaho ng sining, ang bigyan tayo ng ibang pananaw sa mundo upang lumawak ang ating kamalayan (salamat, Aristoteles sa kabatirang ito).

Sa huli, ang pagtatangkang patahimikin si Mideo Cruz, sa matalinghaga o literal man na paraan, ay taliwas sa malaya at demokratikong pundasyon ng lipunan. Lumilikha ito ng kaligirang mapanakot sa mga taong may nais sabihin. Kung hahayaan nating mangibabaw ang pananahimik, hindi lang tayo magiging pipi, magiging bulag at bingi pa tayo sa mga katotohanang ayaw nating tanggapin o sa mga kasamaang inaakala nating mabuti.

Mga link tungkol sa isyu:

Ang malalim at mapagmuning kritika ni Lito Zulueta tungkol sa eksibisyon ng CCP. Binibigyang-pansin ni Zulueta ang buong ekshibit na "Kulo" at hindi lamang itinutuon ang pansin sa "Politeismo" ni Mideo Cruz.





Mga litrato na kinuha sa CCP na nagpapakita ng maraming likha bukod pa sa Politeismo. (Hindi ko sa sasabihing "nakita ko na" ang eksibit hangga't hindi ko pa talaga ito nakikita nang personal. Pero dahil sarado na ang eksibit, ito na lang muna ang kaya kong panghawakan.)


Walang komento: