Linggo, Nobyembre 18, 2007

Paspasan

1.

"Mga Kuwentong Paspasan" at "Stories for Harried Readers" mula sa Milflores at pinatnugutan ni Vicente Groyon ay nasa printers na at, kung pagbibigyan ng tadhana, darating sa Disyembre. Kinakabahan ako sa kuwentong ibinigay ko dahil pakiramdam ko hindi ganoong kaganda o espesyal ng aking kuwento. Ewan ko, pero baka dahil aking kuwento iyon kaya ganito ang pakiramdam ko. Inferiority complex ko lang siguro ito. Pero kung ano man, paglabas nito sa mga bookstore, bilhin nyo sana, implied reader ng blog na ito. Sigurado akong maganda ang ibang mga kuwento. sa totoo lang, excited akong makakuha ng kopya para mabasa ang ibang mga kuwento.

2.

Paalis si Dad papuntang Amerika sa darating na Miyerkules. Sasamahan niya si Lola papuntang New Jersey kung saan nakatira si Ate Rowena. Pinetisyon kasi ni Ate Rowena si Lola at naaprubahan na ito kamakailan. Kung ano man, hapit itong pag-alis na ito dahil hindi pa naman talaga dumarating ang visa ni Lola. Kaya umaasa silang darating agad ang visa.

Kung walang mabubulilyaso, plano ni Dad na dumaan muna sila ni Lolo sa San Francisco para doon ay maggala at magliwaliw. Pagkatapos ay lilipad silang papuntang New York. Wala silang mahanap na ticket papuntang Newark dahil papalapit na Thanksgiving season sa Amerika.

Bakit mag-aalsabalutan ang Lola kong higit 60? Sa totoo lang, malakas na malakas pa si Lola, ang natitira kong lola. Namatay na ang lola ko sa panig ng aking ina at pareho nang patay ang aking mga lolo, sumalangit nawa sila. Tinanong ko ito kay Dad kanina. Sagot niya: bakasyon at para mag-alaga ng mga bata. Ewan ko ba kung bakit hindi na lang sa San Pablo tumira si Lola kung nais rin lamang niyang guminhawa ang buhay. Kayang-kaya naman ni Dad na alagaan si Lola sa San Pablo. Hindi naman marahil problema ang para kinana Mama at Dad na patirahin sa bahay si Lola. Pero kung pag-aalaga ng bata, aba'y ibang usapan na iyan. Plano kasi ni Ate Rowena at Kuya Romy na magkaanak. Sana nga naman kapag dumating si Lola ay matuloy ang planong ito. Palagi kasing pagod si Ate Rowena. Pero 16 hour shifts palagi siya doon sa ospital na pinagtatrabahuhan niya.

Nababagabag talaga ako sa pangyayaring ito. Sa sobrang pagkabigla nang malaman ko ang balitang ito noong isang buwan, natanim sa aking isipan ang isang simulain para sa isang nobela. Hindi ako sigurado kung maisusulat ko nga ang nobelang iyon. Pero ganoon ang pagkabagabag ko, pangnobelang uri ng bagabag.

3.

Napapanood n'yo ba yung "Ramdam nila ang asenso" commercials? Ewan ko pero parang hindi ko kailangan ng isang commercial para ipaalam sa akin kung may pag-asenso nga bang nangyayari. Ipinapakita ng commercial na ito ang asensong dumarating sa mga ordinaryong mga mamamayan. Mula sa mga OFW at ang mga pamilya nila hanggang sa mga IT, call center agents at medical transcriptionists. Subalit ang "asensong" ito ay nasa aspektong ekonomikal lamang. Paano ang ispirituwal at ang moral? Marahil hindi ito mahalaga sa mga gumagawa ng mga komersiyal na ito. Gayun din, mangahas bagaman mailag din ang sinasabi nilang "Ramdam nila ang asenso." Pinangungunahan nitong may asenso ngang nangyayari, at kung titingnan nga ang mga datos, ay tunay nga namang tumataas ang GDP o GNP o kung ano pa. Pero mahalaga ring pansinin ang paggamit ng salitang "nila." Sila ang umaasenso. Silang mga OFW na iniwan ang kanilang mga pamilya dahil wala silang matagpuang trabahong magbibigay sa kanila ng asenso dito. Silang mga call center agent na salita nang salita ngunit wala namang nasasabi para sa kanilang sarili. Silang mga medical transcriptionists na pindot nang pindot sa keyboard ngunit wala namang nasusulat para sa kanilang sarili. Salapi nga lang ba talaga ang sukatan ng asenso?

4.

Kamakailan, napatay sa isang engkuwentro ang mga suspek sa pambobomba ng Batasan. Pero kailangan pa nga bang patayin ang mga iyon? Wala bang pamamaraan ang pulisya natin kung saan ang mga suspek/saksi ay hindi mamamatay? Kaya't imbes na case solve, ang dami pa ring mga tanong ang nananatili. Mga nagtatrabaho daw ang mga napatay na suspek para sa isang karibal ng namatay na kongresista mula Basilan. Daw. Ngayong patay na sila, mahirap nang malaman iyon, hane? Mayroon kayang psychic ang SOCO? Tara, lets interrogate the dead.

EDIT:

Hindi pala lahat ng mga suspek ay namatay sa raid. Tatlo ang nahuling buhay bagaman todo deny sila sa mga akusasyon. Gumawa naman ng isang independent na komisyon ang isang organisasyon ng mga Filipinong Muslim, hindi ko tanda ang pangalan ng organisasyon. Huwag sanang tumagal o mabulilyaso ang (mga) imbestigasyon na ito.

(Ayan na naman, kilikili lit naman ako. Why am I so angry?)

Walang komento: