Sabado, Agosto 16, 2008

Nostalgia

1.

Natapos ko na ring basahin ang "The Curtain" ni Milan Kundera. Sa tingin ko, kailangan ko na ring basahin ang kanyang "The Art of the Novel" at "Testaments Betrayed". Maganda at malawak ang kanyang pagtalakay sa sining ng nobela. Hindi nakabatay sa kasaysayan ng isang partikular na bansa ang pagtingin ni Kundera sa nobela. Inihahanay niya't inihahambing ang mga nobela ng iba't ibang panahon at bansa sa isa't isa. Nagsasama isa iisang pahina sina Faulkner, Rushdie at Kafka. Interesante din ang kanyang paglalarawan sa nobela bilang isang sining na nakatuon sa pang-araw-araw, pangkaraniwan at bastos. Mahirap sabihing isang kritikal na sanaysay, mas mukha ang librong ito na isang malikhain at pilosopikal na sanaysay tungkol sa nobela.

2.

Natapos ko na ring basahin ang "Pagluwas" ni Zosimo Quibilan. Bumabaybay ang "Pagluwas" sa pagitan ng pagiging nobela at kalipunan ng maiikilng kuwento. May mga piling mga bahagi na nag-uugnay at nagtatagni sa akda upang bigyan ito ng kabuuang naratibo, tulad ng simula at ng katapusan. Kayang tumayong ng bawat kuwento sa sarili nitong puwersang naratibo. Halos lahat ng mga kuwento ay tungkol sa pagkasawi o pagkukulang ng sarili. At nagiging matingkad ito sa konteksto ng mga ugnayan at relasyon ng mga tauhan. Karamihan ng kuwento, tulad ng "Cassette Tape", "Lipstick", "Tinidor" at "Visitor's Pass", ay umiikot sa pag-ibig o ang kawalan ng pag-ibig. Ang iba naman, tulad ng "Voltes V" at "Airgun Pellet", ay tungkol sa kabataan at ang maselan nitong kalagayan sa isang magulong mundo. Pero mahirap basahin ang buong "Pagluwas" ayon sa tema lamang. Marahil maraming basa pa ang kailangang gawin para makita ang kabuuang istruktura ng akda. Kung mayroon nga ba itong estruktura. Payak ang bawat dagli at madaling pasukin. Personally, hindi ako nabitin sa bawat isa.

3.

Napanood ko na rin noong Huwebes ang "WALL-E" ng Pixar. Matagal ko nang gustong panoorin ito. Alam kong cute at mukhang pambata ang pelikula. Pero tungkol ito sa mga robots (na gusto ko) at tungkol rin sa isang post-apocalyptic na mundo (na gusto ko rin). Bagaman puno ng action at ang pangunahing naratibo nito ay ang pag-iibigan nina EVE at WALL-E, nostagia ang namamayaning damdamin para sa akin. Makikita ito sa pagiging rat pack ni WALL-E. Ang bawat bagay na natatagpuan niya't lumilikha ng isang malikhaing mundo kanyang binuo sa isipan niya (o circuit board). Nostalgia din ang namayani para sa Kapitan ng Axiom, ang spaceship na tinitirhan ng mga tao pagkatapos lumisan ng Earth, dahil lumikha siya, mula sa mga mala-encyclodiang kaalaman na nakuha niya mula sa kompiyuter, ng isang imahen ng buhay sa Earth na ibang iba sa buhay niya sa Axiom. Kaya ang nostalgia ng "WALL-E" ay hindi isang nostalgia ng isang taong pumapanglaw sa kanyang nakalipas. Ang nostalgia sa dito ay isang nostalgia sa isang mundong nawala na at tanging mga bagay, mga labi na lamang ang natira. Ngayon ko lamang napansin pero nostalgic din ang "Ang Bulaklak ng Heidelberg" at (sa pamagat pa lang) "Nostalgia" ni Sir Vim Yapan at "The Road" ni Cormac McCarthy. Pero iba ang kanilang nostalgia. Sa "The Road", dahil naaalala pa ng ama ang mundong nawala, mayroong paglayo sa sentimentalidad tungo sa pag-alala dahil masakit ang pag-alala. HIndi sapat ang alaala para sa ama dahil hindi nito binibigyang-katarungan ang mga bagay na nawala na. Sa "WALL-E", dahil daang taon na ang lumipas at wala nang nakakaalala, mayroong malikhaing pag-angkop ang mga robot tulad nina WALL-E at EVE at ng mga tao tulad ng kapitan upang bumuo't magsimulang muli.

4.

Sa Lunes ay book launch ng mga libro ni Khavn dela Cruz sa mag:net Katipunan.

5.

May bagyo ba? Lakas ng ulan e.

Walang komento: