Bukas, simula na ang aking pagiging graduate assistant. (Yeah!) May mga papeles na kailangang ayusin pero kailangan na rin naman talaga nila ng tulong. (Kita nyo na, may trabaho agad ako sa... trabaho.) May kailangang ilagay sa database at deadline sa 22. Hindi rin naman ako paspasan nito, ano? Pero ipinakita na naman sa akin ang kailangan kong gawin at mukhang madali lang naman. Ang pag-iipon ng ilalagay kong data ang, sa tingin ko, matatagalan. Nakakatuwa't may sarili akong desk. Nasa likuran. Mukhang lonely dun pero hindi pa ako sigurado. Kaya matatagpuan ako sa Fil Dept. tuwing 10-12 AM at 1-3 PM. (At may dadalaw ba naman, ano?)
Bilang bahagi ng mga papeles na kailangan kong ibigay, kailang ko ring kumuha ng SS Number. Kaya pumunta akong SSS sa East Ave. Nagtaxi ako para mabilis ang pagpunta. Nakakatuwa yung taxi, bahagi ito ng sistema ng mga taxi na may controller. Magraradyo ang controller sa mga taxi ng mga naghahanap ng sakay. Kaya habang nasa daan, naririnig ko yung radyong bumibigkas ng mga address. Ang kakaiba, may isang nahingi ng taxi para raw sa isang shooting. Nakakatuwa nga't nangungumbinsi pa yung controller sa mga drayber na kunin yung assignment. "Kunwari sasakay yung artista sa taxi tapos yun na," sabi ng controller. Nakakatuwa.
Sa SSS building, natulala ako sa umpisa. Ang dami kasing pila. Ngunit nang mahanap ko na ang tamang proseso, madali rin ang daloy ng mga bagay-bagay. Napansin ko lang na may mga taong hindi sanay sa pagpila. Hindi naman sa bastos sila o ano, hindi lang talaga sila sanay. May mga hindi na talaga pumipila at dumidiretso na sa mga counter. Mayroon din namang mga hindi sanay na mag-fill-up ng form. May nanghiram sa akin ng ballpen at doon ko napansin na mali ang kanyang mga nilagay. Kaya tinuruan ko siya. Pero mali pa rin. Hindi naman sa tanga siya. Kung tutuusin, nakakalito nga yung form para sa isang baguhang hindi pa nakakaranas ng proseso ng papeles. Masyado lang siguro akong sanay sa mga ganyan kaya ganun.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento