Miyerkules, Hunyo 29, 2005

Love in the Time of Cholera

Kakatapos ko lang bahasin ang aklat ni Gabriel Garcia Marquez, "Love in the Time of Cholera," at isa siyang aklat na pinatawa't binigla ako. Kakaiba iyon dahil isa itong libro ng pag-ibig.

Umiikot ang kuwento ng nobela sa buhay nina Florentino Ariza, ang dating kasintahan niyang si Fermina Daza, at si Dr. Juvenal Urbino, ang asawa ni Fermina. Puno ang kuwento ng iba't ibang tingin sa iba't ibang uri ng pag-ibig, pag-ibig ng kabataan, pag-ibig ng mag-asawa, pag-ibig ng panandaliang sabik, at iba pa. Sinusundan ng kuwento ang pagsasama ng mag-asawang Dr. Juvenal Urbino at Fermina Daza at ang paghihintay ni Florentino Ariza na mabalo ang kaisa-isa niyang mahal na si Fermina.

Nahahati sa limang mahahabang kabanata ang aklat na sabay na sinundan ang mga kuwento ng tatlong pangunahing mga tauhan. Gustong-gusto ko ang magaling na mga transitions ni Garcia Marquez para magpalit-palit ng mga punto de bista para masundan ang iba't ibang mga kuwento ng mga pangunahing mga tauhan. Natural na natural ang pagpapalit ng punto de bista.

Tanging problema ko sa nobela ay ang daloy nito ng panahon. Mukhang napakabagal ng mga pangyayari't napakadetalyado ngunit ang bilis ng daloy ng panahon. Dahil siguro pagsunod nito sa dalawang magkakonektang kuwento ng mga tauhan. Nakakalito rin dahin hindi ko alam kung ilang araw, buwan, at taon ang lumilipas. Ngunit mukha namang hindi mahalaga ang panahon sa nobela kaya hindi sobrang detalyado ang pagsunod sa panahon.

Kagaya ng sinabi ko kanina, maraming mga tingin sa sa pag-ibig at mayroon ang lahat na mangbabasa na maaantig kahit sa isa man lang na karanasan ng mga tauhan. Bata hanggang matanda, makaka-relate. Ngunit hindi lamang ito tungkol sa mga isa-isang larawan ng pag-ibig kundi sa kabuuang paglalakbay at pagbabago ng pag-ibig bilang isa sa mga pangunahing mga aspekto ng katauhan ng tao na mabuhay.

Isang kaantig-antig na nobela, hindi ko mapigil ang sarili ko sa kababasa sa "Love in the Time of Cholera." Kung hindi ka naniniwala sa pag-ibig, ok lang, mag-eenjoy ka pa rin sa nakakatawang nobelang ito. Kung naniniwala ka naman, mapapansin mong katulad mo pala ang mga tauhan at puno ang mundo ng pag-ibig.

Walang komento: