Medyo natagalan akong basahin ang nobela ni Egay, ang "Walong Diwata ng Pagkahulog". Hindi naman dahil sa sobrang haba ito. Pero mahaba-haba din naman ito kung titingnan nang mabuti ang disenyo ng nobela. Manipis ang papel na ginamit at maliit ang font na ginamit sa nobela. Pero kuwento sa akin ni Charles noong Taboan Festival na nabasa niya ito sa loob lamang ng ilang araw. Tinapos niya kaagad ang nobela dahil, kung tama ang pagkakaalala ko, pakiramdam niya'y baka may mawala o hindi siya mahuli kung tatagalan pa niya ang kanyang pagbabasa. Siguro natagalan naman ako dahil sa parehong pakiramdam bukod pa sa pagbigat ng trabaho sa Kagawaran nang patapos na semestre. Marahil ang pangunahing dahilan talaga kung bakit ako natagalan sa pagbabasa ay ang kakaibang estilo't pamamaraan ng nobelang ito. Sa kabuuan, mapagmuni ang estilo't pamamaraan ng nobela. Hindi lamang simpleng isinasalaysay ang mga anekdota't pangyayari. Pinagmumunihan ng tagapagsalaysay ang kanyang isinasalaysay. Maging ang kanyang mismong pagsasalaysay ay pinagmumunihan. Nakakapanibago ito lalo na kung sanay ka sa higit na tradisyunal na pagkukuwento. At marahil nasa pamamaraan na ito lumalabas ang kabuuang tensiyon ng nobela. Pagsusulat ang pangunahing problema ng nobela, ang mga tatangka ni Daniel, ang pangunahing tauhan, na isulat ang kanyang nobela. Pinagmumunihan at iniuugnay ng "Walong Diwata..." ang pagsulat at buhay at maging ang pagsulat at kamatayan. Ilan lamang ito sa mga sinasagi ng nobela. Pabugso-bugso din ang nobela. Maraming pagkakataon habang nagbabasa na nakaramdam ako na patungo ang pagsasalaysay sa isang rurok o climax ngunit hindi talaga darating doon, o ibang rurok ang pinatunguhan ko kaysa sa inaasahan.
2.
Nang umuwi ako noong graduation ni Marol, kumuha ako ng kopya ng komiks ng "Wanted" at "Superman: Red Son". Parehong sinulat ito ni Mark Millar habang si J.G. Jones ang ilustrador sa "Wanted" at si Dave Johnson sa "Superman: Red Son". Maiikli lamang ang dalawang komiks na ito kaya madaling basahin. Pinagbatayan ang "Wanted" ng pelikula na pinagbidahan nina Angelina jolie at James McAvoy. Sobrang magkaiba ang komiks sa pelikula kaya kumpara sa karanasan ko sa pelikula at graphic novel na "Watchmen", walang masyadong paggambala sa pagitan ng dalawang medium. Sa totoo lang, medyo naiklian ako sa "Wanted" pero interesante ang kanyang premise kung saan namayani ang mga supervillain imbes na mga superhero sa mundo at sila ang kumokontrol sa lahat. Interesante ang pag-uugnay sa karahasan at consumer society.
Natuwa din ako sa "Superman: Red Son" kung saan hinaka ni Millar na imbes na Amerikano, naging Soviet si Superman. Nakatutuwa ang pagbabagong ginawa kay Superman, Batman, Wonder Woman, Green Lantern, Lois Lane at Lex Luthor. Pamilyar pa rin pero iba. At ganoon naman talaga ang punto ng komiks. Interesante ang pagbuo ng megalomania nina Superman at Lex Luthor dito. Na sa huli, bagaman sila ang pinakamatinding magkaribal, silang dalawa lang talaga ang nauunawa sa isa't isa dahil sa kanilang magkahawig na ambisyon at pagnanasa para sa mundo.
3.
Matagal ko nang nabasa ang "Martial Law Babies" ni Arnold Arre pero hindi agad binigyan ng maikling revyu dahil nabagabag ako nang matindi sa nobelang ito at baka amy masabi akong hindi kaaya-aya pero hindi ko naman talaga gustong sabihin. Medyo malabo ang pakiramdam ko para sa nobelang ito. Maganda ang paghahalo't pagbabalanse ng nostalgia at pagpapatawa. Sinusundan ng nobela ang buhay ng mga magkakabarkada mula sa kanilang kabataan hanggang sa kanilang pagtanda. Kakaiba ang komiks na ito kumpara sa mga nauna ni Arre dahil walang bahid ng fantasya ito. Malinaw ang historical at pop culture reference sa akda. Mga middle class, Inglesero't mababa ang tingin nila sa pop culture ngunit, sa kabalintunaan ng nobela, tadtad ito ng iba't ibang pop culture reference. At bagaman interesante ang paggamit sa pop culture, medyo nakulangan ako sa paggamit sa kasaysayan sa kabuuan ng nobela. Para bang mas malalim talaga ang ugnayan nila sa pop culture kaysa sa kasaysayan, na palamuti lamang si Imelda, ang EDSA revolution at Pinatubo. Sa dulo ng lahat, magkakawatak-watak ang mga magkakaibigan, partikular sa antas na heograpikal. Ngunit alaala ang nagbubuklod sa kanila, mga pinagsamahang karanasan. Kaya marahil mas mabigat ang halaga ng pop culture kaysa sa kasaysayan sa akdang ito.
4.
Heto ang ilang mga larawan ng graduation ni Marol. Siya dapat ang Salutatorian pero hindi naman mahilig sa palakasan ang mga magulang ko kaya 1st Honorable lang siya. St. Magdalene Award naman siya, ang pinakamataas na parangal na ibinibigay ng Canossa sa isang estudyante, kaya okey lang.
Heto ang ilang mga larawan ng graduation ni Marol. Siya dapat ang Salutatorian pero hindi naman mahilig sa palakasan ang mga magulang ko kaya 1st Honorable lang siya. St. Magdalene Award naman siya, ang pinakamataas na parangal na ibinibigay ng Canossa sa isang estudyante, kaya okey lang.
5. Mga link
Mga fellows para sa UST Writers' Workshop. Kongrats kay Kevin!
Mga fellows para sa Iligan Writers' Workshop. Kongrats kay Mix at Jason!
Naging matunog sa The Guardian ang pagreretiro ni Gabriel Garcia Marquez. Ito ang ilang mga artikulo kaugnay ng balitang ito: 1, 2, 3.
Kung bakit mahalaga ang pagsasaulo ng mga tula.
Pagbibigay halaga sa maikling kuwentong Amerikano.
6.
Pumasa na nga pala ako ng compre. Pwede na akong mag-thesis!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento