Unang-una, congratulations sa lahat ng mga batch '06 ng Ateneo na kasama kong nagtapos noong nakalipas na Biyernes at Sabado.
Nakakatuwang makitang naghahanap ng mga trabaho ang mga tao. Naroon marahil sa trabaho ang "independence" na maaari nating makamit. Nakakatuwang makitang naghahanap ang mga tao ng kanilang sariling sulok at responsibilidad na kanilang aakuin, o maaaring gawing kanila at angkinin bilang sarili.
Pero ako, narito sa San Pablo, nakahiga, nakaupo, at nasa tapat ng kompiyuter at nagsusulat. Hindi ako naghahanap ng trabaho. Hindi muna. Napag-isipan kong kumuha muna ng Master's degree. Aayusin ko ang application ko sa Abril, kapag nakuha ko na transcript ko. Game naman ang mga magulang ko. Kaya "scholar" pa rin ako ng mga magulang ko. Siyempre, nakakahiya naman kung palagi na lang akong umaasa sa kanila. Tapos magsisimula na rin ang isa ko pang kapatid para magkolehiyo (sa LA SALLE!).
Isa pa, gusto ko talagang magturo. Magturo ng Panitikan at, lalo na, ng Malikhaing Pagsulat. Pero mahirap makarating sa ganoong nibel kung walang kang M.A. o Ph.D. Sabi nga ni Sir Mike Coroza, kailangang magkaroon ng "foothold" sa larang ng Panitikan. At magandang simula ang magkaroon ng titulong Gradwado.
At dagdag pa, parang kulang pa ang natutuhan ko sa kolehiyo. Hindi sa pipitsugin ang mga kinuha kong mga kurso. (Astig pa rin ang mga kinuha kong mga klase sa Filipino. Dami kong natutuhan sa mga iyon. Laki ring tulong ang mga workshop at seminar classes sa paghasa ng aking disiplina at estetika.) Nerd lang talaga siguro ako. O baka gusto ko lang maabot ang nibel nina Sir Vim, Sir Egay, Sir Mike, at ng iba pang mga guro ko pagdating sa Panitikan at pagsusulat. Kahit man lang sa titulo, mapantayan ko sila. Malaki pa rin ang utang na loob ko sa kanila at hinding-hindi ko iyon maaaring pantayan o suklian.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento