Biyernes, Pebrero 24, 2006

Anak ng Dinonselya, May Binoga na Naman!

Panimula

Mahirap pag-aralan ang wika kung hindi ito oobserbahan sa mga pagkakataong ginagamit ito. At sa pahayagan ang isa sa maraming pamamaraan kung saan ito maaaring obserbahan. Kaya pinili ni Reuel Molina Aguila ang tabloyd bilang paksa ng kanyang pagsasaliksik. Sa tabloyd nakikita ang araw-araw na gamit ng wikang Filipino ayon na rin sa, di umano, wika ng madla.

Pagbubuod
Ang Kabuuang Tulak ng Tabloyd

Ayon kay Aguila, mahalagang bigyang pansin ang tabloyd sa larangan ng wika dahil sa lawak ng sirkulasyon nito. Nakatuon ito sa ordinaryong mamamayan at binabasa ng ordinaryong mamamayan. Ngunit hindi lamang nakatuon sa pagbabalita ng mga mahahalagang mga pangyayari sa ating bayan ang ginagawa ng mga tabloyd. Ani Aguila, “Mahalaga para sa mga ito ang na gumamit ng mga “gimik” o pamamaraan na agad aakit sa mambibili.”

Nilista ni Aguila ang iba’t ibang mga pamamaraan na ito, kagaya ng mga larawan ng mga hubad na mga babae (at lalaki); pagbibigay ng lubos na pansin sa mga balitang “sensational,” mga kontrobersiya, balitang artista, krimen, tsismis, sex at sport; at ang mga sex column. Bagaman matindi ang pokus o niche na kinatatayuan ng tabloyd, mahalaga pa rin ang papel na ginagampanan ng wika.

Ang mga Pahayagang Tabloyd

Nilista ni Aguila ang iba’t ibang tabloyd na kanyang binasa para sa pagsasaliksik na ito. Ito ang mga pahayagang: 1) Abante/Abante Tonight/Abante Sunday Special, 2) Balita, 3) Bomba, 4) Bulgar, 5) Expose, 6) Imbestigador, 7) Pilipino Star Ngayon, 8) Pinoy Wekly, 9) PM (Pang-Masa), 10) Remate, 11) Tiktik, at 12) Toro.

Hinahati niya sa dalawang kategorya ang mga tabloyd, ang mga “pangahas” at ang mga “disente.” Nasa ilalim ng “pangahas” na pahayagan ang mga tabloyd na Abante, Bomba, Bulgar, Toro, Expose, PM, Remate, at Tiktik. Nasa ilalim naman ng “disenteng” peryodismo ang mga tabloyd na Balita, Imbestigador, Pilipino Star Ngayon, at Pinoy Weekly. Mahalagang pansinin na napapasailalim ang karamihan sa mga “disenteng” tabloyd sa mas malalaking mga pahayagan.

Isang Maikling Kasaysayan ng Tabloyd

Ayon kay Aguila, unang lumabas ang mga tabloyd sa Filipinas, na batay sa mga tipong lumalabas sa Amerika at Ingglatera, noong dekada ’60. Ngunit binanggit ni Aguila ang isang tabloyd na lumabas noong 1908, ang Lipang Kalabaw. Mahalaga ang Lipang Kalabaw dahil dito nagsimula ang “double meaning” na pinapairal ng mga tabloyd.

Ang Tabloyd-Talkish

Hinati ni Aguila sa anim ang mga salitang ginagamit sa tabloyd: pormal o regular na Filipino, “malalim” na Tagalog, sward-speak, balbal o salitang-kanto, Ingles, Ingles na isina-Filipino, at “bulgar.”

Sa tawag pa lamang, nasa katergoryang pormal o regular na Filipino ang salita’t pahayag na karaniwang ginagamit ng pangkalahatan ng lipunan. Ginamit ni Aguila bilang halimbawa ang mga salitang “paghaharapin” at “nasamsam.”

Inilagay naman sa kategoryang “Malalim na Tagalog” ang mga salitang, bagaman Tagalog, hindi na ginagamit ng mga pangkaraniwang tao sa pang-araw-araw na pananalita. Binigay na halimbawa ang mga salitang “tinunton,” “binulabog,” at “kukulimbatin.”

Sward-speak naman ang mga salitang nagmula sa wika ng mga bakla. Halimbawang mga salitang binigay ang “papa,” “deadma,” at “lafanggera.”

Inilagay sa kategoryang “balbal o salitang kanto” ang mga salitang mababatid na, bagaman ginagamit sa mga palengke o kalye, ay hindi ginagamit ng mga nasa altasosyedad. Halimbawa ng salitang balbal ang “binoga,” “bebot,” at “kelot.”

Hiniwalay ni Aguila ang mga salitang Ingles na hiniram nang buo sa mga salitang binaybay sa Filipino’t isina-Filipino sa bigkas. Halimbawang ibinigay ang mga salitang “transition government,” “casino financiers,” “nagpapabyuti,” “holdaper,” at “narekober.”

“Bulgar” naman ang mga salitang hindi katanggap-tanggap sa moralidad ng lipunan. Mabuting pansinin na tungkol sa sex ang karamihan ng mga salitang ito. Ang mga salitang “yagbols,” “nota,” “keps,” at “umeebak” ang mga salitang binagay bilang halimbawa.

Ang Walang Habas na Panghihiram

Lubos ang pagpuna ni Aguila sa mga pamamaraan ng panghihiram ng mga tabloyd. Bagaman pinayayaman nito ang bokabularyo ng Filipino, magulo para kay Aguila ang mga pamamaraan ng mga tabloyd sa panghihiram dahil walang iisang alituntunin ang sinusunod nila. Tinatanggap nang buo at walang pagbabago ang ilang mga salita, kagaya ng salitang “Producer,” ngunit malabo ang mga alituntunin sa pagsasa-Filipino. May mga salitang hiram na sina-Filipino, kagaya ng “nangangarnap,” at “tserman,” “weder-weder lang,” “in lab na in lab,” “praning,” at “nagplastikan.” May mga salitang nanatili ang baybay Ingles ngunit nilalapian na parang salitang Filipino, kagaya ng “i-freeze,” “nang-hostage,” “ma-pride,” at “ka-live-in.” May mga salita namang Ingles na nagiging “syokoy,” kagaya ng “taklesa” at “notoryoso.” Ngunit pagdating sa mga salitang hango sa partikular na larang, kagaya ng ekonomiya, politikal, pang-agham, at iba pa.

Walang Said na Salita sa Krimen at Sex

Binagyang pansin ni Aguila ang mga salita sa espesyalisasyon ng mga tabloid, ang krimen at sex. Makikitang mas litaw ang sistema ng anim na kategorya sa dalawang paksang ito. Halos umabot sa dalawang dosena ang mga salitang maaaring humalili sa salitang “patay” o “pagpatay,” bagaman may partikular na kahulugan ang bawat panghalili. Iba ang “binoga” sa “kinatay” ngunit masasabing magkakapareho ng kahulugan ang mga salitang “binoga,” “binaril,” “niratrat,” at “tinadtad ng bala” para sa paglalarawan ng pamamaril. Dahil sa pangangailangang ilarawan nang mas mabuti ang kanilang binabalita, nagkakaroon ng malawak na bokabularyo at sistema ang tabloyd para sa isang partikular na karanasan. Sa sex, naghahaluhalo rin ang anim na kategorya upang makabuo ng isang sistema kung saan maaari nitong isalaysay ang mga “karumaldumal” na mga gawain.

Mas Grabe sa Sex Column at Text ng Mambabasa

Pinuna rin ni Aguila ang halos hindi “censored” na mga sex column at, nitong huli dahil sa mamamayagpag ng cellphone, ng mga text message ng mga mambabasa. Ngunit hindi siya nagbigay ng halimbawa ng paggamit ng wika sa mga sex column. Nagbigay lamang siya ng halimbawa ng “bulgar” na mga mensahe sa text.

Iba Pang Obserbasyon

Nagbigay ng anim na dagdag na obserbasyon si Aguila. Una, tinutulak ng “batas ng pagbebenta” ang sistema ng salita’t wika ng tablyod. Kinakailangang maging “maimbento” ang mga tabloyd upang bumenta. Pangalawa, naaapektuhan ng editor o patnugot ng tabloyd ang wika ng tabloyd. Tinatawag niya itong “Batas ng mga editor.” Mapapansin sa wika ng tabloyd kung gaano kalawak o kakitid sa wika ang mga editor. Pangatlo, dahil sa pagnanasang maging “sensational,” nagkakaroon ng mga pagkakamali sa balarila at katalamakan sa panghihiram. Pang-apat, kaduda-duda para kay Aguila kung madali nga bang maunawaan ang wikang ginagamit ng tabloyd. Wika nga ba ito ng masa o wika ng isang bahagi lamang ng lipunan? Panlima, inaamin naman ni Aguila na may naiambag ang tabloyd upang palawakin ang wika dahil sa pagbibigay ng mga salita, partikular na sa krimen. Pang-anim, isinusulong ni Aguila, bagaman inilahad niya ito sa isang retorikal na tanong, ang pagkakaroon ng censorship sa tabloyd, hindi lamang sa mga larawan kundi pati na rin sa mga salitang ginagamit dito.

Huling Hirit

“Kalayaan” ang isang salitang hindi maikakaila ni Aguila upang ilarawan ang kalagayan ng wika ng tabloyd. Hindi nito sinusunod ang mga batas ng balarila. Imbes, sinusunod nito ang batas ng ekonomiya at sensationalism. At hindi maikaila ni Aguila na, kung titingnan ang kasaysayan, may positibong ambag ang kalayang ito sa wikang Filipino.

Ngunit naniniwala si Aguila na hindi lubusang mananaig ang kalayaan ng tabloyd para mabago ang mukha ng wikang Filipino. Nariyan pa rin ang mga iba’t ibang mga bahagi ng lipunan upang magtimbang kung ang mga salita ay matatanggap o mananatili.

Puna

Malawak ang pagsusuri ni Aguila sa wika ng tabloyd. Isang magandang ambag ang tala ng mga salita na kanyang ipinakita sa artikulo. Malinaw ang kategorya’t paggugrupo ng mga salita. Ibinigay niya ang kahulugan ng mga salita at kung saang kategorya ito nabibilang.

Ang tanging magiging puna ko lamang ay ang kakulangan ng artikulo upang mahuli ang “sensational” na dating ng balitang tabloyd. Bagaman nagbigay si Aguila ng mga halimbawa kung paano ginagamit ang mga salita, hindi nakukuha ng mga halimbawa ang pandidiri o pagngitngit na maaaring makuha sa pagbabasa ng isang tunay na tabloyd. Hindi kasi nailalagay ang mga salita sa konteksto ng isang pang-araw-araw na balita’t pangyayari.

Panapos

Bagaman mababa ang tingin sa tabloyd, tama si Aguila na hindi kaduda-duda ang impluwensiya nito sa ating wika. Dito ginagamit ang mga salita at kataga upang ilarawan ang pang-araw-araw na karanasan ng mga tao, “sentational” man ito o hindi. Ngunit hindi nabigyang pansin ni Aguila ang maaaring epekto ng iba’t ibang paksa, larang, at boses sa wika ng tabloyd. Ang hindi lamang isang tala ng mga salita na may katapat na kahulugan ang wika. Isa itong masalimuot na sistema ng nagbabagong ugnayan ng mga signifier sa signified, ng mambabasa sa teksto, at ng larang, sa moda, at sa tenor.

Walang komento: