Martes, Agosto 19, 2008

Ano kaya ang magandang pangalan ng isang writing group?

1.

Pumunta akong booklaunch ng mga libro ni Khavn de la Cruz kagabi. Nakakatuwang makita ulit si Amang Jun Cruz Reyes. Naalaska pa ako ni Amang Jun dahil, bilang Atenistang "Man for Others," hindi ko pinapansin yung mga batang kalye. Kaya kumuha ako ng pagkain sa loob at ibinigay kay Amang Jun at ibinigay niya sa mga bata. Napansin nga namin na yung mga mas bata ang mas makukulit at mas may diskarte pagdating sa pagkuha ng pagkain kumpara sa mga mas nakatatanda. Parang mas nahihiya yung mga mas nakatatanda. Kaya makikita na may herarkiya ng mga bata pero imbes na yung matatanda ang namumuno, sila yung nagiging mas mapagbigay.

Isa lang sa dalawang libro ang binili ko. Yung "Ultraviolins". Iyon yung mas mura e. At iyon yung koleksiyon ng mga kuwento. Katatapos ko lang basahin ang dalawa sa mga kuwneto doon at, um, weird talaga. Hindi ako sigurado kung magiging gabay ko ito sa paggawa ko ng thesis pero mukha naman itong isang interesanteng kalipunan ng mga kuwento.

2.

Pagkatapos ng booklaunch, kumain kami ni En sa Reyes Barbecue at doon ay naghuntahan. Isa sa napag-usapan namin ay yung pagtatayo ng isang writers group ng mga kuwentista. Medyo mapangahas para sa aming wala pa naman talagang pangalan pagdating sa larangan ng panitik. (Well, may Palanca na si En, so ako wala talaga sa radar.) Inisip namin na hakutin ang mga nakasama namin sa mga nadaluhan naming mga workshop (Camille? Caty? Mar?) at sa iba pang mga kakilala sa pagbuo nito. Ang tanong lang talaga siguro kung paano kami maiiba sa mga nauna sa anin gayong naging mga guro namin sila. Kaming henerasyon na lumaki sa mga workshop. O kung may punto pa ba ang mga grupo-grupo sa panahon ng postmodernismong pamumuhay. Ewan. Ideya pa lang naman ito e. Komento kayo kung may suhestiyon kayo o kuro-kuro.

3.

Mayroon palang bagong bill na nakasalang sa Senado na pinamagatang Senate Bill No. 2464 ANTI-OBSCENITY AND PORNOGRAPHY ACT OF 2008. In a nutshell, bawal ang sex. Bawal pag-usapan ang sex, sumulat tungkol sa sex, bawal itula ang sex, ikuwento ang sex bawal isadula ang sex, bawal ang sex. Naku, 70% ata ng nasa mga VCD at DVD store, mukha ipagbabawal kapag naipasa ang bill na ito. Magiging napakasaya ng buhay. Not.

4. Ilang links

Maiirita kaya si Kafka kapag naipasa ang Senate Bill 2464?

Naku, baka maantala ang paglabas ng Watchmen sa susunod na taon.

Sine VS Nobela.

Ang Booker Longlist batay sa pabalat.

2 komento:

kontra-diction ayon kay ...

"Ang tanong lang talaga siguro kung paano kami maiiba sa mga nauna sa anin gayong naging mga guro namin sila. Kaming henerasyon na lumaki sa mga workshop. O kung may punto pa ba ang mga grupo-grupo sa panahon ng postmodernismong pamumuhay. Ewan. Ideya pa lang naman ito e. Komento kayo kung may suhestiyon kayo o kuro-kuro."

- Napadpad ako dito kasi may nagsabing may kuro-kuro ka raw sa libro ko. Maraming salamat.

Hinggil sa pagbubuo ng grupo ng mga kuwentista, palagay ko magandang gawing gabay ang mga naging guro sa panitikan pero hindi dapat sila ang magtakda ng mga tuntunin hindi lang sa grupo pati na rin sa mas malawak na usapin ng panitikan.

Sayang lang kasi ang pagod kung magiging hawig lang sa mga existing writers group ang itatayo ninyo.

Maraming isyu ang kailangang tutukan sa (maikling) kuwento na mahirap pag-usapan dahil sa katotohanang wala halos nagpapublish nito. Dito pa lang, malaking balakid na.

Hindi naman puwedeng maging batayan lang ng panitikang Pilipino ang mga nananalo sa mga patimpalak pampanitikan. Papayag ba tayo na ang masasabing makabuluhang maikling kuwento lamang ay ipapaubaya na lang natin sa pananaw ng tatlong hurado sa mga patimpalak na ito?

Unknown ayon kay ...

Maraming pong salamat sa komento. Kaming dalawa lang ni En ang nag-isip nito at mostly joke siya na medyo napaseryoso. Yung pagbanggit sa Palanca, inaalaska ko lang si En.

Pero kagaya ng sinabi ko, ideya pa lamang ito na napag-usapan ng dalawang tao pagkatapos kumain ng barbecue. Impetuousness lang siguro sa aming bahagi. Yung nga sigurong kagustuhang hanapin ang lugar sa loob ng panitikan pinanggagalingan ng aming (o aking) anxiety. At iyon nga rin yung isa pang tanong, uulitin din lang ba namin ang mga natutunan namin mula sa mga nauna sa amin o kaya ba naming tumahak sa ibang direksiyon? Sa pagbasa ko ng libro ninyo, ni Khavn, allan derain, alvin yapan, rolando tolentino, atbp., parang ang hirap-hirap nang sundan. Hindi naman parangal ang hinahanap namin, siguro mga simulain lang tungo sa personal pagtataya namin sa panitikan. Siguro kailangan pang tumanda nang kaunti at sumulat pa nang kaunti para maging mas sigurado.