Linggo, Mayo 27, 2007

Panaginip 2

Bigla na lamang nagkaroon ng multo sa bahay namin. Antonio ang kanyang pangalan. Habang kinakain ko ang aking shorts, bigla na lang may nagpasalamat. Nagpapasalamat ang multo dahil mayroon na raw siyang magagamit na basahan. Natakot at nagalit ang mga tao sa bahay hindi dahil may muloto kundi isa itong bastos na multo. May naglalakad na dalawang babae sa tapat ng bahay at bigla na lamang may humipo sa isa sa kanila bagaman walang manghihipo silang nakita. Hinarap namin si Antonio. Pinagsisigawan namin ang aming mga tanong kay Antonio at sinasagot naman niya agad, na sa mundo ng panaginip ay parang katotohanan ang kanyang mga sagot sa amin. At sa bawat sagot, unti-unti siyang nagkaroon ng mukha. Sa literal na nibel dahil unti-unti na siyang nagkakalaman. Isa siyang matandang lalaki. Maputi ang buhik. Bungi-bungi na ang kanyang ngipin. Kulubot ang balat. Sa personal rin na nibel dahil lubos na siyang nagpakilala. Isa siyang dating journalist. Mula dekada 50 hanggang 80. At ngayong nagkaroon ng laman ang multo, natapos ang panaginip.

Biyernes, Mayo 25, 2007

At Ako'y Nagbabalik

1.
Nawalan ng Internet dito sa bahay dahil nasira ang antenna ng SMART Broadband. Nababasa ko yung mga pasintabi ni Vittorio tungkol sa kanyang connection. Pero iba marahil dito sa San Pablo. Mabilis-bilis naman ang Internet dito. Dahil siguro kakaunti lang ang subscriber sa SMART Bro dito. Magdadalawang taon na rin naman kaming naka-subcribe sa SMART Bro. Isa sa mga pinakauna. Komento nga ng isa sa dalawang technician tungkol sa antenna, "Ancient na 'yan." Kaya ito, nakakapag-post. Ang saya naman buhay, ano.

2.
Dumaan akong Filipino Dept. noong isang linggo. Pinasa ko ang final paper ko para sa Fil 202. Tinanong ko na rin ang mga klase sa darating na semestre. dahil hiningi namin nina Eric, nag-offer ang Kagawaran ng klase sa Malikhaing Pagsulat: Maikling Kuwento. Mukhang may makakasama kaming mga undergrad dito. (As usual.) Si Sir Vim Yapan ang magtuturo nito. Excited ako para dito. Pagkatapos ng mga palpak na sinulat ko sa Tula, sana naman ay makapagsulat ako ng mga OK na gawa sa pinili kong genre na maikling kuwento. May mga nasimulan na akong mga bagong kuwento ngayong summer at may mga ideya nang sumusulpot sa kukote ko. Sana bago magsimula ang semestre, makatapos ako kahit isa.

Maliban sa Maikling Kuwento, wala nang ibang mga klaseng ino-offer ang Kagawaran na buo na ang kalooban kong kunin. Ang tatlong required courses na offer ngayong darating na semestre ay mga nakuha ko na. Ang isa pa ay pinamagatang Fil 223.2 "Technical Filipino in Media" na, sabi-sabi'y si Rolando Tolentino ang magtuturo. Maaari ko itong kunin pero pinag-iisipan ko pa. Baka tumingin ako sa ibang mga departments para sa kukuning klase. Mukhang interesante para sa akin ang "The Development of Fiction" mula sa English at "Ricoeur" at "Foucault" ng Philosophy. Kung ano man, bahala na. Narito ang listahan on-line.

3.
Nagpunta nga palang Hong Kong sina Dad, Mama at Marol. Apat na araw lang. Pumunta si Mama sa isang conference habang nakisabit naman sina Dad at Marol. Marami silang binili pero mahal ang karamihan ng mga bilihin sa Hong Kong . Kaya binili na lamang nila doon ang mga hindi mabibili dito. Mga damit at kung ano pa. Bumili rin sila ng bagong digital camera. Masyado kasing malakas sa baterya at "ancient" ang luma naming camera.

4.
Bukas ay may sagala kung saan kasama ang dalawa kong kapatid sa magrereyna. Dito na mabibinyagan ang bagong digital camera. Mapupuno na naman ang kanilang mga Multiply.

Huwebes, Mayo 17, 2007

Pagsisisihan ko ang pag-post sa entry na ito

Ito ang aking panapos na papel para sa Fil202. Isa itong litong sanaysay. Hindi alam kung isa ba itong personal na sanaysay o isang kritikal na pagsusuri. Kung ano man, puno ito ng mga personal na detalye ng buhay ko na baka gustong malaman ng may kilala sa akin. Binababalaan ko lang ang mga babasa: mahaba ito. Yun lang.

PAGHAHANAP NG BUNGO NG MGA AMA: Isang Kasaysayang Pampamilya


Kung Bakit Wala pa Akong Girlfriend Hanggang Ngayon[1]

Galing ako sa lahi ng mga babaero. Yung mga tipo ng lalaking maraming mga nililigawan o nagkaroon na ng kabit. Sabi-sabi na ang Lolo ko sa tahod ay mayroong pamilya sa labas. Dalawang babae naman ang nagluksa, sumampa sa kabaong, nang nilibing ang aking lolo. Nanirahan ng ilang linggo ang aking tiyong galing Binangonan sa San Pablo dahil sinugod ang kanyang bahay ng isang dating girlfriend na diumano’y nabuntis niya. Nahulihan naman ng ilang mga kakatwang text message ang cellphone ng ama ko kaya napilitan siyang magpalit ng cell number. Kung ano man ang usapan niya at ni Mama ay hindi ko alam.

Sa ganitong kasaysayan ng mga lalaki sa angkan ko, pakiramdam ko’y hindi ako normal kasi wala pa akong girlfriend hanggang ngayon. Marahil natatakot akong gawin ang ginawa ng mga ninuno ko. Bagaman masyodong mayabang ang takot na iyan. Hindi naman ako kaguwapuhan o kakisigang lalaki. Marahil di ako normal. Kung ang normal ay sinusukat sa dami ng babaeng nakasama/nahalikan/naging kasintahan. Bokya ako niyan. Naaalala ko ang payo sa akin ng aking tiyong hinabol ng kanyang dating girlfriend: pagdating sa babae kailangang paisa-isa lang, isa sa umaga, isa sa tanghali at isa sa hapon. Hayskul ako noon. Nangyari’y nag-isa na lamang ako.

Kaya ito ang nais kong saliksikin sa sanaysay na ito: ang mga personal na alinlangin ng pagkalalaki. Kung may normal nga bang pagkalalaki, hindi ko alam. May mga stereotype ng pagkalalaki.[2] Bagaman, kung sisipatin, nagbabago ito sa paglipas ng panahon kagaya ng pagbabagong nangyari sa pagkaunawa sa pagkababae at sa lugar ng babae sa lipunan. Iba ang pamantayan ng sa panahon ng mga lolo ko habang iba naman sa kasalukuyang panahon kaya nagbabago-bago ang reaksiyon ng tao lalo na ng mga asawa. Naghiwalay ang Lolo’t Lola ko at sumama ang Lolo ko sa kanyang bagong kalaguyo. Tinulungang makatakas ng tiya ko ang aking tiyo. Marahil pinagbubutaktak ni Mama ang bibig niyang parang machine gun. Kahit nga walang problema ginagawa niya iyon, paano pa kaya kung may krisis.

Kaya hahanapin ko ang mga puno’t dulo ng mga alinlangan ko mula sa kasaysayan, isang personal na kasaysayan. Sabi nga ni Freud, may malaking impluwensiya ang mga magulang sa kanilang anak.[3] Paano pa kaya sa Filipinas na nakagisnan ng maraming mga Filipino ang lumaki sa isang malaking angkan. At paano pa kaya ang impluwensiya ng mga lolo’t lolo sa mga magulang, ng mga lolo’t lola sa tuhod sa mga lolo’t lola at sa walang hanggan pang mga magulang sa kasaysayang nakalimutan na. Hahalungkatin ko ang mga relasyon, sa pagitan ng mga mag-asawa, sa pagitan ng mga mag-ama, upang bigyan pansin ang mga naging impluwensiya sa akin at mapansin na rin ang mga hindi lantarang mga paghigit at pagtulak sa pagitan ng mga relasyon. Hindi ko lang alam kung magiging epektibo ba ang mga pamamaraan ko o tama ba ang mga pamamaraan ko dahil unang beses ko itong gagawin. Bahala na si Batman.

Hahanapin ko rin ang mga ideya’t paglalarawan ng pagkalalaki sa piling maiikling kuwento sa wikang Filipino. Maaari kong makita mula sa iba’t ibang pananaw ng pagiging lalaki, asawa at ama sa isang partikular na manunulat na nagmula sa isang partikular na panahon. Maaaring maging mababaw lamang ang pagsusuri ko, maaaring lubhang kaduda-duda. Ngunit hindi pagsusuring naghahanap ng kagandahan o kagalingan ng mga akda ang gagawin ko. Isa itong paghahanap ng kinalalagyan at gayun din ng pinanggagalingan. Gagamitin ko ang mga kuwento upang bigyang liwanag ang mga personal na karanasan at kasaysayan habang gagamitin ko rin ang personal na karanasan at kasaysayan upang bigyang liwanag ang mga kuwento. Maaaring mauna ang mga akda, maaari ring mauna ang mga personal na karanasan at kasaysayan.

Mapupuno rin itong sanaysay na ito ng mga hakahaka. Maraming “marahil” at “baka.” Pero normal lang sa akin ang ganito. Kuwentista kasi ako. At kagaya ng mga baguhang mga kuwentista, tatapusin ko nang basta-basta ang panimulang ito at tutuloy na sa laman ng lahat-lahat.

Larawan at Iba Pang Mapapansin sa Panlabas

Mayroong larawan sa aklatan ng bahay namin sa San Pablo. Isa iyong family picture ng aking lolo, lola, ama, tiyo at mga tiya. Marahil kinuha sa isang istudyo sa Binangonan, Lalawigan ng Rizal. Kagaya ng inaasahan sa isang larawang kinuha sa isang istudyo, isa iyong larawan ng isang pangkaraniwang pamilya. Nakatayo si Dad sa kaliwa, nakasuot ng Amerikana kumpletong bowtie. Hindi pa ata siya nakatutungtong ng edad na 12. Katabi niya si Lolo, naka-Barong naman siya’t nakaupo. Nakaupo rin si Lola, nakasuot ng bistidang hindi nalalayo sa uso ng dekada 60. Sa pagitan nina Lolo’t Lola, nakatayo sina Ate Rowena at Kuya Eric, ang pangatlo at bunso sa mga magkakapatid. Nasa kanang dulo naman si Ate Lisa, nakabistidang ruffled at mas mabulaklak kumpara sa suot-suot ni Ate Rowena.

Walang ganitong larawan sa pamilya namin. Dahil siguro mas mahal at di ganoong kalaganap ang mga photograph noon kumpara ngayon. Mura lang ang isang roll ng film at kamakailan lang ay nauso na ang digital na larawan.[4] Naka-pose din naman ang iba bagaman kinukuha ang larawan sa mga sandaling napag-isipang mahalagang kumuha ng picture, sa tapat ng isang landmark o kung napagtripan lang naman talaga. Kung ano man, karamihan ng mga larawan na kinukuha natin sa pang-araw-araw ay may kahalong pagpapanggap at pagbabalat-kayo. Palaging nakangiti. Palaging nakatingin sa kamera. Ngunit palagi’t palaging lalabas kung pagod ka sa mga larawan o kung may problema kang tinatago. Hindi na ganoong ka-perpekto ang mga larawan sa mga photoalbum at CD.

At kagaya ng larawang pampamilya nina Lolo’t Lola, isang “picture perfect” na pamilya ang nilalamanan ng kuwentong “Ang Ideal”[5] ni Ma. Ellen L. Sicat. Nilalarawan ng kuwento ang mag-asawang mukhang ideal. Si Attorney na maalaga, maaruga, mabait at tapat sa kanyang asawang si Shorts. Si Shorts naman ay maganda at palaging nakangiti. Inihahambing sila sa mag-asawang kapitbahay ng pamilyang ideal na ito, ang lalaki’t kapatid ni Attorney. Babaero ang kapatid ni Attorney habang “buraka” naman si Aling Celia at palagi silang nag-aaway.

Bagaman huwarang mga tao sina Attorney at Shorts, sa pangalan pa lang ay mukhang mga karikatura na sila. Isang perpektong larawang mahirap mahanapan ng tunay na laman dahil sinisilaw ang mga tumitingin. Kaya may hindi nakitang problema ang humahangang tagapagsalaysay sa likod ng magandang larawan na ito. Lumabas lang ang mga bitak ng mga buhay ng huwarang mga tauhan nang magpakamatay si Attorney. Kung ano-anong haka-haka ang pinag-isipan ng tagapagsalaysay kung bakit nagpakamatay si Attorney. Ngunit kung ano man ang sanhi, hindi naging kaduda-duda para sa tagapagsalaysay kung bakit pagkamatay ang naging hantungan ng isang perpektong lalaki:

“Dahil nga siya ay isang taong naghahangad ng ideal. Hindi niya kayang tanggapin, na sa kabila pala ng kanyang pagpupunyagi—hindi ideal ang kahihinatnan ng kaniyang buhay.”[6]

Nawalan na ng kontrol si Attorney sa kanyang buhay kaya pinili na lang niyang mamatay sa karurukan ng kanyang buhay. Dahil ang pagbagsak ay higit na kahiya-hiya.[7]

Pagpapatiwakal ang naging hantungan ng kuwentong “Ang Ideal”. Paghihiwalay naman ang naging hantungan ng picture perfect na larawan ng pamilya nina Lolo’t Lola. Hindi nagtagal mula nang kunin ang larawang iyon naghiwalay sina Lolo’t Lola. Kagaya nang hindi agad nakita ng tagapagsalaysay ng “Ang Ideal” ang mga bitak sa buhay nina Attorney at Shorts, napagtatakpan din ng larawan ang mga bitak sa relasyon nina Lolo’t Lola. Bumalik sa bayan ng Angono, Rizal si Lola. Nagsimula ng bagong buhay si Lolo sa kanyang naging kalaguyo. Napunta naman sa pangangalaga ng mga kamag-anak sina Dad, Ate Lisa, Ate Rowena at Kuya Eric. Nawalan na ng kontrol si Lolo sa mga pangyayari. Ngunit imbes na piliin na magpatiwakal, pinili niyang magsimulang muli. Wala na akong alam na ibang picture na kumpleto ang buong pamilya.

Galit-galitan

Bihira ko makitang galit si Dad. Hindi siya yung tipong seryoso’t palaging galit. Palabiro si Dad at matinding humirit kapag nagbibiro. Mabibilang ko sa daliri ang mga sandaling nasaksihan kong galit si Dad. Kalahiti’y noong bata pa ako’t walang mga galang na bata kaming mga magkakapatid. Ang isa pang kalahati’y kapag nag-aaway silang dalawa ni Mama. Kagaya nga ng sinabi ko, bihira lang ang mga pagkakataong ito. Bagaman mas malinaw sa aking alaala ang mga pag-aaway nilang dalawa ni Mama.

At ito ang pag-aaway na pinakamalinaw sa akin: ang eksena ay ang silid-tulugan. Nanonood kami ni Mama ng TV noong gabing iyon. Wala si Dad. May mga bisita siya galing Binangonan, mga kaibiga’t kababata niya doon. Palaging tinatawagan ni Mama si Dad buong gabi. Hindi kasi niya gustong malasing nang sobra si Dad. Umuwi si Dad nang galit na galit. Nakainom nga siya. Ngunit kung ano ang kinagalit niya ang para sa akin, at marahil para rin kay Mama, ay kagulat-gulat. Nagalit si Dad dahil sa “pambabastos” na ginawa ni Mama, ang pagtawag sa kanya nang madalas. Inunawa iyon ni Dad na walang tiwala si Mama sa kanya. Tiningnan din niya iyon bilang kahihiyan sa harap ng mga kaibigan niya, na kailangan pa siyang tawagan oras-oras. Kaya ilang minuto ring nagsisisigaw si Dad, galit na may kasamang pag-iyak. Umiyak si Dad noon.

Sa mga iyak at sigaw ni Dad, noon ko namalayan na hindi lang tungkol sa pambabastos o pagiging makulit ni Mama ang naging dahilan ng galit ni Dad. Naging maliwanag na may nabuong hinanakit na nag-uugat sa relasyon nilang, sa panahong iyon, higit isang dekada na. Higit na may kontrol si Mama,[8] na mayroon nga talagang karapatan siya na tawagan si Dad kahit kailan man niya gusto. May karapatan si Mama sa anong ginagawa ni Dad dahil, kung gustuhin man ni Dad o hindi, kailangang alam ni Mama kung nasaan siya dahil siya pinagkakatiwalaang tagahatid ni Mama sa ospital. Oo, napakababaw marahil. Pero ito ang pinakakongkretong manipestasyon ng kanilang relasyon.

Siguro nga, puwedeng magtraysikel na lang si Mama kung may tumawag at kailangan niyang pumuntang ospital. Puwede rin siya na lang ang magmaneho ng kotse. Ngunit nagkaroon na sina Mama at Dad ng isang kakaibang kinagawian. Sa buong buhay nilang kasal si Dad ang naghahatid at nasundo kay Mama. Mula pa noong bata ako ganoon na talaga ang ginagawa ni Dad. Kaya kung may kailangang ipanganak sa gabi sabay silang mapupuyat, nagpapaanak si Mama habang hihintayin siya ni Dad na matapos upang bumalik ng bahay. Isa itong kinagawiang hindi madaling mabago nang bigla-bigla.

Hindi kayang gawin Dad ang lahat ng gusto niya dahl palaging nariyan ang pangangailangan ni Mama sa kanya. Hindi nauuna ang kanyang mga pangangailangan. At ito ang kinagalit niya noon. Naging malaking suntok ito sa kanyang pagkalalaki. At ang naging pinakamadaling reaksiyon upang ugain ang relasyon ay ang magalit.

Galit din ang naging reaksiyon ng mga pangunahing tauhan ng “Tata Selo”[9] ni Rogelio Sicat at “Di Mo Masilip ang Langit”[10] ni Benjamin P. Pascual. Marahil hindi patas na ihambing ang problemang personal ni Dad sa problemang sosyal at ekonomikal ng mga kuwento. Ngunit makikita ang pagkakahawig ng galit mula kawalan ng balanse sa mga relasyon, ang “pambabastos” na naramdaman ni Dad at ang hinanakit ng mga tauhan ng dalawang nasabing mga kuwento.

Bagaman magkaiba ang mga kuwento galing sa magkaibang manunulat at may magkaibang tagpuan, parehong sumalalay sa karahasan at galit ang mga pangunahing tauhan upang ilabas ang kanilang hinanakit. Pinatay ni Tata Selo ang kanyang amo samantala tinangkang sunugin ng tagapagsalaysay ng “Di Mo Masilip...” ang ospital na tinulungan niyang itayo. Masasabing karapat-dapat lang silang magalit. Pinagsamantalahan ang anak ni Tata Selo ng kanyang amo habang naman binaliwala ng ospital ang panganganak ng asawa ng tagapagsalaysay. Masasabi ring isa itong pangkaraniwang reaksiyon mula sa mga lalaki.

Subalit humantong ang kanilang paghihiganti sa kanilang pagkakakulong. Bagaman mayroong katarungang naitama, ang pamamaraan pa rin nila’y hindi naging katanggap-tanggap sa lipunang inilalarawan ng kuwento. Baka nga hindi rin katanggap-tanggap ang kanilang ginawa sa lipunang labas sa kuwento. Kahit na ano pa mang dahilan ay gumawa pa rin sila ng karahasang nagdulot ng kamatayan o nilagay sa panganib ang iba pang mga buhay.

Maaaring basahin, at karaniwan ngang binabasa, ang mga kuwentong ito sa tahak ng realismong sosyalista o pananaw na Marxista. Na ang paghihiganting ginawa ni Tata Selo at ng tagapagsalaysay ay isang pagtatangka sa pagwawasto ng isang kamaliang panlipunan. Ngunit hindi lang isang pagtatangka sa pagtatama sa mali ng lipunan ang ginawa nila. Nagmumula sa mga personal na hinanakit nila ang kanilang paghihiganti. Pinagsamantalahan ang anak na babae ni Tata Selo. Isa itong sipa sa bayag sa lahat ng mga ama, na hindi niya naipagtanggol o nailigtas ang kanyang anak sa kahihiyan at kalapastanganan. Bagaman iginigiit ni Tata Selo na ang pagkuha ng lupang sasakahin ang dahilan ng kanyang pagpatay sa kanyang amo, hindi lang ito ang sinasabi niyang “kinuha na ang lahat”. Maaaring isama ang pagkuha ng dignidad ng anak sa mga kinuha kay Tata Selo. Nang bumalik ang tagapagsalaysay ng “Di Mo Masilip...” sa ospital pagkatapos mamatay ang kanyang anak, pakiramdam niya’y pinagtatawanan siya ng mga nars at doktor, isang uri ng personal na pangyuyurak sa kanyang dignidad.

Kung titingnan lang sa personal na nibel ang mga tauhan sa mga kuwento, hindi talaga kataka-taka ang naging galit at ginawang paghihiganting ginawa ni Tata Selo at ng tagapagsalaysay ng “Di Mo Masilip...”. Nang bigyan ng analisis ni Victor Seidler ang pelikulang “Raging Bull,”[11] ang karahasang namamayani sa pelikulang ito ay nagmumula hindi sa kapangyarihang nararamdaman ni Jake LaMotta kundi sa kanyang kawalang kapangyarihan sa kanyang mga relasyon, ang pakiramdam ng pagiging baog sa kanyang asawa at ng inggit sa kanyang kapatid. At kagaya ng pagkabaog at kawalang kapangyarihang ni Jake LaMotta, sumalalay ang mga pangunahing tauhan ng mga kuwento sa karahasan bilang paraan upang baligtarin ang kanilang sitwasyon. Naging marahas sila upang ipakitang mayroon silang kontrol sa kanilang buhay. Pinatay ni Tata Selo ang kanyang amo upang ipakitang wala sa amo ang kapangyarihan upang kunin sa kanya ang lahat. Tinangkang sunugin ng tagapagsalaysay ng “Di Mo Masilip...” ang ospital upang ipakitang nasa kanyang kamay ang kapangyarihang magwasak kasabay ng kapangyarihang lumikha. Nagpakamatay si Attorney upang ipakitang nasa kanyang kamay ang sariling tadhana, tadhanang hinding-hindi hahantong sa kahirapan. Kaya nagalit si Dad, sumigaw at umiyak, upang ipakita, kahit na sandali, na mayroon din naman siyang sariling buhay hiwalay kay Mama.

Para kay Seidler, ang galit ng lalaki ay isang kabalintunaan pagdating sa kontrol.[12] Karaniwang kinokontrol ng mga lalaki ang kanilang mga damdamin at ginagamit ang kanilang mga rason. Ngunit sumasalalay sila sa karahasan at pagwawala kung ang kontrol na ito ay nawala na sa kanila. Nagagalit at nagiging marahas ang mga lalaki dahil wala na silang kontrol. Ginagamit nila ang karahasan upang bawiin ang kontrol.

Hindi ako sigurado kung naging matagumpay ang pagbawi ng kontrol ni Tata Selo, ng tagapagsalaysay, at ni Attorney. Nakalikha sila ng gulo at palaisipan. Ngunit nakakulong ang unang dalawa habang patay naman ang huli. Ano pa ba ang magagawa nila?

Mahalaga sigurong mapansin ngayon ang ginawa ng mga babaeng nasa kuwento sa buhay nila. Si Saling, anak ni Tata Selo, ay nagsabi ng totoo, isang munting gawa sa kanyang paghahanap ng katarungan. Patuloy ang pagdalaw ng asawa ng tagapagsalaysay sa kulungan. Natauhan siya mula sa pagkakatulala pagkatapos ng pagkamatay ng kanilang anak dahil kinakailangan siya ng nakakulong na asawa. Hinuha naman ng tagapagsalaysay ng “Ang Ideal” na nagsimula si Shorts ng panibagong buhay. Iba ang naging reaksiyon ng mga babae sa kanilang kawalan ng kontrol. Ngunit imbes na magalit at maging marahas, itinutok nila ang kanilang mga gawa, simple man o hindi, tungo sa pagbawi ng kanilang sariling buhay o pagpupursige sa pagkakaroon ng bagong buhay.

Hindi nagtagal pagkatapos ng pagwawala ni Dad ay nagsimulang magkaroon ng sariling drayber si Mama. Mula umaga hanggang hapon. Pagdating ng gabi, si Dad na ulit ang drayber. Sa ganito’y nagagawa ni Dad ang kailangan niyang gawin sa kahabaan ng araw, sa trabaho man niya sa bangko, sa negosyo o sa iba pang kailangan niyang asikasuhin. Nagawa na rin niyang magpahinga, kahit kaunting oras lang, pagkatapos ng trabaho. Marahil nga nayanig si Mama sa bulalas ni Dad noong gabing iyon. Ngunit hindi pa rin lubhang nagbago ang sitwasyon. Masasabi ngang nagkaroon ng kaunting espasyo sa pagitan nina Mama at Dad ngunit nangyari ito dahil hinahayaan ni Mama. Kung hindi pumayag si Mama sa bagong kaayusang ito, marahil matagal nang inatake sa puso si Dad. Totoo nga siguro ang sinasabi ng mga taong ang relasyon ay isang pagbibigayan. Ngunit kailangan pa ba ng galit upang mangyari ito?

“Magkano ba ang Suweldo Mo?”

Dating nag-aral ng Law si Dad. Binalak niyang maging abogado. Ngunit hindi siya nagtagal. At isa lang naman ang dahilan: ako. Kapapanganak lang sa akin noon nang magsimulang mag-aral ng Law si Dad. Nagtatrabaho pa noon si Mama sa pampublikong ospital. Kalimita’y gabi ang duty at shift ni Mama kaya madalas naiwan si Dad na bantayan ako sa bahay.

Mabigat ang mga babasahin sa Law. Sa gabi kung mag-aral si Dad. Ngunit naging sagabal ako sa kanyang pag-aaral dahil isa akong iyaking bata. Ang tangi lang nagpapatahan sa akin ay kung bubuhatin ako’t hehelehin. Maliban doon walang katapusang isang ang ibubulalas ko nang magdamag. Kaya nahirapan si Dad mag-aral. Napupuyat siya hindi sa pagsusunog ng kilay kundi sa pagbuhat at pagtahan sa akin. Kung nakatahan na ako at ibabalik sa krib, bigla-bigla na lang akong iiyak dahil hindi na ako buhat-buhat.

Siyempre hindi ko naaalala ang mga panahong ito. Sanggol pa lang ako. Ngunit ganito palagi ang pagkakakuwento sa akin nina Dad at Mama ang mga panahong iyong nagsisimula pa lang silang dalawa, kinalauna’y naging tatlo, ng bagong buhay. Siguro nga na-frustrate si Dad dahil sa akin. Pero hinahaluan na lang niya ng pagbibiro. Ewan ko lang kung naging napakahalaga ng paglo-Law para kay Dad.[13]

Madali kung bakit kahali-halina ang Law sa maraming tao. Kung susuwertihin at pagpupursigihin, malaki ang kita dito. Dagdag pa ang galang na makukuha mula sa ibang mga tao dahil tinitingala ang mga abogado. Isa rin itong serbisyong kakailanganin ng lahat na may atraso o atrasado sa batas. Ngunit hindi ako sigurado kung aling mga dahilan na ito ang nag-udyok kay Dad na mag-aral ng Law. Malinaw lang sa akin na naging mahalaga ito para sa kanya minsan noong araw.

Naging mahalaga rin sa mga tauhang ama ng “Tata Selo” at “Di Mo Masilip ang Langit” ang kanilang mga trabaho. Inisip ni Tata Selong mas mahalagang gawing alibi ang pagkuha ng kanyang lupa’t trabaho kumpara sa pag-amin sa pagsasamantala sa kanyang anak. Pinagmamalaki ng tagapagsalaysay na naging bahagi siya pagpapatayo ng ospital sa kabuuan ng “Di Mo Masilip ang Langit”. Isa ngang malaking bahagi ng identidad ng pagkalalaki ang kanilang trabaho dahil dito nila ginugugol ang mga araw, pagminsa’y gabi, ng kanilang katandaan.[14] Bagaman hindi pinag-isipan ng tagapagsalaysay ng “Ang Ideal”, kapanipaniwalang nagpakamatay si Attorney dahil sa pagkasisante sa trabaho.

Kaya siguro pinag-isipan ni Dad na mag-Law dahil alam niyang magiging napakalaking bahagi nito ng kanyang identidad. Na kikilalanin siya bilang isang abogado bago pa man ang lahat. Isang karaniwang tahak ng isip ngunit kapansin-pansin para sa mga papansin sa titingin ng pag-iisip ng mga tao.

Isa namang di karaniwang identidad ang tinanggap at nilikha ni Tandang Iskong Basahan sa kuwento ni Jun Cruz Reyes na “Mula kay Tandang Iskong Basahan: Mga Tagpi-tagping Alaala”.[15] Hindi isang pangkaraniwang tao si Tandang Isko. Wala siyang pakialam sa sinasabi ng iba o tingin ng iba sa kanya. Upang kumita’t magkapera, nililibot niya ang bayan ng Hagonoy upang magbenta’t bumili ng mga basahan. Bagaman ginagalang siya bilang isang “marunong” na tao, ang kanyang patuloy na pagbabalewala sa mga pagkakataong magpapaangat sa kanyang buhay ay tinang bilang isang “kabaliwan”.

Ngunit malinaw na ang alternatibong “lifestyle” na ito ni Tandang Isko ay isang pagbalikwas sa mga tradisyunal na inaasahan mula sa mga tao’t lalaki. Na kailangang mayroon kang malaking suweldo at may naabot na pinag-aralan. Nagmumula ang pagtaliwas ni Tandang Isko sa kanyang mga prinsipyo, na hindi niya kailangan ng pagkakautang sa iba at pagtatrabaho para sa iba. Ang kaibahang ito ang nagdulot ng dulot ng kakaibang epekto sa kanyang pinalaking apong si Rex. Naging alternatibo rin ang kanyang apo, isang aktibistang nagtataguyod ng kapakanan ng mga manggagawa. Ngunit kagaya nina Tata Selo at tagapagsalaysay ng “Di Mo Masilip...”, hindi tinanggap ng lipunan, lalo na ng mga makakapangyarihan, sina Tandang Isko at Rex. Baliw si Tandang Isko at pinatay naman si Rex dahil sa kanyang mga aktibidad makamanggagawa.

Ngunit may ibang kabuluhan ang mga trabaho sa bawat tao. Para kay Tandang Isko, sapat na ang maging mambabasahan. Para kay Rex, mahalaga ang tumulong sa mga manggagawa. Para kay Tata Selo, sapat na ang maging magsasaka. Para sa tagapagsalay sa ng “Di Mo Masilip...”, ipinagmamalaki niya ang maging construction worker. Para kay Dad, tinahak na lang niya daan at ang pinili ang mga oportunidad na ibinigay sa kanya. Umangat siya nang umangat sa pinagtatrabahuhang rural bank. Mula teller ay naging manager na siya ng mismong branch na pinagtatrabahuhan niya. Di nagtagal ay naging major stockholder ng bangko. Kung ikukumpara sa kita ni Mama sa pagdodoktor, malayo-layo pa rin ang agwat nilang dalawa. Ngunit hindi pa rin naging madali sa kanya ang makuha ang titolong “Manager”.

Nakakapagtaka: maaari na lang iwan muna ako ni Dad sa pangangalaga kina Lolo’t Lola, ang mga biyenan niya, sa mga gabi kahit panadalian para makapag-aral. Puwede rin siguro niya akong iwan na lang basta sa kama, hayaang akong humiyaw nang humiyaw, at magsusuot siya ng bulak sa tainga. Ngunit, kahit barinong-barino at inis na inis, pinili pa rin niya akong buhatin at ihele.

Sa Pagitan ng Mag-ama... Ano nga ba?

Nakikituloy ang pamilya namin sa mga kamag-anak tuwing nagbabakasyon ng ilang linggo sa Binangonan. Kalimitan naming ginagawa ito sa Semana Santa at Pasko. Sa nakalipas na mga taon, dumadayo na lang kami doon tuwing Biyernes Santo upang panoorin ang prusisyon at ang Gewang-gewang.[16]

Gabi noon. Nagbabakasyon kami sa Binangonan, isang tag-init isang taon sa unang bahagi ng dekada 90. Binisita kami ni Lolo sa bahay ng tinutuluyang kamag-anak. May dala-dala siyang Dunkin Donuts. Noon, kung bumibisita si Lolo sa San Pablo, iyon palagi ang kanyang pasalubong. Naghati-hati kami sa mga donut. Dadalhan ko sana ng donut si Dad dahil hindi pa siya nakakakuha mula sa pasalubong ni Lolo. Doon ko napansing nag-aaway pala sina Dad at Lolo. Kung bakit, hindi ko alam. Sa pagkakaakala ko’y pinag-aawayan nila ang mga donut. “Pinasasalubungan ko sila ng Jollibee!” sigaw ni Dad. May idadagdag pa sana si Dad ngunit napansin niya akong lumapit sa kanila. Marahil hindi tinanggap ni Dad ang pasalubong ni Lolo. Marahil may mga lumang sugat na muling nabuksan. Mula noon hindi na muling dumayo ng San Pablo si Lolo.

Marahil hindi kaiba ang relasyo ni Lemuel, tagapagsalaysay ng “Ama”[17] ni Eli R. Guieb III, sa kanyang ama at ni Dad kay Lolo. Mayroong di pagkakaunawaan, marahil isang palaisipan, ang relasyon ni Lemuel sa kanyang ama. Marahil bahagi ng pagluluksa o kalungkutan, binalikan niya ang mga alaala niya tungkol sa kanyang ama. Kasabay ng mga masalimuot nilang relasyon, lumabas din ang mga alanganin ni Lemuel sa kanyang sariling pagiging ama. Sa aking pagkakabasa ng “Ama”, hindi lang ito isang tungkol sa isang mag-ama kundi pati na rin ang relasyon ng lahat ng mag-ama sa apat na henerasyon. At lumalabas sa kuwento ang dalawang paulit-ulit na alanganin ng bawat ama sa bawat henerasyon, ang kakulangan sa sarili at ang pakikipag-ugnayan sa anak.

Sa “Ama”, pumuntang Ifugao ang ama ni Lemuel. Ilang buwan siyang nagpalipas doon upang, ayon sa mga salita ng kanyang ama, “kilalanin ang aking sarili.”[18] Isang mahalagang bahagi ito para sa ama ni Lemuel dahil may mga bagay siyang sinakripisyo upang maging ama at pakiramdam niya’y hindi na niya kilala ang sarili. Isa bang antithesis ang pagkaama sa pagiging indibidwal? Marahil mas akmang tanungin kung may indibidwal na pinanghuhugutan ang pagiging ama. Kaya bagaman mayroong magkakahawig na alanganin ang mga ama sa bawat henerasyon, mayroon silang mga sariling mga paglapit sa mga responsibilidad at alanganing kaugnay ng pagiging ama.

Mula nang maghiwalay sina Lolo’t Lola, nagkaroon na ng agwat sa pagitan nina Lolo at Dad. Bagaman tinutulungan ni Dad si Lolo sa mga kaunting pinansiyal na pangangailangan. Kinuwento sa akin ni Dad yung tungkol sa kasal ni Ate Lisa. Una si Ate Lisa sa kanilang magkakapatid na kinasal. Kagaya ng tradisyon sa kasal, dapat si Lolo ang magbibigay kay Ate Lisa. Ngunit hindi siya dumating. Hindi ito inaasahan ni Dad. Kaya si Dad ang napilitang magbigay kay Ate Lisa. Wala nga siyang suot noong barong. Kaya humiram pa siya sa isa sa mga dumalo. Iyak nang iyak si Ate Lisa. Galit na galit naman si Dad. Siguro magkaugnay ito sa kinagalit ni Dad tungkol sa donut. Sobrang tagal ng panahong hindi siya naging bahagi ng kanilang buhay ay bumabalik siya. May dala-dala pang pasalubong. Hindi sinabi ni Dad na isang masamang ama si Lolo. Hindi lantaran. Ngunit pansin ko sa kanyang mga pagkukuwento ang kaunting galit.

Kaya siguro pinili ni Dad na lumayo ng Binangonan at manirahan sa San Pablo kasama si Mama. Di kagaya ng ama ni Lemuel, na lumayo upang hanapin ang kanyang sarili, lumayo si Dad upang takasan ang kanyang nakaraan. At kagaya rin ng ama ni Lemuel, hinanap rin siguro ni Dad ang kanyang sarili sa San Pablo. Ngunit binabalikan rin naman niya ang Binangonan at pagminsan ay pinupuntahan siya ng mga problema nito.

Naiisip ko rin na mahirap nga sigurong maging alternatibo si Dad kagaya ni Tandang Isko. Paano siya magiging sigurado sa sarili at taliwas sa inaasahan kung nanggaling siya sa isang pamilyang nawasak? Kaya marahil karamihan ng mga tao’y hindi pinili ang mga “alternatibo” o “progresibong” mga pamumuhay dahil kinakailangan nito ng kasiguraduhan ng loob. May mga pagbubuo pang kailangang gawin sa sarili bago pa man makibahagi sa iba pang mga bagay.

Saksi sa Kamatayan at sa Paglipas

Kagaya ng kinagawian, nagpalipas kami ng Biyernes Santo sa Binangonan. Sa nakalipas na mga taon, nagtatanghalian kami kina Kuya Eric. Napadaan doon si Lolo. Madalas na siyang dumadayo kina Kuya Eric noong mga panahong iyon. May dala-dala siyang balita noon tungkol sa isang kakilalang namatay. Sabi ni Kuya Eric, iyon daw halos ang bukambibig ni Lolo, mga balita tungkol sa mga kaedad niyang isa-isang namamatay.

Nabigla na lang kami nang tumawag si Kuya Eric. Bumigay ang mga bato ni Lolo. Acute renal failure sa wika ng mga doktor. Nataranta si Dad at ng mga tiyo’t tiya ko. Inako ni Dad ang pagpapagamot kay Lolo. Dinala nila sa San Pablo si Lolo upang doon magpagamot. Mas maganda ang mga pasilidad sa ospital na pinagtatrabahuhan ni Mama kumpara sa mga ospital sa Binangonan. At dahil doon nga nagtatrabaho si Mama, higit na mura at higit na bibigyan pansin ng mga doktor ang kalagayan ni Lolo.

Kakatwa talaga ang mga pangyayaring ito. Inaasahan na ba ni Lolo ang kanyang katapusan? Senyal na ba ang kamatayan ng kanyang mga kaibigan at kakilala sa kanyang sariling kamatayan? Ganito rin marahil ang naramdaman ni Jose sa “Bomba”[19] ni Alvin B. Yapan. Ngunit naging maigting ang damdaming ito nang nakitira siya sa bahay ng kanyang panganay sa lungsod. Umigting dahil sa kanyang pagpansin sa paglipas ng panahon, sa agwat panghenerasyon sa pagitan niya at ng kanyang mga apo, sa kanyang kawalang silbi sa loob ng pang-araw-araw na mga aktibidad sa tahanan ng kanyang panganay na anak. Naging mahalaga ang mga ito sa gunita ni Jose dahil unti-unti nang nagbabago ang lipunan; dati’y puno siya ng, humigi’t kumulang, isang patriyarkal na lipunang nakakapit sa lupa at ngayo’y sabit na lang sa isang lipunang higit na teknolohikal at kosmopolitan.

Binabalikan ng kuwento ang nakaraan ni Jose, bagaman basag ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari, lalong-lalo na ang mga karanasan niya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang paglaki ng mga anak niya. Mayroon siyang partikular na pagtamasa sa nakaraan bagaman alam niyang hindi na ito babalik. Kung mayroon mang bumalik mula sa nakaraan, ito’y mapanganib at hindi katanggap-tanggap para sa kasalukuyan kagaya ng muling pagkakatagpo ng bombang hindi sumabog noong digmaan.

Marahil ganito rin ang naramdaman ni Lolo sa mga panahong iyong napapansin niya ang kamatayan ng mga tao sa kanyang paligid. Ngunit imbes na nakaraan ang umigting para sa kanyang gunita, ang kasalukuyan ang naging kapansin-pansin para sa kanya. Marami si Lolong naging anak sa kanyang pangalawang pamilya. Mga siyam. Ang pinakabata’y mas bata ba sa akin. May tiyo akong halos kasing-edad ko lang. Marahil sila ang talagang bumagabag kay Lolo, na wala siya doon upang gabayan ang mga tiyo’t tiya kong hindi pa nalaki. Tanging iyon na lang ang kaya niyang gawin. Matagal nang sinusustentuhan ni Dad ng mga tiyo’t tiya ko ang mga gastusin ng pamilya ni Lolo. Marahil matagal na niyang napansin ang mga napansin ni Jose.

Kung ano man ang naging sama ng loob ni Dad kay Lolo, agad niyang kinalimutan ang mga iyon. Siya ang nakipag-ugnayan sa mga doktor sa ospital tungkol sa mga pangangailngan at kalagayan ni Lolo. Siya rin ang nakipag-ugnayan kina Kuya Eric, Ate Liza at ay Ate Rowena na nagtatrabaho na sa Amerika noon. Siya ang nanguna sa mga bagay-bagay. Marahil nakita niya iyon na kanyang responsibilidad bilang panganay.

Ang kinainisan ni Dad lang talaga ni Dad ay ang pakikialam ng kalaguyo ni Lolo. Pinagpilitan ni Dad, pagkatapos na magising mula sa comatose si Lolo, na sa San Pablo na lang si Lolo tumira para mabantayan at madaling maidala sa ospital bakasakaling lumala ang kanyang kalagayan. Ngunit hindi pumayag ang kalaguyo. Gustong niyang ibalik si Lolo sa Binangonan. Sumang-ayon si Lolo. At sa pangalawang pagkakataon, pinili niya ang kanyang kalaguyo kaysa kay Dad. Namatay si Lolo ilang linggo lang pagkatapos makabalik siya sa Binangonan.[20]

Ilang mga Pamana (Isang Panapos, Sa Ngayon)

Nang ipinanganak si Lam-ang, agad niyang tinanong kung nasaan ang kanyang ama at kung siya ba ay isang anak sa labas. Katawa-tawa ang eksenang ito ng epiko. At sa unang bahagi ng epiko’y naging pangunahing tagapagtulak kay Lam-ang ang paghahanap sa labi kanyang nawawalang ama.[21]

Ibang-iba ang relasyon ng mag-amang Lam-ang at Don Juan sa sitwasyong inilarawan ni Freud bilang Oedipal Complex.[22] Hindi ninais ni Lam-ang na patayin ang kanyang ama dahil sa simula’t simula pa lang ay patay na siya. Ang naging resulta ay hindi isang damdaming puno ng inggit sa kanyang ama kundi isang kakaibang kalagayan ng pangungulila. At nagpakita sa kanya ang kanyang ama sa isang panaginip bagaman hindi nakilala ni Lam-ang na ang nagpakita sa kanya ay kanyang ama. At pagkatapos mabawi ang bungo ng kanyang ama, tinanong ni Lam-ang ang kanyang ina kung bakit umalis ang kanyang ama. Kung nagalit ba siya o ano. Dahil sa lahat ng pakikipaglaban niya at pagbawi sa bungo, may mga tanong hindi masasagot ng isang patay. Nakontento si Lam-ang sa sagot ng kanyang ina. Kaya pinasimulan niya ang panibagong paghahanap, ang paghahanap ng isang asawa. Paano kaya kung ang mga bungo ng kanyang ama ang sumagot sa kanyang mga tanong. Paghahanap ba ng asawa ang kanyang gagawin o ibang paghahanap kaya ang kanyang tahakin?

***

Ilang taon bago ang pagkamatay ni Lolo, nakaranas na rin si Dad ng panganib sa buhay. Na-stroke siya noon. Halos magkahawig sa pagkamatay ng ama ni Lemuel sa “Ama”. Bigla na lang siyang nahilo at napaupo sa isang tabi. Pinagkaiba nga lang ay hindi siya namatay sa opisina niya sa bangko. Nadala siya agad sa ospital at naagapan ang kanyang stroke.

Minor lang ang stroke. Hindi yung tipong nakakaparalisa ng kalahati ng katawan, kagaya ng nakikita natin sa TV o sa ibang mga na-stroke. Bagaman nanghina ang kanang bahagi ng katawan ni Dad, agad naman niyang nabawi ang lakas sa bahaging iyon dulot ng ehersisyo. Bagaman pagminsan ay mapapansin ang pagkiling sa kanyang paghakbang tuwing aakpak siya sa kanyang kanang paa.

Bakasyon sa paaralan nang mga panahong ito. Hindi magkandaugaga ang bahay. Bagaman gusto ni Mama na bantayan si Dad, hindi niya magawa dahil kailangan niyang magtrabaho. Hindi hinihintay ng panganganak ang mga doktor. Kaya ako ang pinagbantay kay Dad sa ospital.

Wala kaming pinag-usapang mahalaga. O marahil hindi ko binigyang halaga ang mga pag-usapan namin noon. Kung mahalaga, marahil maalala ko. Ang naaalala ko lang ay naroon ako para sa mga pangangailangan niya. Inakay ko siya pagpunta sa banyo at sinasamahan sa mga pagkuha ng X-ray at iba pang mga eksamenasyon. Iyon na siguro ang panahong pakiramdam ko’y may silbi ako kahit papaano. Ganoon marahil ang pakiramdam ni Dad nang siya ang umako sa mga responsibilidad ng sakit ni Lolo. Bagaman magkaiba ang relasyon namin ni Dad sa relasyon nila ni Lolo, hindi magkasinmasalimuot sigurado iyon, marahil may mga bagay na hindi nagbabago kahit na ano mang henerasyon.

Marahil katulad ni Lam-ang ang lahat ng mga anak. Ayaw nilang dumating ang panahon na bungo lang ang matitira sa kanilang pagkakakilala sa kanilang ama. At kung bungo man ang matira, nais nilang mabawi ang mukhang nasa bungong ito.[23] Si Dad sa kanyang pag-ako sa pag-aalaga kay Lolo. Si Lemuel sa kanyang paggunita sa kanyang ama.

Marahil katulad ni Don Juan ang lahat ng mga ama. May ginagawa silang isang malaking misteryo para sa kanilang mga anak at maging sa ibang tao. Sina Tata Selo at tagapagsalaysay ng “Di Mo Masilip ang Langit” sa kanilang karahasan. Si Attorney sa kanyang pagpapatiwakal. Si Tandang Isko sa kanyang kakaibang pamumuhay. Ang ama ni Lemuel at si Jose sa kanilang paglisan.

Ngunit hindi ito ang tamang sagot. Hindi ito ang pangkalahatang sagot. Marahil ito ang sagot para sa aking sariling mga tanong. Marahil pinili ko ang mga “pamantayang” ito sa sarili kong pagkakauanawa sa mga relasyong lubhang personal.[24]



[1] Hindi ako nang-a-advertise. Hindi talaga.

[2] Sa Rediscovering Masculinities: Reason, Language and Sexuality, Victor J. Seidler, (London, England: Routledge, 1991), tinutuligsa ang “unibersal” na paglalarawan sa paglalaki, at maging sa buong sangkatauhang “civilized”: isang walang damdaming nilalang na pinangungunahan ng pag-iisip at rason. Ito ang imaheng nilikha sa Kanluran at isang imaheng tinutuligsa ng mga teoryang feminista. Hindi ko alam kung ang pamantayang Kanluraning ito ay nababagay sa atin o maging sa akin. Alam ko lang, may mga kakulangan ito. Marahil dahil hindi pa napag-uusapan ang ganito.

[3] The interpretation of dreams, Sigmund Freud, translated by James Strachey, (New York: Basic, 1955)

[4] Gustong-gustong ilagay ng mga kapatid ko sa Multiply at Friendster ang kanilang mga larawan. OK lang naman. Cute naman sila. Nanghihinayang naman ako sa paglalagay ng mga photograph ko sa internet dahil hindi naman ako pogi.

[5] “Ang Ideal,” Ma. Ellen L. Sicat, Kuwentong Siyudad, Rolando B. Tolentino, Romulo P. Baquiran Jr., Alwin C. Aguirre, (editors), (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2002) p. 39-41.

[6] Ibid. p. 41

[7] Ayon sa Rediscovering Masculinity ni Victor J. Seidler, mahalaga ang kontrol sa buhay ng isang lalaki. Kailangang nasa tama ang lahat. Kailangang kontrolado ang mga emosyon at mga relasyon sa mga tao. Kailangang kontrolado ang mga tadhana. Kaya hindi kataka-takang magpatiwakal si Attorney nang mawalan na siya ng kontrol, nang unti-unti nang nawawasak ang pinangangalagaan niya pagkalalaking ideal.

[8] Lumalabas na naman ang kontrol. Marahil isa ito patriyarkal na manipestasyon. Kung ano man, hindi uubra ang patriyarka sa pamilya namin. Madaling natatahimik si Dad kapag si Mama na ang nagalit.

[9] “Tata Selo,” Rogelio Sicat, Pagsalunga, (Pasig City: Anvil Publishing Inc., 1995) p. 109-115.

[10] “Di Mo Masilip ang Langit,” Benjamin P. Pascual, Landas sa Bahaghari at Iba Pang Kuwento, (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2003) p. 20-34.

[11] “Violence,” Victor J. Seidler, Recreating Sexual Politics: Men, Feminism and Politics, (London: Routledge, 1991) p. 131-142

[12] Rediscovering Masculinities, Victor J. Seidler.

[13] Ngayon nga’y kinukulit naman nila akong mag-Law.

[14] “Danger, men at work,” David H.J. Morgan, Discovering Men, (London: Routledge, 1992) p. 72-98.

[15] “Mula kay Tandang Iskong Basahan: Mga Tagpi-tagping Alaala,” Jun Cruz Reyes, Utos ng Hari at Iba Pang Kuwento, (Quezon City: University of the Philippines Press, 2002) p. 40-51.

[16] Kahawig ng Pista ng Nazareno sa Quiapo ang Gewang-gewang ng Binangonan. Binubuhat ng mga kalalakihang nakasuot ng puting t-shirt at maong ang Santo Sepulcro at nililibot ito sa bayan. Bilang bahagi ng panata, nag-aayuno ang mga lalaki sa kabuuan ng Kuwaresma. Naging bahagi na si Dad ng trasdisyong ito nong bata-bata pa siya’t malakas ang katawan. Hindi na niya ito magawa dahil sa diabetes. Isang galos lang baka hindi gumaling agad. Kung papansinin, napaka-masculine ng ritwal na ito. Ngunit iba na atang papel iyon.

[17] “Ama,” Eli R. Guieb III, Pamilya, (Quezon City: University of the Philippines Press, 2003) p. 8-25.

[18] Ibid. p. 18.

[19] “Bomba,” Alvin B. Yapan, Nang Mabulag ang Tagapagsalaysay, (Manila: National Commision for Culture and the Arts) p. 46-55.

[20] Oo, totoong may dalawang “asawang” umiyak sa libing ni Lolo. Muntik na akong matawa sa eksenang ito kundi lang nasa sementeryo kami. Hindi magandang lugar ang sementeryo at libing para magtatawa. (Ang sama kong talagang apo.)

[21] “Biag ni Lam-ang,” Mga Epiko ng Pilipinas, Jovita Ventura Castro, et al. (editors), (Lungsod Quezon : Apo Production Unit , 1984) p. 66-114.

[22] The interpretation of dreams, Sigmund Freud.

[23] Lam-ang complex? Ang samang pakinggan.

[24] Marahil masyado pang maaga upang gawin ko ang pag-aaral na ito. Ano ba naman ang alam ko sa pagiging ama? Sa ngayon, sapat na ang pagiging anak at apo. Darating pa ang iba pang mga bagay. Hanggang dito na lang muna. Maraming salamat.

Martes, Mayo 08, 2007

Happy Mondays

Pumunta ako kagabi sa poetry reading/gig sa mag:net Katipunan. Palagi namang masaya ang mga ganito, di ba? Komento nga ni Peachy na mukhang akong bored. Mukha naman talaga akong palaging bored. Pero nakikinig naman talaga sa mga reading at performance. Hindi ko lang talaga sila tinitingnan. At palaging masayang pakinggan ang Los Chupacabras.

Doon ko rin nakuha ang kopya ko ng Dapitan Vol. 4 kung saan nalathala ang kuwento kong "Paglalayag Habang Naggagala ang Hilaga". Mga Mayo rin noong sinulat ko ang unang draft ng kuwentong iyan dalawang taon na ang nakakaraan. Nasa Dapitan din ang ilang tula ng mga ka-Ligang Twinkle at Sandy at kuwento ni Camille. Ang bilis ng paglipas ng panahon. Ito ang sinulat ko para sa intro ng final portfolio ko noong fourth year ako:

Naisulat ko ang kuwentong ito noong Abril-Mayo 2005. Ito ang pangalawa sa tatlong kuwentong ipinasa ko, ulit, para sa FA 106. Ito rin ang isa sa dalawang kuwentong ipinasa ko para sa Ateneo-Heights Writers’ Workshop. Ito ring kuwentong ito ang isa sa limang kuwentong bahagi ng aking panapos na kalipunan bilang isang magtatapos sa Creative Writing. Noong Oktubre ng taong 2004, nakapanood ako ng isang dokumentaryo sa Discovery Channel tungkol sa paghina ng magnetic field ng mundo. Natuwa ako sa mundong ipinakita ng dokumentaryo.

Ngunit ramdam kong hindi pa ako handang isulat ang kuwento. Kaya noong nakaraang tag-araw ko lang naisulat ang kuwento. Maraming mga ideya mula sa ibang naudlot na mga proyekto ang nagsama-sama para sa kuwentong ito, ang ideya ng kawalan ng teknolohiya, ang karansang Diaspora ng Filipinas, at ang karanasan ng paglalakbay sa mundong walang kasiguraduhang hilaga.

Isa rin itong paglalaro sa forma ng maikling kuwento. Ginusto kong mahuli ng forma, isang naggagalang istilong kagaya ng sa isang pakikipag-usap, ang pakiramdam ng paggagala. Hindi lang sana tungkol sa paggagala ang kuwentong ito kundi ipadama rin ang mga mambabasa sa karanasan ng paggagala, at ganun din, ang karanasan ng pagkatagpo.
Gusto ko sanang malathala ang kuwentong ito sa Heights pero hindi napagbigyan. Sana mag-enjoy ang mga Tomasinong makakabasa ng kuwento ko. Sa Martes nga pala ang launch ng Dapitan Prose at Vol. 4, Mayo 15 sa Conspiracy. Punta kayo! :D

Biyernes, Mayo 04, 2007

Talo ang Dallas Mavericks

Sila pa naman ang gusto kong manalo ng championship ngayon. Sila ang gusto ko last year. Pero wala talagang puso. Sayang ang pagiging no. 1 nila. Go Phoenix! Go Chicago!