1.
Kakain sana ako ng brunch nang napadpad ako sa ANC. Aerial footage ng mga naglalakad na sundalo sa kahabaan ng Makati Ave. Kaya nag-text agad ako sa mga tao. Akala nga ni Sir Egay na nasa Makati ako. Tinext ko rin si Gino tungkol doon at nakaligtaan ko talaga na birthday nga pala niya ngayon. Interesting to know na nakatira si Carla malapit lang sa Makati RTC at pinoproblema niya kung paano siya makakauwi pero hindi pa ngayon dahil may trabaho pa rin siya kahit may kaguluhan.
Tinawagan ko si Mama sa San Pablo. Apparently, hindi rin nila alam ang nangyari noong mga panahong iyon. Noong nangyari ang Oakwood, praning na praning sila para sa akin noon. Ngayon, wala halos kaba sa boses ni Mama. Akala nga niya may kailangan ako kaya ako tumawag. Sabi niya, uuwi daw si Tetel ngayon. Sana nga, nakauwi na siya. Tinext ko din si Dad, na nasa Amerika pa rin hanggang ngayon. At sagot niya sa akin, "Mgka2gulo ba? Meron k p gus2 buks?" Ang sagot ko naman, "Wala isip ko sa mga books ngayon!" Dad talaga. Sana nakapagpabilin pero wala nga akong maisip noon.
2.
Halos natawa ako sa nangyari sa stock exchange. Pagkatapos bumaba dahil sa ginawa nina Trillanes pero pagdating ng tanghali ay tumaas na rin. Wala pake ang stock exchange sa kanila.
3.
At sa lahat ng mga araw para nangyari ito, sa araw pang ito na nilunsad ng AILAP ang nobela ni Sir Vim. Tuloy naman daw ang book launch. Kaya pumunta na lang ako ng Ateneo para mag-library. Napapirma ko na rin sa wakas ang kopya ko ng "Ang Sandali ng mga Mata." Ang mundo ng panitikan ay walang pake sa kanila.
4.
Pagdating sa Kagawaran, nagsama-sama ang mga tao sa Tinio Library at doon pinanood ang balita sa ABS-CBN. Seryoso ang panonood namin pero hindi namin maiwasang tumawa dahil kay Korina Sanchez. Kung ano-ano ang pinagtatanong niya sa kanyang mga correspondents. Highlight ng gabi ay nang tanungin niya si dating Bise Presidente Guingona nang papalabas na ang dating Bise Presidente ng Manila Pen, "Nasaan po kayo ngayon." Sagot ni Guingona, "Narito. Nasa Manila Pen." At ayon kay Korina, "aberya" ang nangyari.
Isa pang nagulat kaming mapanood ay ang pagpasok ng isang tangke sa loob ng lobby ng hotel. At ang unang hirit ni Allan Derain, "Paano na ang Palanca next year!?" Sa Manila Pen kalimitan ginaganap ang awarding ceremonies ng Palanca. Hirit naman ni Nori, "Ayan may bagong nobela na si Vim. Ang Sandali ng mga Tangke." Hirit naman ni Allan Popa, "Ang sarap pa naman ng ensaymada doon sa Manila Pen."
5.
At nang maaresto ang mga taga-media, nagbago ang takbo ng coverage. Nakalimutan na sina Trillanes at naging isyu na ng press freedom ang lahat. Sa huli, walang pake ang media kina Trillanes.
6.
Ngayon, may curfew na ipapatatag nang 12 ng hatinggabi hanggang 5 ng umaga. Ano? May pake ka ba? Ako, nanood lang ako. Sabi nga ni Amang Jun, "We live in exciting times." Pero hindi yata ito ang uri ng excitement na sinasabi niya.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento