Nirekomenda sa akin ni Sir Charlson ang nobelang "The Stone Raft" ni Jose Saramago noong nakalipas na Ateneo-Heights Workshop. At ulit, nirekomenda ni Sir Vince ang nobelang ito sa akin. Dahil lamang sa nasulat kong kuwento. Kaya naghanap ako ng kopya at noong nakalipas na araw ay natapos ko ang nobela. Naayon nga ang rekomendasyon nila bagaman may aesthetical na pinagkakaiba ang estilo ni Saramago sa akin na mahirap hindi maiwasan.
Tungkol ang nobela sa kakaibang pangyayari na pagkakahiwalay ng Iberian Peninsula mula sa kalakhang Europa dahil, ayon sa naratibo, sa limang magkaibang pangyayaring kinalahukan ng tatlong lalaki't dalawang babae. Maaaring ilagay sa kategoryang magic realism ang nobela. Ngunit hindi lamang ito mga sunod-sunod na pangyayaring kakaiba. Oo, maraming sunod-sunod na pangyayari ang dinanas ng Peninsula na naging isla ngunit puno ng mga teoryang pang-agham at epektong internasyonal ang nobela. Kaya hindi nawawala ang rason sa kabuuang karanasan ng nobela. Pero, sa pangkalahatan, hindi maipaliwanag ng mga siyentista ang mga pangyayari at ang mga politikal na gawa ng mga politiko ng Portugal at Espanya ay kalimitang nagkukulang.
At ito ang isa sa mga tinatahak ng nobela, isang diskursong politikal. Nagmumukhang mga reaksiyonaryo na lamang ang mga politiko. Ganoon lang talaga ang nakayanan ng mga politiko sa nobela dahil nawala na naman mula sa kanila ang literal na direksiyon ng Iberia. At hindi lamang ang mga politiko ng Iberia ang pinaglalaruan ni Saramago, ganoon rin ng sa Europa at sa Hilagang Amerika. Nang mahiwalay ang Iberia mula sa Europa naging pangunahin ang pakikisangkot ng mga Pranses ngunit nawala rin sila nang mamalayang wala na silang magagawa. Ganun din, nagpalabas ng isang patalastas ang Pangulo ng Estados Unidos na tatanggapin ang mga mamamayan ng Iberia nang maging malinaw na parating sa Amerika ang isla. Ngunit nagbago rin ang paninindigan ng Pangulo nang magbago ang tinatahak ng direksiyon ng Isla.
Ganun din sa paglalaro sa isang satirikal na pamamaraan ng mga politiko ang malawakang paglalaro sa pangkalahatang damdamin at kaisipan ng mga tao ng Iberia. Ikinukuwento niya ang mga pangkalahatang tendensiya ng mga tao sa lahat ng mga pangyayari. Nang malamang papalayo na ang Gibraltar, nagpuntahan ang mga tao sa baybayin para magpaalam.
May malalim na gustong sabihin si Saramago sa dalawang paglalarong ito. Una, ang kawalan ng kapangyarihan ng tao at, pangalawa, ang kakaibang sentimiyento na sunggabin ang sandali. May isang pilosopikal na diskurso ang binubuksan ni Saramago, ang pangalawang tahak ng nobela. Sa lahat-lahat, ano at saan nga ba ang pinatutunguhan ng lahat? Pinag-uusapan ng nobela ang iba't ibang nibel ng hangganan, literal, geograpikal, pisikal, polikal, sosyolohikal, historikal, at iba pa.
Magaling imahinasyon na ipinakita ni Saramago sa nobela ito bagaman may iisa lang talaga akong kritisismo sa nobela, ang mga pangunahing tauhan. Mahirap magkaroon ng koneksiyon sa mga tauhan. Hindi maintindihan ang mga saloobing nag-uudyok sa kanila para gawin ang mga bagay na ginawa nila sa loob ng nobela. Marahil gawa ito ng nangingibabaw na karanasan ng tadhana sa buong nobela. Baka siguro napakahaba ng diskursong pang-agham si Saramago dahil hindi maiwasan ang pangingibabaw na ito. Ngunit parang walang mukha mga tauhan. Oo, meron silang mga pagkatao't mga katangian ngunit wala silang mukha. Mukha na kagaya ng sinasabi ni Levinas kung saan napapatigil tayo para pansinin. Ngunit ang kritisismong ito ay maaaring hindi obhektibo dahil naghahanap ako ng personal na paghalina sa mga tauhan.
Kagaya ng sinabi ko, magaling ang imahinasyon na ipinakita ni Saramago at mga nibel na diskurso na ibinabato niya ay hindi lamang basta-basta na magagawa. Ngunit nagawa niya at, sa tingin ko, nagtagumpay naman siya.
***
Congrats nga pala kay Ino sa kanyang pagkakatanggap sa Dumaguete Natinal Writers' Workshop
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento