Maligayang Kaarawan, Yumi!
***
Nakakapang-init ng ulo ang usapan kung dapat bang magbitiw si Presidente Gloria Arroyo at kung sino at paano siya papalitan. Hindi ko inaasahan na magbibitiw agad si PGMA at kaduda-duda ang mga tape na naglalabasang iyan. Tanging ang katotohanan lang ang magpapabagsak kay PGMA at hindi pa lumalabas ang katotohanan.
Ngunit kailangan nating tingnan nang mabuti ang mga pangyayari. Ang mga nangyayari ngayon ay hindi isang problema sa sistema. Ang institusyon ng Pamahalaan ng Filipinas ay isang mabuting institusyon, makatao't makabayan. Ang kabulukan ng mga taong iniluluklok natin sa posisyon ang problema ng sistema natin. Ang mga hindi nararapat ang nananalo. Marahil, kung totoo man ang mga alegasyon, ang mga nangyayari ngayon, at maging noon pa man, ay isang repeksiyon ng katotohanang ito. Bilang mga mamamayang Filipino, hindi natin pinagninilayan ang ating boto, hindi natin pinagninilayan ang ating mga binoboto.
Kailangan nating pagnilayan ang hinaharap, hindi lamang ang mga nangyayari ngayon. Kailangan nating siguraduhin na hindi na muli mangyari ang nangyari noong 2001 at nangyayari ngayon. Una DAPAT na pagbabago ay sa mga partidong pulitikal. DAPAT sa hinaharap ay maging mas representante ang mga partido, mas malapit sa ating mga mamamayan. Hindi lamang sila maging sasakyan ng mga gustong maging Pangulo. Kagaya ng nakagawian, parang mga kabute ang mga partidong pulitikal para sa mga gustong kumandidato. Hindi dapat. Kagaya sa mga tunay na demokratikong pamahalaan sa ibang bansa, ang mga partido nila ay nakatayo sa isang ideyolohikal, moral, sosyal, at ekonomikal na mga paniniwala. Ang mga Democrats ay laban sa mga Republicans dahil nagkaroon ng kampihan. Hindi. Mayroong mga paniniwalang sinasaligan ang bawat mga partido at kalimitan ay magkasalungat ang mga paniniwalang iyon kaya nagkakaroon ng mga tambalan. E, dito? Pare-pareho lang ang mga partidong iyan. Pare-pareho lang ang ibinobola sa mga mamamayan. Masasabi na lang natin na mas wais ang isang panig kumpara sa isa.
Isa pang DAPAT ay pagbabago sa sistema ng eleksiyon. Itigil na ang tawagan sa telepono sa pagitan ng mga kandidato't komisyoner. Dapat ipagbawal ang ganyang sistema. Mabubuksan ang pinag-ingat-ingatan nating sistema na halalan sa tukso ng pandaraya. Isa pa, DAPAT ay hindi nakailangang isulat ang boto. Kahit larawan man lang o kaya ay nakalagay na ang pangalan sa papel kung saan ilalagay ang boto. Mamarkahan na lang ng ekis o tsek. Para sa ganoon, hindi malaki ang lamang ng mga mayayamang kayang gumasatos ng milyon-milyon sa komersiyal. Hindi mo na kailangang sauluhin ang pangalan ng mga kandidato at pumili. Mas may oras ang mamboboto para pagnilayan kung sino nga ba talaga ang mga kandidatong ito kaysa nakatutuk lamang sa mga pangalang matatandaan. Isa pang DAPAT sa reporma sa eleksiyon ay ang pagbabago ng majority-rule. Kahit na mahal, mas pabor ako sa isang sistemang run-off. Kung walang nakakuha ng 50% ng boto sa unang prelimenary voting, may second round kung saan ang dalawa o tatlong nangungunang kandidato ay maglalabanan muli. Sa sistemang ito, hindi kaduda-duda ang mandate ng magiging pangulo dahil nakuha niya ang tiwala ng higit 50% ng mamamayan. At hindi lamang 30% o 40%.
Ilan lang iyan sa mga DAPAT na gawin. Marami tayong ayusin ngunit ito marahil ang pinakamahalaga. Labas pa sa mga repormang ito ang ekonomikal na pagbabago. Masasabi ko lang, aasenso tayo kung ang ating mga pinuno'y matino. Naniniwala ako sa sistema nating demokratiko, kailangan lang nating pag-igihin na maging TUNAY na demokrasya.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento