Sabado, Pebrero 20, 2010
Excerpt 5
Tungcol sa manga anting-anting, at ang tunay na cahulugan nang cruz, nang iconografia, nang Salita nang Dios
Isa sa maraming manga masasamang pamahiin na patuloy na laganap ang pananalig sa manga anting-anting nang manga indio. Hindi cacaunting pagcacataon acong nacaquita nang manga anting-anting na suot nang manga indio at capag naquiquita co ito ay cucunin co agad ang manga ito mula sa canila. Iba’t iba ang hugis at laqui nang manga anting-anting tulad na iba’t iba ang hugis nang manga dahon subali may manga catangian ang manga ito na magcacahauig. Una ay puno ang manga ito nang manga simbolo na pinaniniualaan nilang mayroong macapangyarihan o sinasabi nilang mayroong bisa tulad na lamang na matatagpuan nang cruz ang manga anting-anting dahil naquiquita nang manga indio ito sa manga simbahan. Icalaua ay mayroon din ito nang manga iconografia na inaacala nang manga indio na mucha nang P. Dios Ama, Anac at Espiritu Santo casama na ang mucha nang Virgen at nang manga Santo at Santa at tulad nang manga cruz ay pinaniniualaan nilang may bisa. Icatlo ay may manga letra ang manga anting-anting na nacasulat dito at bagaman muchang uicang Latin o caya ay Castilla subali cung babasahin nang mabuti ay uala itong cabuluhan caya madaling masasabing isang mangmang sa uicang Latin o Castilla. Mapapansing manga pinaghalo-halong manga salita lamang ang manga ito mula sa manga libro nang manga dasal at sa manga nacasulat sa simbahan. Sa paglalarauan na ito,i maquiquita na ginagaya lamang nang manga indio iba,t ibang simbolo na caniyang naquiquita sa paligid lalo na cung pinaniniualaan itong malapit sa pinanggagalingan nang bisa. [23]
Inaacala nila na cung macucuha nila ang manga anting-anting na ito na puno nang manga simbolo na may bisa ay magcacaroon sila nang capangyarihan. At ang pag-aacalang ito ang bibigay sa canila nang capanatagan nang mabuting buhay at ualang masama ang mangyayari sa canila. Caya may ilan ang lumacas ang loob upang lumabag sa batas at gumaua nang iba’t ibang crimen tulad na lamang nang lumaganap ang pagnanacao sa Cabangga. Tatlong bouan na hindi nacatulog ang buong bayan dahil sa pagsalacay nang magnanacao na itong ginagaua ang caniyang crimen sa calaliman nang gabi. Ginagamit niya ang dilim upang hindi madaling mabanaagan at gayoon din ay madali siyang macapasoc sa manga tahanan at macatacas. Malacas ang loob nang magnanacao na ito na maging ang bahay ni Potenciano na isang cabeza at ginagalang na tauo ay caniyang ninacauan. Nahuli lamang siya noong magtalaga nang manga bantay para sa buong bayan at napagtulungan siya nang manga mamamayan na nagsaua na sa caniyang panglalamang. At natagpuan sa caniyang ang isang anting-anting. Isang maliit na tela iyong may lamang itim na buto nang pusa at isang tinuping papel na puno nang manga simbolo, letra at salita na sinasabi niyang nagbibigay sa caniyang nang cacayahang maging anino at maging casing tahimic nang hangin. [24] Subali hindi dahil sa anting-anting caya hindi siya nahuli caagad cung hindi dahil pinili niya ang gabi upang gauin ang caniyang crimen at hindi maicacaila ang caniyang galing bilang magnanacao.
Ang manga anting-anting na ito ay malinao na isang pagbabaluctot sa manga mahal na simbolo nang ating pananampalataya. Caya icao indiong nagbabasa nito, paquitandaan na hindi capangyarihan o bisa ang ibig sabihin nang manga simbolo, letra at salita. Simbolo ang cruz nang paghihirap at sacrificio na ginaua ni Jesucristo upang tubusin ang ating manga casalanan at isa itong simbolo nang pagpapacumbaba at pag-ibig nang Dios Anac at hindi nang Caniyang capangyarihan. Gayoon din ay hindi ginagamit ang iconografia nang Virgen at manga Santo at Santa bilang tanda nang capangyarihan cung hindi bilang tanda at halimbaua nang manga natatanging manga tauo sa casaysayan nang simbahan na nagpaquita nang hindi natitinag na pananampalataya na maaaring sundin nang manga Cristiano. Pagdating naman sa manga salita, lalo na sa manga Salita nang Dios, tunay nga na mayroon itong capangyarihan subali matatagpuan ang capangyarihan nito sa cahulugan nang manga salita halimbaua na lamang sa manga dasal na ating isinasaloob. Hindi lamang natin inuulit-ulit ang manga dasal upang maranig ang alingaongao nang manga salita na bagaman masarap paquinggan lalo na cung ito,i inaauit subali ito ay isang pang-ibabao na catangian lamang nang manga salita. Cailangang isaloob ang manga cahulugan, ang manga aral at utos upang maisabuhay nang tauo ang manga nilalaman nang manga salita. Ito ang tunay na tunguhin nang manga simbolo at salita na cailangang unauain mo, indiong nagbabasa nito. [25]
__________
[23] Noong nasa hayskul ako, binigyan ako ni Dad ng isang anting-anting na minana niya mula kay Lolo. Isa iyong maliit na libro na puno ng mga salitang parang pamilyar pero hindi ko maintindihan. Nang tumanda na ako at nadiskubre ang tinatawag na “research,” sinaliksik ko kung ano ba ang sinasabi ng mga salita sa anting-anting. Iyon pala’y isa iyong libro ng mga dasal sa wikang Latin. Ibinigay ko iyon kay Allie nang magkasakit siya. Kahit na alam ko na ang “misteryo” at “hiwaga” na nakapaloob sa maliit na libro, gusto ko sanang maniwala na may bisa na rin kahit papaano ang anting-anting na iyon. Mula kay Lolo. Mula kay Dad. Mula sa akin.
[24] Naaalala ko tuloy si Diego Dimajuli. Di kaya sa magnanakaw na ito namana ni Diego ang kanyang agimat? Biro ko kay Allie na baka naglakbay sa panahon si Diego at natawa naman siya. Hindi naman ang magnanakaw na ito ang huling gagamit ng isang makapangyarihang bagay para labagin ang batas, legal man o pisikal. Kilala ang mga miyembro ng Samahan ng Diyos Langit, Lupa at Tubig sa paggamit ng anting-anting. At maging ako’y sumalalay sa anting-anting na ibinigay ni Dad sa akin sa pandaraya sa pagsusulit—doon ko isiningit ang kodigo ko. Kaya lang nahuli. Hindi pala kayang gawing inbisible ng anting-anting ko ang kodigo.
[25] Pero nga problema, nagkalat ang mga misyunaryo tulad ni Padre de la Rosa ng mga tanda sa paligid ng mga katutubo gayong hindi nila alam ang ibig sabihin ng mga iyon. Ang solusyon, gumawa ng sariling kahulugan. Ito siguro ang dahilan kung bakit kakaiba ang Katolisismo sa San Gabriel. Dahil may sarili na ritong mga kahulugan na mahirap nang itama o di kaya’y umugat na.
Excerpt 4
Si Diego at ang Labindalawang Tulisan [7]
Mayroong labindalawang tulisan na kinatatakutan ng lahat. Wala silang sinasanto’t ginagalang. Kanilang ninanakawan ang kung ano mang dumaraang karwahe at kalesa dumaraan sa kanilang teritoryo, hinahila man ang mga ito ng kabayo o kalabaw, pinaglulunanan man ng mayaman o mahirap. Naging malaking problema ang mga tulisan para sa pamahalaang Kastila ngunit hindi mahuli-huli ang mga tulisan na nagtatago sa mga kagubatan at kabundukan.
Isang araw, nagulat na lamang ang mga tulisan nang makabalik sila sa kanilang kampo pagkatapos ng isang matagumpay na panghaharang at pagnanakaw. Natagpuan na lamang nila ang isang lalaking nagpakilalang si Diego Dimajuli na naghihintay sa kanilang pagdating.
“Ano’ng ginagawa mo dito?” tanong ni Manuel Tabas, ang nagsisilbing pinuno ng mga tulisan. Siya ang pinakamalakas at ang pinakamatapang sa kanila.
“Kilala na kayo sa halos buong kapuluan,” simula ni Diego. “Ngunit hindi maganda ang ginagawa ninyo. Kailangan ninyong tigilan ang pagnanakaw sa mga mahihirap. Hindi ba’t sapat na ang pagnanakaw sa mga mayayaman?”
At natawa ang lahat ng mga tulisan sa kanyang sinabi. “At narito ka ba para utusan kami?” tanong ni Manuel.
“Hindi. Narito ako para kumbinsihin kayong naririto tungo sa isang higit na tamang landas,” sagot ni Diego.
“Hindi kami nakikinig sa isang taong hindi namin nasusukat ang pagkatao’t kakayahan,” sabi ni Manuel. “Patunayan mo muna ang iyong galing sa amin at saka kami makikinig sa iyo.”
“At ano ang kailangan kong gawin?” tanong ni Diego.
“Tatlo lamang na pagsubok,” sagot ni Manuel. [8]
“At ano ang mga pagsubok na ito?” tanong ni Diego.
Para sa unang pagsubok, dinala ng mga tulisan si Diego sa tabing-ilog. Doon, sa gitna ng mga naglalakihang mga bato, hinamon ng tulisan na buhatin ang isa sa malalaking bato at ihagis ito sa kabilang pampang. Nagtawanan ang mga tulisan dahil wala naman talaga sa kanilang ang kayang gawin ito. Kaya’t namangha’t nagulat sila nang buhatin ni Diego ang pinakamalaking bato sa tabing-ilog at inihagis sa kabilang pampang. Nginitian sila ni Diego at nagtanong, “At ano ang pangalawang pagsubok?”
Para sa pangalawang pagsubok, sinamahan ng anim na tulisan si Diego at binaybay ang tabing-ilog habang naglakad naman ang iba pang tulisan sa salingat na direksiyon. Nang hindi na halos makita nang bawat grupo ang isa’t isa, binigyan si Diego ng pana at sinabihang kailangan niyang tamaan ang dahon ng sampalok na nakapatong sa ibabaw ng isang bato kung saan naroroon ang kabilang grupo ng mga tulisan. At natawa ulit ang mga tulisan dahil alam nilang wala naman talaga sa kanila ang kayang gawin ang pagsubok na iyon. Kaya’t namangha’t nagulat lamang sila nang pakawalan ni Diego ang pana at tamaan nito ang dahon ng sampalok sa kabilang dulo ng ilog. At sa sobrang lakas ng pagkakatama ng pana, bumaon ito’t nawarak ang batong pinagpapatungan ng dahon ng sampalok. Nginitian ni Diego ang mga tulisan at tinanong, “At ano ang huli ninyong pagsubok?”
Bumalik sila sa kampo ng mga tulisan at doon ibinigay ang huling pagsubok. “Sagot mo ito,” sabi ni Manuel at nagbigay siya ng isang bugtong, “Isang bugtong na bata, hindi mabilang ang diwa.”
Matagal na nag-isip si Diego at tahimik na naghintay ang mga tulisan. Ngunit hindi matagal na naghintay ang mga tulisan dahil ngunit si Diego’t sinabi ang sagot, “Bugtong, bugtong ang sagot sa bugtong na iyan.” [9]
At nakapasa si Diego sa lahat ng mga pagsubok at mula noo’y sa mayayaman na lamang nagnanakaw ang mga tulisan at ibinibigay ang sobra sa mahihirap.
________
[7] Mula sa isang panayam kay Samuel PeƱaflor, manunulat at direktor ng anim na pelikula tungkol kay Diego Dimajuli, mga pelikula na naging popular at tumabo sa takilya noong dekada 60 hanggang dekada 80. Kasalukuyan siyang executive producer ng isang serye batay sa buhay ni Diego Dimajuli at na sinimulan noong Pebrero 2002. Nagulat ako nang makakuha kami ng panayam sa kanya. Si Maureen ang nagkakuha noon. Ninong pala niya si Direk Sam. Sa mismong set ng “Ang mga Tagapagtanggol” kami nakipagpanayam sa kanya. Katatapos lamang ng taping nang gawin namin ang panayam. Medyo kinabahan kami kasi ang daming mga artistang nasa paligid namin. Pero mabait naman si Direk Sam at malugod na sinagot ang mga tanong namin. Hindi niya inaaming isa siyang eksperto tungkol kay Diego Dimajuli bagaman nagsaliksik din siya noon para sa kanyang mga pelikula. Unang narinig ang leyenda ni Diego Dimajuli mula sa isang magtataho na nakilala niya noong isang mababang scriptwriter siya para sa LSX Studios noong 1960. Nakagawa na siya noon ng isang iskript para sa isang pelikula pero kinontrata siya na magsulat ng apat pa. At timaan siya ng matinding writer's block. “Marahil sa pressure kaya nagkaganoon,” sabi niya. Noon niya nakilala si Mang Ando, isang magtataho, minsang naninigarilyo siya sa labas ng kaniyang inuupahan noong apartment. Dalawang linggo na siyang nadaraanan ng magtataho't nabebentahan ng taho. Naintriga si Mang Ando sa kanya at tinanong kung ano ang kanyang trabaho. Sinabi nga niyang nagsusulat siya ng pelikula pero wala siyang masulat noon. Dahil naging suki na rin naman siya, nagkuwento si Mang Ando sa kanya ng leyenda ni Diego Dimajuli. “Kasi iyon lang daw ang kuwentong alam niya bukod pa sa kuwento ni Hesus,” sabi ni Direk Sam. At ang leyendang ikinuwento ng magtataho ang naging inspirasyon niya at pinagbatayan ng pangalawa niyang pelikulang pinamagatang “Si Diego at ang Labindalawang Bayani.” Nang kumita ang pelikulang iyon, hinanap muli ni Direk Sam si Mang Ando at binigyan niya ang magtataho ng malaking pabuya. At nang maging matagumpay ang sumunod na mga pelikula niya, binigyan na rin niya si Mang Ando ng bahay at lupa at tinulungang pag-aralin ang mga anak nito. Mga interpretasyon at muling pagsasalaysay ang ginagawa niya sa mga pelikula't palabas at hindi mga matapat na historikal na kuwento. “Mas mura iyon e,” sabi nga niya. Nang gawin niya ang “Si Diego at ang Labindalawang Bayani,” tinangka niyang maging matapat sa historikal na detalye noong buhay pa si Diego Dimajuli pero masyadong at nakauubos ng oras. Kaya ang ginawa niya'y mga pagsasakontemporanyo ng mga kuwento ni Diego Dimajuli. Ito ngang “Ang mga Tagapagtanggol” ay paglalapat ng leyenda ni Diego Dimajuli sa mga gang at iskuwater ng Catalina. Tinanong ko si Direk Sam kung pakiramdam niya'y hindi siya nagiging tapat sa alaala ng isang taong tulad ni Diego Dimajuli. “Hindi naman sa naging tapat ako hindi,” sabi niya, “Binubuhay ko lang ang sa tingin ko’y isang mahalagang bahagi ng kultura natin, ng kasaysayan natin.”
[8] May mga bersiyon na humihiling lamang ng isa o dalawang pagsubok habang may iba naman na humihingi ng apat at mas marami pa. May bersiyong ginawa itong laro at isang walang katapusang pagsubok ang kakaharapin ni Diego hanggang mapagod na ang mga kalahok at tatapusin na lamang ang leyenda sa “At nagtagumpay si Diego sa lahat ng mga pagsubok na iniharap sa kanya at mula noo’y sumunod na ang mga tulisan sa Dakilang Diego Dimajuli.” Ang kalahok na nagbigay ng pinakamaraming pagsubok para kay Diego Dimajuli ang nagwawagi. Kalimitang nilalaro ang bersiyon ng leyendang ito sa mga lamay. Minsan ko nang nalaro ito nang makipaglamay ako sa Cabangga nang mamatay ang ama ng isang katrabaho sa pahayagan noong Mayo 2007. Talong-talo ako sa larong iyon at inabot nga naman kami ng magdamag. Nawala na ako sa bilang ng mga pagsubok na ibinigay kay Diego pagdating ng hating gabi.
[9] Paiba-iba ang bugtong sa iba’t ibang bersiyon ngunit kung ano man ang bugtong ay palagi itong nasasagot ni Diego.
Biyernes, Pebrero 05, 2010
Ilang Patalastas Pampanitikan
1. Dumaguete/Silliman National Writers Workshop
The Silliman University National Writers Workshop is now accepting applications for the 49th National Writers Workshop to be held 3-21 May 2010 in Dumaguete City.
This Writers Workshop is offering fifteen fellowships to promising young writers who would like a chance to hone their craft and refine their style. Fellows will be provided housing, a modest stipend, and a subsidy to partially defray costs of their transportation.
To be considered, applicants should submit manuscripts in English on or before 19 March 2010 (seven to ten poems; or three to five short stories; or three to five creative non-fiction essays). Manuscripts should be submitted in hard copy and on CD, preferably in MS Word, together with a resume, a recommendation letter from a literature professor or a writer of national standing, a notarized certification that the works are original, and two 2X2 ID pictures.
Send all applications or requests for information to Department of English and Literature, attention Dr. Evelyn F. MascuƱana, Chair, Silliman University, 6200 Dumaguete City.
2.Lumbay ng DilaGenevieve L. Asenjo will be launching her first novel, Lumbay ng Dila, on February 19, 2010 at 2 p.m. at Ariston Estrada Seminar Room, LS Bldg., De La Salle University, Manila . Published by C & E Publishing, Inc. for the Academic Publications Office of De La Salle University, the launching is co-sponsored by the Bienvenido N. Santos Creative Writing Center and the Department of Literature.
The synopsis says: Siya si Sadyah Zapanta Lopez. Apo ng dating Assemblyman ng Antique na inakusahang mastermind sa Guinsang-an Bridge Massacre noong 1984, anak nina Kumander Pusa at Kumander Rafflesia ng Coronacion "Kumander Waling-Waling" Chiva Command ng Central Panay . Sundan ang paghahanap niya ng katotohanan mula Antique, Iloilo, Manila, Naga, at Bangkok kasama sina Stephen Chua, Ishmael Onos, at Priya Iyer.
Cirilo F.Bautista in his blurb notes: “Ang nobelang ito ay patunay sa malikhaing diwa at malalim na kakayahan ni Genevieve Asenjo. Isang pambihirang akda.”
Asenjo is the author of Komposo ni Dandansoy (collection of short stories in Hiligaynon and Filipino, UST Press, 2007), Pula ang Kulay ng Text Message (collection of poetry in Kinaray-a and Filipino, University of San Agustin Press , 2006), taga-uma@manila kag iban pa nga pakipagsapalaran (collection of short stories in Kinaray-a, NCCA, 2005). She holds a Ph.D. in Literature (with High Distinction and Outstanding Dissertation award) from De La Salle University Manila where she is Assistant Professor. She was awarded Centennial Model Iskolar ng Bayan Awardee of UP Visayas-Iloilo (BA Literature 2000). Her works have won awards from Don Carlos Palanca Awards for Literature and the Komisyon ng Wikang Filipino. She serves at the panel of the IYAS National Creative Writing Workshop in Bacolod City and in the San Agustin Writers Workshop in Iloilo City. She was 2009 Overseas Writing Fellow in Seoul, South Korea. RSVP: 524-4611 loc.541/0917-581-1979.
3. Likhaan Journal 4
• For its fourth issue, Likhaan: the journal of Contemporary Philippine Literature 4, will accept submissions in the following genres, in both English and Filipino:
• Short stories ranging from about 12 to 30 pages double-spaced, in 11-12 points Times New Roman, New York, Palatino, Book Antiqua, Arial or some such standard font. (A suite of short pieces will be considered.)
• A suite of four to seven poems, out of which the editors might choose three to five. (Long poems will be considered in lieu of a suite.)
• Creative nonfiction (essays, memoirs, profiles, etc.), subject to the same length limitations as short stories (see above).
• Critical/ scholarly essays, subject to the same length limitations as short stories (see above).
• Excerpts from graphic novels, or full short graphic stories, for reproduction in black and white on no more than 10 printed pages, 6” x 9”. (Excerpts should be accompanied by a synopsis of the full narrative.)
• All submissions must be original, and previously unpublished.
• All submissions must be accompanied by a biographical sketch (no more than one or two short paragraphs) of the author, including contact information (address, telephone number, E-mail address).
• Submissions may be E-mailed to likhaanjournal4@gmail.com as Rich Text Format (.rtf) files, or posted to The Editors, Likhaan Journal, UP Institute of Creative Writing, Rizal Hall, University of the Philippines, Diliman, Quezon City, 1101.
• All submissions should be received (whether by E-mail or post) no later than April 30, 2010.
• Submissions which do not follow page and format requirements will be disqualified.
• All submissions will undergo a strict pre-screening and blind refereeing process by the editors, and a panel of referees composed of eminent writers and critics from within and outside the University of the Philippines.
• Writers whose work will be accepted for publication will receive a substantial cash payment and a copy of the published journal.
• The editors reserve the right to edit any and all materials accepted for publication.
• The editors may also solicit or commission special, non-refereed articles outside the aforementioned genres and categories to enhance the editorial content and balance of the journal.
• Please direct any and all inquiries to the editors at likhaanjournal4@gmail.com
Huwebes, Pebrero 04, 2010
Rebyu: Wizard of the Crow
Mapapansin ang oral na katangian ng nobela. Madalas gamitin ang kapangyarihan ng sabi-sabi at iba’t ibang bersyon ng iisang pangyayari para makabuo ng isang mas buong paglalarawan at pagsasalaysay. Binibigyan ng kapangyarihan ng oralidad ng naratibo na bagaman fantastiko ang marami sa mga pangyayari ay totoo ito dahil nagmumula ito sa kamalayan ng nakararami. At paniniwala ng nakararami ang humuhubog sa realidad. Kaya mahalaga ang itong folk/popular na kamalayan na ito dahil kahit na anong gawing represyon o pagbabaluktot ng isang mapaniil na estado ay mayroong sariling opinyon at pananaw pa rin ang mga taumbayan at taliwas sa itinakda ng estado. Gayundin, mahalaga ang oral na katangian ng nobela dahil ipinakikita dito ang kawalan ng kontrol ng estado sa ganoong uri ng pagkalat ng impormasyon. Na bagaman kayang bayaran at kontrolin ang mass media tulad ng dyaryo at TV, hinding-hindi makokontrol ang dila at tainga.
Isinisiwalat din ng nobela ang relasyong postkolonyal ng mga lumayang bansa sa mga bansang dating colonial masters nila. At malinaw na bagaman kinakabit ang nasyonalistikong retorika ang mga gawain at proyekto ng mga postkolonyal na estado, sunod-sunoran pa rin sila sa mga dating amo hindi lamang dahil sa lumang “pagtingala” sa mga ito kundi pati na rin sa kalagayan ng mga dating amo bilang mayayaman at makakapangyarihan. Kaya’t bagaman siya ang pinakamakapangyarihan sa buong Aburiria, ang kinathang bansa na matatagpuan sa Aprika, kahihiyan at kahinaan ang nararamdaman ng Ruler ng Aburiria dahil, una, isa siyang relikya ng isang lumipas na panahon, at, pangalawa, kailangan niyang magpakababa para makuha ang pera at pabor na nagmumula sa mga dating amo. At bagaman kayang pilitin at batikusin ng mga dating amo ang dati nitong mga alagang bansa na maging higit na demokratiko, sa katotohanan ay wala silang kapangyarihan upang ipatupad ang ganoong pagbabago dahil (maliban kung sakuping muli ang postkolonyal na bansa at sapilitang ipataw ang demokrasya tulad ng ginawa sa Iraq) wala naman talaga sa kanila ang kapangyarihan at maging ang karapatan upang bigyan ng laya ang ibang tao. Tanging ang mamamayan lamang ng Aburiria ang kayang magpalaya sa sarili nito. At bagaman sa dulo ng lahat ay nagkaroon ng bagong diktador ang Aburiria, mababanaagan ang patuloy at walang katapusang laban sa pagitan ng estado at taumbayan. Dahil lagi’t laging may limitasyon ang kapangyarihan ng estado at tila walang katapusan at walang hangganan ang salita’t kuwentong paulit-ulit na binibigkas.