Lunes, Marso 27, 2006

"So, ano nga na talaga ang gagawin ko ngayon?"

Unang-una, congratulations sa lahat ng mga batch '06 ng Ateneo na kasama kong nagtapos noong nakalipas na Biyernes at Sabado.

Nakakatuwang makitang naghahanap ng mga trabaho ang mga tao. Naroon marahil sa trabaho ang "independence" na maaari nating makamit. Nakakatuwang makitang naghahanap ang mga tao ng kanilang sariling sulok at responsibilidad na kanilang aakuin, o maaaring gawing kanila at angkinin bilang sarili.

Pero ako, narito sa San Pablo, nakahiga, nakaupo, at nasa tapat ng kompiyuter at nagsusulat. Hindi ako naghahanap ng trabaho. Hindi muna. Napag-isipan kong kumuha muna ng Master's degree. Aayusin ko ang application ko sa Abril, kapag nakuha ko na transcript ko. Game naman ang mga magulang ko. Kaya "scholar" pa rin ako ng mga magulang ko. Siyempre, nakakahiya naman kung palagi na lang akong umaasa sa kanila. Tapos magsisimula na rin ang isa ko pang kapatid para magkolehiyo (sa LA SALLE!).

Isa pa, gusto ko talagang magturo. Magturo ng Panitikan at, lalo na, ng Malikhaing Pagsulat. Pero mahirap makarating sa ganoong nibel kung walang kang M.A. o Ph.D. Sabi nga ni Sir Mike Coroza, kailangang magkaroon ng "foothold" sa larang ng Panitikan. At magandang simula ang magkaroon ng titulong Gradwado.

At dagdag pa, parang kulang pa ang natutuhan ko sa kolehiyo. Hindi sa pipitsugin ang mga kinuha kong mga kurso. (Astig pa rin ang mga kinuha kong mga klase sa Filipino. Dami kong natutuhan sa mga iyon. Laki ring tulong ang mga workshop at seminar classes sa paghasa ng aking disiplina at estetika.) Nerd lang talaga siguro ako. O baka gusto ko lang maabot ang nibel nina Sir Vim, Sir Egay, Sir Mike, at ng iba pang mga guro ko pagdating sa Panitikan at pagsusulat. Kahit man lang sa titulo, mapantayan ko sila. Malaki pa rin ang utang na loob ko sa kanila at hinding-hindi ko iyon maaaring pantayan o suklian.

Sabado, Marso 18, 2006

Pabasa

Nagkaroon ng Pabasa kanina dito sa amin. Oo, yung Pasyon. Kaya kahapon, may mga nakahanda nang mga mesa sa garahe at pagkain sa kusina. Paggising ko kanina, mga 8:40 ata noon, nagsisimula ang Pabasa. Hindi madalas na ganapin ang Pabasa sa bahay namin. Pero nakakatuwa.

Gusto ko sanang bumaba at panoorin ang mga nagbabasa pero nahiya ako. Sinilip ko lang sila. Marami-rami pa rin pala ang umaawit ng pasyon. Puro nga lang matatanda ang nakita ko. Mga hindi hihigit ng 20 ang mga umaawit. Malakas naman ang kanilang pagkanta kaya rinig ko ang kanilang pagbasa sa kuwarto nina Dad at Mama, sa banyo nila, at sa Music room.

Hindi ko sila masyado maintindihan. Dahil nga siguro wala ako sa presensya nila kaya ganoon. Nakakatuwa yung mga pagkakataong napapatigil sila. "Marathon," ika nga, ang mga Pabasa. Tuloy-tuloy. Para hindi mapagod, may mga berso na iilan lang ang aawit, ang susunod ay sasaluhin ng iba. Nag-a-alternate. Pero paminsan-minsan, napapatigil sila dahil nawala sa konsentrasyon ang susunod na grupo. Naririnig ko pa nga ang hagikhikan ng mga nagbabasa tuwing nangyayari iyon.

Hindi ko alam kung paano nila nagagawa iyon. Kumanta na nga lang ng Pambansang Awit, pinagpapawisan na ako, Pasyon pa kaya? Hindi ko alam kung anong oras sila nagsimula pero natapos na sila nang mga ilang minuto bago mag alas otso y medya. Astig rin sila. Hardcore. Paano kaya ang mga Pabasa noon? Yung walang ilaw kapag ginabi tapos maagang-maaga pa ang kanilang simula. Nahihinuha ko tuloy ang mga panahon ng epiko. Sana hindi mawala ang tradisyong ito, hindi man relihiyoso kundi dahil sa kultural na kahalagahan nito.

Huwebes, Marso 16, 2006

LS Awards

It's official, patok na patok ang aking orange barong! People can't stop noticing! Hahaha. Dito nga pala makikita ang announcement sa Ateneo website tungkol sa award. (Naroon ang pangalan ko! Mali nga lang ang ispeling. :D)

Anyway, masaya naman ang buong awards. Medyo maaga rin ang punta namin nina Dad at Mama sa Ateneo. Mga 3:15 nang hapon. Akala kasi namin 3:30 magsisimula ang picture taking pero 4:00 na nagsimula. Nagkaroon na lang kami ng kuhanan ng picture kasama ang pamilya namin.

Hindi pa rin natapos ang hiritan nang pumunta na kami sa likuran para sa martsa. Baka tinatago lang namin ang aming nerbiyos.

Hindi ko na siguro lilistahin ang buong nangyari sa Awards. Yung mahahalaga na lang siguro na sandali. Kagaya ng makuha ng mga ibang mga Block E at ng ibang mga kasama ang kanilang plaque at kasama ang pagbanggit sa kanilang mga citation. Sobrang saya noon lalo na para sa mga kakilala't mga kaibigan. (Astig nga ng citation nina Cerz at Jihan mula kay Dr. Miroy e. :D)

Masaya ring alalahanin ang mga pagtatanghal ng mga theater artists. Da best pa rin ang pagiging 'Nilalang' ni Jake at bentang-benta ang monologue ni Vanessa. At siyempre, carry ni Crisel na mag-mini-concert para sa Awards. Bagaman nahihinuha kong hindi iyon ang huli nilang pagtatanghal sa loob ng Ateneo.

At sa totoo lang, hindi ko maiwasang kilabutan tuwing binabasa ni Rap ang kanyang tula. (Parang nasa pagitan ng kilig at pagpapaalala ng aking pagiging S.A.W.I. :D)

Pagdating sa katapusan ng seremonyas, hindi ko mapigilang maging masaya at magaan ang kalooban. Natutuwa ako't nakasama ang mga magagaling na mga batang manunulat at artista. Bagaman pakiramdam ko pa rin isa lang akong malaking sabit kung ikukumpara sa kanila.

Linggo, Marso 12, 2006

Orange ar "Play?"

Orange ang kulay ng barong na susuotin ko para sa LS Awards. Ewan nga e kasi parang hindi bagay sa akin ang kulay. Bahala na.

Napanood ko rin kahapon ang "historical musical presentation" ng Canossa College. Pamagat nito'y "Gintong Ani" at bahagi ng golden anniversary ng paaralan. Ano ang masasabi ko? Hindi iyon dula. Walang kuwento, masyadong self-serving, at napakaarchaic ng pagsasabi ng mga linya. Basta. Hindi siya dula. Yun na iyon.

May practice pa bukas para sa LS Awards. E alas kwatro pa iyon. Anong gagawin ko buong araw?

Miyerkules, Marso 08, 2006

Kalagayan ng Pagiging Malinaw

Tapos na akong magpa-clearance kahapon. Parang "yeah" na feeling. Ewan ko. Nakakapagod din palang maghintay 'no? Umaga nang kunin ko mula sa ADSA ang clearance ko. Kasama ko sina Edlyn, Yumi, at Jihan sa pagpapalagda. Mabilis lang sa Rizal library. Nakakainis nga lang at hindi nila tinanggal sa record nila na naibalik ko na yung huling aklat na hiniram ko. Kaya hinanap ko pa sa 3rd floor ang aklat na iyon at pinakita ko sa kanila na naroon na nga. Pagkatapos, iniwan namin sa accounting office ang clearance form namin. E mga alas dos y medya namin makukuha pa uli iyon. Wala pa namang alas dose noon. Kaya kumain na lang muna kami sa Yellow Cab.

Nang makuha muli namin ang mga clearance namin, iisa na lang na lagda ang kulang, ang sa Registrar's. Kaya iniwan na namin ang mga forms namin at bumalik sa Fine Arts office. At ngayon, "Malinaw na kami." (Ang pangit ng translation.)

Pagkatapos naming magpa-clear, pumunta ako sa talk na inihanda ni Ma'am Karla para sa kanyang klase. Nakakatuwa ang mga nakapanayam namin. Masyado lang sigurong mainstream ang kanilang sinusulat kaya't hindi ako masyadong naantig sa mga sinabi nila. Pero ok din. Makapagsulat kaya sa magazine? Ewan.

Ngayong araw, kinuha ko lang ang mga grad pics ko. Nakakatuwa't ang daming reklamo ni Cerz. Totoo naman ang mga hinaing niya.

Ngayo'y nasa San Pablo ako. (Pasensiya kina Geopet at Jay kung hindi ako makakapunta sa meeting sa Biyernes. Babawi na lang ako.) Nakakatuwa't may bago akong bookshelf. Ayos, may paglalagyan pang lalo ng mga libro ko. Ngayon, maglalaro ako ng Rome: Total War.

Lunes, Marso 06, 2006

"Clear ka na ba sa Clearance?"

Pumasok ako kanina sa Ateneo para sa meeting sa LS Awards. Update lang para sa aming gagawin sa susunod na dalawang linggo at sa mismong awarding.

Sunod naming ginawa nina Geopet at Jihan ang paghahanap ng mga lagda para sa clearance. Mabilis naman ngunit natagalan lamang kami sa ADSA. Pinagliban na lang namin bukas ni Geopet ang pagkuha ng aming clearance.

Sumama ako sa meeting nina Jay at Geopet para sa kanilang planong komiks. Unang meeting lang iyon at mukhang mapapasabak ako. Hindi ko alam kung paano magsulat ng komiks. Magpapatulong ako Jay. (Jay, tulong ha?) Pero mukhang bagay naman ako sa konsepto nila. Tingnan ko lang kung may maganda akong maiisip na kuwento para sa kanila.

Nakakatuwa nga't yun na lang ang pinaggagawa ko e, mag-isip ng mga kuwento't magsulat. Pero mukhang mabubulilyaso ito dahil nagsimula na ulit akong maglaro ng Medieval: Total War. Walang magawa e.

Daraan na lang ako sa Ateneo bukas para matapos ang clearance, mag-research nang kaunti para sa mga sinusulat ko at pumunta sa talk na inayos ni Ma'am Karla Delgado para sa kanyang Non-fic class.

Ang boring talaga ng buhay kung walang paaralan.

Biyernes, Marso 03, 2006

Sa Wakas?

Kaka-email ko lang group paper ko para sa Fil 101 sa mga kagrupo ko. Ire-report namin iyon bukas ngunit hindi ko masasabing hassle iyon. Sanay na, ika nga.

Napasa ko na rin ang prod book ko para sa Practicum. Kaya masasabi kong tapos na ang lahat ng akademikong pangangailangan na dapat kong gampanan. Ewan ko. Exciting pero hindi. Ewan ko. Bahala na.

Good luck sa iba sa inyo.

Miyerkules, Marso 01, 2006

"Naramdaman nyo ba yun?"

Lumindol kanina. Mga alas syete ata noon. Nasa condo ako. Tumagal ito nang mga tatlumpung segundo. Ewan ko napakahina nito. Baka nga hindi ramdam ng mga tao sa ibaba at mas ramdam sa mga kagaya kong nasa mataas na palapag.

Sa totoo lang, may kaunti akong pagkahumaling sa mga lindol. Ewan ko. Siguro nakikita ko ito bilang pulso ng mundo.

***

Sa isang banda, matindi ang nararamdaman kong antok ngayon. Gawa siguro ng pagtatapos ng semestre. Alam ng katawan kong malapit nang matapos ang lahat kaya naghahabol na sa tulog. Pero hindi pa dapat ako antukin, may prodbook pang kailangang gawin! Hay, bahala na.

***

Pahuling banggit, nakakatuwa ang palabas na 'How Trekies Changed the World.' Sobrang nakakatawa ang palabas. 'Star Trek,' inimpluwensiyahan ang mundo? At astig ang mga hirit ni William Shatner. Kanta pa niya ang ginamit para sa closing credits. Sobrang weird na palabas.