*Mag-ingat. May spoilers.*
Hindi ko ikinakaila na medyo na-obsess ako sa Hunger Games. (Okey, hindi lang medyo.) Kaya sabik na sabik ako nang mapanood ko na ang bersiyong pelikula nito. Sa unang dating, masasabi kong okey siya. Hindi ako napa-wow o kung ano mang pagkamangha dahil na rin siguro sa sobrang pagkasabik. O marahil hindi lang talaga ganoong kamangha-mangha ang pelikula.
Ngunit pagkatapos ng unang limang minuto ng pelikula, unti-unting dumating sa akin na iba ang pelikula sa nobela at mayroon itong natatanging mga katangiang ito lamang ang kayang gumawa habang may kayang gawin ang mga nobela na hindi kayang gawin ng pelikula. Ang ganitong kakatwang katangian ng adaptasyon ang masalimuot na nararanasan ko habang pinapanood ang pelikula.
Sa kabuuan, maayos ang pag-aangkop ng naratibo ng nobela sa pelikula. May mga nagrereklamo na masyado nitong sinusubaybayan ang mga pangyayari sa nobela ngunit hindi naman ito problema sa akin dahil hiyang ang nobela sa ganitong pag-aangkop. Ngunit dahil isinasalaysay ang nobela mula sa punto de bista ni Katniss, higit ng personal at madamdamin ang mga eksena sa nobela. Ito marahil ang hinahanap-hanap ng mga nakabasa na ng nobela. Ngunit ito ang pinakaunang mawawala. Kaya't napakahalaga ng aktor dito at masasabing kong magaling ang pagganap ni Jennifer Lawrence. May katatagan at vulnerability siyang sabay-sabay na napaghahalo sa kanyang pagganap, mga bagay na lantad sa interior monologue ng nobela. May mga ayaw sa kanyang pagganap pero para sa akin, naging sapat kundi man magaling siya dito. Isang patunay nito ay ang eksena sa pelikula kung kailan nasa tren si Katniss at nanonood siya ng TV. Ipinapalabas ang nakaraang nagwagi ng Hunger Games at makikita sa mata niya ang pagnanasang manalo at may sandaling naniniwala siya na kaya niyang gawin ito. Pero agad-agad niyang pinatay ang TV. Mapanganib ang mga ganoong uri ng pagnanasa, ang ganoong uri ng pag-asa dahil may kapalit iyon lalong-lalo na sa kanyang pagkatao.
Sapat din lamang sa akin ang karahasang ipinakikita sa loob ng pelikula. May nagrereklamo na naging duwag ang pelikula sa pagharap sa karahasan. Ito nga siguro ang bentahe ng Battle Royale. Ngunit kumbinsido akong hindi ito kailangan. Sa eksena kung kailan nagsisimula pa lamang ang laro sa loob ng arena, naging mailag nga ang kamera sa pagpapakita ng pagpapapatayan. Ngunit sapat nang alam ng manonood na mga bata ang nagpapatayan at may sariling pagkasuklam ang katotohanang ito upang hindi tanggalin ang talim ng realisasyong ito. Kasinglalim marahil ito na dagok kumpara sa pagbabasa ng mga balita't kuwento sa tabloid tungkol sa mga batang namamatay at pinapatay.
Kaya't natatawa ako sa mga taong naghahanap ng "thrill" sa mga eksena sa loob ng arena. Gusto mo bang makaranas ng "thrill" sa harap ng katotohanang mga bata itong nagpapatayan? Malinaw sa nobela na wala silang kapangyarihan sa kanilang sitwasyon. Ito ang bentahe ng pelikula lalo na sa mga eksenang ipinakikita kung paano minamanipula ng mga Gamemaker ang buong laro. Kaya't mainam na dagdag si Seneca Crane sa pelikula. Hindi siya prominente sa nobela ngunit siya ang kumakatawan sa mga galamay na nagpapagalaw at may kontrol sa buhay ng mga batang itong sapilitang ginagawang hayop. Walang kapangyarihan itong mga batang ito. Hindi ito survival-of-the-fittest. Ito ay patayan alang-alang sa mataas na ratings, sa lugod ng mga nanonood. Artispisyal ang lahat-lahat sa loob ng Arena ng Hunger Games tulad ng kahit na anong reality TV. Kung ano mang thrill ang hinahanap ng mga tao, peke ito at hindi ito ang punto. Malinaw na mababatid ito sa huling labanan sa arena. Sakal-sakal ni Cato si Peeta habang nakaabang si Katniss gamit ng kanyang pana. Madaling malagpasan ang mga sinabi ni Cato sa stand-off na ito. Malay si Cato na hindi siya ang may kontrol ng lahat-lahat. Na hindi siya ang inaasahang manalo noon pa mang simula. Hindi siya ang bida. Ang paglaban na lamang ang kaya niyang gawin upang mabawi ang kahit na katiting na kawalan ng kapangyarihan. Minalas lamang siyang maging kontrabida at hindi ang bida ng palabas na ito. Kailangang gampanan mo lang ang itinalagang gampanin. At dahil dito'y makapangyarihan ang eksena ng pagtatangkang magpakamatay nina Katniss at Peeta nang sabay. May ginagampanan din sila pero isa itong pagganap na lagpas na sa kontrol ng mga Gamemakers at ng mga makapangyarihan.
Ang natatanging pagkukulang para sa akin ng pelikula ay ang manipis na pagbubuo ng ugnayan ng mga pangunahing tauhan lalo na sa pagitan nina Katniss at Rue at sa pagitan nina Katniss at Peeta. Ito marahil ang bentahe ng nobela sa pelikula. May panahon para mabuo ang mga ugnayan. Ngunit sa pelikula'y mainam namang nabuod ito kaya nga lang parang buod lamang ito kumpara sa nobela. Masyadong minadali ang pagtatapos kumpara sa napakabagal at masidhing simula na nagpapakita ng Reaping.
May nagbabantang politikal na pagsabog sa kalagitnaan ng pelikula. Kamamatay lamang ni Rue at bigla-biglang nag-alsa ang District 11. Mainam itong pagbabadya para sa susunod na pelikula. At lagpas sa pagtatapos na naglalatag sa darating na sequel, ito ang natatanging eksena para sa akin ng pelikula at para na rin sa buong serye sa ngayon. Sa madalas na inihahambing na Battle Royale, may sequel din itong higit na politikal at nagpapakita ng mga rebeldeng lumalaban sa gobyerno. Maraming hindi gusto ang sequel na ito. Ngunit para sa akin ay kailangan. Ito rin ang kailangang gawin ng seryeng Hunger Games. Hindi sapat ang manalo o tumakas. Kailangang harapin ang mapaniil na sistema. Pero tulad ng nasabi ko na tungkol sa mga libro, masalimuot ang pagharap na ito, ang pagbalikwas sa sistena, dahil may kapalit na kompromiso ito sa iyong prinsipyo. Ito ang mainam na hinarap ng mga libro ng Hunger Games at maging ng Battle Royale. Tulad ni Philbert Dy at Scott Tobias, at gaano mang kaayaw ng mga taong harapin ang masalimuot na politika ng dystopia na inilalatag ng pelikula at serye, ito ang pinakaaasam ko sa susunod na pelikula.
Lunes, Marso 26, 2012
Sabado, Marso 17, 2012
Rebyu: Hunger Games Trilogy
*Mga-ingat, may spoilers*
Binasa ko ang buong serye sa loob ng isang linggo. Ganoon ako naadik. Ewan ko ba. Pinapabili lang naman sa akin ng kapatid ko ang serye pero naintriga na rin siguro ako. Kaya binuklat ko ang unang libro at hindi ko na ito maibaba.
Isinasalaysay ng serye ang kuwento ni Katniss Everdeen, isang 16 na taong gulang na babae mula sa District 12, isa sa labindalawang distritong nasa ilalim ng pamamahala ng lungsod ng Capitol, ang kabisera ng Panem, isang bansa uusbong pagkatapos bumagsak ng Estados Unidos ngayon. Sasali siya sa taunang Hunger Games na pinamamahalaan ng Capitol. Isang reality TV program ito na inoorganisa bilang tanda ng kapangyarihan ng Capitol sa iba pang mga distrito. Bawat taon ay pumipili ng isang binata at dalaga sa bawat distrito upang sapilitang maglaban sa Hunger Games. Ang mananalo'y kalimita'y nagiging popular na celebrity bukod pa sa pera't gantimpalang kanyang mapapanalunan. Simboliko ang pagkuha ng Capitol sa mga kabataan at pagsasalang sa sadistikong Hunger Games--sila ang may kontrol ng kinabukasan ng mga distrito at bilang parusa sa kanila pagkatapos ng kanilang pagrerebelde halos 75 taon ang nakararaan.
Hindi ko ipagtatanggol ang serye bilang high art o high literature. Hindi ganoong kaganda ang prosa. Masasabi pa ngang may ilan akong nakitang kakatwang mga kataga at pangungusap. Mas marami sigurong nobelang dystopia ang nariyan pero ayokong ikumpara pa dahil hindi (pa) naman ako eksperto. Ang anyo'y predictable. Ang bawat libro'y nagsisimula sa paglalahad ng suliranin ni Katniss Everdeen, ang pangunahing tauhan, habang ang dulong bahagi ng mga libro'y literal na masusuong siya at ang iba pang mga tauhan sa panganib dahil sa pakikipaglaban sa Hunger Games at sa kanyang pakikibahagi sa rebelyon laban sa Capitol. Nakakairita para sa aking makalalaking sensibilidad na pag-isipan ni Katniss ang pag-ibig habang nasa gitna ng mapanganib na sitwasyon. Hindi bagay sa akin ang kanyang female angst. Pinagbibigyan ko ito dahil alam kong hindi ako talaga ang ideal na audience nito. Hindi rin ganoong kaorihinal ang premise ng serye. Nauna na ang Battle Royale sa set up na pagpipilit na magpatayan ang kabataan sa isang dystopic na hinaharap.
Ngunit may mga isyung kontemporanyo't unibersal na nais kong bigyang-pansin. Una na rito ang sikolohiya na inilalarawan sa serye. Una rito ang sikolohiya ng reality TV. Upang manatiling buhay sa loob ng arena ng Hunger Games kinailangan ni Katniss na magpanggap o magtanghal sa harap ng kamera na sumusubaybay sa kanya at iba pang manlalaro. Sa ganitong pagpapanggap, nagiging magulo sa isipan ni Katniss ang tunay niyang mga damdamin. Ginagawa ba niya ito dahil gusto niya o dahil nais lamang niyang mabuhay/magwagi? Komplikado ang ganitong sikolohiya lalo na sa hindi madugong reality TV na napapanood. Tunay nga bang pagkakaibigan ang nangyayari sa Survivor? Artipisyal ang sitwasyon kaya maaaring artipisyal ang nararamdaman.
Pangalawa'y ang sikolohiya ng digmaan. Lahat ng mga nagwawagi'y inilalarawan na tila nakararanas ng post-traumatic stress disorder (PTSD). Dinadalaw ang karamihan, kung hindi naman lahat, ng mga nagwagi sa Hunger Games ng mga bangungot. Ang iba'y nabaliw tulad ni Annie Cresta, na madalas mag-hysteria at paminsan-minsa'y nawawalan ng pokus sa kasalukuyan. Karamihan din sa kanila'y pumupunta sa droga o alak, tulad ni Haymitch Abernathy, ang mentor ni Katniss at Peeta Mellark para sa Hunger Games. Hindi ko alam kung realistiko ang paglalarawan sa nararanasan nina Katniss at Peeta sa nobela ngunit inilalahad ang kanilang delikadong kalooban na halos bumasag sa kanila sa kabuuan ng serye.
Hindi moralistiko o simplistiko ang paglalarawan ng mga tunggalian sa loob ng nobela. Bagaman istereotipikong diktador si Coriolanus Snow, hindi malinaw ang intensiyon ng mga tauhan lalo ng mga rebelde. Masasabing nabahiran na ang lahat ng digmaan at galit at pighati. Na bagaman mabuti ang intensiyon ng mga rebelde, malinaw na nabahiran na ang kanilang konsepto ng kabutihan nang, sa dulo ng serye'y, pinag-isipan ni President Coin kung ipasasailalim sa isang Hunger Games ang mga kabataan ng Capitol.
Interesante ang halaga ng mass media sa serye bilang larangan ng tunggalian. Bagaman isang paraan ng kontrol sa mga mamamayan, mapanganib din ito dahil posible rin itong magamit bilang paraan ng subersiyon. At ito nga ang mangyayari sa buong serye. Si Katniss Everdeen ay magiging simbolo. Isang lutang na signifier na binigyan ng signified ng mga manonood ng lahat ng kanilang mga pagnanasa para sa kalayaan, ayaw man o sa gusto ng pamahalaan o maging ni Katniss.
Magiging mahalaga rin ang mass media sa digmaang puputok sa dulo ng serye. May dalawang digmaan na nilalabanan ang mga rebelde, isang pisikal na digmaan na gumagamit ng baril at bomba, at isang propaganda war na gumagamit ng kamera. Tila propetiko ang serye sa paglalararawan ng mga pag-aalsang nangyari sa Gitnang Siliangan at patuloy na nangyayari ngayon sa Syria. Hindi lamang sa lupa ang laban, nasa ere at cyberspace na rin.
Sa ano mang pagkukulang ng serye, naaliw ako dito dahil sa mga pagsasamundo sa isang dystopia na hindi rin naman talaga ganoong kalayo sa atin o maging sa ating nakaraan. Palasak na marahil ang paghahambing sa Hunger Games sa mga labanan ng mga gladiator sa Roma. Ngunit inilalantad din lamang ng serye ang mga agam-agam at suliraning kinakaharap ng sangkatauhan sa nakalipas na mga milenyo. Paano maging makatao at magpakatao sa harap ng kahirapan at kahayupang nangyayari sa mundo? Paano mananatiling buo sa mundo wasak na at pilit kang winawasak?

Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)