Biyernes, Hulyo 24, 2009

Cinemalaya Rebyu Edition (Mag-ingat sa Spoilers)

1.

Oo, nag-commute ako papuntang CCP galing Katipunan, and back. At gagawin ko ulit iyon bukas. May tanong? Sa ngayon apat na competition films pa lamang ang mapapanood ko: "Ang Panggagahasa kay Fe", "Engkwentro", "Mangatyanan" at "24K". Apat pa ang papanoorin ko bukas: "Astig", "Colorum", "Nerseri" at "Dinig Sana Kita". Naubusan na ako ng oras para mapanood agad ang "Sanglaan" at "Last Supper No. 3".

2. Engkwentro

Dinerehe ni Pepe Diokno, umiikot ang pelikula sa pagitan ni Richard, na ginampanan ni Felix Roco at Raymond, na ginampanan ni Daniel Medrana. Pinuno si Richard ng "Bagong Buwan", isang gang, habang napasali naman si Raymond sa "Batang Dilim", isang karibal na gang. Isang tulak ng bato ang kanilang ama habang nasa Maynila ang kanilang ina. Sa simula pa lamang ng pelikula, ipinapakita ang desperasyon ni Richard na makaalis sa kanilang lugar kasama si Jenny Jane, na ginampanan ni Eda Nolan, dahil may hit na nakamarka sa kanya mula sa gumagalang "City Death Squad".

At iyon marahil ang pangunahing emosyong matatagpuan sa mga pangunahing tauhan ng pelikula: ang desperasyon. May mga tauhang wala nang pagnanasa pang umalis o nawalan na ng pag-asa, tulad na lamang ng ama nina Richard at Raymond at ang pokpok na ina ni Jenny Jane. At tila wala na talagang pag-asa ang ipinipintang imahen ng pelikula para sa mga tauhan lalo na sa nagbabantang death squad. Sa huli, mauunahan ng death squad ang pag-asang kinikimkim ni Richard para sa kanila ni Jenny Jane at Raymond.

At hindi lamang sa mismong pagpatay ng death squad pinapatay ang pag-asa sa mga taong katulad nina Richard na namulat sa kahirapan at krimen. Sa kabuuan ng pelikula, paulit-ulit ang boses ng mayor ng lungsod, na nanggagaling sa radyo, at kung paano niya binibingyan ng rasyonal ang irrasyonal na pagpatay ng mga death squad. Malinaw na mas mahalaga ang pagpapairal sa kaayusan kaysa sa pagpapaunlad ng pag-asa't pagnanais na pagbabago na nais makamit ng tulad ni Richard.

Diretso ang paghuli ng pelikula sa kahirapan ng di binabanggit na lungsod (o hindi ko lang narinig na banggitin), bagaman malinaw na Davao ang tinutukoy ng pelikula. Masikip, madumi at madaming tao ang mga eskinita't daan na nilalakad ng mga tauhan at ng kamera. Ngunit hindi lamang ito ang tagpuang hinuhuli ng kamera. Sa pinakasimula, sa gitna at dulo ng pelikula, mayroong mahahabang kuha ng dagat. Isa itong malinaw na pagtatambis sa makikitid at masisikip na eskinita ng squatters area. Puno ng simbolismo ang dagat. Ito dapat ang nagbibigay ng buhay para sa mga tao ngunit hindi ito sapat para suportahan ang libo-libong nasa kahirapan. Kaya't hindi sa dagat umaasa ang mga tao kundi sa isang tila mitolohikal na lugar tulad ng "Maynila" kahit na maaaring hindi rin iba ang matagpuan nila doon kumpara sa lilikasan nila.

Isang handheld camera lamang ang ginagamit ng buong pelikula at mga continueos shots ang pangunahing gamit ng pelikula. Minimal ang editing. May mga sandali na hindi mo kita ang mga mukha ng mga tao dahil sa dilim. At walang pakialam ang pelikula kung hindi ito manalo ng best cinematography. Iyon naman talaga ang punto. Ang hindi maganda.
3. Mangatyanan

Dinerehe ni Jerrold Tarrog, tungkol ang pelikula kay Himalaya "Laya" Marquez, na gimapanan ni Che Ramos, isang photographer. Inabuso si Laya ng kanyang ama noong bata pa siya kaya't naging kimkim o di-bukas sa iba. Ipinadala siya, kasama ng tauhang ginampanan ni Neil Ryan Sese, sa Isabela para kunan ang ritwal ng Mangatyanan ng mga Labwanan.

Ayokong gawan ng psychoanalysis ang buhay ni Laya ngunit ganoon ang lumalabas. Gumagana sa malay at kubling-malay na antas ang repression na ginagawa ni Laya sa trauma na naranasan niya. Gayundin, ginagamit niya ang ritwal ng Mangatyanan, na ibig sabihin ay muling pagkabuhay, upang muling maisilang at magkaroon ng bagong buhay na nakalaya mula sa trauma na naranasan niya. Arketipal ang mga ritwal bilang pagtatangkang makipag-ugnay ng malay sa kubling-malay, ng tao sa Diyos.

