Sabado, Marso 18, 2006

Pabasa

Nagkaroon ng Pabasa kanina dito sa amin. Oo, yung Pasyon. Kaya kahapon, may mga nakahanda nang mga mesa sa garahe at pagkain sa kusina. Paggising ko kanina, mga 8:40 ata noon, nagsisimula ang Pabasa. Hindi madalas na ganapin ang Pabasa sa bahay namin. Pero nakakatuwa.

Gusto ko sanang bumaba at panoorin ang mga nagbabasa pero nahiya ako. Sinilip ko lang sila. Marami-rami pa rin pala ang umaawit ng pasyon. Puro nga lang matatanda ang nakita ko. Mga hindi hihigit ng 20 ang mga umaawit. Malakas naman ang kanilang pagkanta kaya rinig ko ang kanilang pagbasa sa kuwarto nina Dad at Mama, sa banyo nila, at sa Music room.

Hindi ko sila masyado maintindihan. Dahil nga siguro wala ako sa presensya nila kaya ganoon. Nakakatuwa yung mga pagkakataong napapatigil sila. "Marathon," ika nga, ang mga Pabasa. Tuloy-tuloy. Para hindi mapagod, may mga berso na iilan lang ang aawit, ang susunod ay sasaluhin ng iba. Nag-a-alternate. Pero paminsan-minsan, napapatigil sila dahil nawala sa konsentrasyon ang susunod na grupo. Naririnig ko pa nga ang hagikhikan ng mga nagbabasa tuwing nangyayari iyon.

Hindi ko alam kung paano nila nagagawa iyon. Kumanta na nga lang ng Pambansang Awit, pinagpapawisan na ako, Pasyon pa kaya? Hindi ko alam kung anong oras sila nagsimula pero natapos na sila nang mga ilang minuto bago mag alas otso y medya. Astig rin sila. Hardcore. Paano kaya ang mga Pabasa noon? Yung walang ilaw kapag ginabi tapos maagang-maaga pa ang kanilang simula. Nahihinuha ko tuloy ang mga panahon ng epiko. Sana hindi mawala ang tradisyong ito, hindi man relihiyoso kundi dahil sa kultural na kahalagahan nito.

Walang komento: