Linggo, Setyembre 28, 2008

Sakit

1.

Nagkasakit ako kahapon. Intestinal flu daw sabi ni Mama. Masakit ang buong katawan ko kahapon at may lagnat pa. I think its karma. Buti na lang at may natira pa akong paracetamol mula noong huli kaong magkasakit noong isang buwan. Kaya hindi ko tuloy napanood ang dance concert na bahagi si Tetel kahapon. Sayang. Pero mas mabuti na pakiramdam ko ngayon.

2.

Nabasa ko kamakailan ang blog post na ito ni Charles Tan at ang reaksiyon ni MRR Arcega dito. Malaki pa rin talaga ang problema ko sa paggamit ng terminolohiyang "speculative fiction". Dalawa ang dahilan ko. Una, masyado itong sabog na salita. Katulad ng pagbibigay depinisyon dito, isa itong umbrella term para sa lahat ng di-realistikong akda o genre. At ito ang problema. Kailangan ng isang matatag na depinisyon para sa realismo upang magkaroon ng isang matatag na depinisyon sa speculative fiction. Kung tatanggalin naman ang realismo sa pagbibigay depinisyon sa spec fic, ano na ito? Kaya mas gusto kong gamitin ang salitang "fantastic" dahil iyon din naman yata ang gusto ng ipahayag ng "speculative fiction" bagaman may pagkamahiwaga na dating ito. Pangalawa, ano ba talaga ang ugnayan ng iba't ibang mga genre sa ilalim ng speculative fiction? Ano ugnayan ng scifi, horror, fantasy, magical realism (feeling ko talaga, mapapakamot ng ulo si Gabriel Garcia Marquez kung tawagin siyang speculative fictionist) at iba pa? Itong dalawang ito talaga ang mga bagay na umuukilkil sa aking kokote.

At nariyan pa ang politika ng salita. Malaking isyu ng tanong ng "pagka-Filipino" dahil lubhang napakabanyaga ng terminolohiya sa kabuuang karanasan natin. Speculative ba ang isang bagay, tulad ng paniniwala sa mga duwende, gayong milyon-milyong mga tano ang naniniwalang totoo sila? Ulit, isa itong pamantayang banyaga na tumitingin sa kulturang iba sa kanya. Kaya masasabing lubhang maka-Kanluran ang "magical realism" bilang terminolohiya. Gayundin ang speclative fiction. May pamantayan kung ano ang hindi speculative at tinatangka ng speculative fiction na lampasan ito. Pero paano kung lusaw na ang hanggahan at malabo na ang mga pamantayan? Nagiging mahalaga pa ba ang depinisyon?

Tangna, naguguluhan na ako sa sarili ko.

3.

Nabasa ko itong artikulo ni Bobby Anonuevo tungkol sa isang miting ng Galian ng Arte at Tula (GAT) noong Setyembre 7, 1980. Medyo mahaba-haba ito pero interesante lalo na sa mga mag-aaral ng panitikan. Hindi ko maiwasang tumawa sa mga hirit nina Adrian Cristobal, Franz Arcellana at iba pa sa open forum pagkatapos basahin ni Adrian Cristobal ang kanyang papel. Ang tataray ng mga tao. Pero interesante rin ang diskusyon.

4.

Pinalabas kanina sa HBO ang naunang movie adaptation ng "Captain America". Sa sobrang pangit nito wasak siya. Napaka-80's o 90's action movie ito pero mas pangit pa sa "American Ninja" series o sa mga pelikula ni Chuck Norris. Ang pangit ng acting, ang pangit ng directing, ang pangit ng script, ang pangit lahat. Nalugi kaya ang Marvel dito?

Biyernes, Setyembre 26, 2008

Untitled (wala akong maisip e)

1.

Pumunta kami kahapos sa lamay ng ama ni Yol. Delikado pala ang lugar nina Yol. Hindi sa delikado na maraming kriminal doon kundi literal na delikado dahil bangin na ang malaking bahagi ng kanilang barangay. Condemned nga daw ang mga bahay na malapit sa bangin dahil baka magka-landslide. Nangyari iyon dahil nang ayusin ang C-5, malalim ang nahukay na lupa para sa mga kalye. Papunta doon, dumaan kami sa isang daang bumabaybay sa highway pero halos sampung talampakan ang taas namin. Kaya nakapagtataka talaga ang isang urban planning (meron nga ba?) na mas pinahahalagahan ang daloy ng trapik kesa sa mga tahanan ng tao.

2.

Panalo ang Ateneo! Yey! In fairness, ang labo ng mga tawag ng mga ref. Bonfire daw sa Martes. Sana hindi umulan.

3.

Made a professional mistake. Sorry about that.

4. links

Mga mahuhusay na thrillers.

Nakatagpo ako ng mga interactive na nobela sa internet. Dahil sa artikulong ito sa The Guardian, napunta ako sa 253 ni Geoff Ryman at sa Grammatron ni Mark Amerika. Baka maging interesado dito si Sir Egay.

Pati White Rabbit, banned na rin sa China.

Mayroon palang patimpalak na nakapangalan kay Emman Lacaba. Nasa gitna rin ng page na iyan ang tungkol sa UP Writers Workshop para sa darating na taon. Para ito sa mga "advanced" o "mid-career" na mga manunulat. Yung mga may libro nang inihahanda.

Huwebes, Setyembre 25, 2008

Fellows para sa 8th Ateneo National Writers Workshop atbp.

1.

Heto na pala ang listahan ng mga natanggap na fellows para sa darating na Ateneo National Writers Workshop. Gaganapin ito sa campus ng Ateneo sa Oktubre 19-25.

Tula

1. Jan Brandon L. Dollente (Las Piñas; ADMU)
2. Francisco Monteseña (Angono, Rizal; Unibersidad ng Silangan-Caloocan)
3. Randel C. Urbano (Quezon City; UP Diliman)

Maikling Kuwento

1. Anna Marie Stephanie S. Cabigao (Quezon City; UP Diliman)
2. Bonifacio Alfonso Javier III (Bacoor, Cavite; UP Diliman)
3. Marinne Mixkaela Z. Villalon (Quezon City; UP Diliman)

Poetry

1. Genevieve Mae Aquino (Quezon City; UP Diliman)
2. Arlynn Raymundo Despi (San Mateo, Rizal; UP Los Baños)
3. Wyatt Caraway Curie Lim Ong (Malabon; ADMU)

Short Story

1. John Philip A. Baltazar (Cagayan de Oro; Xavier University)
2. Monique S. Francisco (Pasig City; ADMU)
3. Krisza Joy P. Kintanar (Davao City; UP Mindanao)

Congrats sa kanilang lahat. Pagkatapos makita ang bunto-buntong mga enties, napapakamot tuloy ako ng ulo sa pag-iisip kung paano ako napili noong ako naman ang nag-apply. May listahan na rin kami ng mga panelists pero mas mahaba pa iyon sa dami ng mga fellows. Mayroon kaming benteng panelists (more or less) ngayong taon. Kagaya ng nakagawian, rotating ang line up ng mga panelists. Iba't iba ang line up bawat araw. Kaya masaya. Ang ilan sa mga naaalala kong napupusuang maging panel ngayon ay sina Ma'am Beni Santos, Ma'am Marj Evasco, Susan Lara, Amang Jun Cruz Reyes, Ma'am Luna Sicat-Cleto, Rolando Tolentino at marami pang iba. Ewan ko lang kung umoo na sila. Most of them have, I think.

2.

Ngayong araw na ang Game 2 pero mukhang hindi ko ito mapapanood nang live sa TV. Pupunta ang Kagawaran sa bahay nina Yol upang makiramay sa pagkamatay ng kanyang ama noong Setyembre 22. Siyempre hindi na dapat tinatanong kung alin ang mas matimbang, di ba?

3.

Pansamantalang magsasara ang Large Hadron Collider (LHC) nang mga isang taon. Mayroon daw kaunting sira. Kaya sa susunod na taon pa tunay na magugunaw ang mundo.

4.

Super late na ito pero belated nga pala kay Carlo!

Linggo, Setyembre 21, 2008

Hindi lang pala isa, kundi dalawa!

Ang paburitong manunulat ay may isa pa palang tulang ninakaw! Ninakaw niya ang tulang "Pamamaalam" ni Ma'am Jema Pamintuan. Mababasa ang pagtatangkang pagnanakaw dito at dito. Mababasa naman ang tula sa chapbook na pinamagatang "Bunton-buntong Hininga" ni Ma'am Jema at nilathala ng NCCA para sa UBOD New Authors Series. Ibang nibel na talaga ito. Salamat nga pala kay En sa pagtimbre sa akin tungkol dito.

Biyernes, Setyembre 19, 2008

Ayan, pwede na rin akong ma-plagiarize

1.

Magsa-sub ako sa mga susunod na meetings sa mga klase ni Ecar. Nagkasakit kasi si Ecar. Okey lang. Parang ako ang bantay nila kasi reporting lang naman sila.

2.

Nagpunta nga pala akong Alpha Music para iwan doon ang mga questionnaire para sa thesis ni Kalan. Wala lang. Alam ko na kung saan ang opisina ng Alpha.

3.

Pagkatapos mag-sub sa mga klase ni Ecar, sumabay ako kina Allan Derain at Ma'am Rica Bolipata-Santos sa panayam ni Dr. Bienvenido Lumbera sa UP. Tungkol iyon sa Panitikang Rehiyunal at Kasaysayang Pampanitikan ng Pilipinas. Nakakatuwa yung hall na pinagdausan ng panayam. Parang UN. Circular. Wala lang. Mababaw ako. Nakakatuwang makita ulit sina Mang Jun at Ma'am Luna at Sir Joel. Pero nakaka-intimidate. Ramdam na ramdam ko ang aking pagiging baguhan o nagfe-feeling na manunulat status. Pagkatapos ng panayam ay ang book launch ng antolohiya ng mga sanaysay tungkol sa poetika ng iba't ibang mga manunulat at hango ang mga sanaysay mula sa mga sumali sa binagong UP National Writers Workshop. Marami akong mga dating guro na kasama sa antho. Kaya bumili ako. 250 lang pero parang walang launch discount.

4.

Mula UP, bumalik kaming Ateneo para launch ng bagong issue ng Heights. Double issue siya. Kasama doon ang isa kong tula at isang kuwento. Medyo nahihiya ako doon. Luma na yung tula at nadadramahan ako sa sarili ko. Yung kuwento, medyo na-edit ko na siya mula noong ipasa ko. Inedit ko ito bago ipasa sa Iyas at pagkatapos ng Iyas. Wala naman sobrang pagbabago. Inayos ko lang ilang continuity issues at ilang pagkakamali sa grammar. Kaya medyo mixed feelings ko. Pero sa wakas, nalatha na rin ako sa Heights.

Nalatha nga rin pala ang mga tula nina Kael Co, Jason Tabinas, Twinkle delos Reyes, ang mga kuwentong pambata nina April at Allan Derain at ang maikling kuwento nina Sir Vim Yapan at Dennis Castro, isang naging kaklase sa MA.

Kasama nga pala itong tula ni Kael sa bagong isyu ng Heights na bunga ng isang munting dialogo ng mga tula. Gumawa kasi ako ng tula na sumasagot sa tulang ito ni Kael. At sinagot niya ang tulang iyon na ginawa ko. Batay iyon sa mga Chinese poems at sa pagkakaalam ko, mahilig magdialogo ang mga makatang Tsino noon gamit ang mga tula. Wala lang. Trivia lang. At siyempre, binago na nang kaunti ang lumabas sa Heights kaya kumuha kayo ng kopya ng Heights para sa makita ang bagong bersiyon.

5.

Pagkatapos ng launch ng Heights. Kumain kami nina Sir Egay, Allan Derain at Sir Allan Popa sa Sweet Inspi. Syempre, napunta sa panitikan at disertasyon/thesis ang usapan. Humabol si Sir Allan P. At doon nagsimula ang matinding pang-aalaska kay Allan D. dahil sa nangyari sa kanyang pagkatapos ng Heights Workshop. Kung inaalaska ng mga ato ang weight ko, ito ang pang-alaska kay Allan D.

6.

Maraming tao ang nagsasabing pumapayat daw ako. Ewan. Hindi ko naman sinasadya. Kulang siguro kao sa kain. (Yeah right.)

Magnanakaw

Pinost ni Crisgee ang tungkol sa isang tao na nagnakaw at pinost sa iba't ibang website ang tula ni Rap. May kopya ako ng issue ng Heights kung saan lumabas ang nasabing tula. Makikita dito at dito ang pagtatangka niyang nakawin ang mga tula ni Rap. Hayaan sanang mangibabaw ang katotohanan at mabunyag ang mga huwad na manunulat. Asar na asar ako ngayon dito dahil bahagi ako ng mga taong tumutulong sa paghahanda para sa ANWW. At nakakaasar talagang isipin na may mga taong ganito na walang modong nagnanakaw habang dose-dosenang, marahil daan-daan, ang nagpupursige't kumakayod para magsulat. Naghahanap lang siguro siya ng papuri't atensiyon. Well, nagsusulat ako, at ang marami pang tao, hindi para mapuri. Masarap mapuri pero consolation na iyon. Pero hindi narsisismo ang ugat ng paglikha. Ika nga ni Mike Bigornia (ayan nagsa-cite ako), "mayroon lang akong malubhang karamdaman." May mga lumiligalig sa akin kaya gusto kong magsulat. Gusto kong unawain ang ligalig na ito. At sa pagsusulat ko nahanap ang paraan upang maibsan ang aking ligalig. Kung may punto ba ang sinusulat ko sa mambabasa, ibang post na iyon. Ngunit nakasisigurado ako na ang likha ko ay nagmumula sa aking ligalig, sa aking sarili. At sa totoo lang, masyado akong mayabang para magnakaw lamang ng gawa ng iba. Kahit tae ang nasulat, kahit cliche ang nasulat, wala akong pakiala. Syempre nakakahiya at hindi ko ipapakita sa iba iyon. Pero kung ano man iyon, tae man iyon o brilyante, masasabi ko sa sarili ko at sa iba, akin ang taeng iyan, aking ang brilyanteng iyan.

At pinatutunayan ko na si Rap Menchavez ang may-akda ng tulang "Matapos Mo Akong Iwanan" na nalatha sa Heights Vol. LI No. 1 noong taong 2003.

Martes, Setyembre 16, 2008

Bantay

1.

Napanood ko kamakailan ang "Hellboy 2". Masaya itong panood. Hindi masyadong pino ang naratibo pero maraming jokes at action scenes na pang-aliw. Paburito kong eksana yung nag-iinuman at kumakanta ng love song sina Hellboy at Abe Sapien. Tawa talaga ako nang tawa doon. Maganda yung art design at direction nito. Sa totoo lang, wala akong masabing sobrang masama o sobrang mabuti.

2.

Nag-observe nga pala si Sir Je kanina sa klase ko. Nang dumating siya, natahimik ang klase. Medyo nataranta naman ako kasi tumahimik sila. Pero okey lang. Keri naman.

3.

"Napagalitan" ako kanina ni Sir Egay. Ipinakita niya sa akin ang mga bago niyang diskubre sa bargain bin ng National, mga hardbound na kopya ng "Falling Man" ni Don Delillo at "Half the Yellow Sun" ni Chimamanda Ngozi Adichie na nabili niya sa halagang P75 bawat isa, nabanggit ko na nakakita ako ng kopya ng "The Reluctant Fundamentalist" ni Mohsin Hamid sa bargain bin ng National Glorietta. Siyempre nanghinayang akong bilhin dahil ang dami ko nang nabiling libro noong nakalipas na Book Fair. Pero sana binili ko na rin daw sabi ni Sir Egay. Sayang daw. at nasasayangan nga din ako ngayon e. Hindi naman kami mukhang adik sa libro, 'no?

4.

Nakakapagod palang magbasa ng mga maikling kuwento nang sunod-sunod.

Sabado, Setyembre 13, 2008

Book Fair Adventure 2008

1.

Pumunta akong book fair kanina. Umalis ako ng Katipunan nang mga 11 ng umaga at nakarating na sa Taft Station ng MRT nang mga 12. Sakto naman ang pagbuhos ng ulan. Kaya nang makarating ako ng MOA sakay ng dyip, basang-basa ako. Pero nakarating din naman ako sa SMX Convention Center. 10 pesos ang entrance fee pero dahil kuripot ako ipinakita ko ang aking ID para makakuha ng 2 peso discount.

Una akong pumunta sa booth ng C&E. May naka-consigned sa kanilang mga aklat ng nagsarang DLSU Press. (Nagsara ang DLSU Press di ba?) At nakabili ako ng dalawang libro.

a) Fastfood, Megamall at iba pang kuwento sa pagsasara ng ikalawang milenyum (Rolando Tolentino)
b) Alagwa (Mes de Guzman at Vim Nadera, patnugot)

Pinuntahan ko ang UST Publishing, Ateneo Press at UP Press. Wala akong binili sa UST at Ateneo. Gusto ko sanang bilhin yung bagong libro ni Abdon Balde kaya lang ang mahal, 620 ata yun. Sa Ateneo, well, Atenista na naman ako e. Nagkapagtataka nga't ang laki-laki ng catalogue ng Ateneo e ang liit-liit ng booth nila at ang unti ng inexhibit nilang libro. Sa UP Press ako madaming nabili mula sa kanilang bargain bin.

c) Subanons (Antonio Enriquez)
d) Salingdugo (B.S. Medina Jr.)
e) A Madness of Birds (Jose Wendell Capili)
f) Himagsik ni Emmanuel (Domingo Landicho)

Dumaan din akong Trade Winds. May nakita akong original print ng "The Butcher, the Baker, The Candlestick Maker" ni Gilda Cordero-Fernando. Babayaran ko na sana nang ipaalam sa aking ng nasa counter na 4 for 100 ito at kailangan kong bumili pa ng tatlong libro. E di pumili ng tatlo pa. Heto ang nabili ko:

g) The Butcher, the Baker, The Candlestick Maker (Gilda Cordero-Fernando)
h) Philippine PEN Anthology of Short Stories 1962 (Franz Arcellana, patnugot)
i) 4 Latest Plays (Wilfredo Ma. Guerrero)
j) 12 new Plays (wilfredo Ma. Guerrero)

Pagkatapos e pumunta naman akong New Day at nakakita ginalugad ang kanilang kopya ng mga lupang libro.

k) Ballad of a Lost Season (Cristina Pantoja-Hidalgo)
l) Southern Harvest (Renato Madrid)
m) A Small Party in a Garden (Linda Ty-Casper)
n) Wings of Stone (Linda Ty-Casper)
o) Originality as Vengeance in Philippine Literature (Lucila Hosillos)
p) Passion and Compassion (Marra PL Lanot)

Nagkasalubong kami ni Jay at itinuro ko siya sa Trade Winds, dahil hinahanap niya ang isang kopya ng PEN Anthology 1962, sa New Day, kung saan bumili siya ng mga libro ni Eric Gamalinda at isang history book tungkol sa Bikol sa UP, kung saan nakabili siya ng mga Likhaan Books. Sa pangalawang daan ko sa UP kasama si Jay, may nakita akong ilang bagong libro sa kanilang bargain bin na agad ko namang binili.

q) Revolver (Mike Maniquiz)
r) Asintada (Lilia Quindoza-Santiago)

Magkasama kaming kumain sa Yellow Cab (iyon lang kasi yung nakita naming maluwag). Pero malayo rin ang aming nilakad para makita iyon. Nakasalubong ko pa nga sina Charles at Sir Allan Popa sa daan. at doon nakipag kita kina Chino at Billy. Ginala na rin namin ang Convention Center. Sa loob ng Main Hall, hinanap namin ang mga booth na para sa iba't ibang bansa. Pinagtripan namin galing sa Taiwan dahil ang ganda ng design ng kanilang mga libro at sa Iran dahil curious kami (pwede ring medyo racist). Pumunta rin kami sa 2nd floor at natagpuan ang aming mga sariling nasa gitna ng awarding ng Accenture. Yung malalaking hall sa 2nd floor ang kinuha nila. Natagpuan naman namin sa iasng tabi, sa mga maliliit na silid, ang iba pang silid na para sa Book Fair. Sa isang silid ay book launch ng librong "The Proxy Eros" ni Mookie Katigbak at dalawang libro. Sana binili ko ang "The Proxy Eros". Marami akong libro na sana'y binili ko. Sana binili ko yung isa pang nobela ni B.S. Medina sa C&E at yung "Kamao" sa CCP Booth. Pero maliban doon, satisfied naman ako. Aba, nakalabinwalong libro ako. Dapat lang. At magkano ang nagastos ko sa libro? P905. Oo, P905. Wala pang isanlibo. Halos P50 bawat libro ang nagastos ko.

Naghiwa-hiwalay na kami pagkatapos pumunta sa 2nd floor. Nagpaiwan sina Billy at Chino habang sabay kami ni Jay na naghanap ng masasakyan. Nangako si Jay na babalik bukas kasi kinulang siya ng pera. Sumakay si Jay ng taxi habang kumuha ulit ako ng dyip papuntang MRT.

Alam nyo ba ang feeling ng pagbubuhat ng 18 libro mula MoA hanggang Katipunan? Nakakangawit.

2.

Katatapos ko nga lang palang basahin ang "Barriotic Punk" ni Mes de Guzman. Napansin kong halos common sa lahat ng kuwento sa kalipunang ito ay karahasan. Tungkol sa frat ang "Samtoy" habang may eksploytasyon, pinansiyal at sikolohikal, ang pinapaksa ng "Baboy na di Matuhog-tuhog sa Litsunan". Tungkol naman sa assasination isang kuwento. (Nakalimutan ko ang pamagat.) Karahasang dulot ng pagkakahiwa-hiwalay ang tema ng "Kuwadro Kuwarto". Karahasan din ang naging sekf-expression ng mga binatang tauhan sa "Barriotic Punk". Militarisasyon at hazing ang sa "Sagwan" at "Plebo". Bagaman tungkol sa kaburyongan at pagkamanhid ang "Digital Buryong", mayroon ding mga sandali ng karahasan dito. Parody ang "Ultramegalaktiksuperpinoyhero" (tama ba?) ng mga action movies kaya eksaherado ang palalahad nito ng karahasan. Ang pagkakawatak-watak naman ng isang pamilya ang paksa ng "Angkel Anghel". Pagbaluktot ulit sa kamalayan ang itinatanghal sa "Reklamador".

Ang pinakanagustuhan kong kuwento siguro ay ang "Plebo" at "Reklamador". Pabago-bago ang punto de bista ng "Plebo" pero nagustuhan ko rin ang ambiguity nito pagdating sa katapusan. Surprising ang "Reklamador" pero pwede mo pa ring basahin nang paulit-ulit. At na-pull-off ni de Guzman ang 2nd person na pagsasalaysay. Tawa ako nang tawa sa "Ultra...". Sa kabuuan, solid itong koleksiyon.

Biyernes, Setyembre 12, 2008

Excerpt 2

Hindi naman talaga ito excerpt dahil hindi ko naman talaga natapos ito. At hindi ko naman talaga alam kung matatapos ito. At hindi ko rin alam kung kuwento pa nga ba ito o isang sanaysay. Siguro nagpapaka-pretentious lang ako. O baka kailangan ko itong gawing metafiction. Balak ko sanang pamagat dito ay "Kasaysayan, Heograpiya at Talambuhay". (Ito nga pala ang 500th post ko sa Blogger)

***

Nalikha ang lawa sa panahon ng matinding pag-aalma sa mundo. Sa panahong ito, nalikha rin ang libo-libong mga bulkan, marahil kasama ang Banahaw at ang Makiling at maging ang buong kapuluan ng Pilipinas. At dito sa amin ay nalikha ang isang bulkang namatay at nakalikha ng butas, mga banging napakatarik, na kinalauna’y naging lawa.

Ngunit kung magliliwaliw kami sa mga bambang nito’y hindi ito ang aming magugunita bilang pinanggalingan ng lawa. Maaalala namin ang alamat kung saan may isang matandang dumating sa isang tahanang pagmamay-ari ng isang mag-asawa at ang lupaing pumapalibot sa tahanang ito’y punong-puno ng mga puno ng sampalok at dahil may sipon ay kinatok ng matanda ang bahay ng mag-asawa at humingi ng bunga ng sampalok para maibsan ang kanyang sakit ngunit tumanggi ang mag-asawa at sa pagtangging ito’y nagalit ang matanda at nagpakilala bilang diwata at pinarusahan niya ang mag-asawa sa kanilang karamutan sa pagbaha sa kanilang lupain at lumindol at bumuhos ang langit at nalunod ang buong lupain ng mag-asawa.

Noong bata ako, palaging inuulit ang alamat na ito sa paaralan. At napaisip ako, kung totoo nangyari nga itong alamat na ito ay may mga puno ng sampalok sa pusod ng lawa. Kaya’t kapag tititigan ko ang tubig ng lawa, ang nakalubog na gubat ng sampalok ang aasahan kong makita at hindi ang lalamunan ng isang patay na bulkan. At ganito rin marahil ang iba sa mga kababayan ko.

Marahil nakakatwang isiping naniniwala kami sa isang alamat na nagsasabing tao, na katulad namin, ang dahilan ng pagkalikha ng lawa. Hindi ito isang pagyayabang kundi isang pag-asam, na bahagi kami ng tadhana ng lawa at ang lawa ang aming tadhana.
Gayundin, wala rin naman talagang nakasaksi sa mga sandaling iyon ng pagsilang ng aming lawa. Alin nga ba ang higit na paniniwalaan, ang haka-haka ng mga siyentipiko o ang haka-haka ng mga ninuno? Sapat na, sa ngayon, ang malamang may simula, na may pinagmulan ang lahat. Kung ano man iyon..

+++

Ito ang suliranin ng isang kasaysayang higit na matanda pa sa mga nakakaalala: ang nalilikhang mga guwang. Naroon na ang lawa bago pa dumating ang mga ninuno at mananatili ito sa aming paglipas. Napakalaking guwang ang malilikha mula sa pagkasilang nito hanggang sa pagdating ng mga unang tao sa mga bambang nito.

Walang tala ng digmaan sa mga unang panahon ng aming lawa at bayan. Maaaring masabing nang dumating ang unang mga ninuno, naakit na sila sa lawa kagaya ng pagkakaakit ng ibang mga tao sa tabing-ilog at dalampasigan. Bagmaan kapanatagan ang kanilang natagpuan sa lawa di tulad ng mabangis na pagragasa ng tubig-ilog.

At marami na ring tao ang dumagdag pa, at naakit, mula sa mga unang dumating. Mga Espanyol na naghanap ng kadakilaan, mga Tsinong naghanap ng panibagong buhay, mga ibang Filipinong naghanap ng ibang matatahanan. At pala-palaging naging maluwag ang mga bambang ng aming lawa para kanino man.

Kagaya nang unang dumating ang mga Espanyol sa aming bayang nakahimlay sa bambang ng lawa. Malugod silang tinanggap ng mga ninuno. Isang kataka-takang pangyayari para sa mga Espanyol ang pagtanggap sa kanila nang ganoong kalugod dahil saan man sila nagpunta’y, kung hindi pagdududa, karahasan ang sumasalubong sa kanila. Subalit nauunawaan ng mga ninuno ang pagkapagal ng paglalakbay at hirap ng masusukal na gubat at nauunawaan nila ang galak na naranasan nang madatnan ang lawa.

Kaya’t hanggang ngayo’y maraming nadayo sa aming lungsod na nakahimlay sa bambang ng lawa. Maging ang aking mga lolo’t lola sa panig ng aking ina’y galing sa isang karatig na bayan. Ang aking ama naman ay tubo sa ibang lalawigan. Marahil lumipat sila sa aming bayan upang magsimulang muli. Iyon naman ang palaging pangako ng tubig. Ang tanong: mananatili ba ito sa darating na mga siglo?

+++

Kasali ako noon sa isang photojournalism contest at ginala ko ang bayan para maghanap ng mga makukuhang larawan. Wala akong nakuhang mainam na larawan. Walang larawan sa riles, sa mga barongbarong doon. Walang larawan sa gasolinahan, sa mga kotseng dumadaan doon para magpagasolina at sa mga attendant na naglalagay ng gasolina sa mga tangke. Walang larawan sa mga tindahan at mga restawran, sa mga taong labas-masok para magpalipas ng gutom sa mga tapsilogan, mamian, lugawan atbp. sa mga taong naghahanap ng mabibili para matuwa kahit sandali lang. Walang larawan sa mga sanglaan at bangko, sa mga taong nais mangutang at magkapera, para sa mga pangarap, o sa kinabukasan, o para sa mga problema sa ngayon. Marahil kumuha ako ng larawan sa tabing-lawa. Marahil kumuha ako ng larawan sa palengke, sa mga taong nagsisiksikan at mga panindang nagpapalitan ng kamay. Dalawang lamang na larawan ang naaalala kong kinuha noon. Isa ay larawan ng isang asong nakatihaya sa tapat ng istasyon ng bumbero. Yung isa naman ay larawan ng isang tandang, marahil ipangsasabong, na inaalagaan sa bangketa ng tindero ng isaw. Dapat sana’y naghanap pa ako ng mas maraming larawan.

+++

Umaawit ako noon para sa anticipated mass tuwing Sabado nang maging miyembro ako ng koro ng paaralan. Tuwing alas singko ng hapon ang misa. Ang paburitong kong bahagi ng misa ay ang simula dahil sa simula inaawit ang “Papuri”. Ang “Papuri” ang pinakagusto kong awitin sa misa. Hindi ko alam kung bakit. Marahil dahil kailangan kong ibigay ang aking buong sarili para sa awiting ito. Kailangang maging handa sa bawat pagbabago ng ritmo at ng himig. Dalawang beses inaawit ang buong “Papuri”. Sa una’y aawitin ito nang buong galak, sa mabilis na ritmo, na tila ba nagpupugay. Sa pangalawa’y magiging mabagal na naman ito, na tila ba mas seryoso ka na sa pagkakataong ito, na para bang biro ang naunang bahagi. Pagminsa’y nakakalimutan kong bahagi ako ng isang koro’t nakikisabay lamang ako sa pangkalahatang pagpuri sa Panginoon. Tuwing magsisimba ako, palagi akong natutuksong umawit.

+++

At nasasangkot paminsan-minsan ang aming bayan at lawa nang hindi inaasahan sa mga pangyayari bumabalot sa buong bansa. Dumating sa amin ang mga rebolusyon at digmaan bagaman hindi rin napapaaga. Ayon sa mga talambuhay ng mga sundalo noong panahon ng rebolusyon, maraming beses pinaglabanan ang aming bayan ng mga Espanyol at ng mga Rebolusyunaryo. Kapag nilalakad ko ang mga kalye sa bayan namin, hindi ko nakikita kung bakit napakahalaga ng bayan namin.

Miyerkules, Setyembre 10, 2008

May black hole na ba?

1.

Hindi ko kayo mahal. I hate you. I hate the world!

2.

Sakit ng ulo. Buo na lang medyo gumaan-gaan na. Dahil siguro medyo hirap akong matulog kamakailan. Kagabi, ilang beses akong naalimpungatan. Buti na lang hindi masyadong naaapektuhan ang mood ko.

3.

Napaandar na pala ang LCH ng CERN kanina. Mukhang kailangang pagtiisan pa natin ang mundong ito. (Hindi naman ako tunog depressed, ano?)

4.

Belated nga palang bati sa ka-Ligang Debbie Tan sa kanyang pagkapanalo ng ikalawang gantimpala sa kategoryang dulang iisang-yugto nitong nakaraang Palanca.

Isang huling mensahe bago gumunaw ang mundo

1.

Mahal na mahal ko kayong lahat. Lalong-lalo ka na pinakamamahal kong...

2.

Malapit nang paandarin ang CERN, isang higanteng eksperimentong matatagpuan sa hanggahan ng Switzerland at Pransiya. Matatagpuan ito isang daang metro sa ilalim ng lupa. Bilog ito na may habang 27 kilometro. Isa itong sub-atomic collider at gagamitin ito upang pagbungguin ang dalawang protons upang i-simulate ang kalagayan ng uniberso ilang sandali pagkatapos ng Big Bang. In short, bye bye Earth. Sabi-sabi, makalilikha daw ito ng black hole na hihigupin ang mundo. Para sa akin, hindi ko gustong mamatay dahil sa black hole. Sa totoo lang, hindi pa rin naman talaga sigurado ang mga siyentipiko kung ano nga ba talaga ang mangyayari. Eksperimento nga, di ba? Pero nakakatuwang malaman kung ano nga bang kayang abutin ng tao.

3.

Katatapos lang ng deadline ng pagpasa para sa Ateneo National Writers Workshop at isa ito sa mga pinagkakaabalahan ko ngayon. Technically, epal lang naman talaga ako. Pero natutuwa lang talaga ako at excited. Kung bakit, hindi ko alam. Siguro nagsesenti lang ako. Interesante rin na makita kung paano piliin ang mga magiging fellows at isipin yung taon napili. Napapakamot nga ako ng ulo dahil hindi ko pa rin maunawaan kung paano napili gayong ang papangit ng mga kuwentong ipinasa ko noon. Ngayon siguro, excited lang talaga akong makakilala ng iba pang mga batang manunulat. Siyempre, pa-feeling bata ako, di ba?

4.

Malapit na ang Book Fair. Waldas na naman ang pera ko. Iniisip kong pumunta nang Sabado. Magko-commute ako mula Katipunan papunta MOA. Isa na namang adventure ito. Ngayong weekend din nga pala ang 14th Ateneo-Heights Writers Workshop. Hindi ko alam kung makakadalaw naman ako doon. Sa Antipolo ang venue ngayong taon. Sabi ni Jason, plano niyang pumunta ng book fair at pagkatapos e pumuntang workshop. Ewan ko lang kung sasabay ako sa kanya. Bahala na.

5. Mga links

Nilabas na nga pala ang short-list para sa Man Booker Prize. Hindi kasama si Salman Rushdie.

Isang artikulo tungkol sa proseso ng pagpili ng Man Booker Prize nitong nakalipas na apatnapung taon.

6.

Happy Birthday nga pala kay Margie!

Biyernes, Setyembre 05, 2008

Excerpt

Heto ang isang excerpt ng ginagawa kong kuwento. Ideya ko ay sumulat ng mga maiikli pero interconnected na mga kuwento. Pwede silang basahin stand alone o hindi. Ito pa lang yung natatapos ko kaya sobrang early draft ito. Komento lang.

***

Ang Mandirigma

Kabilugan ng buwan at walang kaulap-ulap sa langit. Maliwanag na maliwanag ang daan papuntan ng bayan ng Villa Fernandina. Binaybay ni Taraki ang gilid ng daang-lupa kung saan nakatanim ang mga malalaking puno at madilim ang aninong likha ng mga malalagong dahon. Maingat ang kanyang paghakbang. Mahigpit ang hawak niya sa nakasukbit na patalim sa kanyang baywang, handa sa di inaasahang pangyayari. Bagaman malamig ang gabi, manipis na pawis ang namuo sa kanyang noo at ibabaw ng labi. Nililigalig ng kanyang pakay ang kanyang damdamin. Kailangan niyang pugutan ang mananakop, kailangan niyang pugutan si Juan de Salcedo.

Tatlong mandirigma na ang napugutan ni Taraki. Ang una’y pinugutan niya sa isang labanan sa tabi ng Ilog. Nagkaroon ng hidwaan ang kanilang barangay laban sa isang karatig na barangay pagkatapos maligaw ang isa sa mga kabaranggay nila at namatay sa lupain ng karatig na barangay. Isang karangalan hindi lamang sa mamumugot kundi pati rin sa pinugutan ang pagpugot. Tanging mga mandirigma lamang ang maaaring mampugot at mapugutan ng ulo. Kaya’t pinarangalan si Taraki bilang tunay na mandirigma pagkatapos ng labanan at umuwing may dalang ulo.

Ang pangalawang ulo niya’y galing sa isang Kastila. Nang unang dumating ang mga mananakop, alam na niyang mga mandirigma ang mga ito at karapat-dapat na katunggali. Madaling napasuko ng mga banyaga ang isa sa mga malalaking barangay sa dalampasigan. At nang makasagupa na nga ng kanyang barangay, namangha siya sa mga makikintab nilang baluti at umusok na mga baril. At bagaman natalo ang kanyang barangay at napilitang tumakas tungo sa masukal na gubat, nagawa pa ring mapugutan ni Taraki ang isa sa mga banyaga. Muntik na siyang mapatay ng banyaga. May hawak itong baril at nang itutok sa kanya’y yumuko siya’t tinaga ang paa nito. Isang malakas na hiwa lamang ang kinailangan para makuha niya ang ulo at madaling tumakas.

Ang pangatlo’y ulo ng kanyang lolo. Sa kabinataan, isang kilala’t kinatatakutang mandirigma ang kanyang lolo. Ngunit matanda na’t sakitin ito nang dumating ang mga banyaga kaya’t hindi ito nakasama sa labanan. At nang mamatay ang kanyang lolo pagkatapos lumubha ang sakit nito nang lumisan ang kanilang barangay tungo sa kasukalan ng gubat, napunta kay Taraki ang karangalang pugutan ng ulo ang kanyang lolo.

Pinaniniwalaang nasa ulo ng tao ang kanyang kaluluwa at sa pag-aari ng ulo ng isang tao—lalo na’t kung nanggaling ito mula sa isang dakilang tao—binibiyayaan ng mahiwagang kapangyarihan ang may-ari ng ulo. At nang malaman ni Taraki na namatay si Kapitan Juan de Salcedo, hindi na siya nagdalawang-isip na kunin ang ulo nito. Kinailangan niyang magmadali bago pa man mawala ang kapangyarihan ng ulo dahil sa lubusang paglisan ng kaluluwa.

Kaya't bagaman natuwa siya nang marating na niya ang ibayo ng bayan ng Villa Fernandina, binagalan ni Taraki ang kanyang paglalakad. Mula malayo’y nakita niya ang mga tanod na gumagala sa mga daan, may dala-dalang mga patalim. Malayo na ang nilakbay ng buwan sa langit at bahagya na itong natabing ng mga ulap nang makatagpo siya ng pagkakataon. Isang tanod ang napahiwalay sa mga kasama nito. Tahimik niya itong sinundan. Iningatan niyang hindi makita o marinig ng tanod na may dala-dalang ilawan. Nanatili siya sa dilim sa tabi ng daan. Naglakad sila patungo sa gilid ng bayan at naging madalang ang mga kubong nasasalubong nila. Sinundan niya ang tanod hanggang makarating sa isang kubo. May bakuran ang kubo at pumasok dito ang kanyang sinusundan at hula niya’y tinitirhan nito. Bago pa tuluyang makapasok sa loob ng kubo’t makawala ang kanyang sinusundan, dumapot siya ng bato at tinapon ito malayo, lampas ng kubo’t kinatatayuan ng tanod. Pinanood niyang lumingon ang tanod sa direksiyon ng ingay ng itinapong bato. Kaya’t madali niyang sinunggaban ang tanod mula sa likod. Hinablot niya ang nakasukbit na patalim ng tanod at itinapon ito palayo. At bago pa man makaharap sa kaniya, sinakal niya ang tanod mula sa likod gamit ng kanyang kanang braso. Nahulog ang ilawan sa lupa at nagpumiglas ang lalaki. Tinangka nitong abutin ang kanyang ulo ngunit nahahawi lamang ng mga daliri ng tanod ang kanyang pisngi at noo. At nang mawalan na ng malay ang tanod, dinala niya ito sa loob ng kubo. Nakanap siya ng lubid at itinali ang mag kamay at paa ng tanod. Kumuha siya ng tubig mula sa isang baul at ibinuhos ito sa nakataling tanod.

“Saan nakalibing ang Puting Halimaw?” tanong ni Taraki.

“Halimaw?” kunot na pagtataka ng nakatali.

“Ang pinuno ng mga banyagang sumakop sa mga lupaing ito, sa mga lupain namin. Papatayn kita kung hindi mo sasabihin.” Nagkunwarin siyang bubunutin niya ang kanyang patalim.

“Sa simbahan! Sa simbahan! Huwag mo akong patayin!” sigaw ng tanod.

“Simbahan?”

“Iyon pinagsasambahan namin. Hanapin mo ang gusaling may ganitong marka sa bubungan,” at gamit ng kanyang sakong, iginuhit ng tanod sa lupa ang markang krus.

Iniwan niyang katali ang tanod at bumalik sa bayan ng Villa Fernandina.

Unti-unti nang lumiliwanag ang langit dahil sa paparating na umaga nang makarating na siya sa simbahan. Matagal niyang sinubaybayan ang simbahan. Walang ingay na nagmula dito at walang tao ang pumasok o lumabas. Kaya’t pinagpasyahan niyang pasukin ito. Umingit ang malalaking pinto ng simbahan nang buksan niya ito. Hindi pa siya nakakakita ng ganoong kalaking gusali. At una niyang napansin ang halimuyak ng mga bulaklak sa loob ng simbahan. Ngunit wala siyang mabanaagang bulaklak. Tanging mga upuan at ang mga rebulto ng santo ang kanyang nakita. Sinundan niya ang amoy patungo sa isang silid sa tabi ng simbahan. Nakabuka ang pinto ng silid at nakita niya sa kanyang pagpasok ang isang sarkopago. Napapalibutan ito ng mga bulaklak at ng mga nakatirik na kandila. Sumakit ang kanyang ilong sa pinaghalo-halong bango ng iba’t ibang bulaklak at sa banayad na usok ng mga kandila. Dito nakahimlay ang may-ari ng pinakaaasam na ulo ni Taraki. Isang ulong maaaring makapagbigay sa kanya at sa kanyang barangay ng isang kakaibang kapangyarihan. Gawa sa kahoy ang sarkopago at nakaukit sa takip nito ang imahen ng buong katawan ni Juan de Salcedo. Kaya’t nakita ni Taraki ang mukha ng kanyang pakay. Mabigat ang takip kaya’t natagalan si Taraki sa pagbukas sa sarkopago. Nang mabuksan na niya ang sarkopago, agad niyang tinanggal mula sa pagkakasukbit ang kanyang dalang patalim. Ngunit nagulat siya sa kanyang nakita. Wala na ang ulo ni Juan de Salcedo. May nauna sa kanya. Galit ang una niyang naramdaman at ninais niyang sumigaw. Ngunit nabalisa siya nang may ibang sumigaw. Pagtalikod niya’y nakita niya ang dalawang lalaking nasa bukana ng pintuan. Tumakbo ang dalawang lalaki palabas ng simbahan, nagsisisigaw ng saklolo. Nilingon ni Taraki ang walang ulong katawan at napuno ng panghihinayang. At siya’y tumakbo na rin palabas.

Miyerkules, Setyembre 03, 2008

Aklat, Aklat, Aklat, at, aba, Pelikula't Updates

1.

Katatapos ko lang basahin ang mga kalipunang "Iskrapbuk" ni Allan Derain, na kakapanalo lang ng Palanca para sa kuwentong pambata at katabi ko ang cubicle, at "Sa Labas ng Parlor" ni Nori De Dios, na kinuha ko ang dating cubicle. Pareho kong nagustuhan ang mga koleksiyon. Maraming mga kuwentong aliw at patawa sa "Iskrapbuk," tulad ng title story at "Ang Liaison sa 27th Floor". Aliw ding basahin ang "Dragon sa Bintana" at "Ang Regalo ng Taong Ibon". Pero karamihan ng mga kuwento'y patungkol sa hypocracy. Halimbawa'y sa isang bayan (Ang Daan Papuntang Baryo M), sa opisina (Isang Masustansiyang Sapal) at sa silid-aralan at paaralan (Sunod sa Pagkamakadiyos). Makulit kalimitan ang tono at boses na ginagamit ng tagapagsalay sa ilang mga kuwento pero may ilan na lubhang payak o low key ang pagsasalaysay tulad ng sa "Mga Mumunting Piguring Tupa" at "Anatomiya ng Isang Alila". Kaya maganda ang variety at range sa "Iskrapbuk".

"Sa Labas ng Parlor" naman, madaling ikahon ang buong koleksiyon sa gay lit. At totoo ngang lahat ng mga kuwento'y tungkol sa mga bakla at ang kanilang mga buhay. Pero magaling ang technique ni Nori sa mga kuwento dito. Mula sa mga kuwento ng pagkamulat (Atseng), ng pamilya (Nobena), kuwento ng pakikisangkot at pakikibaka (Kas; Giyera) hanggang sa kuwento ng pag-ibig at kasawian (Geyluv; Lalaki), magaling ang pagkakadala at pagsasalaysay. Pinakanagustuhan ko ang "Giyera" bilang kuwento. Mythic siya na contemporaty na gay. Basta. Maganda. Mas nagustuhan ko ito kumpara sa kuwentong nanalo ng Palanca yung "Sumpa ng Tag-araw". Okey din namang kuwento ang "sumpa" pero parang biglang nawala yung problema sa dulo ng kuwento dahil sa ulan. Ewan ko. Baka kailangan ko lang basahin ulit.

2.

Katatapos ko rin lang basahin ang "Dictionary of the Khazars" ni Milorad Pavic. Narinig ko si Milorad Pavic sa klase ko sa Development of Fiction sa ilalim ni Sir Danny Reyes. Non-linear itong nobela. Parang tulad ng "Hopscotch" ni Julio Cortazar. (Hindi ko pa nanatapos iyon. Hindi ko ma-gets noong una. Yung "usual way" kasi ang ginawa kong pagbasa. Try ko kaya yung suggested na pamamaraan ni Cortazar?) Isa itong kuwaring diksyunaryo o encyclopedia. Pagkatapos ng isang intro, bahala ka na. Kung paano mo lalapitan ang nobela. Wala siyang suggested na pamamaraan ng pagbasa. Meron kung kailan (pagkatapos daw ng hapunan) pero hindi kung saan magsisimula o saan matatapos, hindi katulad sa "Hopscotch". Bilang mambabasa, bahala ka sa buhay mo.

Tungkol ang nobela sa mga Khazars, isang likhang lipunan at taong dating nakatira sa may Black Sea, at kung paano sila sumampalataya sa isa sa mga pangunahing relihiyon, sa Islam, sa Kristiyanismo at sa Hudaismo. Binibuo ang nobela ng tatlong aklat ang ang bawat aklat ay batay sa mga sources ng bawat relihiyon tungkol sa mga Khazar. Kaya hindi talaga natin malalaman, bilang mambabasa kung ano relihiyon talaga sumampalataya ang mga Khazar, kinalaunan.

Dahil nga diksyunaryo, binubuo ng mga sipi o anekdota ang buong nobela. May mga mahahaba habang may mga maiikli. Marami sa mga entry ay tungkol sa mga Khazar at ang kanilang kumbersiyon ngunit karamihan ng mga entry tungkol naman sa mga tao na nahumaling na hanapin at buuin ang isang komprehensibong libro tungkol sa mga Khazar.

Pangunahing imahen sa nobela ay ang mga panaginip at alamat. Kaya may tendensiya ang buong nobela na maging napakamatalinghaga. At sa pagsama ng matalinghagang wika at panaginip at alamat, para kang naglalakd sa ulap habang nagbabasa. Sa sobrang taas ng imahenasyon at wika, parang nakalulula at parang napakadelikado ng bawat hakbang. Marahil ito rin naman ang nais na epekto ng nobela sa mambabasa. Sa kabuuan, nagustuhan ko ito.

3.

Noong Linggo, napagtripan ng pamilya ko na manood ng "For the First Time" na pinagbidahan nina KC Concepcion at Richard Guiterrez. Napakakonyo nitong pelikula. Mga high class at superrich ang mga tauhan. Hindi naman sa nagmamahirap ako pero, wala naman talaga silang mga problema bilang mga tauhan. May mga daddy issues at family issues lang sila. At hindi bumenta sa akin na nagkaibigan nga sila. Okey ang simula. Magandang comic relief ang karakter ni Candy Pangilinan at ng kanyang katambal. Balanse ito sa tambalan sa mga bida at maganda sanang pangutya sa kabuuang takbo ng isang pangkaraniwang love story. Pero nawala ang mga tauhan nila sa kalagitnaan ng pelikula. Kaya naging mushy na lang talaga. "Endo" pa rin ang pinakamagandang pelikulang pag-ibig. Mas kapani-paniwala ang mga problema nila at mas masalimuot.

4.

Kumain lang at naglaro ng Wii sa bahay namin sa San Pablo noong kaarawan ko. Pumunta sina Pao, Tonet, Gino, Aina, Mara, Daniel at Elmer. Hindi ko sila mayayang mag-overnight sa amin. Masyadong akong na-lowbat dahil sa Sagala. (Oo, nahirapan akong mag-recharge.) Nagdala rin ako ng leche flan at baked macaroni sa Kagawaran na luto ni Ninang. Syempre, nagustuhan ng mga tao ang leche flan. Kinulit pa ako ni Sir Joseph na magdala pa ulit.

5.

Mukhang ako ulit ang magiging scribe sa darating na 8th ANWW. Sana mapagbigyan ang hiling ko na magkaroon ng kasama sa pagta-transcribe. Ayokong mangyari sa akin yung nangyari last year na ngarag na ngarag. May interesado ba diyan? At mukhang dito rin lamang sa loob ng campus gaganapin ang workshop. Parang tulad noong batch namin. Ang hirap namang mag-load kapag sa Ateneo. Pero pwede na rin. Huwag lang masyadong mag-ingay.