1.
Habang naghahanda bago muling gumala ng Macau, nag-usap kami ni Dad tungkol sa buhok. Partikular, tungkol sa unti-unting pagkalagas ng buhok ko. Ginamit niya ang salitang "lugon". "Nalulugon na nga ang buhok mo," sabi niya. Mukhang iyon ang salita para sa paglagas ng buhok. Ewan ko kung Timog Tagalog itong salita o Hilaga. (Tubong Binangonan si Dad.) Iyon kasi ang una kong beses marinig ang salita. Kung ano man, pinayuhan niya akong gamitin ang kanyang ginagamit na shampoo na Mane and Tail na pinaniniwalaan niyang dahilan kung bakit hindi pa siya kalbong-kalbo. (Sa mga hindi nakikilala nang personal si Dad, halos wala na siyang buhok liban sa mga maninipis na hibla at kitang-kita ang kanyang makintab na anit.)
Ito ba ang tanda ng pagtanda, kapag pinag-uusapan ninyong mag-ama ang tungkol sa paglugon?
2.
Isang bago kami umalis nang matapos ko ang "Sigwa", ang mga kalipunan ng mga maiikling kuwento na ni-reprint kamakailan ng UP Press. Babad ang mga kuwento sa uri ng pananaw-panlipunan ng mga panahon iyon ng Dekada 60-70. Maraming mga magagandang kuwento sa kalipunan ngunit hindi ko maiwasang maraming pag-uulit sa pagitan ng mga kuwento. Pala-palaging may pagmulat. Pala-palaging may rally. Pala-palaging may pangako ng pagbabago.
3.
Sa Diosdado Macapagal Airport ko natapos basahin ang "The Brief and Wonderous Life of Oscar Wao" ni Junot Diaz. HIndi ko intensyon na basahin ito nang bilhin ko ito sa National Bookstore. Pero nang basahin ko ang mga unang pahina nito, hindi ko maiwasang magpatuloy at basahin ang mga sumunod na mga pangyayari. Mapnlinlang ang pamagat dahil aakalain mo na tungkol lamang ang nobela kay Oscar, isang overweight Dominican nerd. Ngunit sinasakop nito ang kuwento ng pamilya ni Oscar sa Dominican Republic hanggang Amerika at ang kasaysayan ng Dominican Republic.
May magandang magsusuma at pagmumuni si Egay Samar sa kanyang blog tungkol dito kaya ayoko nang ulitin ang kanyang mga sinabi. Nakakaengganyo ang tono at boses ng nobela. Sarkastiko at self-depricaing pero totoo at makatotohanan. Ganoon din, nakakatawa. Kayang pagtawanan ng tagapagsalaysay ang kanyang sarili at maging ang kanyang ikinukuwento.
Isang eksenang natawa ako: nang bumisita ang pamilya ni Oscar sa Dominican Republic, nagtaka si Oscar nang biglang nagpalakpakan ang mga taong sakay ng eroplano sa paglapag ng eroplano sa airport. Natawa ako dito dahil Pinoy na Pinoy din itong gawi. Ilang beses na ba akong umiwi galing sa ibang bansa kasama ang mga OFW at nangyari ito? Madalas, madalas.
4.
Bago umalis papunta ng airport naman nang matapos ko ang "Para Kay B" ni Ricky Lee. Hindi ko sigurado kung malaki ang ipinagbago ng pamamaraan ni Ricky Lee noong mga panahon niya sa Sigwa sa ngayon pero alam kong magaling pa rin siyang magsulat. Mapaglaro ang buong nobela. Pinaglalaruan nito ang mga ideya ng Pilipino tungkol sa pag-ibig at pinagtatawanan ito. Ngunit naghahanap din.
Binubuo ang nobela ng limang kuwento ng pag-ibig tungkol sa limang mga babaing may partikular na karanasan tungkol sa pag-ibig. Ngunit kuwento ito hindi ng mga tauhan isinulat kundi ng manunulat na nagsulat ng mga kuwento. At isinisiwalat ng nobela ang katangian ng pag-ibig bilang isang antas ng fantasya. Na ang sarili ang lumilikha ng love story. Kaya't hindi maiiwasang ma-devistate ng pag-ibig dahil hindi palaging nagtatagpo ang tunay na buhay sa love story na nasa isipan natin. Ngunit kailangang magpatuloy upang maghanap ng ibang kuwento pwedeng pagkaabalahan.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
2 komento:
mitch, naglulugon ang buhok ko sa kilikili. seryoso pare
ako din. pati rin "doon," nalulugon din.
Mag-post ng isang Komento