*Mga-ingat, may spoilers*
Binasa ko ang buong serye sa loob ng isang linggo. Ganoon ako naadik. Ewan ko ba. Pinapabili lang naman sa akin ng kapatid ko ang serye pero naintriga na rin siguro ako. Kaya binuklat ko ang unang libro at hindi ko na ito maibaba.
Isinasalaysay ng serye ang kuwento ni Katniss Everdeen, isang 16 na taong gulang na babae mula sa District 12, isa sa labindalawang distritong nasa ilalim ng pamamahala ng lungsod ng Capitol, ang kabisera ng Panem, isang bansa uusbong pagkatapos bumagsak ng Estados Unidos ngayon. Sasali siya sa taunang Hunger Games na pinamamahalaan ng Capitol. Isang reality TV program ito na inoorganisa bilang tanda ng kapangyarihan ng Capitol sa iba pang mga distrito. Bawat taon ay pumipili ng isang binata at dalaga sa bawat distrito upang sapilitang maglaban sa Hunger Games. Ang mananalo'y kalimita'y nagiging popular na celebrity bukod pa sa pera't gantimpalang kanyang mapapanalunan. Simboliko ang pagkuha ng Capitol sa mga kabataan at pagsasalang sa sadistikong Hunger Games--sila ang may kontrol ng kinabukasan ng mga distrito at bilang parusa sa kanila pagkatapos ng kanilang pagrerebelde halos 75 taon ang nakararaan.
Hindi ko ipagtatanggol ang serye bilang high art o high literature. Hindi ganoong kaganda ang prosa. Masasabi pa ngang may ilan akong nakitang kakatwang mga kataga at pangungusap. Mas marami sigurong nobelang dystopia ang nariyan pero ayokong ikumpara pa dahil hindi (pa) naman ako eksperto. Ang anyo'y predictable. Ang bawat libro'y nagsisimula sa paglalahad ng suliranin ni Katniss Everdeen, ang pangunahing tauhan, habang ang dulong bahagi ng mga libro'y literal na masusuong siya at ang iba pang mga tauhan sa panganib dahil sa pakikipaglaban sa Hunger Games at sa kanyang pakikibahagi sa rebelyon laban sa Capitol. Nakakairita para sa aking makalalaking sensibilidad na pag-isipan ni Katniss ang pag-ibig habang nasa gitna ng mapanganib na sitwasyon. Hindi bagay sa akin ang kanyang female angst. Pinagbibigyan ko ito dahil alam kong hindi ako talaga ang ideal na audience nito. Hindi rin ganoong kaorihinal ang premise ng serye. Nauna na ang Battle Royale sa set up na pagpipilit na magpatayan ang kabataan sa isang dystopic na hinaharap.
Ngunit may mga isyung kontemporanyo't unibersal na nais kong bigyang-pansin. Una na rito ang sikolohiya na inilalarawan sa serye. Una rito ang sikolohiya ng reality TV. Upang manatiling buhay sa loob ng arena ng Hunger Games kinailangan ni Katniss na magpanggap o magtanghal sa harap ng kamera na sumusubaybay sa kanya at iba pang manlalaro. Sa ganitong pagpapanggap, nagiging magulo sa isipan ni Katniss ang tunay niyang mga damdamin. Ginagawa ba niya ito dahil gusto niya o dahil nais lamang niyang mabuhay/magwagi? Komplikado ang ganitong sikolohiya lalo na sa hindi madugong reality TV na napapanood. Tunay nga bang pagkakaibigan ang nangyayari sa Survivor? Artipisyal ang sitwasyon kaya maaaring artipisyal ang nararamdaman.
Pangalawa'y ang sikolohiya ng digmaan. Lahat ng mga nagwawagi'y inilalarawan na tila nakararanas ng post-traumatic stress disorder (PTSD). Dinadalaw ang karamihan, kung hindi naman lahat, ng mga nagwagi sa Hunger Games ng mga bangungot. Ang iba'y nabaliw tulad ni Annie Cresta, na madalas mag-hysteria at paminsan-minsa'y nawawalan ng pokus sa kasalukuyan. Karamihan din sa kanila'y pumupunta sa droga o alak, tulad ni Haymitch Abernathy, ang mentor ni Katniss at Peeta Mellark para sa Hunger Games. Hindi ko alam kung realistiko ang paglalarawan sa nararanasan nina Katniss at Peeta sa nobela ngunit inilalahad ang kanilang delikadong kalooban na halos bumasag sa kanila sa kabuuan ng serye.
Hindi moralistiko o simplistiko ang paglalarawan ng mga tunggalian sa loob ng nobela. Bagaman istereotipikong diktador si Coriolanus Snow, hindi malinaw ang intensiyon ng mga tauhan lalo ng mga rebelde. Masasabing nabahiran na ang lahat ng digmaan at galit at pighati. Na bagaman mabuti ang intensiyon ng mga rebelde, malinaw na nabahiran na ang kanilang konsepto ng kabutihan nang, sa dulo ng serye'y, pinag-isipan ni President Coin kung ipasasailalim sa isang Hunger Games ang mga kabataan ng Capitol.
Interesante ang halaga ng mass media sa serye bilang larangan ng tunggalian. Bagaman isang paraan ng kontrol sa mga mamamayan, mapanganib din ito dahil posible rin itong magamit bilang paraan ng subersiyon. At ito nga ang mangyayari sa buong serye. Si Katniss Everdeen ay magiging simbolo. Isang lutang na signifier na binigyan ng signified ng mga manonood ng lahat ng kanilang mga pagnanasa para sa kalayaan, ayaw man o sa gusto ng pamahalaan o maging ni Katniss.
Magiging mahalaga rin ang mass media sa digmaang puputok sa dulo ng serye. May dalawang digmaan na nilalabanan ang mga rebelde, isang pisikal na digmaan na gumagamit ng baril at bomba, at isang propaganda war na gumagamit ng kamera. Tila propetiko ang serye sa paglalararawan ng mga pag-aalsang nangyari sa Gitnang Siliangan at patuloy na nangyayari ngayon sa Syria. Hindi lamang sa lupa ang laban, nasa ere at cyberspace na rin.
Sa ano mang pagkukulang ng serye, naaliw ako dito dahil sa mga pagsasamundo sa isang dystopia na hindi rin naman talaga ganoong kalayo sa atin o maging sa ating nakaraan. Palasak na marahil ang paghahambing sa Hunger Games sa mga labanan ng mga gladiator sa Roma. Ngunit inilalantad din lamang ng serye ang mga agam-agam at suliraning kinakaharap ng sangkatauhan sa nakalipas na mga milenyo. Paano maging makatao at magpakatao sa harap ng kahirapan at kahayupang nangyayari sa mundo? Paano mananatiling buo sa mundo wasak na at pilit kang winawasak?
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento