Sabado, Enero 05, 2008

Bago Bumalik sa Pagiging Estudyante

1.

Nang mga nakalipas na mga gabi, napakalamig ng bugso ng hangin dito sa San Pablo. Natutulog lang kami ditong bukas ang bintana. Ganito rin kaya ang klima sa Maynila? Baka hindi.

2.

Sa nakalipas na mga araw, marathon kaming magkakapatid ng "Coffee Prince." Oo, paminsan-minsan, romantiko't sentimental din ako. Kung titingnan ang buong istruktura ng serye, pangkaraniwan siyang drama. Isang naghihirap na babae at isang mayamang lalaking magkakaibigan. May ilang mga twist kagaya ng hindi alam ni lalaki na babae pala si babae dahil tomboy na tomboy ito. Ang pinakagusto sa mga serye mula sa ibang bansa ay ang sense of humor ng mga ito. Madrama kung madrama ang "Coffee Prince." Pero pagminsan, kaya nitong pagtawanan ang sarili nito sa pagka-OA at ilang mga hirit. Interesante din para sa akin ang kapansin-pansing paggamit ng serye ng teknolohiya ng cellphone. Sa iba kasing mga serye mula Korea, hindi ko ito masyadong napapansin. Pwede ring product placement ang lahat ng ito pero halos 1/4 ng mga diyalogong nagaganap sa loob ng serye ay gamit ang cellphone at telepono. Ginagamit ito sa pakikipag-flirt at paglalabas ng mga saloobin. May isang eksena doon, pagkatapos magkabalikan ang mga bida, nang hingin ng mga katrabaho ni bidang babae ang cellphone nito. Interesante ang tila pagiging bahagi na ng identidad ang ganitong uri ng teknolohiya. Hindi kasi ako ganito sa cellphone ko.

3.

Nasira nga pala ang cellphone ko noong bago mag-Pasko. Naiwan ko kasi sa bulsa ng shorts ko at nalaba. Kakakuha ko lang ulit noong isang araw. Hindi ako yung tipo ng taong nagde-delete ng text message. Kaya medyo nalungkot ako na makitang walang laman ang aking inbox. Text niyo ako? Hahaha, ambabaw ng gago.

Walang komento: