*Mag-ingat. May spoilers.*
Hindi ko ikinakaila na medyo na-obsess ako sa Hunger Games. (Okey, hindi lang medyo.) Kaya sabik na sabik ako nang mapanood ko na ang bersiyong pelikula nito. Sa unang dating, masasabi kong okey siya. Hindi ako napa-wow o kung ano mang pagkamangha dahil na rin siguro sa sobrang pagkasabik. O marahil hindi lang talaga ganoong kamangha-mangha ang pelikula.
Ngunit pagkatapos ng unang limang minuto ng pelikula, unti-unting dumating sa akin na iba ang pelikula sa nobela at mayroon itong natatanging mga katangiang ito lamang ang kayang gumawa habang may kayang gawin ang mga nobela na hindi kayang gawin ng pelikula. Ang ganitong kakatwang katangian ng adaptasyon ang masalimuot na nararanasan ko habang pinapanood ang pelikula.
Sa kabuuan, maayos ang pag-aangkop ng naratibo ng nobela sa pelikula. May mga nagrereklamo na masyado nitong sinusubaybayan ang mga pangyayari sa nobela ngunit hindi naman ito problema sa akin dahil hiyang ang nobela sa ganitong pag-aangkop. Ngunit dahil isinasalaysay ang nobela mula sa punto de bista ni Katniss, higit ng personal at madamdamin ang mga eksena sa nobela. Ito marahil ang hinahanap-hanap ng mga nakabasa na ng nobela. Ngunit ito ang pinakaunang mawawala. Kaya't napakahalaga ng aktor dito at masasabing kong magaling ang pagganap ni Jennifer Lawrence. May katatagan at vulnerability siyang sabay-sabay na napaghahalo sa kanyang pagganap, mga bagay na lantad sa interior monologue ng nobela. May mga ayaw sa kanyang pagganap pero para sa akin, naging sapat kundi man magaling siya dito. Isang patunay nito ay ang eksena sa pelikula kung kailan nasa tren si Katniss at nanonood siya ng TV. Ipinapalabas ang nakaraang nagwagi ng Hunger Games at makikita sa mata niya ang pagnanasang manalo at may sandaling naniniwala siya na kaya niyang gawin ito. Pero agad-agad niyang pinatay ang TV. Mapanganib ang mga ganoong uri ng pagnanasa, ang ganoong uri ng pag-asa dahil may kapalit iyon lalong-lalo na sa kanyang pagkatao.
Sapat din lamang sa akin ang karahasang ipinakikita sa loob ng pelikula. May nagrereklamo na naging duwag ang pelikula sa pagharap sa karahasan. Ito nga siguro ang bentahe ng Battle Royale. Ngunit kumbinsido akong hindi ito kailangan. Sa eksena kung kailan nagsisimula pa lamang ang laro sa loob ng arena, naging mailag nga ang kamera sa pagpapakita ng pagpapapatayan. Ngunit sapat nang alam ng manonood na mga bata ang nagpapatayan at may sariling pagkasuklam ang katotohanang ito upang hindi tanggalin ang talim ng realisasyong ito. Kasinglalim marahil ito na dagok kumpara sa pagbabasa ng mga balita't kuwento sa tabloid tungkol sa mga batang namamatay at pinapatay.
Kaya't natatawa ako sa mga taong naghahanap ng "thrill" sa mga eksena sa loob ng arena. Gusto mo bang makaranas ng "thrill" sa harap ng katotohanang mga bata itong nagpapatayan? Malinaw sa nobela na wala silang kapangyarihan sa kanilang sitwasyon. Ito ang bentahe ng pelikula lalo na sa mga eksenang ipinakikita kung paano minamanipula ng mga Gamemaker ang buong laro. Kaya't mainam na dagdag si Seneca Crane sa pelikula. Hindi siya prominente sa nobela ngunit siya ang kumakatawan sa mga galamay na nagpapagalaw at may kontrol sa buhay ng mga batang itong sapilitang ginagawang hayop. Walang kapangyarihan itong mga batang ito. Hindi ito survival-of-the-fittest. Ito ay patayan alang-alang sa mataas na ratings, sa lugod ng mga nanonood. Artispisyal ang lahat-lahat sa loob ng Arena ng Hunger Games tulad ng kahit na anong reality TV. Kung ano mang thrill ang hinahanap ng mga tao, peke ito at hindi ito ang punto. Malinaw na mababatid ito sa huling labanan sa arena. Sakal-sakal ni Cato si Peeta habang nakaabang si Katniss gamit ng kanyang pana. Madaling malagpasan ang mga sinabi ni Cato sa stand-off na ito. Malay si Cato na hindi siya ang may kontrol ng lahat-lahat. Na hindi siya ang inaasahang manalo noon pa mang simula. Hindi siya ang bida. Ang paglaban na lamang ang kaya niyang gawin upang mabawi ang kahit na katiting na kawalan ng kapangyarihan. Minalas lamang siyang maging kontrabida at hindi ang bida ng palabas na ito. Kailangang gampanan mo lang ang itinalagang gampanin. At dahil dito'y makapangyarihan ang eksena ng pagtatangkang magpakamatay nina Katniss at Peeta nang sabay. May ginagampanan din sila pero isa itong pagganap na lagpas na sa kontrol ng mga Gamemakers at ng mga makapangyarihan.
Ang natatanging pagkukulang para sa akin ng pelikula ay ang manipis na pagbubuo ng ugnayan ng mga pangunahing tauhan lalo na sa pagitan nina Katniss at Rue at sa pagitan nina Katniss at Peeta. Ito marahil ang bentahe ng nobela sa pelikula. May panahon para mabuo ang mga ugnayan. Ngunit sa pelikula'y mainam namang nabuod ito kaya nga lang parang buod lamang ito kumpara sa nobela. Masyadong minadali ang pagtatapos kumpara sa napakabagal at masidhing simula na nagpapakita ng Reaping.
May nagbabantang politikal na pagsabog sa kalagitnaan ng pelikula. Kamamatay lamang ni Rue at bigla-biglang nag-alsa ang District 11. Mainam itong pagbabadya para sa susunod na pelikula. At lagpas sa pagtatapos na naglalatag sa darating na sequel, ito ang natatanging eksena para sa akin ng pelikula at para na rin sa buong serye sa ngayon. Sa madalas na inihahambing na Battle Royale, may sequel din itong higit na politikal at nagpapakita ng mga rebeldeng lumalaban sa gobyerno. Maraming hindi gusto ang sequel na ito. Ngunit para sa akin ay kailangan. Ito rin ang kailangang gawin ng seryeng Hunger Games. Hindi sapat ang manalo o tumakas. Kailangang harapin ang mapaniil na sistema. Pero tulad ng nasabi ko na tungkol sa mga libro, masalimuot ang pagharap na ito, ang pagbalikwas sa sistena, dahil may kapalit na kompromiso ito sa iyong prinsipyo. Ito ang mainam na hinarap ng mga libro ng Hunger Games at maging ng Battle Royale. Tulad ni Philbert Dy at Scott Tobias, at gaano mang kaayaw ng mga taong harapin ang masalimuot na politika ng dystopia na inilalatag ng pelikula at serye, ito ang pinakaaasam ko sa susunod na pelikula.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento