Sabado, Mayo 23, 2009

Isa Na Namang Rebyu Edition

1. Piling Maiikling Kuwento, 1939-1992

Natapos ko ang kalipunang ito ni Genoveva Edroza-Matute ilang araw pagkatapos mabalitaan ang kanyang pagkamatay. Tinitipon ng aklat ang mga natatanging mga kuwentong isinulat ni Edroza-Matute sa halos buong karera niya sa pagsusulat. Maraming mga temang umuulit sa mga kuwento: kahirapan, karahasan, kasarian. May mga kuwentong tunay na masasabing classic na talaga habang may ilan na medyo mabigat ang paghawak sa banghay. Interesante din ang kalipunan dahil mapapansin ang pagbabago sa wika ni Edroza-Matute. Napansin ko lang na medyo Ingles ang syntax ang ginagamit niya sa mga una niyang mga kuwento ngunit unti-unti itong nagbago kinalaunan, naging mas panatag, mas natural. Sayang lang at hindi siya pinarangalan bilang Pambansang Alagad ng Sining. Hindi ko alam kung ano ang magiging histura ng mapa ng Panitikan ng Pilipinas kung wala siya.

2. 2001: A Space Oddyssey

Matagal ko nang gustong panoorin ito dahil, syempre, kulang ang iyong scifi knowledge kung hindi mo pa napapanood ito. Hindi ito Star Wars o Star Trek. Hindi ito epic battle para sa kaligtasan ng universe. Nagsisimula ang lahat sa misteryo: Ano ba talaga iyang p*tang obelisk na iyan? Doon lang naman talaga umiikot ang kabuuan ng pelikula. Mula dito, nagsisimula ang iba pang mga isyu: Ano ang pagkatao? Paano hinuhubog ang pagkatao natin ng teknolohiya? Ano ba talaga ang obelisk na iyan? Tahimik lamang ang buong pelikula. Mas kampante itong magpakita imbes na magdadada. Isa ang pelikula sa pinakamaganda halimbawa ng kapangyarihan ng biswal na naratibo. Sa katapusan ng pelikula, walang malalim na sagot na ibinibigay ang pelikula tungkol sa mga misteryo. Iyon na iyon. What you see is what you see. Oo nga pala, ang ganda ng sound. Classical music, w00t.

3. Oscar and Lucinda

Medyo nahirapan akong basahin ang nobelang ito ni Peter Carey dahil sa wika't haba nito. Pero sa simula lang iyon at kinalauna'y nasanay din ako. Maganda rin na nahahati sa mga maiikling mga kabanata ang nobela. Mas madaling unti-untiin kumbaga. Madaling pagtuunan ang kuwento ng mga pangunahing tauhan ng nobela, ang eponymous ngang sina Oscar at Lucinda, at kanilang pag-iibigan. Pero hindi lamang naroroon, para sa akin, matatagpuan ang kabuuang tensyon ng nobela. Mas naging interesante para sa akin ang tensyon nabubuo sa katotohanang mayroong isang tagapagsalaysay na umaalala sa lahat ng nangyari sa mga buhay nina Oscar at Lucinda. Detalyado ang buong pagkakalarawan at pagkakasalaysay sa buong nobela at nakapagtataka kung talaga nga bang alam ng tagapagsalaysay, na nagsasalaysay halos sandaang taon pagkatapos ng panahon nina Oscar at Lucinda, kung totoo nga ba ang mga pangyayaring iyon. Ang muling pagsasalaysay ng mga buhay nina Oscar at Lucinda ba ay isang kumpisal, isang paghuhugas? Na sa pagsasalaysay, maitatama ba ang maling mga pagtataya at desisyon na nangyari noong naunang panahon? Sapat ba ang pagsasalaysay? Iyon, para sa akin, ang mga tanong na nag-uudyok sa tagapagsalaysay na magsalaysay. Na tulad ng obsesyon nina Oscar at Lucinda sa pagsusugal, obsessed din ang tagapagsalaysay sa nakaraan.

Isang di makakalimutang kabanata para sa akin ang kabanatang "Palm Sunday in New South Wales" kung kailan inilahad ang pagkamatay ng ama ni Lucinda. Isa iyong nakaaantig na sandali sa nobela at hindi ko alam kung maiiyak ba ako, matatawa o malulungkot. Ang cute-cute pa naman ni Elizabeth Mullens.

4. Gapo

Medyo nabagabag ako sa tono ng nobelang ito ni Lualhati Bautista. Alam mong isinulat ito nang may bahid ng galit. Ngunit halos tatlong dekada matapos itong isulat (wow, it's that old), marami pa ring mga realidad na inilalahad ang nobela na totoo pa rin hanggang ngayon. Kahit na wala na ang mga base militar, nariyan pa rin naman ang VFA. Kaya kahit na hindi ko gusto ang tono ng kabuuang nobela, nananatiling mahalaga ito dahil binabatikos nito hindi lamang ang namamayaning kalakaran kundi pati ang mismong pag-iisip natin sa mga inaakala nating kaibigan.

5. Crank 2

Hindi ito seryosong pelikula at alam mo na iyon kung napanood mo ang unang Crank. Malinaw ang impluwensiya ng videogame sa pelikula. Fast paced, madugo at puno ng mga pambihirang mga tauhan, para talaga nga ito sa henerasyong lumaki sa eksaheradong aksyon ng videogame. Tadtad din ng cameo at pop culture reference ang buong pelikula. Mas trip ko ang pagpapatawa ng "Shoot 'Em Up" at "Hot Fuzz" pero aliw pa rin naman ito kung hindi mo sobrang seseryosohin.

Walang komento: