Martes, Pebrero 28, 2006

Prod Book na lang!!!

Naipasa ko na kanina ang dalawa kong papel para sa Fil 101. Nakakatuwa nga kasi hapit ang pagkakagawa ko roon. Nai-print ko siya nang mga 11:15 nang umaga, e may orals pa ako nang mga 11:30 para sa Philo 104. Sobrang close call. Tapos hindi ko pa mahanap yung consultation room na paggaganapan. Mabuti na lang at nakita ko agad bago ko natapos ang nauna sa akin. Pagkatapos na ng orals ko napasa yung mga papel ko.

Medyo hindi pa rin ako makapaniwala na prod book na lang ang kailangan kong atupagin. Parang kailan lang... Wahahaha, hindi ako magpapaka-nostalgic ngayon. Sa susunod na lang. Marami pa rin naman talagang kailangan gawin bago ang "wakas." Formalities na lamang ang mga kailangan pagkatapos ng prod book. Well, sana formalities na lang. Ano ba iyan? Napakalabo naman ng isip ko ngayon. Antok lang siguro. At euphoria.

Linggo, Pebrero 26, 2006

Theo down, a few more nagging things to go

Tapos na ang theo final oral exam ko. Went ok. I'm not expecting a high grade. Basta makapasa na lang. (Please Lord.) Papers na lang para sa Fil 101 (Yes, paperssss,) Orals para sa Philo 104 at Prodbook para sa Practicum, and I can just hunt down them signatures! Yeheyermhegr...

Biyernes, Pebrero 24, 2006

Anak ng Dinonselya, May Binoga na Naman!

Panimula

Mahirap pag-aralan ang wika kung hindi ito oobserbahan sa mga pagkakataong ginagamit ito. At sa pahayagan ang isa sa maraming pamamaraan kung saan ito maaaring obserbahan. Kaya pinili ni Reuel Molina Aguila ang tabloyd bilang paksa ng kanyang pagsasaliksik. Sa tabloyd nakikita ang araw-araw na gamit ng wikang Filipino ayon na rin sa, di umano, wika ng madla.

Pagbubuod
Ang Kabuuang Tulak ng Tabloyd

Ayon kay Aguila, mahalagang bigyang pansin ang tabloyd sa larangan ng wika dahil sa lawak ng sirkulasyon nito. Nakatuon ito sa ordinaryong mamamayan at binabasa ng ordinaryong mamamayan. Ngunit hindi lamang nakatuon sa pagbabalita ng mga mahahalagang mga pangyayari sa ating bayan ang ginagawa ng mga tabloyd. Ani Aguila, “Mahalaga para sa mga ito ang na gumamit ng mga “gimik” o pamamaraan na agad aakit sa mambibili.”

Nilista ni Aguila ang iba’t ibang mga pamamaraan na ito, kagaya ng mga larawan ng mga hubad na mga babae (at lalaki); pagbibigay ng lubos na pansin sa mga balitang “sensational,” mga kontrobersiya, balitang artista, krimen, tsismis, sex at sport; at ang mga sex column. Bagaman matindi ang pokus o niche na kinatatayuan ng tabloyd, mahalaga pa rin ang papel na ginagampanan ng wika.

Ang mga Pahayagang Tabloyd

Nilista ni Aguila ang iba’t ibang tabloyd na kanyang binasa para sa pagsasaliksik na ito. Ito ang mga pahayagang: 1) Abante/Abante Tonight/Abante Sunday Special, 2) Balita, 3) Bomba, 4) Bulgar, 5) Expose, 6) Imbestigador, 7) Pilipino Star Ngayon, 8) Pinoy Wekly, 9) PM (Pang-Masa), 10) Remate, 11) Tiktik, at 12) Toro.

Hinahati niya sa dalawang kategorya ang mga tabloyd, ang mga “pangahas” at ang mga “disente.” Nasa ilalim ng “pangahas” na pahayagan ang mga tabloyd na Abante, Bomba, Bulgar, Toro, Expose, PM, Remate, at Tiktik. Nasa ilalim naman ng “disenteng” peryodismo ang mga tabloyd na Balita, Imbestigador, Pilipino Star Ngayon, at Pinoy Weekly. Mahalagang pansinin na napapasailalim ang karamihan sa mga “disenteng” tabloyd sa mas malalaking mga pahayagan.

Isang Maikling Kasaysayan ng Tabloyd

Ayon kay Aguila, unang lumabas ang mga tabloyd sa Filipinas, na batay sa mga tipong lumalabas sa Amerika at Ingglatera, noong dekada ’60. Ngunit binanggit ni Aguila ang isang tabloyd na lumabas noong 1908, ang Lipang Kalabaw. Mahalaga ang Lipang Kalabaw dahil dito nagsimula ang “double meaning” na pinapairal ng mga tabloyd.

Ang Tabloyd-Talkish

Hinati ni Aguila sa anim ang mga salitang ginagamit sa tabloyd: pormal o regular na Filipino, “malalim” na Tagalog, sward-speak, balbal o salitang-kanto, Ingles, Ingles na isina-Filipino, at “bulgar.”

Sa tawag pa lamang, nasa katergoryang pormal o regular na Filipino ang salita’t pahayag na karaniwang ginagamit ng pangkalahatan ng lipunan. Ginamit ni Aguila bilang halimbawa ang mga salitang “paghaharapin” at “nasamsam.”

Inilagay naman sa kategoryang “Malalim na Tagalog” ang mga salitang, bagaman Tagalog, hindi na ginagamit ng mga pangkaraniwang tao sa pang-araw-araw na pananalita. Binigay na halimbawa ang mga salitang “tinunton,” “binulabog,” at “kukulimbatin.”

Sward-speak naman ang mga salitang nagmula sa wika ng mga bakla. Halimbawang mga salitang binigay ang “papa,” “deadma,” at “lafanggera.”

Inilagay sa kategoryang “balbal o salitang kanto” ang mga salitang mababatid na, bagaman ginagamit sa mga palengke o kalye, ay hindi ginagamit ng mga nasa altasosyedad. Halimbawa ng salitang balbal ang “binoga,” “bebot,” at “kelot.”

Hiniwalay ni Aguila ang mga salitang Ingles na hiniram nang buo sa mga salitang binaybay sa Filipino’t isina-Filipino sa bigkas. Halimbawang ibinigay ang mga salitang “transition government,” “casino financiers,” “nagpapabyuti,” “holdaper,” at “narekober.”

“Bulgar” naman ang mga salitang hindi katanggap-tanggap sa moralidad ng lipunan. Mabuting pansinin na tungkol sa sex ang karamihan ng mga salitang ito. Ang mga salitang “yagbols,” “nota,” “keps,” at “umeebak” ang mga salitang binagay bilang halimbawa.

Ang Walang Habas na Panghihiram

Lubos ang pagpuna ni Aguila sa mga pamamaraan ng panghihiram ng mga tabloyd. Bagaman pinayayaman nito ang bokabularyo ng Filipino, magulo para kay Aguila ang mga pamamaraan ng mga tabloyd sa panghihiram dahil walang iisang alituntunin ang sinusunod nila. Tinatanggap nang buo at walang pagbabago ang ilang mga salita, kagaya ng salitang “Producer,” ngunit malabo ang mga alituntunin sa pagsasa-Filipino. May mga salitang hiram na sina-Filipino, kagaya ng “nangangarnap,” at “tserman,” “weder-weder lang,” “in lab na in lab,” “praning,” at “nagplastikan.” May mga salitang nanatili ang baybay Ingles ngunit nilalapian na parang salitang Filipino, kagaya ng “i-freeze,” “nang-hostage,” “ma-pride,” at “ka-live-in.” May mga salita namang Ingles na nagiging “syokoy,” kagaya ng “taklesa” at “notoryoso.” Ngunit pagdating sa mga salitang hango sa partikular na larang, kagaya ng ekonomiya, politikal, pang-agham, at iba pa.

Walang Said na Salita sa Krimen at Sex

Binagyang pansin ni Aguila ang mga salita sa espesyalisasyon ng mga tabloid, ang krimen at sex. Makikitang mas litaw ang sistema ng anim na kategorya sa dalawang paksang ito. Halos umabot sa dalawang dosena ang mga salitang maaaring humalili sa salitang “patay” o “pagpatay,” bagaman may partikular na kahulugan ang bawat panghalili. Iba ang “binoga” sa “kinatay” ngunit masasabing magkakapareho ng kahulugan ang mga salitang “binoga,” “binaril,” “niratrat,” at “tinadtad ng bala” para sa paglalarawan ng pamamaril. Dahil sa pangangailangang ilarawan nang mas mabuti ang kanilang binabalita, nagkakaroon ng malawak na bokabularyo at sistema ang tabloyd para sa isang partikular na karanasan. Sa sex, naghahaluhalo rin ang anim na kategorya upang makabuo ng isang sistema kung saan maaari nitong isalaysay ang mga “karumaldumal” na mga gawain.

Mas Grabe sa Sex Column at Text ng Mambabasa

Pinuna rin ni Aguila ang halos hindi “censored” na mga sex column at, nitong huli dahil sa mamamayagpag ng cellphone, ng mga text message ng mga mambabasa. Ngunit hindi siya nagbigay ng halimbawa ng paggamit ng wika sa mga sex column. Nagbigay lamang siya ng halimbawa ng “bulgar” na mga mensahe sa text.

Iba Pang Obserbasyon

Nagbigay ng anim na dagdag na obserbasyon si Aguila. Una, tinutulak ng “batas ng pagbebenta” ang sistema ng salita’t wika ng tablyod. Kinakailangang maging “maimbento” ang mga tabloyd upang bumenta. Pangalawa, naaapektuhan ng editor o patnugot ng tabloyd ang wika ng tabloyd. Tinatawag niya itong “Batas ng mga editor.” Mapapansin sa wika ng tabloyd kung gaano kalawak o kakitid sa wika ang mga editor. Pangatlo, dahil sa pagnanasang maging “sensational,” nagkakaroon ng mga pagkakamali sa balarila at katalamakan sa panghihiram. Pang-apat, kaduda-duda para kay Aguila kung madali nga bang maunawaan ang wikang ginagamit ng tabloyd. Wika nga ba ito ng masa o wika ng isang bahagi lamang ng lipunan? Panlima, inaamin naman ni Aguila na may naiambag ang tabloyd upang palawakin ang wika dahil sa pagbibigay ng mga salita, partikular na sa krimen. Pang-anim, isinusulong ni Aguila, bagaman inilahad niya ito sa isang retorikal na tanong, ang pagkakaroon ng censorship sa tabloyd, hindi lamang sa mga larawan kundi pati na rin sa mga salitang ginagamit dito.

Huling Hirit

“Kalayaan” ang isang salitang hindi maikakaila ni Aguila upang ilarawan ang kalagayan ng wika ng tabloyd. Hindi nito sinusunod ang mga batas ng balarila. Imbes, sinusunod nito ang batas ng ekonomiya at sensationalism. At hindi maikaila ni Aguila na, kung titingnan ang kasaysayan, may positibong ambag ang kalayang ito sa wikang Filipino.

Ngunit naniniwala si Aguila na hindi lubusang mananaig ang kalayaan ng tabloyd para mabago ang mukha ng wikang Filipino. Nariyan pa rin ang mga iba’t ibang mga bahagi ng lipunan upang magtimbang kung ang mga salita ay matatanggap o mananatili.

Puna

Malawak ang pagsusuri ni Aguila sa wika ng tabloyd. Isang magandang ambag ang tala ng mga salita na kanyang ipinakita sa artikulo. Malinaw ang kategorya’t paggugrupo ng mga salita. Ibinigay niya ang kahulugan ng mga salita at kung saang kategorya ito nabibilang.

Ang tanging magiging puna ko lamang ay ang kakulangan ng artikulo upang mahuli ang “sensational” na dating ng balitang tabloyd. Bagaman nagbigay si Aguila ng mga halimbawa kung paano ginagamit ang mga salita, hindi nakukuha ng mga halimbawa ang pandidiri o pagngitngit na maaaring makuha sa pagbabasa ng isang tunay na tabloyd. Hindi kasi nailalagay ang mga salita sa konteksto ng isang pang-araw-araw na balita’t pangyayari.

Panapos

Bagaman mababa ang tingin sa tabloyd, tama si Aguila na hindi kaduda-duda ang impluwensiya nito sa ating wika. Dito ginagamit ang mga salita at kataga upang ilarawan ang pang-araw-araw na karanasan ng mga tao, “sentational” man ito o hindi. Ngunit hindi nabigyang pansin ni Aguila ang maaaring epekto ng iba’t ibang paksa, larang, at boses sa wika ng tabloyd. Ang hindi lamang isang tala ng mga salita na may katapat na kahulugan ang wika. Isa itong masalimuot na sistema ng nagbabagong ugnayan ng mga signifier sa signified, ng mambabasa sa teksto, at ng larang, sa moda, at sa tenor.

Natutuwa ngunit Nababagabag

Kagagaling ko lamang sa meeting para sa LS Awards for the Arts. May ilan sa aming nakarating. Hindi nakarating ang karamihan sa mga kapwa naming Awardees dahil sa mga pangyayari sa labas ng Ateneo. Pito lang kami naroon sa lounge ng English Department, mula sa pangkalahatang dalawampu't-apat. Kinausap kami nina Ma'am Tugado nang panandalian. Pinaalalahanan niya kami sa mga mahahalagang mga petsa. (Sa mga katoto sa LS Awards, may pinaplanong meeting sa Marso 1, 2006, 1130 nang umaga. Sabihin nyo lang kay Ma'am Angeli kung pwede kayo.)

Nakita ko ang listahan ng mga ginawaran ng parangal at, ngayon, nahihiya ako. May mga nakalagay sa listahan na alam kong karapat-dapat habang may mga pangalan na wala roon na alam ko ring karapat-dapat. Kaya nahihiya ako. Mahirap tanggapin na kapantay ko ang ilan sa mga pangalang naroroon. Mahirap tanggapin na hindi ko kasama ang ilan mga kakilala ko sa listahang iyon. Nagmumukha akong esta-puwera.

Oo, gusto kong makuha ang parangal. Pero nananaig sa aking kukote ang tanong, "Karapat-dapat nga ba talaga ako?" Hindi pa ako nalalathala. Ano nga ba ang naiambag ko sa sining at panitikan? Pakiramdam ko, kung wala ako sa listahang iyon, baka may mga taong napasama na mas karapat-dapat kaysa sa akin. Ewan ko. Ewan ko. Ewan ko. Nagpapasalamat ako pero nanghihinayang rin.

Kaya hindi ako magyayabang. Sa loob-loob ko, hindi ako karapat-dapat na magyabang. Sino ba ako? Ano nga ba ang nagawa? Ayoko ng ganitong pakiramdam. Kaya magsusulat na lang ako. Iyon lamang ang natatanging totoo at hindi kaduda-duda para sa akin.

Congratulations sa lahat ng mga kapwa ko Awardees. Kilala ko ang karamihan sa inyo, at alam kong karapat-dapat kayong ipagpugay.

Miyerkules, Pebrero 22, 2006

Lunes, Pebrero 20, 2006

Total Excitement

Medieval 2: Total War for PC - Medieval 2: Total War PC Game - Medieval 2: Total War Computer Game

Waaah! Hindi ko pa napipiga ang Rome: Total War, may bago na agad!

Panimula ko para sa aking Portfolio

Panimula

May pinanggagalingan ang lahat ng mga bagay. Ika nga ni Santo Tomas, “Now whatever is in motion is put into motion by another...” At ganoon ang isang teksto. Gumagalaw ito sa panahon at may sariling buhay pagkatapos mailatag sa papel. Ngunit hindi maikakailang nanggaling mula sa akin ang lahat ng mga nakasulat sa portfolio na ito. Bagaman, hindi kagaya ng Diyos, hindi naman babalik sa akin ang lahat ng sinulat ko. Kaya maraming pagbasang maaaring makuha mula sa mga likha ko. (Kagaya ng mga pagbasang inihain ng mga panelist noong nakaraang Ateneo-Heights Writer’s Workshop. Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga interpretasyong malayong-malayo mula sa una kong intensiyon.)

Kaya bakit ko pa ba susulatin ang malikhaing proseso ko? Hindi rin naman ito sasanggunian o papansinin. Bukod sa pagiging requirement, yabang marahil ang magbubugso sa akin na mag-iwan ng tanda. “Akin ka, akin ka, akin ka. At ganito kung paano ka ginawa.” Ito marahil ang magiging layon. Pero kalimitan, ika nga ni Aristoteles, may mga mas matatataas na layon ang ating mga ginagawa, hindi lang tayo malay sa mga ito.

Mga Pinanggagalingan

Nahahati sa dalawa ang portfolio na ito, ang bahaging non-fiction at ang bahaging fiction. Personal na mga sanaysay ang kalakip sa bahaging non-fiction. Kaya hindi masalimuot ang pagsusulat sa mga ito. Isinulat ko lamang ang mga alaala at gunita ng aking buhay. Marahil mas makikilala ako kung babasahin ang mga sanaysay na mga ito kumpara sa mga kuwento ko. Isang lang na paglalahad ng aking personal na kasaysayan ang kabuuang layon ng mga sanaysay na ito.

Iba naman kabuuang proseso ng aking paglikha ng mga kuwento. Kumpara sa non-fiction, na nanggagaling sa bodega ng alaala, parang namimingwit sa malaking dagat, o pagminsin sa hangin, ang pagsusulat ng isang kuwento. Nag-iiwan ka ng pain ngunit, kadalasan, walang nahuhuling may halaga. May mahigit 70 simulain ng mga kuwento sa aking folder sa computer. Isang pangungusap o isang talata lamang ang karamihan sa mga simulain na ito. Ngunit may ibang mga simulain na isa o dalawang pahina ang haba na hindi ko na matuloy-tuloy dahil nawalan ako ng gana sa kanina. Bagaman magaganda ang mga ideya na nasa likod ng mga kuwento, kalimitan walang kuwentong nabubuhay pagkatapos ng isang pahina ng mga titik, salita, at talata.

Mahaba ang pinagdaanan ng mga kuwento sa portfolio na ito. Maraming oras ang ginugol ko sa pagsusulat at pagrerepaso at maaaring oras pa ang gugugulin ko sa mga kuwentong ito sa darating na panahon.

Ang Kuwento ng Bawat Kuwento

Kalakip sa portfolio na ito ang 13 sanaysay at 12 maikling kuwento. Kagaya ng sinabi ko, may iisang pinanggaling ang mga sanaysay at hindi masalimuot ang buong proseso ng pagsusulat ng mga sanaysay kung ikukumpara sa mga kuwento.May sariling kuwento ang bawat kuwento sa portfolio na ito. Kaya naisip kong mas mabuting bigyang pansin ang proseso ng bawat kuwento upang mas malinaw na mapansin ang pagkakapareho ng pagbuo ng bawat kuwento.

Ang Mahiwagang Baha ng Bundok Banahaw

Nasulat ko ang kuwentong “Ang Mahiwagang Baha ng Bundok Banahaw” noong Setyembre 2004 para sa klaseng Fil 119.2 (Malikhaing Pagsulat: Maikling Kuwento) kung saan naging guro ko si G. Alvin Yapan. Pauwi ako galing klase, katatapos lang ituro sa klase ni G. Yapan ang magic realism, at tinamaan ako ng inspirasyon. Sumagi sa isipan ko ang tsismis na sinabi ni Mom sa akin dati (hindi ko na maalala ang kung kailan) na sa dami raw ng mga itinatayong subdibisyon sa San Pablo, matatabunan ang mga bukal ng Bundok Banahaw at sasabog ito. At noong hapong iyon, napaisip ako, paano nga kaya kung mangyari ‘yon? Ngunit alam kong mahirap pagkatiwalaan ang inspirasyon. Napagdesisyonan kong umidlip muna bago ko sundin ang inspirasyon. Ngunit ayaw akong patulugin ng kuwento. Sinimulan ko agad ang pagsusulat at natapos ang kuwento sa loob ng siyam na araw. Naipasa ko ang unang draft para sa klase ilang araw bago ang deadline.

Ngunit maraming mga repaso ang pinagdaanan ng kuwentong mula sa unang draft hanggang sa publikasyon nito sa “Salamin.” May mga binago sa simula at katapusan. May mga bahagi akong tinanggal at dinagdag. Sa kabuuan, hindi ko alam kung ano nga ba talaga ang gusto kong sabihin sa kuwentong ito. Isang itong kuwento na masarap sulatin. Walang inhibisyon akong naramdaman. Hindi ko na inisip ang “realismo” at naglaro na lamang ako. Marahil mahalaga ang ganoong atitud para sa akin. Isang malaking paglalaro ang pagsusulat ng mga kuwento.

Pagdadalang-tao ng Isang Ama

Nasulat ko ang kuwentong ito noong Abril 2005 at naging isa sa tatlong kuwentong ipinasa para sa klaseng FA 106 (Writing Seminar: Fiction) noong tag-araw kung saan naging guro ko si G. Edgar Samar. Sinimulan ko ang pagsusulat ng kuwentong ito pagkatapos ng Ikalawang Semestre ng Taong Pampaaralang 2004-2005. Si Dad naman ang naging ispirasyon ko sa pagsusulat ng kuwentong ito. Naalala ko ang kuwento sa akin ni Dad tungkol pagbubuntis ni Mom sa akin. Kuwento niya, isang gabi, may narinig daw siyang tiktik sa labas ng bahay. Kumuha siya ng itak at lumabas ng bahay para harapin ang parating na aswang. Ang nakakayamot sa kuwentong ito ni Dad, hindi niya sinabi kung may nakita nga ba siyang aswang o kung ano man. Nangati ang imahinasyon ko. Kaya naging isang fill-in-the-blanks ang pagsusulat sa kuwentong ito. Pinaglaruan ko na lang ang ibinigay na alaala sa akin ni Dad. Kaya naging matagal ang pagsusulat ko ng kuwentong ito. Halos tatlong buwan. Mahirap marahil magsulat sa isang karanasang hindi ko nararanasan, kagaya ng pagiging ama.

Ang Panata sa Pagbuhat ng Patay na Kristo

Nasulat ko ang kuwentong ito noong Mayo 2005 bilang panghuling kuwentong pinasa ko para sa FA 106. Batay ang kuwentong ito mula sa aking mga karanasan sa mga Mahal na Araw na dinalo ko sa Bayan ng Binangonan, Rizal. Taga-Binangonan kasi si Dad bago niya napakasalan si Mom. Manipis talaga ang banghay ng kuwento. Ngunit mas gusto kong tingnan ang kuwento bilang isang kuwento ng mga pandama. Amoy ang palagi kong naaalala sa mga Prusisyon at Gewang-gewang ng Binangonan. Ito ang nagmistulang motif ko sa kabuuan ng kuwento. Nasulat ko siya sa loob lamang ng tatlong araw.

Ang Kakaibang mga Larawan ng Channel 98

Naisulat ko ang kuwentong ito noong Hunyo-Hulyo 2005 at ito ang isa sa dalawang kuwentong ipinasa ko para sa ika-11 Ateneo-Heights Writers’ Workshop na ginanap noong Hulyo 29-31, 2005. Masasabi kong mula ang kuwentong ito sa aking personal na pagkahumaling sa TV. Masalimuot ang aking pagsusulat ng kuwentong ito. Maraming mga planong hindi natuloy at mga tauhang pinutol, kagaya ng mga karakter na tinanggal at mga plot twist na hindi natuloy. Kaya siguro nabansagang “hilaw” ang kuwentong ito ng Panel noong Workshop. Ngunit kinuha ko ang kanilang mga payo pinag-igi ang kuwentong ito upang “huminog” naman, kahit kaunti.

Huli’t Unang Gawa ng Pag-ibig

Sinulat ko ang kuwentong ito sa pagitan ng pagsusulat ko ng mga kuwentong bahagi ng kalipunan para Practicum. Inspirasyon ko ang isang balita noong Disyembre tungkol sa isang taong iniwan ang isang singsing. Nakakakungkot ang kuwento at, sana, nahuli ko, kahit kaunti, ang kalungkutan na iyon.

Tuwa

Sinulat ko rin ang kuwentong ito sa pagitan ng pagsusulat ng kuwento para sa Practicum. Masasabi kong isa itong pagra-rant dahil wala naman talaga akong gustong gawin. Naglalabas lang ako ng “frustration” mula sa pagsusulat para sa Practicum. Kaya napaka-morbid. Medyo stressed.

Cleaning A House After Thousands of Frogs Explode

Naisulat ko ang kuwentong ito noong Setyembre 2005 para sa FA 111.3 (Writing Workshop: Fiction) kung saan naging guro ko si G. BJ PatiƱo. Isa itong halimbawa ng flash fiction. Batay ang kuwentong mula sa mga pangyayaring nabasa ko sa isang pond sa Germany kung saan hindi maipaliwanag na nagputukan ang mga palaka doon.

Mala-news article ang unang draft ko nito. Dahil nga siguro galing ito mula sa isang balita. Ngunit pinagpasyahan kong gawin itong tunay na kuwentong mas “dynamic.” Medyo static kasi ang isang news article kumpara sa isang karaniwang kuwento. Mahirap makita ang sikilohiya ng mga tauhan sa balita. Puros impormasyon lang siya, walang katauhan.

Paglalayag habang Naggagala ang Hilaga

Naisulat ko ang kuwentong ito noong Abril-Mayo 2005. Ito ang pangalawa sa tatlong kuwentong ipinasa ko, ulit, para sa FA 106. Ito rin ang isa sa dalawang kuwentong ipinasa ko para sa Ateneo-Heights Writers’ Workshop. Ito ring kuwentong ito ang isa sa limang kuwentong bahagi ng aking panapos na kalipunan bilang isang magtatapos sa Creative Writing. Noong Oktubre ng taong 2004, nakapanood ako ng isang dokumentaryo sa Discovery Channel patungkol sa paghina ng magnetic field ng mundo. Natuwa ako sa mundong ipinakita ng dokumentaryo.

Ngunit ramdam kong hindi pa ako handang isulat ang kuwento. Kaya noong nakaraang tag-araw ko lang naisulat ang kuwento. Maraming mga ideya mula sa ibang naudlot na mga proyekto ang nagsama-sama para sa kuwentong ito, ang ideya ng kawalan ng teknolohiya, ang karansang Diaspora ng Filipinas, at ang karanasan ng paglalakbay sa mundong walang kasiguraduhang hilaga.
Isa rin itong paglalaro sa forma ng maikling kuwento. Ginusto kong mahuli ng forma, isang naggagalang istilong kagaya ng sa isang pakikipag-usap, ang pakiramdam ng paggagala. Hindi lang sana tungkol sa paggagala ang kuwentong ito kundi paramdaman rin ng mga mambabasa ang karanasan ng paggagala, at ganun din, ang karanasan ng pagkatagpo.

Pagkatapos ng Paglalayag

Ito ang “sequel” ng “Paglalayag habang Naggagala ang Hilaga.” Nahihiya akong isama sito sa portfolio na ito. Hindi ko talaga gustong sulatin ito. Ngunit napilitan ako dahil hindi maganda ang naging bunga ng isa sa limang mga kuwentong pinlano ko para sa Praticum. Nagmumukha ang kuwentong ito na isa lamang mumurahing kopya. At ayaw ko na talagang galawin ang kuwentong nilalaman ng “Paglalayag...” dahil mas maganda itong palawakin bilang isang nobela. Ngunit, sa hinuha ko, hindi ko pa kayang magsaulat ng nobela dahil hindi pa buo ang aking disiplina.

Mga Bagay sa Loob ng Silid ng Nakaraan

Nasulat ko ang kuwentong ito noong Setyembre 2005 at bahagi ng kalipunan ko para sa aking pagtatapos. Iisa lang ang mundo ng kuwentong ito at ng kuwentong “Paglalayag habang Naggagala ang Hilaga.” Hindi mahalaga kung hindi pa nababasa ng mambabasa ang “Paglalayag…” dahil tinangka kong tumayo nang mag-isa ang kuwentong ito. Isa itong kuwento ng salimasim sa mga mga bagay na naririto pa rin. Kaya nahirapan akong isulat ang kuwentong ito. Nahapit ang aking kakayahang magkuwento. Dumaan sa rebisyon ang halos kalahiti ng unang draft. Nahirapan ako nang lubos sa kuwentong ito.

Exodo

Tatlong buwan rin ang ginugol ko sa kuwentong ito. Mula Octubre hanggang Disyembre. Matagal ang buong proseso dahil sa matinding mga damdamin ng kuwento na pilit kong inilahad nang hindi puno ng sentimentalidad. Medyo komplikado rin kasi ang pangunahing tauhan kaya nahirapan ako. Marami rin kasi akong nasasaging mga ideya, mula sa relihiyon at pilosopiya, na mahirap naman talagang pagsulatan ng isang kuwento. At hindi rin kai ako nakapaglaro. Nawala ang ganoong atitud. Dahil siguro “required” siya. Pero ginawa ko ang lahat ng makakaya ko at alam ko sa pagsusulat ng kuwentong ito.

Isang Sulat ng Pag-Asa

Ito ang huli kong kuwento para sa Practicum. Natapos noong Enero. Batay ito sa isa sa nabanggit na bagay sa “Paglalayag habang Naggagala ang Hilaga.” Aaminin kong piga na ako ng mga panahong ito kaya ganito lang kahaba ang kuwento. Mahirap ngang sabihing kuwento ito. Mas magandang sabihing isa na lamang itong ehersisyo.

Mga Mababatid sa Kasaysayan ng Aking Pagsusulat

Ang isang paulit-ulit na tema na sa aking mga kuwento ay ang karanasan ng pagkawala o pagkakaroon at kung paano makikiayon ang mga tauhan sa mga pagbabagong dulot ng pagkawala at pagkakaroon. Makikita ito sa lahat ng mga kuwento ko. Parang nagsisilbing catalyst ang karanasan ng pagkawala o pagkakaroon sa aking pagkauna sa kalikasan ng tao. Mahirap lubusang maunawaan ang isang tao kung nasa isang “pangkaraniwang” sitwasyon. Kailangan silang pagalawin ng pagkawala o pagkakaroon.

Isa pang mahalagang aspeto na nagkakapareho ang mga kuwento ay sa forma ng mga ito. Mahilig ako sa mga pag-uulit-ulit at kalimitang “fragmented” ang mga kuwento. Mahilig rin akong pagbigay ng pagtatambal sa loob ng mga kuwento ko, pagtatambal ng nakaraan sa kasalukuyan, ng mga katangian, ng mga tauhan, ng mga gawa.

Kadalasan din, nanggagaling sa mga balita o tsismis o sabi-sabi ang inspirasyon ng mga kuwento ko. Ngunit hinahanapan ko ang mga ito ng mga pamamaraan upang mapaglaruan ang mga pinagbabasihan kong mga kuwento. Kaya mahalaga sa akin ang paglalaro sa forma. Hinahanapan ko ng akmang forma ang mga kuwento ko at doon nagsisimula ang paglalaro.

Panapos

Sinabi dati ni Sir Yapan sa klase namin sa Fil 119.2 na “fifty-fifty” ang pagsusulat ng kuwento. Limampung pursyento ay intensiyonal, hindi naman sa isa pang limampu. Kaya mahirap sabihing buo ang ibinahagi ko sa sanaysay na ito. At sa kabuuan ng teksto, isa lamang na perspektiba ang ibinibigay ko mula sa milyon-milyon pang iba, kahit na sabihin kong akin ang mga likhang ito.

Biyernes, Pebrero 17, 2006

Ayos!

Natapos ko rin ang isa sa tatlo sinusulat ko kuwento! Yes! Pero mukhang sa marso ko pa matatapos ang dalawa pang kuwento kasi may mas "mahalagang" mga bagay na kailangan pa ring tapusin.

Linggo, Pebrero 12, 2006

Mahalaga at Kailangan

Gusto ko nang tapusin ang mga kuwentong sinusulat ko. Gusto ko nang tapusin ang rebisyon na kailangang gawin para sa Heights at maging sa portfolio para sa FA Practicum. Pero hindi ko alam kung bakit ang bagal-bagal kong magtrabaho. Parang ang bagal ng paglipat ng kuwento papuntang papel o computer mula sa aking utak. Tapos ang dami pang kailangang papel na kailangang gawin para sa mga klase ko. Ginagawa ko ngayon ang papel ko para sa Philo at kailangan ko pang gawin ang tatlo pa para sa Filipino 101.

Tama na ang mga sagabal sa trabaho, kailangan ko nang gawin ang dapat at mahalaga.

Miyerkules, Pebrero 08, 2006

Bagay!

Pumunta ako sa Creative Talk ng Heights kanina. Tungkol ang talk sa Kilusang Bagay at si G. Jose "Pete" Lacaba Jr. ang speaker. Sobrang saya. Nakakatawa siya. Nagbasa siya ng mga tula at may isa siya binasang bagong tula. Mala-"Edad Medya" yung tula. Pamagat ay "Senior Citizen." Sobrang nakakatawa ang tula. Tapos, napa-sign ko pa ang kopya ko ng "Kung Baga sa Bigas," kanyang koleksiyon ng mga tula. Tuwang-tuwa kami ni Twinkle.

Sa ibang mga bagay, nagsusulat ako ng tatlong ngayon. Nang sabay-sabay. Kaya medyo nasakit ang ulo ko ngayon at kaya matindi rin ang procastination ko. Hindi pa naman ako nasisiraan ng ulo, o tinatamaan ng schizophrenia. Nakokontrol ko pa naman ang "boses." Hay, sana matapus ko na para magawa ko na ang "mas mahalagang" mga bagay, kagaya ng long test sa Theo sa Friday at mahabang papel para sa Pilosopiya.

Biyernes, Pebrero 03, 2006

BBC NEWS | Asia-Pacific | Japan tries to save giant radish

BBC NEWS | Asia-Pacific | Japan tries to save giant radish

Hindi ko alam kung paano ako dapat mag-react. Pero nakakatuwa talaga ang mga Hapon. Go and save that radish!