Lunes, Abril 29, 2013

Ilang Tala Tungkol sa Katotohanan, sa Kasaysayan, at kay Ferdinand Marcos sa Panahon ng Memes


Makapangyarihan ang social media. Mabilis na lumaganap ang mga meme, imahen, status message, link, at artikulo sa Facebook dahil sa pagse-share. Mabilis na kumakalat at nagte-trending ang mga meme, imahen, tweet, link, at artikulo sa Twitter. Makapangyarihan ito sa pagpapalaganap ng impormasyon at balita. Ngunit nagiging mapanganib ito dahil maaaring maging pamamaraan ito ng pagpapalaganap ng kamalian.
Maaaring ang pagkakamali ay nasa panig ng mambabasa. Tulad na lang halimbawa ng paggamit ng Philippine Daily Inquirer ng isang imahen na inakala nilang tunay na pabalat ng Time magazine nang maging isa sa "100 Most Influencial People" list si Pangulong Aquino. (Tingnan dito ang balita.) Tulad na lang nang inakala ng marami na humingi ng TPO (temporary protection order) si Nancy Binay mula sa Korte Suprema. (Tingnan dito ang orihinal na satirikal na artikulo.) Satirika ang imaheng ginamit ng PDI at artikulo na ito tungkol kay Nancy Binay at dapat silang tanggapin bilang mapaglarong pagtatangka upang pag-isipin tayo at suriin ang ating realidad lalo na sa larangan ng politika. Sa ganito'y nagiging mahalaga ang pagiging mapanuri ng mambabasa sa mga bagay na nakakaharap nila sa Internet at sa pagpapalaganap ng mga bagay-bagay na makikita nila dito. 
Ngunit nagiging mas mapanganib para sa akin ay ang mga kumakalat na meme at artikulo na walang pagpapanggap na satirika, na nagbabalatkayo bilang "factoids" tungkol sa diktadurya ni Ferdinand Marcos. Maraming nagkakalat nito at naniniwala sila sa "katotohanan" nito. Hindi nila alam ay binabaluktot nito ang kasaysayan. Na ang mga datos dito'y mapanlinlang. 
Oo, may karapatang ipahayag ng mga tao ang kanilang opinyon. Pero karapatan ko ring sabihing mali ang kanilang opinyon kasi nga mali ito. Na pinagbabatayan ng "opinyon" at "katotohanan" na ito'y mahulagway na datos at mapaglinlang na impormasyon.  
Gusto ko ring husgahan nang obhetibo at unawain nang malalim ang ambag ni Ferdinand Marcos sa Pilipinas. Noong kinukuha ko ang Hi166 noong undergrad ako, pinagdudahan ko rin kung masama nga bang Pangulo si Marcos. Ngunit sa sariling pananaliksik, hindi maikakaila ang mga mabuti niyang  ginawa at ganoon rin ang kaniyang mga kakulangan. Sa harap ng maraming mabuti ay marami ring masama. Ang "peace and order" na kaniyang itinalaga pagkatapos ng deklarasyon ng Batas Militar ay maykapalit na pagdakip, torture, at pamamaslang. Ang mga proyektong infrastruktura tulad ng mga highway, ospital, tren, atbp. ay may kapalit na utang mula sa IMF, World Bank, at maging ADB na hanggang ngayo'y binabayaran pa rin natin hanggang ngayon. (Saan napupunta ang malaking bahagi ng aking 30% tax? Sa pagpapabayad ng mga utang na naipon sa panahon ni Marcos! Ay, kaunlaran!) 
Ang karanasang diasporiko, bagaman nagsimula pa noong panahon ng mga Amerikano, ay pinaigting ni Marcos noong dekada 70 nang magpadala ang Pilipinas ng mga manggagawa sa Gitnang silangan dahil sa oil boom doon at kinailangan ng mga manggagawang may kakayahan sa paggawa ng mga refinery ng langis. At hinayaan ito ni Marcos, at hihikayatin ng mga administrasyong susunod sa kaniya, dahil sa patuloy na kahinaan ng ekonomiya ng Pilipinas na magbigay ng sapat na trabaho. At dahil nga sa pagsalalay ni Marcos sa ekonomiyang sumasalalay sa mga manggagawa sa ibang bansa, hindi niya pinabayaan ang kanilang kapakanan sa pagpapasimula ng mga ahensiya at patakaraan na susugan ng pagkakaroon ng OWWA at POEA ngayon. (Tingnan lamang ang mga website ng OWWA at POEA at makikita sa kanilang kasaysayan na sa mga Presidential Order ni Marcos nagsimula ang mga paunang hakbang tungo sa mga ahensiya na ito, na maaaring isang mabuting hakbang upang maipangtanggol at maalagaan ang interes ng mga OFW/OCW ng Pilipinas.) Ngunit para sabihin na walang OFW/OCW sa panahon ni Marcos at mawawala sila kung magbabalik si Marcos ay isang kabalbalan!
Hindi ko alam kung saan ba nanggagaling ang pagkahumaling kay Marcos ng kabataang henerasyong hindi namulat sa Batas Militar. Dahil ba "cool" ito? Gusto nilang magpaka-hipster? Oo, hindi rin ako namulat sa diktadurya. Ngunit hindi ito ang sandali sa kasaysayan na aking lilingunin. Higit kong babalikan ang mapagpalayang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas. Mga dakilang bayaning lumaban sa kolonyalismo at nanindigan para sa bayan at kalayaan. Hindi ko dadakilain ang isang diktador na, sa ilalim ng kaniyang pamumuno, ay lumaganap ang korupsiyon, dumakip at pumaslang sa maraming kritiko, at pinabayaang masadlak sa kapabayaan ang estado. At hanggang ngayo'y nararamdaman natin ang mga sugat at hinanakit ng panahong iyon dahil hindi naman talaga naisiwalat ang katotohanan nang tanggihan ng mga sumunod na administrasyon ang pagkakaroon ng truth commission at ang muling pagtanggap sa pamilya Marcos sa larangan ng politika. At hindi ako nagpapaka-cool o inuulit lamang ang sinasabi ng mga aktibista kong guro. Humantong ako dito sa aking sariling pananaliksik at pagsusuri. 
Hindi na ako dadawdaw sa isyu kung kailangan bang ilibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ilibing man siya doon o hindi, kailangang maging mapanimbang tayo sa kaniyang ambag at pagkukulang, kung paano siya dapat iluklok sa kasaysayan. Kung magkakalat ng mga bagay-bagay sa Internet, siguradahing nakabatay ito sa matibay na pruwebe at datos. Mapanlinlang ang mga bullet point na info nang hindi inilalagay sa tamang konteksto, persperktiba, kahit man lang petsa kung kailan o saan galing ang datos. Mahilig akong mag-share at mag-retweet ngunit sinisigurado kong satirika nga ito at nakikibahagi ako sa diskursong isinisiwalat ng satirika. At kung hindi man ito satirika, sisiguraduhin kong nanggaling ito sa mapagkakatiwalaang website at hindi lamang sa kung saang-saang sulok na nagbabalatkayo't nagpapalaganap na makatotohanan.
At iyon naman talaga dapat ang manaig, ang katotohanan. Hindi ito maaaring mabaluktot. Hindi ito maaaring mabali. Ang problema'y may mga inaakala tayong totoo habang patuloy tayong lumalayo sa katotohanan. Kailangang manindigan sa tunay na mahalaga, tulad ng kalayaan at demokrasya. 
Kaya't sige, hayaang ikalat at magkalat iyang mga memes at artikulong nagpapanggap na makatotohanan at binabalbal ang kasaysayan. Bahagi iyan ng demokratikong espasyo ng Internet. Bahagi iyan ng postmodernong kalagayan ng Internet. Ngunit narito ako, ipagsisigaw na iyan ay mali dahil iyan ang paninindigan at gagawin ko ang lahat upang makumbinsi ang mga tao tungo sa aking pinaninindigang katotohanan. At buong tayo ng sariling paninindigan at huwag magpagamit sa propaganda ng iba taong may pinoprotektahan at ipinagtatanggol na interes.  

Mga akdang sinangguni at maaaring sanggunian:
Abinales, Patricio N., Images of State Power: Essays on Philippine Politics from the Margins. Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 1998.
Magno, Alexander R., "A Nation Reborn," Kasaysayan: The Story of the Filipino People, Vol. 9. Singapore: Asia Publishing Company Limited, 1998.
McCoy, Alfred, pat., An Anarchy of Families: State and Family in the Philippines. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 1994.
__________, Policing America's Empire: The United States, The Philippines, and the Rise of the Surveillance State. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2011.
Rafael, Vicente L., White Love and Other Events in Filipino History. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2000.
Zafra, Galileo S., "Ang Pagsakay nina Juan Masolong at Flor Contemplacion sa MRT: Diskurso ng Paglalakbay sa Panahon ng Kolonyalismo at Globalisasyon," Burador. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2010.

Walang komento: