Direktor: Rommel Andreo Sales
Umiikot ang kuwento kay Isabel (Glaiza de Castro), isang mag-aaral, na kumuha ng internship sa isang puniraryang may video service para sa mga kamag-anak ng namatayan na nasa ibang bansa. Isang film student, ang internship na ito ang ipinayo ng kanyang adviser na kunin ni Isabel at ng kanyang kaklase dahil nagagamit nila ang kanilang kakayahan sa video editing at videography. Ngunit nasa gilid lamang talaga ng kuwento ni Isabel ang pagiging video intern. Tunay na tampok ng drama ng kuwento niya ang personal niyang buhay partikular ang realidad ng pagiging anak niya sa labas at ng pagiging kabit ng kanyang nanay.
Isang tema na pumapaloob sa pelikula ang konsepto ng pagpapakita, paglalantad at pagtatago, pagkukubli. Bakit ba gusto ni Isabel na maging filmmaker? Hindi ito sinasabi sa pelikula. Mahihinuha na lamang ito marahil sa kanyang pagiging anak sa labas. Na ang pelikula, isang anyong nagpapakita, ay isang paraan ni Isabel na ilantad ang lahat. Siyempre, sarili ko na itong psychoanalysis ekek na hindi ko rin naman talaga matutunayan nang mabuti dahil walang imahen sa pelikula na nagtuturo roon. Sa karanasan ni Isabel sa i-libings, malay din naman siya na may mga bagay na hindi ipinakikita sa mga video na ginagawa nila. Makikita lamang talaga ang paglalantad sa dulo ng pelikula, nang harapin ni Isabel ang unang pamilya ng kanyang ama. Magaan at mayroong katatawanan ang buong pelikula ngunit natitisod pag minsan ang daloy ng kuwento sa pagtampok ng drama (na bumabaybay sa melodrama) ng buhay ni Isabel.
Sa pangkalahatan, wala akong nakikitang mali sa pelikula. Wala nga lang akong makitang ubod na katangi-tangi rito. At isang pansin lamang: bakit kailangang may daddy issues ang mga bidang dalaga sa pelikula? (Mangatyanan, For the First Time)
Isda
Direktor: Adolf Alix Jr.
Panulat: Jerry Gracio
Paano nga ba uunawain ang panganganak ni Lina (Cherry Pie Picache) ng isda? Marahil mauunawaan ito sa mga pangyayari bago siya nanganak. Dumating mula sa probinsiya sina Lina at Miguel (Bembol Roco) sa Maynila upang magkaroon ng bagong buhay. Tumira sila malapit sa tambakan. Nagtrabaho sa ice factory si Miguel ngunit hindi niya natagalan at nagkasakit pa nga. Kaya't napilitang mangalkal na lamang ng basura't ibenta ang natatagpuan nila sa tambakan. Ito ang kalagayan ng buhay nila, dehumanisasyong dulot ng kahirapan. Sa kontekstong ito nagbuntis si Lina. Tila isang milagro ito para sa mag-asawa. Hindi na nila inisip kung maibubuhay nga ba nila ang kanilang magiging anak. Ang mahalaga'y nabiyayaan sila kahit papaano sa harap ng kahirapang nararanasan nila.
Sa kaligiran ng fishkill at pagbagyo nang naipanganak ni Lina si Miguelito, ang kanyang anak na isda. Mababalita si Lina at Miguelito at bagaman may pagdududa ang ilan kung totoo ngang nanganak ng isda si Lina, walang duda sa isip ni Lina na si Miguelito'y anak niya. Dito magkakaiba ang pagtrato ng mag-asawang Miguel at Lina sa pangyayari. Bagaman lubos ang pagtanggap ni Lina kay Miguelito bilang sarili niyang anak, hindi lubusang matanggap ni Miguel ang katotohanang anak niya si Miguelito. Ito ang lilikha ng tensiyon sa pagitan ng mag-asawa sa huling hati ng pelikula. Bagaman kababalaghan, tinitingnan din na isang suwerteng bagay si Miguelito dahil pagkatapos niyang ipanganak ay nakatagpo ng pera si Lina na hinala'y perang nakaw sa isang bangko. At makakaahon sa kahirapan sina Lina at Miguel.
Paano nga ba uunawain ang panganganak ni Lina ng isda? Inuunawa ko ito bilang isang talinghaga. Kinakatawan ni Miguelito ang kawalan ng pagkatao (humanity) ng sangkatauhan. Ito ang interpretasyon ko sa kuwentong "Apokalipsis" ni Sir Vim Yapan at hindi rin naman malayo sa nangyari sa "Isda". Paano mo ba tatratuhin ang anak ng isang tao gayong isda ito? Tao ba o isda? Pinapatungan pa ito ng isyu ng uri. Para sa mga kapitbahay ni Lina, lalo na ng mga kaibigan at kamag-anak doon, tunay ngang anak ni Lina si Miguelito. Hindi ito malayong talon para sa kanila. Bagaman nasa lungsod, puno pa rin ng pamahiin ang Looban nina Lina at ang kakaibang pangyayaring ito ay bahagi lamang ng pang-araw-araw na kababalaghan na nangyayari sa lungsod.
Magaling ang pagganap nina Cherry Pie Picache at Bembol Roco bilang mag-asawang naghahanap lamang ng munting ligaya sa gitna ng lungsod na, sa dulo ng pelikula'y wala naman talagang pakialam sa mahihirap, may anak man sila ng isda o tao.
Niño
Direksiyon: Loy Arcenas
Panulat: Rody Vera
Inaakala ko'y isang pangkaraniwang kuwento ang maaasahan sa "Niño". Kuwento ng isang upper-class na pamilyang nawala na ang ningning at katayugan ng posisyon sa lipunan? Parang hindi kaengga-engganyo lalo na't sanay ka sa melodrama sa TV na puno ng mga eredero't erederang tauhan na umiibig sa mga katulong. Hindi. Walang ganito sa "Niño".
May malinaw na agwat sa pagitan ng mga henerasyon dito sa pelikula. Ang mga nakatatanda, sina Celia (Fides Cuyugan Asensio) at Gaspar (Tony Mabesa), ay inaasam pa ring ang pagbabalik sa kadakilaan ng kanilang angkan. Si Celia'y isang soprano at naging tanyag na mangangawit sa opera ng Pilipinas. Si Gaspar naman ay isang dating congressman na hindi nakabalik sa poder mula nang kalabanin si Marcos. Ibang-iba ang kanilang mga anak. Si Mombic (Arthur Acuña) ay anak ni Celia. Lumipat na siya sa Davao ngunit dahil sa pagbagsak ng negosyo'y napilitang bumalik sa Maynila upang asikasuhin ang kanyang papeles papuntang Dubai. Si Merced (Shamaine Buencamino) ay lesbianang kapatid ni Mombic at ang naiwan sa piling nina Celia at Gaspar. Si Merced ang nagmistulang tagapamahala ng kanilang mansiyon at ng natitira nilang kayaman. Si Raquel naman, anak ni Gaspar, ay matagal nang nasa Amerika na bumalik lamang upang harapin ang krisis na nangyari matapos magkasakit ng kanyang ama. Ang sumunod na henerasyong ito'y wala nang bahid ng ilusyon na babalik pa sa dati ang kanilang angkan. Sapat na sa kanilang mangibang bayan (Mombic, Raquel) o magkaroon ng bagong buhay na wala sa ilalim ng anino ng matandang bahay (Merced).
Humahanga ako sa galing ng iskript na nilikha ni Rody Vera. Puno ito ng katatawanan ngunit may karampatang bigat. Puno rin ng kabig at pagliko na bagaman maaaring inaasahan na'y nakakukuha pa rin ng reaksiyon mula sa manonood. Puno rin ng siste ang mga dialogo'y eksena na marahil ay marka ng kanyang taon ng karanasan ng pagiging mandudula.
Dalawang simbolo ang nakikita sa loob pelikula: ang matandang bahay at ang Santo Niño. Umiikot talaga ang kuwento ng pelikula sa realidad kung ano ang gagawin sa lumang bahay pagkamatay ni Gaspar, ang may-ari nito. Ibebenta ba ito o hahayaang tirhan pansamantala ni Celia? Simboliko ang matandang bahay ng nakaraan at mismong hinaharap ng mga tauhan. Kakapit ba sa nakaraan o bibitiwan ba ito't harapin ang hinaharap? Sa ganito'y magkakawing ang matandang bahay sa Santo Niño. Noong bata si Mombic ay muntik na siyang mamatay dahil sa meningitis at iniuugnay ang milagroso niyang pagkaligtas mula sa sakit sa debosyon ni Celia sa Santo Niño. Ipinagsuot pa noon ni Celia si Mombic ng damit ng Santo Niño. Nang magkasakit si Gaspar, suot ni Antony (Jhizhelei Deocareza), anak ni Mombic, ang damit ng Santo Niño at tumatag sa isip ni Celia na gagaling si Gaspar sa tulong ni Antony na naging Santo Niño. At iyon nga ang madalas na kinakatawan ng Santo Niño, bagong buhay at pag-asa. Ngunit muling pagbangon ng angkan o bagong buhay na hinaharap ang bagong tadhana ay dulo lamang talaga ng pelikula ilalahad.
Busong
Direksiyon: Auraeus Solito
Sa kabuua'y kuwento ito ni Punay (Alessandra de Rossi) at ng kanyang kapatid na si Angkarang (Rodrigo Santikan). Ipinanganak na puno ng sugat sa katawan si Punay at binubuhat ni Angkarang ang kanyang kapatid habang naglalakbay sa mga kapuluan ng Palawan ng isang manggagamot na makagagamot kay Punay. Sa paglalakbay na ito'y pagtatagni-tagniin ni Solito ang iba't ibang kuwento tungkol sa Palawan.
Sa mga iba't ibang naratibong bumubuo sa "Busong", paulit-ulit ang tema ng pagkawala at paghahanap sa tadhana at ang dahilan ng busong. Sa kuwento ni Ninita (Bonivie Budao) at Tony (Walter Arenio), ang tradisyunal na relasyon na mayroon sa pagitan ng tao'y nawala dahil sa pagsasamantala nila sa kalikasan (isang tagaputol ng kahoy Tony). Sa kuwento naman ng mangingisdang Palawanon (Dax Alejandro), nakaharap niya ang isang banyagang kumamkap sa islang matagal na nilang pinangingisdaan. Sa kuwento naman ni Aris (Clifford Banagale), muli siyang bumabalik sa kanyang iniwanang lahi/kultura ng Palawan.
Pinaaalalahanan sa akin ng "Busong" ang mga pelikula ni Apichatpong Weerasethakul bagaman malinaw para sa akin na may pagtatangka ng lumikha ng sariling lohika si Solito pagdating sa sinematikong naratibo na ibang-iba sa pangtatangka ni Weerasethakul. Nagtatagisan ang pagkasira ng kalikasan at tradisyon sa oportunidad na binubuksan ng kapitalismo at modernidad. Ngunit maaaring may pag-asa pa sa pagbalik sa kultura (sa kasong ito, sa kulturang Palawanon ni Solito). Sa pagsusuri ni Oggs Cruz, tila ito nga ang nais gawin ni Solito, isang pagpupugay sa isang tila namamatay na kultura.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento