Maraming mga kritiko ang nagssabi na ang "Midnight's Children" ni Salman Rushdie ay ang pinakamahalagang nobelang nasulat mula nang mailabas ang "One Hundred Years of Solitude." Nanalo ng Booker Prize noong 1981, marahil tama nga sila.
Tungkol ang nobela kay Saleem Sinai at sinasalaysay mismo ng pangunahing tauhan. Ngunit mas mahalaga, ito rin ay nobela ng India. Hindi ikinakaila ng tagapagsalaysay ang kanyang espesyal na lugar sa kasaysayan ng nasabing bansa dahil si Saleem Sinai ay ipinanganak sa parehong sandali ng pagkasilang ng bansang India.
Nakakatuwa ang pagtatambal na ginagawa ng tauhan/tagapagsalaysay tungkol sa mga pangyayari sa kanyang buhay at sa mga mahahalagang sandali ng kasaysayan ng India at pati na rin ng Pakistan. Mga metaporikal na pagtatambal, kagaya ng sandali ng kanyang pambihirang paglaki kumpara sa paglaki rin ng ekonomiya ng India, hanggang sa konkreto, naroon raw siya mga miting ng militar para ihanda ang kudeta na nangyari sa Pakistan. Nakakatuwa ang mga ito dahil ang kabuuan ng nobela sa isang pagbabalik-tanaw at naiisip ko na may schizophrenia o kaya ay delusyon ang tauhang si Saleem Sinai para sabihing nakatali sa kanyang "destiny" ang kasaysayan ng isang buong bansa.
Ngunit consistent ang pagpapakita ng pagkakatali na ito. Mula mismo sa panahon ng kanyang lolo, kung saan hinahanap pa ng mga Indian ang kanilang sarili at kung saan ang mga gawain ni Saleem para maapektuhan niya o siya ay maapektuhan ng kasaysayan ng India.
Puno ang nobela ng mga tauhang binibigyan ng mukha ang lipunan at buhay ni Saleem. Mula sa kanyang mga kapamilya hanggang sa mga tao nakilala niya sa kanyang iba't ibang paglalakbay at pagbabago. Masasabing ang mga larawan ng mga tauhan na ito ay biased dahil galing ito sa pananaw ni Saleem. Ngunit, sabi nga ni Luna Sicat, lahat naman ng mga tauhan na sinusulat, batay man sa mga totoong tao o hindi, ay biased dahil sinulat ang mga ito mula sa punto de bista ng manunulat.
Isang kakaibang nobela ang "Midnight's Children." Isang nobela ng ambisyon at paghahanap ng lugar sa isang lipunang pinipilit na magbago. Isa itong nobelang puno ng kasaysayan at mahika. Isa sa mga pinakamagaling na nobela sa kasaysayan ng panitikan? Ayokong maghusga. Wala akong karapatan para sabihin iyon. Masasabi ko lang na nag-enjoy ako sa bawat pahina na binasa ko.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento