Lunes, Abril 19, 2004

Ang Trip

Maligalig ang paggising ko. Ginising ako ni Ninang ngunit ayoko ko pa. Pinilit ko na lamang binangon ang aking sariliat parang lasing na naglakad papunta sa banyo para maligo. Handa na ang lahat ng dadalhin, kailangan ko na lang dalhin ang sarili ko pero para pa yatang ayaw ko dahil sa antok.

Umalis ako kasama ng pamilya ko mula ng San Pablo papunta ng paliparanng mga alas 4 ng umaga. Nakatulog ako habang nagbibiyahe at nasa NAIA na kami nang magising ako.

Hindi pa bumabaon ang sa aking kamalayan na paalis na ako ng bansa. Ang katotohanang kasama ko ang buo kong pamilya ay nagpagaan ng loob ko.

Alas 6 y medya ay nakalinya na kami para mag-check-in ng mga bagahe, anim lahat-lahat na mga maleta at balik-bayan box. Ngunit hindi pa bukas noon ang check-in counter kaya naghintay kami ng hanggang alas 7 y medya nang magbukas na ang counter. Doon na kumapit sa aking isipan ang mga mangyayari sa darating na mga linggo. Mga walang tigil na pamamasyal, paggagala, at lalakad, mga bagay na hindi ko lubusang gusto ngunit pipiliting gawin. Mas gusto ko na lang na manatili sa isang sulok ng mundo na walang makikialam sa buhay ko. Iyon ang bakasyon. Walang pinoproblema maliban kung anong kailangang gawin na walang katuturan. Ngunit may-isang bahagi ng sarili ko ang gustong makaranas ng mga bagay-bagay mula sa pagpapalipas panahon na ito. Makita ang mga kakaibang bagay at malaman ang mga walang kakuwenta-kuwentang mga bagay.

Kaya halo ng pag-asam at kaba ang naramdaman ko nang tumungtong na ako sa Boeing 747 ng Japan Airlines. Ang destinasyon namin ay Orlando ngunit kailangan naming tumigil paliparan ng Narita at Los Angeles. Humigit-kumulang 24 na oras na walang tigil na paglalakbay at paghihintay sa pagdating sa pinaroroonan.

Unang ginawa sa flight ay kumain ng mani at crackers ng airlines. Hapon na crackers. Hindi lamang simpleng mani o pretzels ng ibang airlines. Pagkatapos noon ay nagtangjalian na rin kami kaagad pagkatapos magmerienda. Beef stroganoff ang pinili ko mula sa limitadong menu nila. Masarap naman eh. Parang menudo na nigay sa pasta. Ok din. Hindi ko nga lang gusto ang mga sidedish. Lusaw pa ang butter para sa tinapay.

Apat na oras lang ang flight papunta ng Narita. Yung stop-over namin doon ay nakakapanggigil. Hindi kami ng check-in ng bagahe peri nagmamadali naman kami ng sobra. Patalon-talon kami mula sa isang bahagi ng paliparan papunta sa isa. Ilang bus din ang sinakyan namin bago kami makasakay sa sasakyang eroplano. Hindi nga masarap ang sakay namin doon sa bus na pinasakay sa amin. Talo pa ang mga jeep ng Pinas sa pagpapatalsik ng mga pasahero. Ngunit mabilis din naman ang pagsakay namin sa connecting flight papuntang L.A. Kailangan eh. Wala pang isang ay dapat na nakasakay na kami ng eroplano. Kaya kailangan na mabilis lang kami.

Kaya eto, nakasakay na sa isang Boeing 777 ng American Airlines. Katabi ko si Mama. Maligalig, as usual. Nagreklamol sa landing, pagtulog, paghihintay, at pagkabagot. Ok lang. Tutal ay hindi siya nakasimangot at nagmumukmok. Limang oras bago makarating ng L. A. Dalawa pang walang kagana-ganang airplane meals. Masarap sila pero nakakawalang gana. Wala na akong masasabi. Pagdating ko na lang ng Florida.

Linggo, Abril 18, 2004

Bago Umalis at Ang Pagdating ng mga Pulitiko

Paalis ako ng Pinas. Puntang Estados Unidos. Bakasyon kasama ang buong pamilya. Hay. Hindi ko trip ang trip na ito. Handa na ang lahat maliban na lang sa ilang mga pasalubong para sa mga kababayan doon sa Estets.

Noong Sabado ay dumating si President Gloria sa San Pablo. Trapik. Hindi dahil madaming tao. Inayos ng mga sipsip na opisyal ang daloy ng trapiko. Kaya noong nag-anticipated mass kami ay mismong yung pari ay na trapik. Ngayon naman ay si FPJ ang dumating. Trapik din. Hindi dahil may mga sipsip. Madami lang talagang tao kasi madaming bitbit na mga artista si FPJ. Mga Pilipino talaga.

Pero sa totoo lang mas gusto dito sa Pinas. Walang banta ng terrorista. Mga banta lang coup d'etat. Mas masaya. Pero seryoso. Hindi ko talaga trip ang trip na ito.

Martes, Abril 13, 2004

Malas

Parang malas ang araw ngayon. Hindi gumagana ang network ng mga laptop dito. Hay. Naghahati kami dito sa iisang computer.

Ang pangalan nga pala ng bago naming pinsan ay Ivan Christopher. Christopher din siya! Wala lang. Magandang pangalan.

Linggo, Abril 11, 2004

Prusisyon

Noong Biyernes Santo ay pumunta kami ng pamilya ka sa Binangonan para manood ng prusisyon. Parang tradisyon namin iyong gawing magpapamilya. Tanghali kami dumating para iwas trapik. Tumigil muna kami sa bahay nina Ate Ting at Kuya Erik, kapatid ni Dad at ninong ko. Wala sila doon. Nasa Estados Unidos. Doon manganganak si Ate Ting. Para daw citizen agad ang anak. Masaya. May bago na namang pinsan.

Noong dumating kami doon ay nagmamahjong si Ka Tita, ina ni Ate Ting at ilang kasama. Isa sa mga manlalaro ay balikbayan. Nagbabakasyon. Hindi halata pero alalang-ala si Ka Tita kasi nagdudugo ng husto si Ate Ting doon. Pero noong hapong iyon ayos na naman ang kalagayan ng bata at ni Ate Ting.

Doon kami kumain ng tanghalian at nagpahinga. Hindi kami masyadong lumabas kasi napakainit doon. Mga dalawang oras na natulog lamang dahil nanghihgop ng lakas ang init. Lumabas na lamang kami ng mga alas singko ng hapon para magdasal ng Way of the Cross sa Simbahan ng Binangonan.

Maraming tao doon sa simbahan. Hindi pa naalis ang prusisyon at naghihintay na lamang silang magsimula. Lumana ang simbahan. Makakapal ang mga dingding nito. Gawa sa mga malalaking bato. Hindi siya pintado kaya kita ang pagkakatabas sa mga bato. Walang disenyong Baroque, Classical, o kung ano man. Gawa siya sa bato, parang makukumpara sa mga gawang gusali ng mga Aztec at Inca ang pagkakagawa nito. Wala ring kisame. Mga kalansay na kahoy na sumusoporta sa bungan ang makikita mo. Mga sangang kahoy gawa. Yung ibang kahoy ay hindi ginawang tabla kundi binalatan lamang na malalaking sanga. Kaya pang hindi mukhang dakila ang simbahan. Mas nagmumukhang dating fort. Pero ok lang, hindi magdadalwang isip pumunta ang mga tao doon.

Pagkatapos naming mag-istasyon ay pumunta na kami sa palagi naming pinapanoodan ng prusisyon, ang lumang bahay ng mga Cerda. Ancestral home ba. Ewan ko lang kung gaano nga ba katanda ang bahay na iyon. Basta doon lumaki si Dad at ang mga tita at tito ko. Marami nang nakakasalubong si Dad na mga kaibigan at kakilala sa daan habang papunta kami sa bahay.

Doon ay nanood lamang kami ng prusisyon. Nakadungaw sa bintana. Sabi ni Ma na mas maganda daw ang mga santo at karosa sa San Pablo pero hindi ko natatandaan kung nakita ko na. Pero hindi ang mga santo ang main attraction ng prusisyon. Ang gewang-gewang ang highlight. Ang mga lalaki ay dadalhin, hindi, bubuhatin ang patay na Kristo palibot ng bayan. Hindi lamang ito isang basta-basta na gawain. Mabigat at malaki ang Kristo. May umaangkas pa para mamuno sa "mob." Matindi ang eksena. Humgit isang daang kalalakihang panay nakaputi ang dahan-dahang maglalakad sa kalsada at sa gitna ng maraming tao ang patay na Kristo. Mabagal ang lakad ng Gewang-gewang kasi hindi organisado ang pagbubuhat. Maraming kalalakihan ang bubuhat at sila ay may sarisariling isip. kung kailan kailangan ng mob mentality ay doon pa nawalan.

Sa sobrang pagbagal ng paggalaw ng Gewang-gewang ay dumating ang balita na nanganak na nga si Ate Ting. Lalaki. Gusto sana nilang dalawa ni Kuya Eric ng isang babae pero ok na rin. May isa pang magdadala ng pangalang Cerda. Hindi alam ng mga kaangkan kung ano ang dapat bigyan ng atensiyon, ang balita o ang eksena.

Sabado, Abril 10, 2004

Visita Iglesia at "The Passion of the Christ"

Noong Huwebes ay nag-Visita Iglesia ang buong pamilya. At nagsimula kami sa pinagpipitagan kong San Pablo Cathedral ng San Pablo City. Dito ako bininyagan, nag-baccalaureate mass noong ako ay matatapos na sa Mataas na Paaralan, at dito rin kinasal ang mga magulang ko.

Hindi ako sigurado pero ang Cathedral ang isa sa pinamalaking simbahan sa lalawigan. Maliban sa malaking simbahan ay may plaza pa ito napakalawak, Iba pang mga gusaling ginagamit sa iba't-ibang gawain, at isang eskwelahan na dating Ateneo de San Pablo (Liceo de San Pablo). May halong Baroque at Rococo ang disenyo ng simbahan, hindi lang ako sigurado. Ilang beses na rin kasing pinaayos ang simbahan. Wala pang masyadong tao noong dumating kami sa simbahan kaya maginha-ginhawa noon.

Sumunod sa binisita namin ay ang Simbahan ng Calauan. Patron nito si San Isidro Labrador. Maliit lamang ang simbahan kung ikukumpara sa Cathedral. Mala-Neo-Classical ang disenyo pero mukhang "pirated" sa modernong katawagan. Pilit ginagaya ang disenyo ng mga simbahang Renaissance pero ang pangit ng pagkakagaya. Maganda-ganda lang ay ang paglalagay ng iba't-ibang imahen ng mga santo sa ibabaw ng mga istasyon. Bago umalis ay bumili ng surbetes na tinda-tinda sa labas ng simbahan ang mga kapatid ko. Wala lang. Kasi ganoon din ang ginawa nila noong nakaraang bisita namin sa simbahang iyon, bumili ng surbetes.

Sumunod ay ang Simbahan ng Pagsanjan. Nakakatwa ang simbahang ito. Luma at walang kapintu-pintura ang labas nito samantalang napaka-moderno at pintado ang loob nito. Moderno kasi walang bahid ng kalumaan ang loob. Walang mga kurba at disenyong makikita sa ibang lumang simbahan, panay mga matitilus na sulok ang mayroon ito. Pero bagay naman iyong panloob na disenyo sa altar na ginto nito. Hindi mapapagala ang mga tamo dahil napakapayak ng kapaligiran, mapapatingin ka lamang sa harapan dahil talagang nagniningning ang altar. Ewan ko lang kung tunay na ginto iyon.

Pinuntahan naman naming sunod ay ang Simbahan ng Lumban. Wala akong masyadong natatandaan sa Lumban maliban sa tatlong relihiyosong stained glass sa kisame. Maganda sila kumapara sa mga nakalag sa mga bintana nito. Oo nga pala. Nang paglabas namin ay may nag-Visita Iglesia na mga tao na nakasakay sa isang bus. Kaya nang punuin ng mga taong iyon ang kalahati ng simbahan.

Ika-lima ay ang ang Simbahan ng Kalayaan. Matatagpuan ito sa isang burol at nahirapan pa ang kotse naming makaakyat doon. Nire-renovate siya kaya yung ika-sampung istasyon ay natatakpan ng isang hagdan. Maliit lamang siya, ang simbahan. Mukha nang pang-chapel lamang ang laki. Nakita ko rin doon ang dati kong guro sa THE, si Gng. Faylon. Wala lang. Hindi inaasahan na doon pa magkikita.

Sunod naming pinuntahan ang Simbahan ng Paete pero bago noon ay dumaan kami sa isang tindahan ng mang-uukit. Bibili ng ipinagbilin ni Ate Rowena, tita ko, na pasalubong pagkarating namin ng New Jersey sa darating na buwan. Pambihira ang Paete. Ang daming rebulto at imahen ng mga santo. Karamihan ay nasa loob ng simbahan nakalagay kasama ng mga karosa nito. Ang gaganda ng ukit. Hindi nga magkasya sa lumang simbahan kaya nilagay ang iba sa ibang gusali. Maraming mga bagong gawang ukit ng santo, kitang-kita sa magandang tabas na hindi nagmumukhang ivory ang mga mukha at may nila.

Mainit at maaraw sa Laguna pero hindi ako pinawisan. Mapreskong init ba. Sunod naman ay ang Simbahan ng Anitipolo. Bago kami makarating sa Lalawigan ng Rizal ay biglang umulan ng malakas. Mabuti na lang at tumila nang dumating kami ng Antipolo. Alas tres na ng hapon kami nakarating sa simbahan. Ang Simbahan ng Antipolo ang kaisa-isang simbahan na alam ko na pabilog ang disenyo. Marami nang tao sa loob, naghihintay sa di pa nagsisimulang misa. Dito namin tinapos ang Visita Iglesia. Bago kami umalis ay dinaanan muna namin ang Patron ng Antipolo para mahawakan ang damit nito. Dumaan kami sa likod kung saan ay mayroong simpleng museo tungkolsa kasaysayan ng simbahan at ng patron. Nagbigay ng kaunting dasal at nagpatuloy na rin kami. Nanood naman kami ng "The Passion of the Christ" ni Mel Gibson.

Maganda ang "The Passion." Wala namang binago sa kabuuang kuwento ng buhay ni Hesus. Totoo at hindi binago ang mga pangyayari sa pelikula sa mga pinagbatayang mga pangyayari. May kaunting mga dagdag pero nakakatulong naman iyon sa kabuuan ng kuwento. Realistiko ito at puno ng drama. Hindi niya niya sinundan ang daloy ng kuwento tulad ng sa biblia. Nilubos ni Direk Mel ang iba't-ibang magagawa mga epektong makikita mo lamang sa pelikula upang hindi magmistulang sinakulo ang pelikula kumpara sa ibang mga pelikulang patungkol kay Hesus. Anti-Semetic. Siguro. Kung gustong tingnan ng mga Hudyo at Israelita ang pelikula ng ganoon. Pero naging patas naman ang pagpapakita ni Mel Gibson sa mga kababayan ni Hesus. May mga nagpilitang magtanggol sa kanya at mayroon ding nagluksa ng lubusan sa pagpaparusa kay Hesus. Sa aking paniniwala bilang Kristiyano, hindi ang mga Hudyo ang pumatay kay Hesus, pinili niya iyon para iligtas tayo. Basta. Magiging turo sa Theology na ito. Basta maganda ang pelikula. Ito ang nag-iisang pelikulang patungkol kay Hesus na napaluha ako. Ramdam mo ang sakit na dinanas ni Hesus. Mapapaiyak na sana ako pero nagbibiro ang kapatid ko sa likod ko kaya hindi ko magawang umiyak. Ang luka talaga. Para lamang sa mga Kristiyano ang pelikula. Sila lang ang makaka-relate. Sa Hudyo at iba pang mga relihiyon ay mapapapikit sa dugo o, kung wa ipek, magkakamot lang ng ulo.

Miyerkules, Abril 07, 2004

Ulan ng Tag-init

Umulan kanina. Mapakatindi ng ulan. Parang isang walang katapusang kulong ang mga pagpatak ng mga malalaking butil ng ulan. Nakakabingi ang hampas sa bubong, dingding, dahon, at lupa.

May mga naglalaro ng baseball sa kalapit na feild na kita mula sa kuwarto ko. mukhang masaya pero naudlot ang kanilang paglalaro dahil nga sa dumating na ulan. Nagkaripas ng takbo. Nakakatuwa na para rin nga namang kawa ang mga manlalaro.

Tahimik ngayon pero nasa ibabaw pa rin ang mga ulap na nagdala ng ulan. Dalawang beses na silang bumuhos ngayong araw, baka mayroon pa sa darating na gabi. Ambon na lang ang dumadating. matahimik na ambon.

Martes, Abril 06, 2004

Liwanag ng Gabi

Maliwanag ang mga gabi ngayong tag-init. Naliliwanagan ang buong paligid. Makikita ang mga lubak ng mga kalsada at dumi sa mga tabi. Makikita ang mga bahay, ang kanilang iba't-ibang kulay at tabas ng kanilang mga bubong. Matatanaw ang mga puno sa malayo, mga buko sa isang plantasyon. Makikita mo ang mauunting mga galaw nito sa hangin. Matatanaw rin ang mga puno sa bundok. Makikita ang mga tuktok ng mga puno. Bughaw ang langit. Malalim at maitim na bughaw. Parang walang mga ulap Mapapansin mo lang ang mga ulap kapag mas mamadilim ang bughaw ng langit. Ang dahilan ng liwanag ay ang buwan. Hindi mahalaga kung anong mukha nito, buo man o kalahati. Basta naandoon siya sa ibabaw ng lahat. Ibabaw ng langit, ulap, bundok, puno, bahay at lupa.

Ang nagpapadilim ng paningin ay ang mga ilaw, sa post at paligid. Sinisilaw tayo sa sobrang liwanag ng mga ito. Kaya lampas ng mga nasisilawan nito ay wala nang makita. Mga anino ng mga kung ano mang dapat ay naandoon.

Lunes, Abril 05, 2004

Mga Luko at Iba pa

Wala masyadong nangyari sa nakalipas na weekend maliban sa ilang mga bagay.

Pumunta sa bahay ang ilang mga kaibigan para manood ng Return of the King noong Sabado. Sumakit ang ulo ko sa sonbrang haba ng pelikula.

Pagkatapos noon ay nagsimba kami. Habang homiliya pari ay dumating na taong grasa na tumayo sa likuran ko. Tawa siya nang tawa na parang may magandang joke na narinig. Nasa likod ko lang siya. Tawa ng tawa. Hindi ako ako makalingon at tignan siya dahil ang baho niya, amoy alak. Kung hindi siya pinaalis ng isa pang sumisimba ay baka buong misa siyang tawa ng tawa sa likod ko.

Kahapon, dapat ay manood kami ng "The Passion of the Christ" pero sa sobrang dami ng taong manonood ay hindi na kami tumuloy.

Ngayon, wala lang.

Huwebes, Abril 01, 2004

Balitang Wala

Wala masyadong nangyari sa mga nakalipas na araw. Noong Martes, nagsimula akong mag-jogging kasama ang mga kapatid ko. Kahapon naman ay nagpalinis ako ng ngipin sa dentista kasama rin ng mga kapatid ko.

Oo nga pala, gumawa na rin kami ng network para sa mga computer dito sa bahay. Ang saya. Hindi na kami nag-aagawan ng internet time.