Miyerkules, Marso 25, 2009

Muni-muni

Magpapasalamat ako kay JC Casimiro sa kanyang mga tanong habang naghihintay siyang magpa-consult kay Jethro. Nakabantay ako sa serectary's desk noon, naghahanda ng answer key nang tanungin niya ako tungkol sa mga sinulat ko, partikular na yung nalathala sa Heights. Bakit ba tungkol sa diaspora ang mga nalathala doon? Marahil naaantig ako sa karanasang iyon. Yung pagkatiwalag, lagalag. Na para bang hati ka sa tinatahanan mo ngayon sa tinahanan mo dati. Yung pakiramdam na baka may naiwan ka o may hinahanap. Gayundin, naaasar din ako sa sobra-sobrang “pagpapaganda” sa imahen ng mga OFW/OCW, at isa itong opisyal na policy ng ating gobyerno. Ayokong sabihing bayani sila dahil mga ordinaryo lamang silang mga tao. Walang dakila sa mga pamilyang nagkakahiwalay, sa mga taong kinailangang lumisan. Di ba dapat nakalulungkot ang mga paglisan, ang mga paghihiwalay? Kaya siguro napapasulat ako tungkol sa mga ganoong uri ng kuwento. Pero siyempre, ayoko ng masyadong maraming iyakan.

Paano ko ba nagagawa yung panatag na tono? Sa totoo lang, tsamba iyon. Hindi naman talaga panatag ang pagkukuwento ko. Noong nasa kolehiyo pa ako, napaka-schizo ng pagsasalaysay ko. Napansin iyon ni Sir Vim Yapan noon kung paano napakasabog ng aking mga kuwento pagdating sa tono. Nagbago iyon nang masulat ko ang “Pag-uwi”. Hindi ko alam kung paano nangyari. Marahil hindi na ako masyadong atat at nagmamadali sa gusto kong sabihin. Ilang buwan ko ding sinulat ang kuwentong iyon. At kahit papaano ay may gusot pa rin naman ang mga unang draft noon pagdating sa tono pero yun nga, mas panatag na iyon kumpara sa mga nauna kong naisulat. Gawa rin siguro ng mga klase ko sa tula kina Ma'am Beni Santos at Sir Allan Popa. Doon ko napahalagahan ang pagbigkas, iyong sandaling iyon. Mas mahalaga iyong mga ganoong sandali sa tula kumpara sa kuwento pero mahalaga pa rin.

At sa panatag na tonong iyon, paano ko ba napapanatili ang tensiyon? At hindi ko rin talaga alam. Sa mga panahong iyon, at maging hanggang ngayon, nahuhumaling akong magsulat ng kuwentong walang kuwento. Yung tipong matatagpuan sa mga kuwento sa kalipunang Pamilya ni Eli Guieb o kaya sa mga kuwento ni Hemingway. Gusto ko ring magsulat ng mga kuwentong pagtatakhan mong kuwento nga ba talaga. At ang “Pag-uwi” at “Bago at Pagkatapos Makatawag ng Long Distance” ay mga personal eksperimentasyon tungo doon. Mahirap talaga para sa akin na matagpuan ang tensiyon. Marahil nasa mismong pakukuwento ang tensiyon ng mga kuwentong iyon. At marahil naroon naman talaga tensiyon sa ilan sa mga kuwento't nobelang nabasa't binabasa ko. Isa magandang halimbawa siguro nito ay ang nobela ni Egay, ang “Walong Diwata ng Pagkahulog”. Na sa mismong pagbigkas, mayroon ka naman talagang kalagayang binabagabang, tahimik man iyon o maingay na rin sa simula pa lang.

Konektado din doon sa tono ay ang mga pagtatapos kong parang hindi pagtatapos. Napansin ni JC na may tendensiya ang mga kuwentong iyon na magtapos nang bukas. Gusto ko kasing iwan ang mambabasa ng mapag-iisipan. Ayokong gamitin ang salita kasi parang napakamistikal, pero gusto kong iwan ng misteryo ang mambabasa. At kahit papaano, tulad ng mga simula, arbitraryo ang mga pagtatapos. (Salamat, Saussure. Salamat, Genette.) Gusto kong pag-isipin ang mambabasa kung bakit doon nagtapos ang kuwento. Kung sobrang linis ng pagtatapos, wala nang dapat pag-isipan ang mambabasa. Iyon na iyon. At makakalimutan na ang kuwento. Ang pagtatapos ang “last hurrah” at nagiging napakahalaga nito lalo na sa mga kuwentong napakapanatag. At hindi naman lohika ang umiiral sa akin kapag nagtatapos ako. Mas pandama. Na sa kalagitnaan ng pagsusulat, mababanaagan ko na ang dulo at doon ko lamang masasabi na “A, iyon ang katapusan.” At iyong pakiramdam ng katapusan na iyon ang gusto kong ibahagi sa mambabasa. Na, oo tapos na kuwento. Pero bakit hanggang doon lang? May pakiramdam na tapos na pero maaari pa ring magpatuloy. Pero hanggang doon na lang talaga. At dahil pakiramdam lamang ang katapusan at hindi lohikal na katapusan, may di tugma. May puwang.

Sa huli, tinanong ni JC kung paano ko nagagawang magsulat tungkol sa mga bagay na hindi naman talaga ako pamilyar, sa mga bagay na napakalayo sa pang-araw-araw kong karanasan. Sa personal na pagtataya, mas gusto kong magkuwento tungkol sa mga bagay at taong ibang-iba sa akin. Mas komportable ako doon. Kapag lumilikha ako ng tauhan, palagi akong nagsisimula sa isang taong napakalayo sa akin. Bagaman paminsan-minsan, nagsisingit ako ng mga personal na karanasan sa kasaysayan ng isang tauhan, palagi pa rin akong nagsisimula sa kaibahan. Gayundin, naiilang akong magsimula sa sarili. Hindi ako sigurado kung fiction pa ba ang sinusulat ko o non-fiction. At nabo-bore ako sa sarili ko. Ano ba ang maikukuwento ko batay sa personal kong karanasan? Mas interesado ako sa kuwento ng iba, sa kuwento nila. Kaya mag-ingat kayo. Baka gawan ko kayo ng kuwento, hindi ninyo alam. At para sa akin, mahalaga itong pagsisimula sa iba at hindi sa sarili dahil mas napapagana ko ang aking imahenasyon. Kaya ko bang angkupin at akuin ang kuwento ng ibang tao? Mas natsa-challenge ako doon. Iyon ang sukatan, para sa akin, ng tunay na imahenasyon. Kaya siguro ang pinakaunang kuwento kong naisulat ay historikal na kuwentong nakapanahon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at marahil kaya hanggang ngayon ay nahuhumaling ako sa historikal fiction. Pero siyempre, ako lang naman ito. Marami sa mga sanaysay na matatagpuan sa Writing to the Future: Poetika at Politika ng Malikhaing Pagsulat ay nagsisimula sa sarili. Sa akong napakalinaw. Marahil iyon ang bago kong challenge sa sarili, ang lumikha ng akdang napakapersonal. Kaya't mahirap talikuran ang nakasanayan ko nang pamamaraan na wasakin ang sarili upang makabuo ng kuwento.

Walang komento: