O, nakuha ko atensyon ng mga Bisaya diyan ano? Kinukuha ko kasi ang Fil 101, Kasaysayan ng Wikang Filipino na tinuturo ni G. Mike Coroza. Binasa namin kanina ang ilang kabanata mula sa balita ni Padre Pedro Chirino, isang Hesuita, na nadistino dito sa Filipinas noong mga unang taon ng pananakop ng Espanya. Bakit anti-Bisaya siya? Iyon nga ang pinagtataka namin sa klase e. Malaki ang pagpabor na ibinigay ni Chirino sa mga Tagalog habang, ayaw ko namang sabihing nilait, pero parang ganoon na nga ang ginawa sa mga Bisaya. Ayokong magsipi pero kung gusto ninyong malaman kung ano ba talaga ang sinabi niya, sumangguni na lang kayo sa aklat niyang "Relascion de las Islas Pilipinas" o sinalin bilang "The Philippines in the 1600s." Enjoy.
Mabigat ang klaseng ito, ang Fil 101 dahil sa dami ng mga artikulo't aklat na babasahin namin. (Ni-require ba naman kaming basahin ang higit-400 pahinang "Balarila..." ni Lope K. Santos, isa lang sa maraming aklat-balarila na babasahin namin.) Ngunit hindi ako nagrereklamo. Magaling na guro si Sir Mike. Kaya kong makinig sa kanya hanggang magunaw ang mundo. At marami naman akong matututuhan. Kailangan nga lang magsunog ng kilay. Mabuti na lang, magaan-gaan ang load ko ngayong semestre. Ano kaya ang magandang topic para sa final paper?
Panlulumo
Noong nakalipas na linggo, naging isang malaking pagtingin sa aking sining ang nangyari. Sumali kasi ako sa LS Awards. At isa sa mga kailangang ipasa ay isang portfolio. Marahil noong una sumagi sa aking isip na sumali, sa loob-loob ko, naisip ko, "Mananalo ako. Walang duda." Pero nang pinagpuyatan ko, gabi-gabi, nang dalawang linggo, isang bagay ang naging malinaw: kulang pa. Sa higit labing-apat na kuwentong nasulat ko sa tanang buhay ko, hindi kasama ang pinakauna kong kuwento, pito lang ang isinama ko sa portfolio. Ngunit sa kabila noon, dalawa lang sa pitong kuwentong iyon ang masasabi kong, personal lang, na "maganda." Umaasa akong mananalo pero pagkatapos titigan ng oras-oras ang kasaysayan ng aking pagsusulat, hindi ako kampante. Malayo pa, kulang pa.
Arete
Nagbasa ako para sa LitNight ng Arete noong Miyerkules. Masaya. Hindi yung pagbabasa. Ang nagpawis ako nang todo gawa ng spotlight. Nautal pa ako nang kaunti. Masaya yung pakikinig sa mga batikang manunulat. Kagaya nina Sir Egay, Naya Valdelleon, Larry Ypil, atbp. Nakakaingit nga't ang gagaling ng mga tula. Gusto ko rin sanang makasulat ng mga ganoong tula, pero hindi ako makata.
Nanood rin ako ng Arabesque noong Huwebes. Masaya rin. Nakakatuwa ang stand-up comedy. At yung mga host, Jake pa rin si Jake.
Hanggang idto na lang. Babasahin ko na nang buo ang mga babasahin para sa Ph 104 at Th 151 para magkaoras para sa pagbabasa ng mga babasahin sa Fil 101 sa darating na mga buwan. Magsusulat pa nga pala ako. Kay sarap buhay. Di ba?
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento