Huwebes, Nobyembre 29, 2007

Welcome to the Age of Postmodernism

1.

Kakain sana ako ng brunch nang napadpad ako sa ANC. Aerial footage ng mga naglalakad na sundalo sa kahabaan ng Makati Ave. Kaya nag-text agad ako sa mga tao. Akala nga ni Sir Egay na nasa Makati ako. Tinext ko rin si Gino tungkol doon at nakaligtaan ko talaga na birthday nga pala niya ngayon. Interesting to know na nakatira si Carla malapit lang sa Makati RTC at pinoproblema niya kung paano siya makakauwi pero hindi pa ngayon dahil may trabaho pa rin siya kahit may kaguluhan.

Tinawagan ko si Mama sa San Pablo. Apparently, hindi rin nila alam ang nangyari noong mga panahong iyon. Noong nangyari ang Oakwood, praning na praning sila para sa akin noon. Ngayon, wala halos kaba sa boses ni Mama. Akala nga niya may kailangan ako kaya ako tumawag. Sabi niya, uuwi daw si Tetel ngayon. Sana nga, nakauwi na siya. Tinext ko din si Dad, na nasa Amerika pa rin hanggang ngayon. At sagot niya sa akin, "Mgka2gulo ba? Meron k p gus2 buks?" Ang sagot ko naman, "Wala isip ko sa mga books ngayon!" Dad talaga. Sana nakapagpabilin pero wala nga akong maisip noon.

2.

Halos natawa ako sa nangyari sa stock exchange. Pagkatapos bumaba dahil sa ginawa nina Trillanes pero pagdating ng tanghali ay tumaas na rin. Wala pake ang stock exchange sa kanila.

3.

At sa lahat ng mga araw para nangyari ito, sa araw pang ito na nilunsad ng AILAP ang nobela ni Sir Vim. Tuloy naman daw ang book launch. Kaya pumunta na lang ako ng Ateneo para mag-library. Napapirma ko na rin sa wakas ang kopya ko ng "Ang Sandali ng mga Mata." Ang mundo ng panitikan ay walang pake sa kanila.

4.

Pagdating sa Kagawaran, nagsama-sama ang mga tao sa Tinio Library at doon pinanood ang balita sa ABS-CBN. Seryoso ang panonood namin pero hindi namin maiwasang tumawa dahil kay Korina Sanchez. Kung ano-ano ang pinagtatanong niya sa kanyang mga correspondents. Highlight ng gabi ay nang tanungin niya si dating Bise Presidente Guingona nang papalabas na ang dating Bise Presidente ng Manila Pen, "Nasaan po kayo ngayon." Sagot ni Guingona, "Narito. Nasa Manila Pen." At ayon kay Korina, "aberya" ang nangyari.

Isa pang nagulat kaming mapanood ay ang pagpasok ng isang tangke sa loob ng lobby ng hotel. At ang unang hirit ni Allan Derain, "Paano na ang Palanca next year!?" Sa Manila Pen kalimitan ginaganap ang awarding ceremonies ng Palanca. Hirit naman ni Nori, "Ayan may bagong nobela na si Vim. Ang Sandali ng mga Tangke." Hirit naman ni Allan Popa, "Ang sarap pa naman ng ensaymada doon sa Manila Pen."
5.

At nang maaresto ang mga taga-media, nagbago ang takbo ng coverage. Nakalimutan na sina Trillanes at naging isyu na ng press freedom ang lahat. Sa huli, walang pake ang media kina Trillanes.

6.

Ngayon, may curfew na ipapatatag nang 12 ng hatinggabi hanggang 5 ng umaga. Ano? May pake ka ba? Ako, nanood lang ako. Sabi nga ni Amang Jun, "We live in exciting times." Pero hindi yata ito ang uri ng excitement na sinasabi niya.

Martes, Nobyembre 27, 2007

"3... 2... 1..."

The Ateneo Institute of Literary Arts and Practices (AILAP) of the Filipino Department, School of Humanities, Loyola Schools, invites the community to two book launches on November27 and 29, 2007, 3:00 p.m. at the Escaler Hall, Ateneo Loyola Heights campus.

On November 27, the book “101 Filipino Icons” published by Adarna House will be launched. Acting Dean Dr. Benilda Santos of the School of Humanities will give the opening remarks and National Artist Virgilio Almario will deliver a lecture entitled “Ang Kahalagahan ng mga Sagisag ng Kultura (The importance of cultural symbols).”

On November 29, Alvin Yapan's novel “Ang Sandali ng mga Mata,” co-winner of the National Book Award this year for the novel category and published by the Ateneo University Press, will be launched. Mr. Yapan will give a lecture during the launch.

Lunes, Nobyembre 26, 2007

WTF!?:An Update

Nagkaroon na ng first meeting noong nakalipas na Sabado para sa Fil 203 at Fil 217.2. Hindi pa ibinibigay ni Sir Mike ang kanyang syllabus pero, dahil naging titser ko na rin siya noong undergrad ako, sigurado akog libro ang ipapabasa niya para sa amin. Para naman kay Sir Allan libro din. Siyam na libro, kung hindi ako nagkakamali. Siyam na poetry books ang nakatoka sa amin para basahin ngayong sem. Puro Amerikano ito. Kasama ang "Ariel" ni Sylvia Plath, "self Portrait in a Convex Mirror" ni John Ashberry, "Howl and Other Poems" ni Allen Ginsberg. Halos isang poetry collection kami every week. May maikling papel naman na kailangang ipasa bilang reaction paper every week. Partner kami ni Nikka para magreport tungkol sa collection ni George Oppen. Iniwan na sa Fil Dept ang kopya ng mga ito maliban sa isang poetry collection ni Robert Creeley. I will know more about poetry in one sem compared to what I have learned in the past six years. Yehey for me. Excited na akong makarating sa L=A=N=G=U=A=G=E poetry.

Linggo, Nobyembre 18, 2007

Paspasan

1.

"Mga Kuwentong Paspasan" at "Stories for Harried Readers" mula sa Milflores at pinatnugutan ni Vicente Groyon ay nasa printers na at, kung pagbibigyan ng tadhana, darating sa Disyembre. Kinakabahan ako sa kuwentong ibinigay ko dahil pakiramdam ko hindi ganoong kaganda o espesyal ng aking kuwento. Ewan ko, pero baka dahil aking kuwento iyon kaya ganito ang pakiramdam ko. Inferiority complex ko lang siguro ito. Pero kung ano man, paglabas nito sa mga bookstore, bilhin nyo sana, implied reader ng blog na ito. Sigurado akong maganda ang ibang mga kuwento. sa totoo lang, excited akong makakuha ng kopya para mabasa ang ibang mga kuwento.

2.

Paalis si Dad papuntang Amerika sa darating na Miyerkules. Sasamahan niya si Lola papuntang New Jersey kung saan nakatira si Ate Rowena. Pinetisyon kasi ni Ate Rowena si Lola at naaprubahan na ito kamakailan. Kung ano man, hapit itong pag-alis na ito dahil hindi pa naman talaga dumarating ang visa ni Lola. Kaya umaasa silang darating agad ang visa.

Kung walang mabubulilyaso, plano ni Dad na dumaan muna sila ni Lolo sa San Francisco para doon ay maggala at magliwaliw. Pagkatapos ay lilipad silang papuntang New York. Wala silang mahanap na ticket papuntang Newark dahil papalapit na Thanksgiving season sa Amerika.

Bakit mag-aalsabalutan ang Lola kong higit 60? Sa totoo lang, malakas na malakas pa si Lola, ang natitira kong lola. Namatay na ang lola ko sa panig ng aking ina at pareho nang patay ang aking mga lolo, sumalangit nawa sila. Tinanong ko ito kay Dad kanina. Sagot niya: bakasyon at para mag-alaga ng mga bata. Ewan ko ba kung bakit hindi na lang sa San Pablo tumira si Lola kung nais rin lamang niyang guminhawa ang buhay. Kayang-kaya naman ni Dad na alagaan si Lola sa San Pablo. Hindi naman marahil problema ang para kinana Mama at Dad na patirahin sa bahay si Lola. Pero kung pag-aalaga ng bata, aba'y ibang usapan na iyan. Plano kasi ni Ate Rowena at Kuya Romy na magkaanak. Sana nga naman kapag dumating si Lola ay matuloy ang planong ito. Palagi kasing pagod si Ate Rowena. Pero 16 hour shifts palagi siya doon sa ospital na pinagtatrabahuhan niya.

Nababagabag talaga ako sa pangyayaring ito. Sa sobrang pagkabigla nang malaman ko ang balitang ito noong isang buwan, natanim sa aking isipan ang isang simulain para sa isang nobela. Hindi ako sigurado kung maisusulat ko nga ang nobelang iyon. Pero ganoon ang pagkabagabag ko, pangnobelang uri ng bagabag.

3.

Napapanood n'yo ba yung "Ramdam nila ang asenso" commercials? Ewan ko pero parang hindi ko kailangan ng isang commercial para ipaalam sa akin kung may pag-asenso nga bang nangyayari. Ipinapakita ng commercial na ito ang asensong dumarating sa mga ordinaryong mga mamamayan. Mula sa mga OFW at ang mga pamilya nila hanggang sa mga IT, call center agents at medical transcriptionists. Subalit ang "asensong" ito ay nasa aspektong ekonomikal lamang. Paano ang ispirituwal at ang moral? Marahil hindi ito mahalaga sa mga gumagawa ng mga komersiyal na ito. Gayun din, mangahas bagaman mailag din ang sinasabi nilang "Ramdam nila ang asenso." Pinangungunahan nitong may asenso ngang nangyayari, at kung titingnan nga ang mga datos, ay tunay nga namang tumataas ang GDP o GNP o kung ano pa. Pero mahalaga ring pansinin ang paggamit ng salitang "nila." Sila ang umaasenso. Silang mga OFW na iniwan ang kanilang mga pamilya dahil wala silang matagpuang trabahong magbibigay sa kanila ng asenso dito. Silang mga call center agent na salita nang salita ngunit wala namang nasasabi para sa kanilang sarili. Silang mga medical transcriptionists na pindot nang pindot sa keyboard ngunit wala namang nasusulat para sa kanilang sarili. Salapi nga lang ba talaga ang sukatan ng asenso?

4.

Kamakailan, napatay sa isang engkuwentro ang mga suspek sa pambobomba ng Batasan. Pero kailangan pa nga bang patayin ang mga iyon? Wala bang pamamaraan ang pulisya natin kung saan ang mga suspek/saksi ay hindi mamamatay? Kaya't imbes na case solve, ang dami pa ring mga tanong ang nananatili. Mga nagtatrabaho daw ang mga napatay na suspek para sa isang karibal ng namatay na kongresista mula Basilan. Daw. Ngayong patay na sila, mahirap nang malaman iyon, hane? Mayroon kayang psychic ang SOCO? Tara, lets interrogate the dead.

EDIT:

Hindi pala lahat ng mga suspek ay namatay sa raid. Tatlo ang nahuling buhay bagaman todo deny sila sa mga akusasyon. Gumawa naman ng isang independent na komisyon ang isang organisasyon ng mga Filipinong Muslim, hindi ko tanda ang pangalan ng organisasyon. Huwag sanang tumagal o mabulilyaso ang (mga) imbestigasyon na ito.

(Ayan na naman, kilikili lit naman ako. Why am I so angry?)

Martes, Nobyembre 13, 2007

Isa pang hakbang patungo sa Kaguluhan

Huwag sana nilang sabihing gawa ito ng utot ni JDV dahil wala na si JDV sa Batasang Pambansa nang mga panahong iyon. Hindi kagaya ng nangyari sa Glorietta, na hindi pa rin malinaw kung anong nangyari gayong halos isang buwan na ang lumipas, malinaw na isa itong atake sa pamahalaan at sa bayan. Isa na raw ang namatay at isa ang nasa kritikal na kundisyon habang may ilang mga kongresista'y nasugatan. Ano ang magiging epekto nito sa ating bayan ay hindi sigurado. Palagi namang ganoon. Sa panahong ito, palaging walang sigurado. Meron lang palaging bomba.

Lunes, Nobyembre 12, 2007

Isang Mahabang Post Bago ang Simula ng Semestre

1.

Merong convention ngayon ang PAMS. Ginaganap ito sa Shangri-La Edsa. (Nang mga nakalipas na taon, kung hindi ako nagkakamali, ay dinadaos ito sa Shangri-La Makati. Pero alam nyo na ang nangyari doon.) Taon-taon ito at sa nakalipas na mga taon ay madalas dumadalo si Mama kaya't palagi kaming nagtse-check-in sa hotel. Sa pagkakaalam ko, libre bayad sa hotel bagaman hindi ko alam ang proseso kung paano iyon naging libre. Dahil sa totoo lang hindi kami yung pamilya at mga taong naghohotel lang nang basta-basta. Maliban sa mga convention na kagaya nito, hindi kami nagho-hotel.

Ewan ko ba pero parang iba ang dating ng mga high class na hotel kagaya ng Shangri-La. Marahil dahil hindi lang ako sanay pero parang napakapeke ng karanasan ko kapag nagpapalipas ng gabi doon. Parang napakakintab ng lahat, ng mga sahig, salamin, mesa, bintana, pintuan. Parang sobrang lambot ng mga unan, kumot at kama. Parang sobrang lamig ng mga silid. Parang napakabait ng mga tao. Parang OA. Parang humahangga sa hindi totoo.

Lumalabas na yata ang pagka-middle-class at pagkapromdi ko.

2.

May complimentary breakfast para sa dalawang tao ang aming pagtigil sa hotel. Kaya magkasama kami ni Dad na kumain ng agahan sa restawrant ng hotel. Mala-buffet ang kainan kaya siyempre puno ang plato ko. Kung hindi man mga taong kasama sa convention o mga turista (isang buong bus ng mga Koreana [yata hindi ako sigurado] ang nakita naming binaba sa tapat ng hotel), mga businessmen at business women ang nakasama naming kumain doon. Yung mga tipong upper middle class at upper class na mga tao. Yung milyon-milyon ang kinikita taon-taon. Isa na rito ang dalawang babaeng nakain sa karatig na mesa. Isa sa kanila ay mukhang may mysophobia. Nakabalot sa plastik ang kanyang upuan. May tissue paper siya kapag hinahawakan niya ang kanyang mga kubyertos. May plastik din ang kanyang kamay sa paghawak niya sa kanyang cellphone. Maging kanyang shoulder bag ay may balot na plastik. Ewan ko pero parang ito na ang pinakamayabang na phobia na makukuha ng isang tao. Isipin mo na lang ang pakiramdam ng mga empleyado ng hotel na nakikipag-usap at nagbibigay ng serbisyo sa ganitong tao. Na tila nakapandidiri para sa kanya ang platong ibinigay mo, ikaw ang pinanggagaligan ng dumi. Na para bang napakalinis niya, na walang e. coli at iba pang bacteria ang kanyang bituka, na para bang napakalinis niya hindi dapat madapuan.

Pero hindi ito marahil intensyun ng maysakit nito. Nakakalikha lamang ng ang ganitong uri ng pamumuhay ng isang mayabang na dating. Marahil may nangyari sa kanyang kabataan kung kaya't may ganoon siyang uri ng phobia. Siguro, kung lumaki siya sa probinsya, kasama ang mga puno, ilog, bundok at iba pang arketipo ng kalikasan, mrahil wala siyang ganoong uri ng phobia.

3.1

Pinanood ko sa TV ang finals ng 9-Ball World Pool Championships. Hind buo. Putol-putol rin. (Napapagitan ang Shangri-La Edsa ng Megamall at Shangri-La Plaza, mahirap magkulong lang sa silid ng hotel.) Pinanoo ko ang laban mula nang 11-10 ang score pabor kay Peach ang laban hanggang 15-12 na pabor kay Gomes. Pumanaog ako para maghapunan kasama ang pamilya at naiwan ko ang laban sa ganoong score. Pagkatapos ng hapunan at pumanhik na ulit ako ng silid para ipagpatuloy ang panonood, nagulat na lamang akong makita ang score na 16-15 pabor kay Peach. Sa kahabaan ng pagkain ko ng hapunan, humarurot na si Peach. Hindi na niya halos pinaglaro si Gomes sa huling rack. Nakakalungkot na makitang matalo si Gomes. (Ang ganda kasi ng kanyang laro sa mga nakalipas na araw.) Pero hindi naman iyon nakapagtataka. Parehong magaling sina Gomes at Peach. Ipinakita lamang ni Peach na mas matatag ang kanyang konsentrasyon kumpara sa nakababatang si Gomes. kung tutuusin, pareho silang overachiever sa tournament na ito. Sa simula, walang makapagsasabing sila ang magkikita sa finals. Kung ano man, congratulations sa kanilang dalawa. Sana makita ko pa sa susunod na mga laban sina Gomes at Peach.

3.2

Nakasalubong namin si Django Bustamante sa labas ng Shangri-La Plaza. Wala lang.

4.

May isang pader na naghihiwalay sa Megamall at Shangri-La. Medyo malayo ang lakad bago makaikot dito. Para itong dingding na pumapaligid sa Forbes Park.

5.

Balik Katipunan na ako. Balik sa pagiging MA student. Tama na ang pagpapakasasa.

(Parang napaka-Marxist ng post na ito.)

Biyernes, Nobyembre 09, 2007

Pagharurot o Pagbulusok?

1.

Nag-enrol na ako kanina. Ang kinuha kong mga klase ay:

FIL 203 A MAPANURING KASAYSAYAN NG PANITIKAN NG PILIPINAS 3 SAT 1300-1600 F-113 COROZA, MICHAEL M.

FIL 217.2 A MGA KAISIPAN SA PANITIKAN: KANLURANIN 3 SAT 0900-1200 F-304 POPA, ALLAN C.

LIT 233 A MODERN POETRY 3 M-W-F 1530-1630 CTC 303 SERRANO, VINCENZ C.

Last minute na desisyon ang pagkuha ko ng Modern Poetry. Naisip kong mainam na balanse sa aking kaalaman ang pagkuha ko nito. At mukhang magiging interesante na maging guro ko ulit si Sir Vince na huli kong naging teacher noong Second Year ako, apat-limang taon na ang nakakaraan. (Uhugin pa ako.) At ayon kay Ate Mel, ito na huli kong siyam na units bago ako maaaring mag-compre. Panahon na para hasain ang aking French (may language requirement e) at humingi kay Sir Vim ng reading list para sa compre. (Ang yabang, parang papasa na sa last sem na ito.) [Aba'y full student ako, nakakahiya naman kung pumalpak pa ako.]

2.

Madali raw makita ang Comet Holmes ngayon. Pero sa masungit na panahong ito, paano ko makikita iyan?

3.

Pagkatapos na kamuntikang matalo kagabi, pinagbakasyon nang maaga ni Django Bustamante si Alex Pagulayan. Ang hirap panoorin ang laban nila dahil hindi ko alam kung sino ang susuportahan. Sa huli, hindi mapigil-pigil si Django at pinanood lamang ni Alex na maglinis ng bola ang binansagang Pinakamagaling na Manlalarong Hindi Pa Nananalo ng World Championship. Ito kaya ang taon ni Django? Sana. Pero nariyan pa ang mga mas nakababatang sina Joven Bustamante at Roberto Gomez. At mukhang magagaling ang labang ipinakita ng mga Europeo. At huwag kalimutan ang mga taga-Taiwan na karibal nating Pinoy sa laro ng bilyar.

4.

Kagaya ng sinabi ni wingspread, isang naaayong alegorya ng pagpapakamatay ni Mariannet sa kalagayan Pilipinas at ng maraming Filipino sa Pilipinas ngayon. Ayon sa news clip na narinig ko radyo, may mag-asawa raw sa Pasig na namigay ng mga gamit sa pamilya ni Mariannet pagkatapos mapanood sa TV ang nangyari sa bata. At kasama ng damit at pera ay ang isang mountain bike na bahagi sa hiniling ni Mariannet sa isang di naibigay na sulat para sa "Wish Ko Lang". Ewan ko ba pero parang ang weird na reaksiyon ito. Aanhin pa ang bike kung wala na ang bata? Baka pwede pang ibigay kay Reynald, kapatid ni Mariannet, ang bike. Napapailing lang talaga ako sa nangyayari. Bakit ngayon lang na namatay ang isang bata upang kumilos? Ilan kayang bata ang namamatay/nagpapakamatay araw-araw?

Miyerkules, Nobyembre 07, 2007

Frame

1.

Nilagay ko na kanina sa isang frame ang aking diploma. Nakakaligtaan kong gawin ito nang mga nakalipas na araw. Mas magandang tingnan ang diploma kapag nasa frame.

2.

Sinusubaybayan ko ngayon ang World Pool Championships. Ang daming pinoy ngayong taon na nakapasok sa final 64. Pasok na sina Jeff de Luna at Django Bustamante sa final 32. Hindi ako marunong magbilyar pero nakakatuwa talagang manood.

3.

Tinatapos ko ngayon ang mga nobelang naudlot ang pagbabasa. Katatapos ko lang kanina ng "Bulaklak ng Maynila" ni Domingo Landicho. Tinatapos ko naman ngayon ang "The Death of Artemio Cruz" ni Carlos Fuentes. Susunod kong babasahin, sana, ang "Balthasar and Blimunda" ni Jose Saramago at "Things Fall Apart" ni Chinua Achebe. Sana magaan-gaan ang required readings para sa darating na semestre.

4.

Mga balak kong kunin sa darating na semestre:

Sigurado:

FIL 203 A MAPANURING KASAYSAYAN NG PANITIKAN NG PILIPINAS 3 SAT 1300-1600 F-113 COROZA, MICHAEL M.

Pinag-iisipan pa:

FIL 206 A MAPANURING PAR-AARAL SA BUHAY AT MGA AKDA NI RIZAL 3 T 1630-1930 FIL DEPT BELLEN, CHRISTINE S.

FIL 217.2 A MGA KAISIPAN SA PANITIKAN: KANLURANIN 3 SAT 0900-1200 F-304 POPA, ALLAN C.

LIT 253 A THE MODERN NOVEL 3 TH 1630-1930 SEC-A210A TO BE ARRANGED

COM 219.1 A SPECIAL TOPICS IN FILM: LITERATURE AND FILM 3 T 0900-1200 COM D TO BE ARRANGED

PH 213 A HISTORY OF ANCIENT INDIAN THOUGHT 3 T-TH 1630-1800 K-202 RASIAH, FR. FRANCIS J.

Balak kong kumuha ng 9 units ngayong second sem. Required and Fil 203. Mukhang magiging guro na naman si Sir Mike. Kukuha ako ng isa pang Fil class at pinagpipilian ko ang tungkol kay Rizal at ang sa Kanluranin. May pagkiling ako sa klase ni Sir Allan Popa bilang subject pero ayoko dahil sa schedule kasi magbubuong araw ako niyan tuwing Sabado. Pero baka iyon na rin ang kunin ko. May isa pa akong elective at kung kukunin ko ang Kanluranin baka kunin ko naman ang History of Ancient Indian Thought para balanse. Pero nagdadalawang isip ako dahil hindi ako pamilyar sa MA level na Philo. Gusto ko ring kunin ang The Modern Novel na offer ng English Dept dahil ituturo daw ito ng isang visiting professor. At mukhang komplementaryo ito sa ituturo ni Sir Allan. Kaya nga lang, kung kukunin ko ito, ito ang magiging pangatlo kong kursong puro nobela ang binabasa ko. Yung Nobelang Tagalog sa ilalim ni Sir Vim at yung Development of Fiction sa ilalim ni Sir DM. Hindi naman sa nabuburat ako sa nobela. Puros nobela naman talaga ang binabasa ko. Iniisip ko ring baka magandang kunin ang Literature and Film para maiba naman. Pero sa ngayon, toss up ang History of Ancient Indian Thought at The Modern Novel.

5.

May tatlo akong sinusulat na maikling kuwento ngayon, sabay-sabay. At hindi ko sila matapos-tapos. Asar.

Biyernes, Nobyembre 02, 2007

Strike

1.

Kahapon may bumanggang traysikel sa aming kotse. Tinakbuhan kami. Pumarada kami sa isang kanto at hinabol ni Dad ang traysikel. Dahil trapik, naabutan niya. Pinagsususuntok niya. Kaya paga ngayon ang kanyang kamay. Gasgas lang naman ang natamo ng kotse. Kailangan pa bang magkasuntukan? Nauunawaan ko naman ang ginawa ni Dad. Alagang-alaga niya ang aming mga kotse. Pero nakakatwang mapainsin ang napaka-middle class na pagtingin sa kotse. Na para bang ikaw na mismo ang sinampal. Tang ina, gasgas lang iyan sa isang inanimate object! Kaya nahiya talaga ako sa nangyari.

2.

Strike ngayon ang Writers Guild of America. Ibig sabihin? Mauudlot ang pinakasusubaybayan ninyong (hindi ako nakakapag-download at kauti lang ang channel dito sa San Pablo) mga palabas katulad ng Heroes at House. Mukhang magiging madugo ito. Magiging mas astig pa isang reality tv.

3.

Ang daming sinokmani dito sa bahay.