Sa totoo lang, natapos ko nang basahin ang nobelang ito ni Ma'am Luna Sicat-Cleto, yung kopya na ibinigay sa akin noong Ateneo-Heights Workshop, noon pang sembreak. Minabuti ko nang simulan ngayon ang pagsusulat ng mga review/critique ng mga nobelang nabasa mula noong huli kong librong binagyang komentaryo (ang huli ay tungkol sa nobelang "Snow Country"). Kaya sisimulan ko na.
Umiikot ang kuwento ng nobela sa pamilyang Dimasupil, partikular na ang relasyon ni Deo, ama ng pamilya, sa kanyang panganay na anak na si Laya. At isa sa pangunahing elemento (o hadlang?) sa relasyon ng mag-ama ang pagiging manunulat ni Deo, na nagbubugso sa kanya upang maging mapag-isa upang hubugin ang kanyang sining.
Maaaring tingnan ang nobela bilang autobiographical, ang karakter ni Deo ay hinibog sa pagkatao ng bantog na manunulat na si Rogelio Sicat at ang karakter ni Laya ay sa may-akda. Mahalaga ang detalyeng ito upang maintindihan ang partikularidad ng karanasan ng pagiging isang manunulat. Nilalapitan ang karanasan ng pagsusulat sa maraming nibel, isang propesyunal o bokasyonal na gawa, isang personal na paghahanap sa sarili, at, isang sikolohikal na sumpa dahil sa pangangailangan ng manunulat na maging mapag-isa.
Ang huli, para sa akin, ang pangunahing humili sa aking pagbabasa. Pagminsan ang pag-iisang ito ay kinakailangan upang marinig ang sarili at mahuli ang Musa. Ngunit sa paghahanap at pakikitagpo sa Musa, naitataboy ni Deo ang kanyang mga anak, isang karanasang makakaapekto kay Laya hanggang siya'y tumanda.
Iba't iba ang estilong ginagamit sa bawat kabanata ng nobela. May pagbabago ng punto de bista, mayroong tuloy-tuluyan habang ang iba'y fragmentary. Ang pagbabago-bago ng estilong ito ang nagpahirap sa aking pagbabasa. Hindi ko alam kung bakit unang tauhan ang pagsasalaysay sa unang kabanata habang naging omniscient naman sa sumunod. Hindi ko pa rin lubos na maintindihan kung bakit ganito ang nobela. Ngunit kung hindi ganito ang nobela, hindi nito lubusang matatalakay ang nasabi ko nang mga tema't usapin. Ganoon rin, lumilikha ng kakaibang "kaguluhang" ito sa karanasan ng pagbabasa. Isang karanasan na mamaring isang repleksiyon ng relasyon ng dalawang pangunahing mga tauhan. Bilang mambabasa, ang kawalang kasiguraduhang ito ng nobelang ito ay isang formal na manepistasyon ng paghihilahan at pagtutulakan nina Deo at Laya at maging sa iba pang mga tauhan.
Isa pang nagpahirap sa aking pagbabasa ay ang sintaksis ng nobela. Kalimita'y di-karaniwan ang istraktura ng mga pangungusap (mas sanay ako sa karaniwan, yung hindi o bihirang gumagamit ng 'ay' at kalimitang karaniwan ang ginagamit ko sa aking pagsusulat, lalo na sa mga kuwento ko). Kaya ang bagal-bagal ng aking pagbabasa ng nobela. Kahit na sinimulan ko ang pagbabasa ng nobela noong makuha ko ang aklat noong workshop, natapos ko lamang ito noon lamang Oktubre. Hindi naman kasi inaabot ng higit dalawang buwan ang pagbabasa ko ng nobela. Ito at Catch-22 ang pinakamatagal. Iba marahil ang register ng mga pangungusap sa akin kaya napakabagal ng aking pagbabasa. Ewan ko kung mahalaga ba ito. Personal preference lang siguro at wala nang teorikal na kahalagahan.
Bagaman na hirapan ako sa pagbabasa sa nobelang ito dahil sa dalawang nasabing dahilan, mairerekomenda ko pa rin ang nobelang ito lalo na sa mga manunulat. Isa taimtim na pagninilay ito sa karanasan pagiging isang manunulat at ng pagsusulat, dalawang bagay na malalim ang relasyon ngunit dalawang magkaibang karanasan. Bagaman wala akong "Makinilyang Altar," isang bagay na sinasamba ko sa aking pagsusulat (marahil isang repleksiyon aking pagiging baguhan sa larang na ito?), madaling magkaroon ng ugnayan sa mga tauhan ng nobela, kung hindi man ay unawain sila.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento