Biyernes, Mayo 10, 2013

Ang Seryosong Gawain ng Pagpapatawa ni Vice Ganda at ang Politika ng Pagtawa


"Gusto ko president ako agad. 'Yung wala kang background, pero mataas agad. Parang 'yung mga pulitiko lang ngayon. Walang background, pero senador agad."

Matalas ang joke na ito ni Vice Ganda. Sa katunaya'y hindi ito nalalayo sa pagpapatawang ginagawa niya sa comedy bar. Iyong pinipintasan niya ang hitsura ng mga tao. At hindi naman makapalag ang mga taong napagtitripan kasi iyon naman ang totoo. Totoong mataba ka. Totoong mahaba ang baba mo. Totoong maitim ka. Totoong nakakalbo ka na. Ang ipinagkaiba lamang ng joke na ito kay Nancy Binay at sa madalas na pagpapatawa na ginagawa ni Vice sa comedy bar at sa mga palabas niya ay game ang mga manonood at panauhin. Sa kasamaang palad, hindi game si Nancy Binay.

Tulad ng sinabi ko, matalas ang joke ni Vice Ganda dahil nakabatay ito sa pinaniniwalaan niyang katotohanan. Na manipis naman talaga ang resume ni Nancy Binay sa larangan ng serbisyo publiko. At gusto niyang pagtawanan ang katotohanan ito tungkol sa realidad ng politika ng Pilipinas--ang dominasyon ng mga politikal na pamilya.

Hindi pa sanay ang mga Filipino na tingnan ang mga komedyante bilang mga intelektuwal. Na madalas na tinitingnan ang pagpapatawa na kaugnay ng gaan at dahil doo'y di dapat serysohin. Na ang tawa ay isang damdaming hindi pinag-iisipan. At kadalasan nga'y ganito naman talaga ang pagpapatawa ni Vice Ganda, na gawing magaan ang mga bagay-bagay. Na magpagaan ng mga damdamin. Ngunit nauunawaan ni Vice ang higit na seryosong gawain ng pagpapatawa upang punahin ang kapangyarihan ng namamayaning uri.

Madalas kaligtaan ang siste't palabirong katangian ni Rizal. May anekdota tungkol kay Rizal nang nasa isang art gallery siya sa Paris ay napagkamalan siyang Hapones. Sa halip na mainsulto, pinagtripan niya ang mga taong iyong napagkamalan siyang Hapones at naging gabay nila sa mga eksibit ng sining mula sa Hapon. Madalas din nating makaligtaan ang matalas na pagpapatawa na ginawa ni Rizal sa kaniyang mga nobela. Sa kabila ng mabigat na melodrama sa Noli at Fili, hindi kinaliligtaan ni Rizal na pagtawanan ang lipunan at sistemang kaniyang binabatikos.

At sa ganitong tradisyon gumagalaw si Vice Ganda. Sinabi ko na noon sa mga klase ko na magaling at matalinong komedyante si Vice Ganda. Nakapanghihinayang lamang na hindi niya lubos na naipapakita ang talas at lalim ng kaniyang pagpapatawa't pag-iisip dahil sa pagnanasa niyang maging popular. Ngunit bago pa man bitawan ni Vice Ganda ang kaniyang joke tungkol kay Nancy Binay, malay na ako sa kakayahang pagtawanan at punahin ang sistema't namamayaning uri sa kaniyang mga stand up, lalong-lalo na sa kaniyang mga concert. Napanood ko ang naunang dalawang concert ni Vice Ganda. HUwag matawa. "Napilitan" akong panoorin ang mga concert niya dahil matagal nang fan ang mga kapatid ko ni Vice. Bago pa man siya naging popular sa Showtime, talagang hinahanap-hanap ng mga kapatid ko ang mga palabas ni Vice sa mga comedy bar noon. At sa pagitan nga ng mga ispektakulong song and dance number ay magpapatawa si Vice. Iyong mga joke tungkol sa pang-araw-araw at karaniwan na mga bagay--sa mga kapwa artista, sa kaniyang buhay, at, oo, sa mga politiko. At dito ako nakumbinsi sa talas at talino ni Vice. At sa mga pagpapatawang iyong pinupuna niya ang mga mali sa lipunan ng Pilipinas, nanghihinayang ako kasi hindi nga ito madalas makita sa It's Showtime, Gandang Gabi Vice, at maging sa kaniyang mga pelikula.

Kaya't natutuwa ako, bukod pa sa natatawa ako, sa joke ni Vice tungkol kay Nancy Binay.  Matalas ang puna. Itinatanghal ang kabalintunaan ng politikal na realidad ng Pilipinas. Nakakatawa dahil totoo. Nakakatawa ngunit masakit dahil nga totoo.

Matapang din ang joke. Pagtawanan mo ba naman ang anak ng Bise Presidente at, kung totoo nga ang direksiyong tinatahak ng mga survey, magiging Senador sa susunod na anim na taon. Matapang dahil lumalagpas na ito sa madalas na ginagawang joke ni Vice sa mga palabas niya. Itinutulak at pinalalawak nito ang hanggahan ng pagpapatawa, kung ano ang puwedeng pagtawanan. Lagpas na ito sa pagtawa sa mga pisikal na kapintasan. Lagpas na ito sa pagtawa sa mga bobong tanong. Hinihiling ng joke na pagtawanan natin ang mga makapangyarihan, pagtawanan ang ating politika, pagtawanan ang mga mali sa ating lipunan, pagtawanan ang ating mga sarili. Hinihiling ng joke, pagkatapos nating tumawa, kung bakit ang sakit-sakit at ang bigat-bigat ng pakiramdam kahit na tumawa o tumatawa ka.

Pero maganda't mabuti rin ang ganitong uri ng tawa kasi nga pinaaalalahanan tayo sa ating realidad. Pinaaalalahanan tayong kailangan natin ng mga katulad ni Vice Ganda upang paalalahanan tayong may nakakatawa sa ambisyong walang laman, sa politikang walang lalim.

Ipagpatuloy pa sana ni Vice ang ganitong uri ng pagpapatawa at maging mas consistent. Sabayan pa sana niya ang pagpapatawa't pagpunang, sa ngayon, si Lourd de Veyra at ang kaniyang mga kasama sa "Word of the Lourd" ang palaging gumagawa. Sa ganito'y lumalawak ang usapin at diskurso ng politika. Na gamit ng pagpapatawa, maaaring maisangkot ang ordinaryong mamamayan sa usaping madalas ay hindi sila isinasali kasi "pangmatalino" ito.

At sa ganito'y binabago rin ng ganitong uri ng pagpapatawa ang gawi ng mga politiko. Kung handa ang mga politikong makipagsayawan sa mga sexy na dancer o kumanta ng mga jologs na kanta nang sintunado, maging handa rin sana sila sa matatalas na joke mula sa mga matatalas na komedyanteng tulad ni Vice Ganda. At huwag sanang matakot si Vice na itulak ang hanggahan kung ano ang nakakatawa. Kasi kahit na malaos siya, kung mananatili siyang matalas at matapang, hinding-hindi mawawala ang halaga niya hindi lamang sa larangan ng showbiz kundi pati na rin sa kamalayan ng Filipino.

Pero sa ngayon, huwag na muna siyang mag-joke tungkol kay Jack Enrile. Mabuti na ang sigurado. (Oo, joke iyon.)

Pero go lang nang go, Vice. Go lang nang go.

Mga Pinagsanggunian:

http://www.abs-cbnnews.com/entertainment/05/07/13/senador-agad-vice-ganda-twits-nancy-binay

http://www.abs-cbnnews.com/video/entertainment/05/08/13/vice-ganda-nancy-binay-senador-agad

http://www.abs-cbnnews.com/entertainment/05/09/13/i-had-20-year-ojt-nancy-binay-tells-vice-ganda

8 komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

Kaya sinabi yan ni Vice eh dahil kalaban ng partido nila Pnoy si Nancy. Hindi dahil sa yun ang tingin nya talaga.

Kasi kung tutuusin mas lalo namang walang alam si Grace Poe tungkol sa pulitika. eh at least si Nancy meron dahil galing sya sa pamilya ng mga politicians. Pero bakit si Nancy lang ang pinaringgan nya?

Hindi kasi si Grace at si Bam Aquino? na wala din namang alam.

Unknown ayon kay ...

Maaaring may personal at politikal na agenda si Vice sa pagtukoy kay Nancy habang hindi masyado sa iba. Pero kung ano man gustong epekto na gawin ni Vice, hinihikayat ko na gawin pa niya ang ginagawa niya at gayahin sana ng iba pang mga artista/komedyante. Iyong hindi lamang mang-endorse ng politiko kundi makibahagi sa mga usaping politikal.

At kung ano man personal na politika ni Vice, magiging malinaw naman iyon (kung hindi pa malinaw) sa patuloy na pagpuna gamit ng pagpapatawa.

Ang punto ko lang naman ay ayokong balewalain lang ang sinabi ni Vice bilang isang stunt o promotion ng kaniyang concert. Na dapat noon pa niya ginagawa ang ganitong uri ng pagpapatawa at sana magpatuloy pa ang ganitong uri ng pagpapatawa.

Kung ano man ang kaniyang politika, kaniya na iyon.

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

whatever is the reason of it, i think it's not really appropriate. to think coming from a popular celebrity like him. yes, may freedom of speech pero sya na rin ang nagsabi na lahat ay may karapatang kumandidato. galing man sila sa pamilya ng politiko o hindi. taong bayan ang maghuhusga at ang mga taong bayan ay may sariling pag iisip. sana wag natin silang iligaw. wag sana natin silang impluwensyahan dahil sa ikaw ay isang sikat at hinahangaan. hindi lahat ng opinyon ng isang sikat ay dapat isapubliko lalo na at alam nating may sinusuportahan syang ibang partido.

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

Sagot ito sa naunang komento. Hindi sa suportado ko si Poe pero may nahawakan na rin sya na posisyon sa gobyerno, naging head chair siya ng MTRCB. Si Binay ay naging 'assistant' sa kanyang mga magulang at hindi malinaw kung ano ang scope ng kanyang experience sa pagiging 'assistant' habang ang naging puwesto na man ni Poe ay may konkretong sakop at may nakatalagang mga responsibilidad kaya hindi mo maaaring ikumpara si Binay kay Poe. Salamat.

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

Umingay naman ang pangalan ni Nancy Binay dahil sa pagfile nya ng TPO Petition against debate - talagang mauuna syang mamention ni Vice.

chel ayon kay ...

Hindi ko maisip bkit inappropriate ang pagkomento ni vice tungkol kay nancy. Nangyari lamang na si nancy ang minalas at nde ang iba pang kumakandidato na walang proven record. May mga pagkakataon na sumasang ayon ako sa opinyon ng iba na nagsasabing di tama ang mga binibitawan ni vice na mga opinion...pero sa panahon ng eleksyon, bawat isa sa atin may karapatang magpahayag ng ideya, opinion, kuru-kuro lalo pa't pare pareho naman tayo ng gusto..pagbabago. Kung sa tingin mo makakaimpluwensya ka sa marami...by all means, ilabas mo ang nasa isip mo, baka sakaling tama ka, baka sakaling makinig ang mambobotong Pilipino sayo.

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

Tama naman kasi talaga si Vice Ganda. Napakatalinong comedian. Minsan nakakainis pero madalas totoo nga naman ang sinasabi nya.

Hindi na ko nagtataka kung bakit binabatikos ng mga tao si Nancy. Let's face it. Wala naman talaga siyang experience sa pulitika. Eh yung mga kapatid nya na Mayor at Congressman sa Makati eh inunahan niya pang magsenador.

Subukan nating palitan ang apelyido nya. Mananalo kaya siya? Malamang hindi di ba? Sabi naman ng iba, bigyan natin sya ng chance. Paano naman yung mga ibang candidate na may potential? Bakit hindi sila nabigyan ng chance?

Minsan sumosobra ang ibang tao kasi umaabot sa point na pati kulay niya ay pinagtitripan na.

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

wala akong nakikitang masama sa komento ni Vice. may karapatan syang sabihin ang opinyon niya, sikat man sya o hindi. tulad din ng karapatan ni nancy binay na kumandidato. yun nga lang dahil sa pagkandidato nyang ito kinuwestyon ang karanasan nya. bukod pa dito ang di nya pagsipot sa mga debate. isa ito sa dahilan para sya ang mangibabaw sa mga baguhang kandidatong walang karanasan. sa kanya nabaling ang spotlight. ito marahil ang dahilan kaya sya ang napagtuunan ng pansin ni vice, na isa sa mga masugid na sumubaybay ng mga debate. di lang naman si vice -- bago pa sya magkomento kay binay, naging tampulan na ito ng mga puna at panlalait sa social networking sites. nagkataon lang na sikat si vice kaya mas lalong umugong ang pangalan nya.sa halip, mukhang mas nakatulong pa ito sa panalo nya.
sa opinyon ko, malayong hindi manalo si binay. di naman sakop ng social media at telebisyon ang ibang sektor ng lipunan. ang iba naman walang interes sa balita o pulitika. pagdating ng eleksyon at nakita ng mga taong ito ang pangalang Binay, pamilyar ito sa kanila kaya malaking porsyento iboboto nila ito. maganda rin daw ang serbisyo ng mga Binay sa Makati. so kung di man sya nakita sa debate, baka personal na naka-daupangpalad naman niya ang karamihan ng botante. kaya marahil dala na nya ang boto ng Makati.
wala man syang karanasan, tingnan na lang natin. bakasakali may magawa rin.