Ang problemang nararanasan ni Laya ay itinatapat sa problemang nararanasan ng mga Labwanan. Hindi isang totoong katutubong grupo, sinasalamin ng grupong ito marahas na pagbabagong nangyayari sa lipunan. Sa pagkawala ng mga ritwal at mga tradisyon, maaaring nawawala na rin ang malalim na pag-unawa ng isang komunidad sa sarili.

Hindi na naman talaga bago ang tema ng pang-aabuso ngunit nananatiling makapangyarihan ang pelikula dahil sa makapangyarihang pagganap ni Che Ramos. Oo na, aaminin ko na, nagka-crush na ako sa kanya sa pagtatapos ng pelikula. Pero seryoso, magaling talaga siya. Maganda rin ang pagkaka-edit ng pelikula, ito ang pinakamalinis na sinematograpiya sa lahat ng pananood ko sa ngayon.

4. 24K

Sinulat at dinerehe ni Ana Agabin, umiikot naman ang "24k" sa limang treasure hunter, si Manok, na ginampanan ni Julio Diaz, si Boyet, na ginampanan ni Jojit Lorenzo, si Fred, na ginampanan Archi Adamos, si Karlo, na ginampanan ni Miguel Vasquez, at ni Arturo, na ginampanan ni Christian Galura, at ang paghuhukay nila sa isang dig site sa Ilocos. Wala akong masasabing banghay ang pelikula. Mas picaresque o misadventure ang dating ng pelikula. Gayundin, mas character sketch ang lumalabas na paglalarawan sa mga tauhan. Kaya marahil marami ang magsabing hindi ito isang tight na pelikula di tulad ng "Mangatyanan" o ng "Ang Panggagahasa kay Fe". Ngunit may personalidad ang pelikula at malalim ang pagtatangka nitong suyurin ang sikolohiya ng mga treasure hunter.

Nakaugnay ako sa mga tauhang treasure hunter. Sa simula pa lang, kaduda-duda kung mayroon ngang kayaman silang natagpuan. Hindi ito "Da Vinci Code" o "National Treasure" kung saan mayroon nga talagang iniwang mga clue ang mga tao. Puno ng pamahiin ang mga treasure hunter na ipinapakita ng pelikula. Sa pinakaunang eksena pa lamang, sa isang albularyo lumapit ang mga treasure hunter upang siguraduhing nasa dig site nila ang kayamanan. Gayundin, nag-aalay sila ng pagkain, beer at yosi para sa mga espiritung nagbabantay daw ng kayamanan ni Yamashita. At maging ang mga bato'y nahahanapan ng mga clue kahit na baka kathang-isip lamang ang mga ito. Tila isang relihiyon ang treasure hunting dito. Hindi ang pagkakatagpo ng kayaman ang tunay na punto kundi ang paghahanap, ang pagkabangag na nakukuha mo sa pag-asang baka nariyan na nga ang kayamanan. Di ba parang pagsulat iyon, lalo na para sa mga nagsisimula?

Ngunit hindi sapat ang umasa. Bababa sana si Manok mula sa bundok na hinuhukayan nila ngunit naantala dahil ang hihingan niya ng tulong sa pagbaba ay nasa gitna ng isang ritwal na pasasalamat pagkatapos ng ani. Dito naging malinaw kay Manok ang pinagkaiba ng ginagawa nila kumpara sa mga ordinaryong taoong tunay na umaasa sa lupa. Na di tulad nilang walang kasiguraduhan ang biyayang makakamit, ang mga trabahong tulad ng pagsasaka ay may malinaw at patuloy na biyayang nakakamit. Para sa mga treasure hunter, walang sandali ng pasasalamat hangga't hindi nakukuha ang kayamanan.

Bagaman napakapayak ng banghay at maging ng mga tauhan, nakuha pa rin ng pelikula ang atensiyon ko dahil sa pagpapatawa't sense of humor nito.

5. Ang Panggagahasa kay Fe

Biased ako para sa pelikulang ito dahil kilala ko si Sir Vim Yapan. Kaya siguro hindi ko na masyadong pag-uusapan pa ito. Nakakatuwa lang sigurong makita sa screen ang uri ng pagkukuwento na nakasanayan ko sa mga maikling kuwento at sa nobela ni Sir Vim. Panatag ang mga kuha ng kamera at maganda ang pagkakalatag ng mood sa buong pelikula. At nakakatawa ang reaksiyon ng mga manonood. Ayon sa reveiwer ng PEP na si Fidel Antonio Medel, frontrunner "Ang Panggagahasa kay Fe" at "Mangatyanan" para sa top awards ng Cinemalaya. Binanggit ata niya iyon sa review niya ng "Engkwentro".

Walang komento: