Sabado, Marso 21, 2009

Wow, malapit na palang matapos ang una kong taon ng pagtuturo...

1.

Nakakapagod ang nakalipas na mga linggo. Suwerte na lang at hindi na ulit ako nagkasakit.

2.

Noong Miyerkoles nang isang linggo, ika-11 ng Marso, pumunta ako sa LS Awards for the Arts. Pinanood kong tanggapin ng mga Senior at nagtatapos na mga mag-aaral ng Ateneo at iba't ibang parangal sa iba't ibang larangan ng sining. Siyempre, nagpapaka-nostalgic din ako noong ginawaran din ako noong nagtapos ako. Pero gabi nila iyon at binabati ko sina Tian, Brandz at Angela sa pagkakaparangal sa kanila.

Tulad noong isang taon, hindi binigyan ng citation ang mga awardee. Na medyo nakapanghihinayang kasi iyon lang talaga ang sandali kung paano ipinapaliwanag ng mga hurado kung nga ba sila napili, ano nga ba ang tingin ng mga hurado sa kanila. Sa totoo lang, nakatulong ang citation ni Sir Vim sa akin dahil nagkaroon ako ng pagkakataong malaman ang isang pagtingin sa mga akda ko mula sa iba.

Isang bago sa taong ito ay ang pagpaparangal sa alumni na nakapag-ambag sa sining at panitikan. Pinarangalan sina Ricky Abad, Francis Xavier Pasion at Miguel Syjuco at binigyan sila ng pagkakataong pagsalita at magbigay ng talumpati. Hindi nakadalo si Miguel Syjuco pero nagpadala siya ng mensahe na binasa ni Sir Rofel Brion.

3.

Nito namang nakaraang Miyerkoles, ika-18 ng Marso, nagkita-kita kami nina Tonet, Aina, Carla, Paolo at Shiena sa Shangri-la Mall sa EDSA para maghapunan. Kahit na madami-dami pang trabaho ang kinailangan kong gawin at pagod na pagod ako kahit na Miyerkoles pa lamang, pumunta ako dahil matagal-tagal ko na ring hindi nakikita ang iba sa kanila, lalo na sina Aina at Carla. Nagkuwentuhan lang kami habang kumakain at pagkatapos kumain. Wala akong masyadong ikinuwento dahil pagod na pagod nga ako. At ano ba naman ang maikukuwento ko? Ang masaya kong buhay bilang guro? Tutula na lang ako, thank you very much. Kaya nakinig na lamang ako at inalam ang updates ng kanilang mga buhay.

4.

Napanood ko na sa wakas ang "Slumdog Millionaire" na hiniram ko mula kay Nikka. Maganda nga itong pelikula pero, ewan ko ba, hindi ko ito sobra-sobrang nagustuhan. Naaliw naman ako dahil sa humor nito. Pero lahat ng imaheng binuo tungkol sa India ay ang imahen ng India na alam na ng lahat: yung dumi, yung kahirapan, yung dami ng tao. At sa dulo ng lahat, kapag nanalo ka ng game show, happy ending na nga ba? Sa totoo lang, hindi naging mahalaga ang relasyon ni Jamal at Latika sa pelikula. Mas naging interesante para sa akin ang relasyon ni Jamal at ng kanyang kuya. At dahil lamang ba nakisama ang kuya ni Jamal sa mga kriminal kaya kinailangan niyang mamatay di tulad ni Jamal na naging bahagi ng malakihang global na kapital na dumadaloy sa India? May mga subtleties ang pelikula na masalimuot na nagbuo sa relasyon nilang dalawa. Hindi ko lang talaga gets kung bakit hindi kasama sa happy ending ang kanyang kuya. Ewan. Maganda siyang pelikula kung hindi mo sobrang pag-iisipan.

5.

Katatapos ko lang basahin ang "Wolf Totem" ni Jiang Rong. Ito ang pinakaunang nanalo ng Man Asia Literary Award. Ilang beses ko nang nasabi sa blog ko kung gaano ako nabagot sa pagbabasa ng nobelang ito. Hindi naman sa pangit itong nobela at walang nangyayari. Mahaba itong nobela at sinasakop nito ang ilang taon sa buhay ng pangunahing tauhang si Chen Zhen, isang mag-aaral mula Beijing, habang nasa Inner Mongolia siya at namumuhay kasama ang mga Mongol doon. Nabagot ako dahil--kahit na maraming mga kapana-panabik na mga pangyayari ang isinalaysay partikular na ang mga labanan sa pagitan ng tao at ng mga lobo--paulit-ulit ang nobela sa pagdikdik sa utak mo ang kanyang thesis statement. Malinaw itong pagpuna sa pagwasak sa mga kapatagan at pastulan ng Inner Mongolia at pati na rin sa katangian ng mga Tsino. At uulit-ulitin ito nang ilang dosenang beses sa loob ng higit limandaang pahina nito. Wala lang talagang ganoong pagtitimpi si Jiang Rong o marahil ay hindi niya pinagkakatiwalaan ang kanyang mambabasa. Kung ano man, detalyado ang kanyang paglalarawan ng buhay sa Inner Mongolia at malinaw ang tensiyong nabuo at namayani sa nagbabagong sandaling iyon sa Tsina.

Medyo kataka-taka din ang mga pangunahing tauhan dahil sa mga bookworm sila. Nakakatawa dahil ang isa sa pinakapinoproblema nila ay kung paano kakargahin ang kanilang mga libro (na nakakapuno ng isa sa dalawa nilang karitela) at kung paano nginangatngat ng mga daga ang kanilang mga libro. Kung magpapastol ako, siguro nga, magdadala at magbabasa rin ako ng libro habang nagbabantay ng mga tupa.

6.

Finals week na nga pala sa susunod na linggo. Todo na ang paghahanda ng mga grades. Kailangan ko pa nga palang bumili ng bolpen. Mauubusan na ako ng pulang tinta.

Walang komento: