Sabado, Nobyembre 16, 2013

Relief Ops

Mayroon akong pasa sa kaliwang braso. Nakuha ko sa pagiging bahagi ng human chain ng mga lalaking nagdiskarga ng mga kahon-kahong may lamang delata ng 555 na sardinas. Iyon ang una kong ginawa noong Biyernes. Nagkapasa ako dahil siguro sa halos pabagsak na pagpapasa sa akin ng nauna sa akin. Hindi ko naman siya masisi. Bago pa man magsimula ang pasahan, mukhang pagod na pagod na siya. Mukhang kanina pa siya naroon. May mga sandali pa nga na sa gitna ng pasahan e napapahawak siya sa kaniyang tuhod habang nakayuko. Pero tuloy lang siya kahit na nanginginig ang kaniyang tuhod. At nagpatuloy siya hanggang matapos namin ang pagbaba ng mga kahon ng delata ng sardinas mula sa 16-wheeler na truck.

Tinatanong natin sa ating sarili kung ano na ba ang nagawa natin. Pero pagkatapos naming diskargahin ang laman ng 16-wheeler na truck, binulungan ko siyang magpahinga na siya. Kasi, sa lalim ng kaniyang paghingal, mukhang marami na nga siyang nagawa.

Martes, Setyembre 17, 2013

Ilang Bagay na Natutuhan Ko Pagkatapos Mapanood ang "On The Job"

1. Isa sa dibdib para matumba. Isa sa ulo para sigurado.

2. Parang dorm lang ang bilangguan. May patayan pero parang dorm lang.

3. Kailangan ng babae ng lalaki sa buhay niya. As in. Kung hindi ka gabi-gabing umuuwi sa piling ng asawa mo, patay ka. Kung gago ang nanliligaw sa nanay mo, patay ka.

4. Pero hindi kailangan ng babae ng lalaki kung naka-shades siya at naninigarilyo. Well, kailangan niya ng lalaki para maging hitman pero maliban doon, hindi niya kailangan ng lalaki.

5. Lahat ng nasa gobyerno, masama. Lahat ng nasa militar, masama. Huwag silang pagkakatiwalaan.

6. May mga pulis namang mababait. Lalo na iyong kamukha ni Joey Marquez.

7. May mga poging mamamatay tao. Lalo na iyong kamukha ni Gerard Anderson.

8. May mga NBI agent na pogi pero mabait din naman. Lalo na iyong kamukha ni Piolo Pascual.

9. Huwag ookrayin ang pelikula gamit ng malalaki't banyagang salita para hindi magmukhang bobo ang mga nagbabasa.

10. Maganda naman ang pelikula. Pero parang mas interesante pa ang nangyayari sa Porkbarrel Scam. Pero puwede na rin ito.

11. Ayoko nang magsalita pa. Baka patayin ako ni Joel Torre.

Biyernes, Agosto 09, 2013

Ilang Tala Tungkol sa Wika, Kultura, at Pagkabansa

Hindi ko inaasahan na may pumapansin pa pala sa blog kong ito. Ako mismo'y hindi ko na ito masyadong pinapansin. Malaking panahon na ang pumapagitan sa pagitan ng bawat post. Hindi tulad noon na halos makalawa kundi man araw-araw ay nagpopost ako ng isang blog. Halos wala na talaga sa kamalayan ko ang blog na ito. Sinisi ko ang pagkabagot sa pagsusulat ng blog entry. Sinisisi ko ang pagdating Facebook at Twitter sa kawalan ko ng interes dito. Sinisisi ko ang trabaho dahil nawawalan na ako ng oras na maaaksaya para magsulat ng mga napakanarsisistikong mga sulatin. Kaya iyong may makahalungkat pa ng isang post na hindi ko na halos maalala ang mga pinagsusulat ko'y sa isang banda'y nakakatawa at sa isang banda'y nakakailang.

Siguro nga'y kailangan kong magpaumanhin kung naging maanghang ang aking pananalita o masyadong simplistiko ang aking pag-iisip. Ngunit hindi pa rin naman nalalayo ang ilan kong paninindigan ngayon sa nasulat ko noon halos pitong taon na ang nakaraan. Kailangan ko sigurong palaguin ang aking mga ideya nang may hinahon at hindi maging padalos-dalos tulad noon at maging pagkakataon sana ito, hindi lamang sa mga nagbabasa ng blog at post na ito, kundi sa sarili ko na rin sa ngayon, na mabuo ang aking mga saloobin at paninindigan. At paumanhin kung hindi ko masasagot ang lahat ng punto dahil na rin sa paghihikahos ko sa panahon.

Unang-una, nahihirapan pa rin akong itawid ang argumento ng SOLFED (Save Our Languages Through Federalism) sa paggamit ng federalismo para protektahan at pangalagaan ang mga marhinalisadong kultura't wika. Nauunawaan ko ang intensiyon na nais ng SOLFED pero nahihirapan pa akong ipagtagpo ang larangang politikal (federalismo) sa larangang kultural (multi-linggualism at multi-culturalism). At ang tinutukoy kong politikal dito'y estruktural, ang pamahalaan at ang sistema ng pamahalaan, at hindi pa sa (nahihirapan akong maghanap ng salita) esensiyal(?), pamamaraan(?), buhay(?). Ang tinutukoy kong esensiya ng politika ay demokrasya. Walang saysay ang pagkakaroon ng isang estrukturang politikal kung hindi naman nakikibahagi ang mga mamamayan ng isang bansa sa mga institusyon nito. Makikita na lamang ito sa mismong kalagayan nating politikal. Tuwing bumoboto ako (isang aspekto lamang ito ng demokrasya at hindi ang natatangi o ang kabuuan nito) lagi-lagi akong nakakaramdam ng pagkukulang, ng pagkatiwalag. Maraming posibleng dahilan ng pagkatiwalag ko pero maaaring ang isa dito'y ang pagiging literal na banyaga o angkat ng "demokrasya" na ito. Dahil "ginabayan" ng Amerika, maaaring ipinataw sa atin ang mga halagahan (values), kung tutuusi'y, banyaga't Kanluranin. Natatakot ako na baka isa pang uri ng "pag-aangkat" na hindi bagay sa karanasan ng bansa natin ang gawin o mangyari sakaling tumungo nga tayo sa federalismo bagaman nauunawaan ko na tinatangka ng SOLFED na tawirin ang posibleng guwang na ito.

Mahirap punahin ang federalismo gayong hindi pa ito naipapataw sa buong bansa. Ngunit natatakot ako na maging lunsaran ng hidwaan at pagkakawatak-watak sa halip ng pagkakabuklod ang federalismo. Ngunit hindi ko na ito nakikita bilang nakaugat sa kultural na pagkakaiba. Maaari naman ngang magkaisa sa harap ng pagkakaiba. Natatakot ako na gamitin ang federalismo ng mga indibidwal (o pamilya) upang makakuha ng higit na kapangyarihan. Hindi natin maikakaila na nananatiling limitado ang politika ng bansa sa iilang pamilya, sa iilang dinastiya. Gusto kong iugnay ito sa "pangingialam" ng mga Amerikano sa politika natin bagaman mababanaagan na rin ito kahit pa sa rehimen ni Aguinaldo nang maging dominante ang mga mayayaman at maylupa sa Kongreso ng Malolos at maging sa Philippine Commission. Ito na siguro ang paglabas ng aking pagiging pseudo-Marxista. Hindi na kultural na pagkakaiba ang problema ko sa posibleng pagkakawatak ng bansa dahil sa federalismo, uri at pansariling interes ng iilang politiko ang maaaring maging problema ng federalismo. Na baka magtapos ito sa "pamumulitika" at hindi sa pag-aangat ng kultura't wika ng iba't ibang rehiyon. Sana nga'y maging instrumento ang federalismo upang mapaluwag ang kapit ng iilan sa mga institusyon ng kapangyarihan ngunit hindi ako kumbinsido na ito nga ang mangyayari. At sana nga'y makatulong ang mga organisasyong tulad ng SOLFED sa pagpapalaganap ng demokrasya, ng higit na pakikisangkot ng mga taong matagal nang naetsa-puwera sa mga dapat sana'y institusyon ng demokrasya.

At dito ako sumasang-ayon sa SOLFED (o sana'y maging punto ng pagtatagpo), ang pagpapahalaga sa isang higit na malalim na uri ng demokrasyang nakaugat sa karanasan ng lahat ng mamamayan. At sa ganitong punto'y nagiging mahalaga nga ang wika bilang artikulasyon ng mga kaisipan at saloobing nakaugat sa karanasang ito. Kaya't bukas ako sa pagpapalaganap ng DepEd ng Mother Language o Mother Tongue program sa mga paaralan. Maging lunsaran sana sa hinaharap ang programang ito sa pagpapatatag ng bansa dahil higit nilang nauunawaan ang sariling pag-iisip at nabibigyan ito ng laman at pahayag sa sariling wika.

Ngunit hindi maikakaila ang pananatili ng aking pagkiling para sa pagkakaroon ng isang "pambansang wika" na gagamitin upang makipagtalastasan sa mga kababayan sa ibang rehiyon. At dito ako di sumasang-ayon sa pagkiling ng ilang miyembro ng SOLFED para sa Ingles. Si Bobit Avila ang alam kong may ganitog paniniwala dahil sa nababasa ko ang kaniyang column sa Philippine Star. Hindi ako naniniwala na neutral na wika ang Ingles dahil na nga sa karanasan natin ng kolonisasyon sa ilalim ng mga Amerikano. Dahil ginamit ang wikang ito sa pagtatangkang burahin o pahinain ang ating pagkakaunawa sa sarili, upang ilayo ang pagkakaunawa sa sarili gamit ang sariling wika. May mga naniniwalang inangkop na natin ang wikang Ingles, na atin na rin ito. At kitang-kita ito sa kultura pa lamang na laganap sa institusyong bahagi ako ngayon bilang guro. Malayo ang kamalayan ng mga mag-aaral ng Ateneo de Manila sa realidad sa labas ng pamantasan. At sintomatiko ang pagkiling ng ilan sa wikang Ingles sa ganitong pagkatiwalag. Guro ako ng panitikan at naging guro na rin minsan ng isang kurso sa Creative Writing. Malay ako sa pagkatiwalag ng maraming batang mag-aaral ng panitikan sa sariling panitikan at kultura dahil sa malalim na Kanluraning pag-iisip. At hindi miminsang pinanghihinayangan ko bilang guro ng panitikan na higit na ninanais ng mga batang manunulat na sumunod sa tradisyon nina JK Rowling, George R.R. Martin, at John Green sa halip na sumunod sa tradisyon ni Amado V. Hernandez, Lazaro Francisco o Rogelio Sicat. At maisip pa kaya nila na sundan ang hinawang tradisyon nina Marcel Navarra, Ramon Muzones, o Iluminado Lucente? Hindi naman ito masama, nakapanghihinayang lang. Kaya't ayokong mangyari sa buong bansa ang paminsan-minsan kong nakikita sa Ateneo. Ngunit maaaring hindi makatwiran ang naunang pangungusap dahil maliit na espasyo ang Ateneo habang napakalawak ng bansa. wika nga nila, iba ang dynamic ng micro sa macro. Maaaring natatangi ang konteksto ng Ateneo kumpara sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas. Maaaring iba ang konteksto ng kolonyalismong Amerikano noon sa konteksto ngayon. Sa aking isip, nasa na uri ang problema na ito bukod pa nga sa humihinang pagpapahalaga sa panitikang nakasulat sa iba't ibang wika sa Pilipinas. Sa ganito'y mas gugustuhin kong igiit ng SOLFED na gumamit ng isa sa mga wika sa Pilipinas tulad ng Cebuano, Iloko, o Hiligaynon sa halip ng Ingles. Tuwing pumupunta ako sa ibang bansa, inggit na inggit ako sa mga tindahan ng libro na minoridad ang mga librong nakasulat sa wikang Ingles. Inaasam ko ang pagdating ng panahong ito rin ang kaso sa mga tindahan ng libro dito sa Pilipinas. At alam kong ito rin ang pinapangarap ng mga miyembro ng SOLFED na nasa larangan din ng pagsulat. Na punuin ang mga tindahan ng libro ng mga librong nakasulat sa sariling wika. Ito, sa tingin ko, ang magiging tunay na tanda na hindi namamatay ang panitikan sa sariling wika kasama na ang sariling wika. Na nakakapaglathala ng dose-dosena, kundi man daan-daang libro taon-taon. Na makapagsulat ng mga awit sa sariling wika. Na makapagpalabas ng mga pelikula sa sariling wika. Sa isang malagong kultural na buhay, katuwang sa isang malagong demokrasya, ay lalago ang lahat ng mga panitikan at mga wika sa Pilipinas.

Kailangag linawin ang aking personal na posisyon sa kamakailang pag-uutos ng KWF na ipataw ang pagbabagong gawing "Filipinas" ang "Pilipinas". Siguro sasang-ayon ang mas batang ako na nagsulat ng naunang blog post sa ginawang ito ng KWF (Komisyon sa Wikang Filipino). Ngunit nababagabag ako ngayon sa ginawang ito ng KWF. Naghuhumiyaw ang mga tanong: Filipinas nino? Kaninong pagkakakilanlan sa bansa ang binibigyang-artikulasyon ng pagbabagong ito? At nababagabag ako na maaaring hindi na ito "akin" o "atin". Na ang ideya ng "Filipinas" ay "kaniya" o "kanila". Oo, kailangang "kathain" ang bansa ngunit mahirap itong kathain kung iisa lamang o iilan lamang ang awtor. Kung ang pundasyon (dapat) ng isang bansa ay pagkakaroon ng demokrasya (ulit, demokrasya kung saan nakikisangkot ang mga mamamayan nito sa "pagkatha" ng bansa), mahirap sabihing demokratiko ito kung pautos o nang-uutos ang diskurso. Maaaring bukas ang KWF na makipagtalastasan tungkol dito ngunit nagiging pautos ang dating sa akin at maaaring sa marami pang iba kaya't napakamadamdamin ang reaksiyon ng mga tao. Ngunit caaminin kong hindi ako dalubhasa kung bakit dapat gamitin ang "Filipinas". Dati ko na rin itong ginamit ngunit ngayo'y nahihirapan akong panatilihin ang paggamit nito dahil nananatili itong malayo sa pang-araw-araw na karanasan at pagpapahalaga ng ordinaryong mga mamamayan sa ating bansa. Maaari pa rin naman akong makumbinsi ngunit sa ngayo'y hindi pa rin ako lubos na kumbinsido sa pangangailangan o karapatan na baybayin ang pangalan ng bansa bilang "Filipinas".

Nagpapasalamat ako sa mga sagot ng mga tao, taga-SOLFED man o hindi. At nagpapasalamat ako na ngayon lang talaga nagkaroon ng malinaw na sagot sa aking mga naunang sinabi dahil siguradong magiging mainipin ang batang ako at di hamak na higit na hindi dalubhasa. Ngunit nananatili ang ilang mga paninindigan sa akin at mahirap na itong mabago ngunit sa pag-aaral ko ng Philippine Studies, bukas ako sa mga bagong kaalaman at sa gayo'y bukas rin sa mga pagbabago. Naging katangi-tangi ang naging klase ko sa ilalim ni Dr. Vicente Villan. Kabisayaan, partikular na ang isla ng Panay, ang pangunahing pagkadalubhasa ni Dr. Villan. Naipakita niya sa akin ang yaman, lalim, at lawak ng kulturang Bisaya. Ngunit bagaman may nababanaag akong kaunting pagkainis mula sa kanya dahil sa dominasyon nga ng diskursong Tagalog sa diskurso ng pagsasabansa, malinaw na ang kaniyang tunguhin ay mag-ambag hindi lamang tungo sa pagpapatatag ng kabihasnang Bisaya kundi pati na rin sa pagpapatatag sa kabihasnang Filipino. At nananatiling bukas si Dr. Villan sa ibang mga wika't kultura tulad na lamang nang minsan niyang maikuwentong gusto niyang tutukan ang kultura't wikang Iloko. Hindi ko maikakaila ang paghanga ko sa kaniya at sana'y makaambag din ako sa pag-unawa ng kabihasnang Filipino tulad ng ginagawa niya at marami pang mga guro't mag-aaral tungkol sa Pilipinas. Naniniwala pa rin ako sa bansang ito na unang isinaisip ng mga tulad ni Jose Rizal. At siguro'y hindi na iyon magbabago sa akin.

Kaya't buong pagpapakumbaba akong nagpapaumanhin at buong pagpapakumbaba akong nagpapasalamat. Nagpapaumanhin ako't isinulat ko ito sa Filipino (o Tagalog at hindi ko naman ito ikakaila). Ang pagkakamali ko siguro noon ay isinulat ko ang mga ideya sa isang wikang hindi naman talaga ako bihasa at maaaring nagdulot iyon ng ilang di-pagkakaunawaan o pagkakamali sa aking bahagi. Isa akong Tagalog. Higit na ispesipiko, nagsusulat at nagsasalita ako sa Tagalog-San Pablo. Hinding-hindi mawala ng diyalekto kong ito kahit ilang taon na ako sa Quezon City. Dala ko pa rin ang kakaibang Tagalog na ito na kaiba sa standard na Filipino. Ito ang wikang alam ko. Pero alam kong ito ang wika't diyalektong babalik-balikan ko. Ito ang aking wika. Hindi ko alam kung ito rin ang saloobin ng mga taga-SOLFED para sa kanilang sari-sariling wika pero kung ganito nga, baka unti-unti dumating ako sa pagkakaunawa sa kanila.

Ulit, maraming salamat sa pakikipagtalastasan pero hanggang dito na lamang siguro muna ako. Kung may mga puna pa sa mga sinabi ko ngayon, tatanggapin ko ang lahat ng ito nang maluwag ngunit magpapaumanhin na rin ako dahil maaaring hindi ko masagot ang lahat ng mga puna dahil na rin sa sariling pagkukulang lalo na sa oras at kaalaman. Babalikan ko na lang siguro ang mga puna at ang mismong isyu na ito kapag lumipas na ang pito pang taon, kapag may higit na akong naiambag sa kabihasnang Filipino.

Hanggang sa susunod, maraming salamat.

Biyernes, Mayo 10, 2013

Ang Seryosong Gawain ng Pagpapatawa ni Vice Ganda at ang Politika ng Pagtawa


"Gusto ko president ako agad. 'Yung wala kang background, pero mataas agad. Parang 'yung mga pulitiko lang ngayon. Walang background, pero senador agad."

Matalas ang joke na ito ni Vice Ganda. Sa katunaya'y hindi ito nalalayo sa pagpapatawang ginagawa niya sa comedy bar. Iyong pinipintasan niya ang hitsura ng mga tao. At hindi naman makapalag ang mga taong napagtitripan kasi iyon naman ang totoo. Totoong mataba ka. Totoong mahaba ang baba mo. Totoong maitim ka. Totoong nakakalbo ka na. Ang ipinagkaiba lamang ng joke na ito kay Nancy Binay at sa madalas na pagpapatawa na ginagawa ni Vice sa comedy bar at sa mga palabas niya ay game ang mga manonood at panauhin. Sa kasamaang palad, hindi game si Nancy Binay.

Tulad ng sinabi ko, matalas ang joke ni Vice Ganda dahil nakabatay ito sa pinaniniwalaan niyang katotohanan. Na manipis naman talaga ang resume ni Nancy Binay sa larangan ng serbisyo publiko. At gusto niyang pagtawanan ang katotohanan ito tungkol sa realidad ng politika ng Pilipinas--ang dominasyon ng mga politikal na pamilya.

Hindi pa sanay ang mga Filipino na tingnan ang mga komedyante bilang mga intelektuwal. Na madalas na tinitingnan ang pagpapatawa na kaugnay ng gaan at dahil doo'y di dapat serysohin. Na ang tawa ay isang damdaming hindi pinag-iisipan. At kadalasan nga'y ganito naman talaga ang pagpapatawa ni Vice Ganda, na gawing magaan ang mga bagay-bagay. Na magpagaan ng mga damdamin. Ngunit nauunawaan ni Vice ang higit na seryosong gawain ng pagpapatawa upang punahin ang kapangyarihan ng namamayaning uri.

Madalas kaligtaan ang siste't palabirong katangian ni Rizal. May anekdota tungkol kay Rizal nang nasa isang art gallery siya sa Paris ay napagkamalan siyang Hapones. Sa halip na mainsulto, pinagtripan niya ang mga taong iyong napagkamalan siyang Hapones at naging gabay nila sa mga eksibit ng sining mula sa Hapon. Madalas din nating makaligtaan ang matalas na pagpapatawa na ginawa ni Rizal sa kaniyang mga nobela. Sa kabila ng mabigat na melodrama sa Noli at Fili, hindi kinaliligtaan ni Rizal na pagtawanan ang lipunan at sistemang kaniyang binabatikos.

At sa ganitong tradisyon gumagalaw si Vice Ganda. Sinabi ko na noon sa mga klase ko na magaling at matalinong komedyante si Vice Ganda. Nakapanghihinayang lamang na hindi niya lubos na naipapakita ang talas at lalim ng kaniyang pagpapatawa't pag-iisip dahil sa pagnanasa niyang maging popular. Ngunit bago pa man bitawan ni Vice Ganda ang kaniyang joke tungkol kay Nancy Binay, malay na ako sa kakayahang pagtawanan at punahin ang sistema't namamayaning uri sa kaniyang mga stand up, lalong-lalo na sa kaniyang mga concert. Napanood ko ang naunang dalawang concert ni Vice Ganda. HUwag matawa. "Napilitan" akong panoorin ang mga concert niya dahil matagal nang fan ang mga kapatid ko ni Vice. Bago pa man siya naging popular sa Showtime, talagang hinahanap-hanap ng mga kapatid ko ang mga palabas ni Vice sa mga comedy bar noon. At sa pagitan nga ng mga ispektakulong song and dance number ay magpapatawa si Vice. Iyong mga joke tungkol sa pang-araw-araw at karaniwan na mga bagay--sa mga kapwa artista, sa kaniyang buhay, at, oo, sa mga politiko. At dito ako nakumbinsi sa talas at talino ni Vice. At sa mga pagpapatawang iyong pinupuna niya ang mga mali sa lipunan ng Pilipinas, nanghihinayang ako kasi hindi nga ito madalas makita sa It's Showtime, Gandang Gabi Vice, at maging sa kaniyang mga pelikula.

Kaya't natutuwa ako, bukod pa sa natatawa ako, sa joke ni Vice tungkol kay Nancy Binay.  Matalas ang puna. Itinatanghal ang kabalintunaan ng politikal na realidad ng Pilipinas. Nakakatawa dahil totoo. Nakakatawa ngunit masakit dahil nga totoo.

Matapang din ang joke. Pagtawanan mo ba naman ang anak ng Bise Presidente at, kung totoo nga ang direksiyong tinatahak ng mga survey, magiging Senador sa susunod na anim na taon. Matapang dahil lumalagpas na ito sa madalas na ginagawang joke ni Vice sa mga palabas niya. Itinutulak at pinalalawak nito ang hanggahan ng pagpapatawa, kung ano ang puwedeng pagtawanan. Lagpas na ito sa pagtawa sa mga pisikal na kapintasan. Lagpas na ito sa pagtawa sa mga bobong tanong. Hinihiling ng joke na pagtawanan natin ang mga makapangyarihan, pagtawanan ang ating politika, pagtawanan ang mga mali sa ating lipunan, pagtawanan ang ating mga sarili. Hinihiling ng joke, pagkatapos nating tumawa, kung bakit ang sakit-sakit at ang bigat-bigat ng pakiramdam kahit na tumawa o tumatawa ka.

Pero maganda't mabuti rin ang ganitong uri ng tawa kasi nga pinaaalalahanan tayo sa ating realidad. Pinaaalalahanan tayong kailangan natin ng mga katulad ni Vice Ganda upang paalalahanan tayong may nakakatawa sa ambisyong walang laman, sa politikang walang lalim.

Ipagpatuloy pa sana ni Vice ang ganitong uri ng pagpapatawa at maging mas consistent. Sabayan pa sana niya ang pagpapatawa't pagpunang, sa ngayon, si Lourd de Veyra at ang kaniyang mga kasama sa "Word of the Lourd" ang palaging gumagawa. Sa ganito'y lumalawak ang usapin at diskurso ng politika. Na gamit ng pagpapatawa, maaaring maisangkot ang ordinaryong mamamayan sa usaping madalas ay hindi sila isinasali kasi "pangmatalino" ito.

At sa ganito'y binabago rin ng ganitong uri ng pagpapatawa ang gawi ng mga politiko. Kung handa ang mga politikong makipagsayawan sa mga sexy na dancer o kumanta ng mga jologs na kanta nang sintunado, maging handa rin sana sila sa matatalas na joke mula sa mga matatalas na komedyanteng tulad ni Vice Ganda. At huwag sanang matakot si Vice na itulak ang hanggahan kung ano ang nakakatawa. Kasi kahit na malaos siya, kung mananatili siyang matalas at matapang, hinding-hindi mawawala ang halaga niya hindi lamang sa larangan ng showbiz kundi pati na rin sa kamalayan ng Filipino.

Pero sa ngayon, huwag na muna siyang mag-joke tungkol kay Jack Enrile. Mabuti na ang sigurado. (Oo, joke iyon.)

Pero go lang nang go, Vice. Go lang nang go.

Mga Pinagsanggunian:

http://www.abs-cbnnews.com/entertainment/05/07/13/senador-agad-vice-ganda-twits-nancy-binay

http://www.abs-cbnnews.com/video/entertainment/05/08/13/vice-ganda-nancy-binay-senador-agad

http://www.abs-cbnnews.com/entertainment/05/09/13/i-had-20-year-ojt-nancy-binay-tells-vice-ganda

Lunes, Abril 29, 2013

Ilang Tala Tungkol sa Katotohanan, sa Kasaysayan, at kay Ferdinand Marcos sa Panahon ng Memes


Makapangyarihan ang social media. Mabilis na lumaganap ang mga meme, imahen, status message, link, at artikulo sa Facebook dahil sa pagse-share. Mabilis na kumakalat at nagte-trending ang mga meme, imahen, tweet, link, at artikulo sa Twitter. Makapangyarihan ito sa pagpapalaganap ng impormasyon at balita. Ngunit nagiging mapanganib ito dahil maaaring maging pamamaraan ito ng pagpapalaganap ng kamalian.
Maaaring ang pagkakamali ay nasa panig ng mambabasa. Tulad na lang halimbawa ng paggamit ng Philippine Daily Inquirer ng isang imahen na inakala nilang tunay na pabalat ng Time magazine nang maging isa sa "100 Most Influencial People" list si Pangulong Aquino. (Tingnan dito ang balita.) Tulad na lang nang inakala ng marami na humingi ng TPO (temporary protection order) si Nancy Binay mula sa Korte Suprema. (Tingnan dito ang orihinal na satirikal na artikulo.) Satirika ang imaheng ginamit ng PDI at artikulo na ito tungkol kay Nancy Binay at dapat silang tanggapin bilang mapaglarong pagtatangka upang pag-isipin tayo at suriin ang ating realidad lalo na sa larangan ng politika. Sa ganito'y nagiging mahalaga ang pagiging mapanuri ng mambabasa sa mga bagay na nakakaharap nila sa Internet at sa pagpapalaganap ng mga bagay-bagay na makikita nila dito. 
Ngunit nagiging mas mapanganib para sa akin ay ang mga kumakalat na meme at artikulo na walang pagpapanggap na satirika, na nagbabalatkayo bilang "factoids" tungkol sa diktadurya ni Ferdinand Marcos. Maraming nagkakalat nito at naniniwala sila sa "katotohanan" nito. Hindi nila alam ay binabaluktot nito ang kasaysayan. Na ang mga datos dito'y mapanlinlang. 
Oo, may karapatang ipahayag ng mga tao ang kanilang opinyon. Pero karapatan ko ring sabihing mali ang kanilang opinyon kasi nga mali ito. Na pinagbabatayan ng "opinyon" at "katotohanan" na ito'y mahulagway na datos at mapaglinlang na impormasyon.  
Gusto ko ring husgahan nang obhetibo at unawain nang malalim ang ambag ni Ferdinand Marcos sa Pilipinas. Noong kinukuha ko ang Hi166 noong undergrad ako, pinagdudahan ko rin kung masama nga bang Pangulo si Marcos. Ngunit sa sariling pananaliksik, hindi maikakaila ang mga mabuti niyang  ginawa at ganoon rin ang kaniyang mga kakulangan. Sa harap ng maraming mabuti ay marami ring masama. Ang "peace and order" na kaniyang itinalaga pagkatapos ng deklarasyon ng Batas Militar ay maykapalit na pagdakip, torture, at pamamaslang. Ang mga proyektong infrastruktura tulad ng mga highway, ospital, tren, atbp. ay may kapalit na utang mula sa IMF, World Bank, at maging ADB na hanggang ngayo'y binabayaran pa rin natin hanggang ngayon. (Saan napupunta ang malaking bahagi ng aking 30% tax? Sa pagpapabayad ng mga utang na naipon sa panahon ni Marcos! Ay, kaunlaran!) 
Ang karanasang diasporiko, bagaman nagsimula pa noong panahon ng mga Amerikano, ay pinaigting ni Marcos noong dekada 70 nang magpadala ang Pilipinas ng mga manggagawa sa Gitnang silangan dahil sa oil boom doon at kinailangan ng mga manggagawang may kakayahan sa paggawa ng mga refinery ng langis. At hinayaan ito ni Marcos, at hihikayatin ng mga administrasyong susunod sa kaniya, dahil sa patuloy na kahinaan ng ekonomiya ng Pilipinas na magbigay ng sapat na trabaho. At dahil nga sa pagsalalay ni Marcos sa ekonomiyang sumasalalay sa mga manggagawa sa ibang bansa, hindi niya pinabayaan ang kanilang kapakanan sa pagpapasimula ng mga ahensiya at patakaraan na susugan ng pagkakaroon ng OWWA at POEA ngayon. (Tingnan lamang ang mga website ng OWWA at POEA at makikita sa kanilang kasaysayan na sa mga Presidential Order ni Marcos nagsimula ang mga paunang hakbang tungo sa mga ahensiya na ito, na maaaring isang mabuting hakbang upang maipangtanggol at maalagaan ang interes ng mga OFW/OCW ng Pilipinas.) Ngunit para sabihin na walang OFW/OCW sa panahon ni Marcos at mawawala sila kung magbabalik si Marcos ay isang kabalbalan!
Hindi ko alam kung saan ba nanggagaling ang pagkahumaling kay Marcos ng kabataang henerasyong hindi namulat sa Batas Militar. Dahil ba "cool" ito? Gusto nilang magpaka-hipster? Oo, hindi rin ako namulat sa diktadurya. Ngunit hindi ito ang sandali sa kasaysayan na aking lilingunin. Higit kong babalikan ang mapagpalayang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas. Mga dakilang bayaning lumaban sa kolonyalismo at nanindigan para sa bayan at kalayaan. Hindi ko dadakilain ang isang diktador na, sa ilalim ng kaniyang pamumuno, ay lumaganap ang korupsiyon, dumakip at pumaslang sa maraming kritiko, at pinabayaang masadlak sa kapabayaan ang estado. At hanggang ngayo'y nararamdaman natin ang mga sugat at hinanakit ng panahong iyon dahil hindi naman talaga naisiwalat ang katotohanan nang tanggihan ng mga sumunod na administrasyon ang pagkakaroon ng truth commission at ang muling pagtanggap sa pamilya Marcos sa larangan ng politika. At hindi ako nagpapaka-cool o inuulit lamang ang sinasabi ng mga aktibista kong guro. Humantong ako dito sa aking sariling pananaliksik at pagsusuri. 
Hindi na ako dadawdaw sa isyu kung kailangan bang ilibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ilibing man siya doon o hindi, kailangang maging mapanimbang tayo sa kaniyang ambag at pagkukulang, kung paano siya dapat iluklok sa kasaysayan. Kung magkakalat ng mga bagay-bagay sa Internet, siguradahing nakabatay ito sa matibay na pruwebe at datos. Mapanlinlang ang mga bullet point na info nang hindi inilalagay sa tamang konteksto, persperktiba, kahit man lang petsa kung kailan o saan galing ang datos. Mahilig akong mag-share at mag-retweet ngunit sinisigurado kong satirika nga ito at nakikibahagi ako sa diskursong isinisiwalat ng satirika. At kung hindi man ito satirika, sisiguraduhin kong nanggaling ito sa mapagkakatiwalaang website at hindi lamang sa kung saang-saang sulok na nagbabalatkayo't nagpapalaganap na makatotohanan.
At iyon naman talaga dapat ang manaig, ang katotohanan. Hindi ito maaaring mabaluktot. Hindi ito maaaring mabali. Ang problema'y may mga inaakala tayong totoo habang patuloy tayong lumalayo sa katotohanan. Kailangang manindigan sa tunay na mahalaga, tulad ng kalayaan at demokrasya. 
Kaya't sige, hayaang ikalat at magkalat iyang mga memes at artikulong nagpapanggap na makatotohanan at binabalbal ang kasaysayan. Bahagi iyan ng demokratikong espasyo ng Internet. Bahagi iyan ng postmodernong kalagayan ng Internet. Ngunit narito ako, ipagsisigaw na iyan ay mali dahil iyan ang paninindigan at gagawin ko ang lahat upang makumbinsi ang mga tao tungo sa aking pinaninindigang katotohanan. At buong tayo ng sariling paninindigan at huwag magpagamit sa propaganda ng iba taong may pinoprotektahan at ipinagtatanggol na interes.  

Mga akdang sinangguni at maaaring sanggunian:
Abinales, Patricio N., Images of State Power: Essays on Philippine Politics from the Margins. Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 1998.
Magno, Alexander R., "A Nation Reborn," Kasaysayan: The Story of the Filipino People, Vol. 9. Singapore: Asia Publishing Company Limited, 1998.
McCoy, Alfred, pat., An Anarchy of Families: State and Family in the Philippines. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 1994.
__________, Policing America's Empire: The United States, The Philippines, and the Rise of the Surveillance State. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2011.
Rafael, Vicente L., White Love and Other Events in Filipino History. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2000.
Zafra, Galileo S., "Ang Pagsakay nina Juan Masolong at Flor Contemplacion sa MRT: Diskurso ng Paglalakbay sa Panahon ng Kolonyalismo at Globalisasyon," Burador. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2010.

Martes, Oktubre 09, 2012

I *Heart* Lemon


I ♥ Lemon

Ilagay ito sa inyong timeline at siguradong mataas ang makukuha ninyo sa inyong FINAL GRADE!

HINDI ITO SPAM! MANIWALA KA! May isang Atenista na hindi ito ginawa, naka-D lang siya kung ano mang course ang kinukuha niya. May isa namang pinagtawanan ito, nakakuha siya ng F! Pero may isa na hindi lang ito pinost, nag-post pa siya ng picture na pumipiga siya ng lemon at pinatutulo ang katas ng lemon sa kaniyang mata. At nakakuha siya ng A+!

Pls. post and share!

Biyernes, Agosto 10, 2012

Kung Ano ang Sinasabi ng "Bourne Legacy" tungkol sa Maynila at Pilipinas


(Mag-ingat sa mga spoiler)

1) Sa Maynila ina-outsource hindi lamang ang mga call centers kundi pati ang mga mahahalaga at inililihim na mga eksperimentong pantao ng Amerika.

2) Kung dayuhan kang puti, sa looban magtago. Kasi nga, hindi ka out of place doon.

3) Matatag ang mga barungbarong, puwedeng mag-parkour sa bubong.

4) Kung tatakbo ka sa gitna ng Maynila, asahang maraming titingin at tatanaw sa iyo.

5) Hitech ang PNP.

6) Malutong magmura ang mga Pinoy.

7) Motorsiklo at scooter talaga ang tamang paraan para makaiwas sa trapik, mga humahabol na pulis, at humahabol na assassin.

8) Magkatabi lang ang Malabon at Marikina.

Lunes, Marso 26, 2012

Rebyu: The Hunger Games (2012)

*Mag-ingat. May spoilers.*

Hindi ko ikinakaila na medyo na-obsess ako sa Hunger Games. (Okey, hindi lang medyo.) Kaya sabik na sabik ako nang mapanood ko na ang bersiyong pelikula nito. Sa unang dating, masasabi kong okey siya. Hindi ako napa-wow o kung ano mang pagkamangha dahil na rin siguro sa sobrang pagkasabik. O marahil hindi lang talaga ganoong kamangha-mangha ang pelikula.

Ngunit pagkatapos ng unang limang minuto ng pelikula, unti-unting dumating sa akin na iba ang pelikula sa nobela at mayroon itong natatanging mga katangiang ito lamang ang kayang gumawa habang may kayang gawin ang mga nobela na hindi kayang gawin ng pelikula. Ang ganitong kakatwang katangian ng adaptasyon ang masalimuot na nararanasan ko habang pinapanood ang pelikula.

Sa kabuuan, maayos ang pag-aangkop ng naratibo ng nobela sa pelikula. May mga nagrereklamo na masyado nitong sinusubaybayan ang mga pangyayari sa nobela ngunit hindi naman ito problema sa akin dahil hiyang ang nobela sa ganitong pag-aangkop. Ngunit dahil isinasalaysay ang nobela mula sa punto de bista ni Katniss, higit ng personal at madamdamin ang mga eksena sa nobela. Ito marahil ang hinahanap-hanap ng mga nakabasa na ng nobela. Ngunit ito ang pinakaunang mawawala. Kaya't napakahalaga ng aktor dito at masasabing kong magaling ang pagganap ni Jennifer Lawrence. May katatagan at vulnerability siyang sabay-sabay na napaghahalo sa kanyang pagganap, mga bagay na lantad sa interior monologue ng nobela. May mga ayaw sa kanyang pagganap pero para sa akin, naging sapat kundi man magaling siya dito. Isang patunay nito ay ang eksena sa pelikula kung kailan nasa tren si Katniss at nanonood siya ng TV. Ipinapalabas ang nakaraang nagwagi ng Hunger Games at makikita sa mata niya ang pagnanasang manalo at may sandaling naniniwala siya na kaya niyang gawin ito. Pero agad-agad niyang pinatay ang TV. Mapanganib ang mga ganoong uri ng pagnanasa, ang ganoong uri ng pag-asa dahil may kapalit iyon lalong-lalo na sa kanyang pagkatao.

Sapat din lamang sa akin ang karahasang ipinakikita sa loob ng pelikula. May nagrereklamo na naging duwag ang pelikula sa pagharap sa karahasan. Ito nga siguro ang bentahe ng Battle Royale. Ngunit kumbinsido akong hindi ito kailangan. Sa eksena kung kailan nagsisimula pa lamang ang laro sa loob ng arena, naging mailag nga ang kamera sa pagpapakita ng pagpapapatayan. Ngunit sapat nang alam ng manonood na mga bata ang nagpapatayan at may sariling pagkasuklam ang katotohanang ito upang hindi tanggalin ang talim ng realisasyong ito. Kasinglalim marahil ito na dagok kumpara sa pagbabasa ng mga balita't kuwento sa tabloid tungkol sa mga batang namamatay at pinapatay.

Kaya't natatawa ako sa mga taong naghahanap ng "thrill" sa mga eksena sa loob ng arena. Gusto mo bang makaranas ng "thrill" sa harap ng katotohanang mga bata itong nagpapatayan? Malinaw sa nobela na wala silang kapangyarihan sa kanilang sitwasyon. Ito ang bentahe ng pelikula lalo na sa mga eksenang ipinakikita kung paano minamanipula ng mga Gamemaker ang buong laro. Kaya't mainam na dagdag si Seneca Crane sa pelikula. Hindi siya prominente sa nobela ngunit siya ang kumakatawan sa mga galamay na nagpapagalaw at may kontrol sa buhay ng mga batang itong sapilitang ginagawang hayop. Walang kapangyarihan itong mga batang ito. Hindi ito survival-of-the-fittest. Ito ay patayan alang-alang sa mataas na ratings, sa lugod ng mga nanonood. Artispisyal ang lahat-lahat sa loob ng Arena ng Hunger Games tulad ng kahit na anong reality TV. Kung ano mang thrill ang hinahanap ng mga tao, peke ito at hindi ito ang punto. Malinaw na mababatid ito sa huling labanan sa arena. Sakal-sakal ni Cato si Peeta habang nakaabang si Katniss gamit ng kanyang pana. Madaling malagpasan ang mga sinabi ni Cato sa stand-off na ito. Malay si Cato na hindi siya ang may kontrol ng lahat-lahat. Na hindi siya ang inaasahang manalo noon pa mang simula. Hindi siya ang bida. Ang paglaban na lamang ang kaya niyang gawin upang mabawi ang kahit na katiting na kawalan ng kapangyarihan. Minalas lamang siyang maging kontrabida at hindi ang bida ng palabas na ito. Kailangang gampanan mo lang ang itinalagang gampanin. At dahil dito'y makapangyarihan ang eksena ng pagtatangkang magpakamatay nina Katniss at Peeta nang sabay. May ginagampanan din sila pero isa itong pagganap na lagpas na sa kontrol ng mga Gamemakers at ng mga makapangyarihan.

Ang natatanging pagkukulang para sa akin ng pelikula ay ang manipis na pagbubuo ng ugnayan ng mga pangunahing tauhan lalo na sa pagitan nina Katniss at Rue at sa pagitan nina Katniss at Peeta. Ito marahil ang bentahe ng nobela sa pelikula. May panahon para mabuo ang mga ugnayan. Ngunit sa pelikula'y mainam namang nabuod ito kaya nga lang parang buod lamang ito kumpara sa nobela. Masyadong minadali ang pagtatapos kumpara sa napakabagal at masidhing simula na nagpapakita ng Reaping.

May nagbabantang politikal na pagsabog sa kalagitnaan ng pelikula. Kamamatay lamang ni Rue at bigla-biglang nag-alsa ang District 11. Mainam itong pagbabadya para sa susunod na pelikula. At lagpas sa pagtatapos na naglalatag sa darating na sequel, ito ang natatanging eksena para sa akin ng pelikula at para na rin sa buong serye sa ngayon. Sa madalas na inihahambing na Battle Royale, may sequel din itong higit na politikal at nagpapakita ng mga rebeldeng lumalaban sa gobyerno. Maraming hindi gusto ang sequel na ito. Ngunit para sa akin ay kailangan. Ito rin ang kailangang gawin ng seryeng Hunger Games. Hindi sapat ang manalo o tumakas. Kailangang harapin ang mapaniil na sistema. Pero tulad ng nasabi ko na tungkol sa mga libro, masalimuot ang pagharap na ito, ang pagbalikwas sa sistena, dahil may kapalit na kompromiso ito sa iyong prinsipyo. Ito ang mainam na hinarap ng mga libro ng Hunger Games at maging ng Battle Royale. Tulad ni Philbert Dy at Scott Tobias, at gaano mang kaayaw ng mga taong harapin ang masalimuot na politika ng dystopia na inilalatag ng pelikula at serye, ito ang pinakaaasam ko sa susunod na pelikula.

Sabado, Marso 17, 2012

Rebyu: Hunger Games Trilogy

*Mga-ingat, may spoilers*


Binasa ko ang buong serye sa loob ng isang linggo. Ganoon ako naadik. Ewan ko ba. Pinapabili lang naman sa akin ng kapatid ko ang serye pero naintriga na rin siguro ako. Kaya binuklat ko ang unang libro at hindi ko na ito maibaba. 


Isinasalaysay ng serye ang kuwento ni Katniss Everdeen, isang 16 na taong gulang na babae mula sa District 12, isa sa labindalawang distritong nasa ilalim ng pamamahala ng lungsod ng Capitol, ang kabisera ng Panem, isang bansa uusbong pagkatapos bumagsak ng Estados Unidos ngayon. Sasali siya sa taunang Hunger Games na pinamamahalaan ng Capitol. Isang reality TV program ito na inoorganisa bilang tanda ng kapangyarihan ng Capitol sa iba pang mga distrito. Bawat taon ay pumipili ng isang binata at dalaga sa bawat distrito upang sapilitang maglaban sa Hunger Games. Ang mananalo'y kalimita'y nagiging popular na celebrity bukod pa sa pera't gantimpalang kanyang mapapanalunan. Simboliko ang pagkuha ng Capitol sa mga kabataan at pagsasalang sa sadistikong Hunger Games--sila ang may kontrol ng kinabukasan ng mga distrito at bilang parusa sa kanila pagkatapos ng kanilang pagrerebelde halos 75 taon ang nakararaan.


Hindi ko ipagtatanggol ang serye bilang high art o high literature. Hindi ganoong kaganda ang prosa. Masasabi pa ngang may ilan akong nakitang kakatwang mga kataga at pangungusap. Mas marami sigurong nobelang dystopia ang nariyan pero ayokong ikumpara pa dahil hindi (pa) naman ako eksperto. Ang anyo'y predictable. Ang bawat libro'y nagsisimula sa paglalahad ng suliranin ni Katniss Everdeen, ang pangunahing tauhan, habang ang dulong bahagi ng mga libro'y literal na masusuong siya at ang iba pang mga tauhan sa panganib dahil sa pakikipaglaban sa Hunger Games at sa kanyang pakikibahagi sa rebelyon laban sa Capitol. Nakakairita para sa aking makalalaking sensibilidad na pag-isipan ni Katniss ang pag-ibig habang nasa gitna ng mapanganib na sitwasyon. Hindi bagay sa akin ang kanyang female angst. Pinagbibigyan ko ito dahil alam kong hindi ako talaga ang ideal na audience nito. Hindi rin ganoong kaorihinal ang premise ng serye. Nauna na ang Battle Royale sa set up na pagpipilit na magpatayan ang kabataan sa isang dystopic na hinaharap. 


Ngunit may mga isyung kontemporanyo't unibersal na nais kong bigyang-pansin. Una na rito ang sikolohiya na inilalarawan sa serye. Una rito ang sikolohiya ng reality TV. Upang manatiling buhay sa loob ng arena ng Hunger Games kinailangan ni Katniss na magpanggap o magtanghal sa harap ng kamera na sumusubaybay sa kanya at iba pang manlalaro. Sa ganitong pagpapanggap, nagiging magulo sa isipan ni Katniss ang tunay niyang mga damdamin. Ginagawa ba niya ito dahil gusto niya o dahil nais lamang niyang mabuhay/magwagi? Komplikado ang ganitong sikolohiya lalo na sa hindi madugong reality TV na napapanood. Tunay nga bang pagkakaibigan ang nangyayari sa Survivor? Artipisyal ang sitwasyon kaya maaaring artipisyal ang nararamdaman. 


Pangalawa'y ang sikolohiya ng digmaan. Lahat ng mga nagwawagi'y inilalarawan na tila nakararanas ng post-traumatic stress disorder (PTSD). Dinadalaw ang karamihan, kung hindi naman lahat, ng mga nagwagi sa Hunger Games ng mga bangungot. Ang iba'y nabaliw tulad ni Annie Cresta, na madalas mag-hysteria at paminsan-minsa'y nawawalan ng pokus sa kasalukuyan. Karamihan din sa kanila'y pumupunta sa droga o alak, tulad ni Haymitch Abernathy, ang mentor ni Katniss at Peeta Mellark para sa Hunger Games. Hindi ko alam kung realistiko ang paglalarawan sa nararanasan nina Katniss at Peeta sa nobela ngunit inilalahad ang kanilang delikadong kalooban na halos bumasag sa kanila sa kabuuan ng serye.


Hindi moralistiko o simplistiko ang paglalarawan ng mga tunggalian sa loob ng nobela. Bagaman istereotipikong diktador si Coriolanus Snow, hindi malinaw ang intensiyon ng mga tauhan lalo ng mga rebelde. Masasabing nabahiran na ang lahat ng digmaan at galit at pighati. Na bagaman mabuti ang intensiyon ng mga rebelde, malinaw na nabahiran na ang kanilang konsepto ng kabutihan nang, sa dulo ng serye'y, pinag-isipan ni President Coin kung ipasasailalim sa isang Hunger Games ang mga kabataan ng Capitol. 


Interesante ang halaga ng mass media sa serye bilang larangan ng tunggalian. Bagaman isang paraan ng kontrol sa mga mamamayan, mapanganib din ito dahil posible rin itong magamit bilang paraan ng subersiyon. At ito nga ang mangyayari sa buong serye. Si Katniss Everdeen ay magiging simbolo. Isang lutang na signifier na binigyan ng signified ng mga manonood ng lahat ng kanilang mga pagnanasa para sa kalayaan, ayaw man o sa gusto ng pamahalaan o maging ni Katniss. 


Magiging mahalaga rin ang mass media sa digmaang puputok sa dulo ng serye. May dalawang digmaan na nilalabanan ang mga rebelde, isang pisikal na digmaan na gumagamit ng baril at bomba, at isang propaganda war na gumagamit ng kamera. Tila propetiko ang serye sa paglalararawan ng mga pag-aalsang nangyari sa Gitnang Siliangan at patuloy na nangyayari ngayon sa Syria. Hindi lamang sa lupa ang laban, nasa ere at cyberspace na rin. 


Sa ano mang pagkukulang ng serye, naaliw ako dito dahil sa mga pagsasamundo sa isang dystopia na hindi rin naman talaga ganoong kalayo sa atin o maging sa ating nakaraan. Palasak na marahil ang paghahambing sa Hunger Games sa mga labanan ng mga gladiator sa Roma. Ngunit inilalantad din lamang ng serye ang mga agam-agam at suliraning kinakaharap ng sangkatauhan sa nakalipas na mga milenyo. Paano maging makatao at magpakatao sa harap ng kahirapan at kahayupang nangyayari sa mundo? Paano mananatiling buo sa mundo wasak na at pilit kang winawasak?

Linggo, Enero 01, 2012

Ilang Kababawang Nalaman Ko Tungkol sa South Korea

1. Sa South Korea, dalawang uri lamang ng selfon ang mayroon, Samsung Galaxy SII at Apple iPhone 4S.

2. Walang mataba sa South Korea.

3. Maraming magagandang babae sa South Korea. O magaling lang talaga silang manamit at maglagay ng make-up.

4. Walang mababang uri ng krimen sa South Korea.

5. Kaunti lang ang mga bookstore sa South Korea pero malalaki at puros Koreano. May imprint ang Penguin Classics na nakasalin sa Koreano at malaki ang section nila ng world classics na nakasalin sa Koreano. Kaunti lamang ang mga librong foreign.

6. Masarap ang bulgogi.

7. Maganda pero medyo nakakalito ang subway ng Seoul.

8. Popular sa South Korea si Sandara Park.

9. Atat at nagmamadali ang mga Koreano kaya asahan nang mabangga habang naglalakad sa bangketa at sa subway.

10. Sunod sa mga palasyo, ang pangalawang pinupuntahan ng mga turista ay mga kilalang tagpuan ng mga Korean drama.

11. Nagbibilang ng tatlo ang mga Koreano gamit ang kanilang daliri sa estilong Aleman. (Inglorious Basterds reference)