1.
Merong convention ngayon ang PAMS. Ginaganap ito sa Shangri-La Edsa. (Nang mga nakalipas na taon, kung hindi ako nagkakamali, ay dinadaos ito sa Shangri-La Makati. Pero alam nyo na ang nangyari doon.) Taon-taon ito at sa nakalipas na mga taon ay madalas dumadalo si Mama kaya't palagi kaming nagtse-check-in sa hotel. Sa pagkakaalam ko, libre bayad sa hotel bagaman hindi ko alam ang proseso kung paano iyon naging libre. Dahil sa totoo lang hindi kami yung pamilya at mga taong naghohotel lang nang basta-basta. Maliban sa mga convention na kagaya nito, hindi kami nagho-hotel.
Ewan ko ba pero parang iba ang dating ng mga high class na hotel kagaya ng Shangri-La. Marahil dahil hindi lang ako sanay pero parang napakapeke ng karanasan ko kapag nagpapalipas ng gabi doon. Parang napakakintab ng lahat, ng mga sahig, salamin, mesa, bintana, pintuan. Parang sobrang lambot ng mga unan, kumot at kama. Parang sobrang lamig ng mga silid. Parang napakabait ng mga tao. Parang OA. Parang humahangga sa hindi totoo.
Lumalabas na yata ang pagka-middle-class at pagkapromdi ko.
2.
May complimentary breakfast para sa dalawang tao ang aming pagtigil sa hotel. Kaya magkasama kami ni Dad na kumain ng agahan sa restawrant ng hotel. Mala-buffet ang kainan kaya siyempre puno ang plato ko. Kung hindi man mga taong kasama sa convention o mga turista (isang buong bus ng mga Koreana [yata hindi ako sigurado] ang nakita naming binaba sa tapat ng hotel), mga businessmen at business women ang nakasama naming kumain doon. Yung mga tipong upper middle class at upper class na mga tao. Yung milyon-milyon ang kinikita taon-taon. Isa na rito ang dalawang babaeng nakain sa karatig na mesa. Isa sa kanila ay mukhang may mysophobia. Nakabalot sa plastik ang kanyang upuan. May tissue paper siya kapag hinahawakan niya ang kanyang mga kubyertos. May plastik din ang kanyang kamay sa paghawak niya sa kanyang cellphone. Maging kanyang shoulder bag ay may balot na plastik. Ewan ko pero parang ito na ang pinakamayabang na phobia na makukuha ng isang tao. Isipin mo na lang ang pakiramdam ng mga empleyado ng hotel na nakikipag-usap at nagbibigay ng serbisyo sa ganitong tao. Na tila nakapandidiri para sa kanya ang platong ibinigay mo, ikaw ang pinanggagaligan ng dumi. Na para bang napakalinis niya, na walang e. coli at iba pang bacteria ang kanyang bituka, na para bang napakalinis niya hindi dapat madapuan.
Pero hindi ito marahil intensyun ng maysakit nito. Nakakalikha lamang ng ang ganitong uri ng pamumuhay ng isang mayabang na dating. Marahil may nangyari sa kanyang kabataan kung kaya't may ganoon siyang uri ng phobia. Siguro, kung lumaki siya sa probinsya, kasama ang mga puno, ilog, bundok at iba pang arketipo ng kalikasan, mrahil wala siyang ganoong uri ng phobia.
3.1
Pinanood ko sa TV ang finals ng 9-Ball World Pool Championships. Hind buo. Putol-putol rin. (Napapagitan ang Shangri-La Edsa ng Megamall at Shangri-La Plaza, mahirap magkulong lang sa silid ng hotel.) Pinanoo ko ang laban mula nang 11-10 ang score pabor kay Peach ang laban hanggang 15-12 na pabor kay Gomes. Pumanaog ako para maghapunan kasama ang pamilya at naiwan ko ang laban sa ganoong score. Pagkatapos ng hapunan at pumanhik na ulit ako ng silid para ipagpatuloy ang panonood, nagulat na lamang akong makita ang score na 16-15 pabor kay Peach. Sa kahabaan ng pagkain ko ng hapunan, humarurot na si Peach. Hindi na niya halos pinaglaro si Gomes sa huling rack. Nakakalungkot na makitang matalo si Gomes. (Ang ganda kasi ng kanyang laro sa mga nakalipas na araw.) Pero hindi naman iyon nakapagtataka. Parehong magaling sina Gomes at Peach. Ipinakita lamang ni Peach na mas matatag ang kanyang konsentrasyon kumpara sa nakababatang si Gomes. kung tutuusin, pareho silang overachiever sa tournament na ito. Sa simula, walang makapagsasabing sila ang magkikita sa finals. Kung ano man, congratulations sa kanilang dalawa. Sana makita ko pa sa susunod na mga laban sina Gomes at Peach.
3.2
Nakasalubong namin si Django Bustamante sa labas ng Shangri-La Plaza. Wala lang.
4.
May isang pader na naghihiwalay sa Megamall at Shangri-La. Medyo malayo ang lakad bago makaikot dito. Para itong dingding na pumapaligid sa Forbes Park.
5.
Balik Katipunan na ako. Balik sa pagiging MA student. Tama na ang pagpapakasasa.
(Parang napaka-Marxist ng post na ito.)
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento