(Matagal-tagal ko na ring hindi napag-uusapan ang mga nababasa ko.)
Nakita ni Sir Vim na binabasa ko itong "The Tin Drum" ni Gunter Grass noong nakalipas na Nobyembre sa cubicle ko. Agad na hirit ni Sir, "Baliw 'yan 'no?" Kung ang pangunahing tauhan at tagapagsalaysay ng nobela ay nakakulong sa loob ng isang mental hospital at inaalala ang kanyang buhay, tama nga siguro ang hirit na iyon.
Si Oskar Matzerath ang pangunahing tauhan at tagapagsalaysay ng nobela. Sa kanyang pagbabalik-tanaw sa kanyang buhay, hindi lamang niya nababalikan ang kanyang personal na kasaysayan, gayun ang masalimuot na kasaysayan ng lungsod ng Danzig, na ngayo'y tinatawag nang Gdansk, ng Poland at ng Germany. Sinimulan niya ang kanyang kuwento bago pa man siya ipanganak, sa kuwento ng kanyang lolo't lola sa ina, kung kailan ipinapakilala ang kanyang lolo bilang isang nasyonalistang Pole sa panahong walang bansang Poland. At sa kalakhan ng nobela, lumalabas ang tensiyong ito ng nasyonalismo, relihiyon at lahi. Maigting ang tensiyon sa pagitan ng kanyang amang Aleman, na magiging miyembro ng partidong Nazi, ang kanyang ina at tiyong Pole, at habang siya'y lumalaki, sa pagitan ng kanyang sarili at sa kanyang mga makakasalamuhang mga tauhan sa Danzig.
Kronolohikal ang buong banghay ng nobela kaya't mahirap malito. Pansin nga ni Allan Derain, na kapit-cubicle ko, na parang mga maiikling kuwento ang bawat kabanata ng nobela. May dinaragdaga ang bawat kabanata tungkol sa buhay ni Oskar at gayun din sa buong karanasan ng panahong iyon. Ang kabaliwan at gayun din ang katauhan ng mga tao sa nakalilitong panahong iyon.
Gumagamit si Grass ng mga teknik na masasabing fantastic at magic realism. Ngunit naniniwala ako na walang iisang batayan kung ano ang "real" o "totoo." Dahil nga kamalayan ni Oskar ang nagsasalaysay ng nobela, ang kanyang partikular na pag-unawa sa mundo ang mababasa. At kaakit-akit ang kamalayang ito dahil hindi isang payak na mundo kung saan ang moralidad ay malinaw sa pagitan ng masama at mabuti. Si Oskar ay isang duwag, manloloko at traydor sa kanyang mga kasama ngunit sa huling bahagi ng kanyang kanyang talambuhay, sa panahon pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, mahihinuha ang pagbabago sa kanya. Kung pagsisisi man ito, hindi ito pagsisisi na pag-iyak at pag-amin. Hindi ganoong kasimple ang pagbabago na nangyari kay Oskar.
Mahaba ang nobela, siksik sa mga pangyayari, kakaiba't nakatutuwa. Habang tumatagal, nahuhumaling ako sa mga nobelang walang pag-aatubiling dalhin ang mambabasa sa lugar na hindi madalas dalhin ng ibang mga "ordinaryong" aklat, ang kaibuturan ng kasaysayan at ang kaibuturan ng sarili.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento