Magsisimula ako noong nakaraang Huwebes kung saan ako'y naging official photographer ng aking kapatid. Bakit? Kasali kasi si Marol sa "Ms. High School" ng Canossa. Iba na talaga ang nanggaling sa lahi ng mga magaganda't pogi. (Riiiight) Nangawet ang balikat ko kakakuha ng video. Kamuntikan pa akong maubusan ng tape. Nakakatuwang makitang umaaktong dalaga ang kapatid ko pero bata pa rin ang tingin ko sa kanya. Hindi pa naman siya ganoon katanda, first year pa lang naman siya. Nakakatuwa ring makita siyang manalo ng 3rd runner-up. Magpapaskil ako ng picture sa susunod. Hindi ko pa napapa-scan.
Sa gym ng Canossa ginanap ang pageant. At, hindi ko ba alam, ayokong bumalik doon sa dating paaralan ko. Ewan ko ba. May nararamdaman akong kaunting yabang mula sa mga tao doon. O baka ako lang ang mayabang? Nakakaasar at palaging ipinagmamayabang si CJ Muere. Kung siya ang pride ng Canossa, sino ang kanilang shame? Hay, gawa siguro ng mga madre. Ganyan lang talaga siguro.
Kinabukasan naman, sinundo namin mula sa airport si Dad. Galing siyang Amerika para magbakasyon. Ilang linggo siyang nakituloy kina Ate Rowena sa New Jersey. Pasalubong niya sa akin, the usual, sapatos, damit, isang MP3 player, (binili ba naman ang mga kapatid ko ng dalawang iPod shuffle at iPod Nano . at ako? putsa, RCA.), at ang pinabibili kong kopya ng GTA: San Andreas. Ok din. Astig. Nagtotopak nga lang ang mga controller ko.
Matagal kaming naghintay sa airport kahit na sakto ang dating namin. May inatake daw sa flight ni Dad, inatake sa puso. Baka kinabahan o kung ano. Excited siguro. May bago nga palang aso sina Ate Rowena. Parang anak kung tratuhin. "Pinsan" ko daw. Walang hiya.
Noong Sabado, nagkita-kita kami nina Elmer, Paolo, Gino, at Danny para maglaro ng PC. Saya. Balik ulit ang tropa. Naglaro kami ng DotA. Adik ata yung tatlo nina Elmer, Gino, at Danny. Matagal din bago kami nakahanap ng lugar na paglalaruan. Karamihan ng mga PC house sa San Pablo, walang Warcraft. Ginala namin ang buong San Pablo. Hindi naman. Pero malayo-layo rin ang nilakad namin bago makahanap ng isang lugar. Matagal din kaming naglaro. Sa sobrang tagal, ginutom si Paolo. Kaya lumabas muna siya para kumain.
Pagkatapos noon, kumain kaming lahat sa Prosperity, malamit sa palengke. Tinamaan ako doon ng antok. Napuyat kasi ako. Nakakatuwang palaging papalit-palit ang aming usapan sa pagitan ng DotA at ang socio-economic situation ng San Pablo. Mga taga-UP talaga. Nakakatuwa na, pagminsan, nalilimutan naming maypake pala kami. Mga pag-uusap tungkol sa SM San Pablo (na hindi mangyari-yari) at ang ikagiginhawa ng bayan dahil sa isang pinaplanong call center.
Linggo, wedding anniversary at kaarawan ni Marol. Oo, sabay sa iisang araw. Pumunta kaming Duty Free para mamili. Pagkatapos noon, pumunta kami ng Dampa sa Paranaque. Doon kami naghapunan. Ayos din. Masarap ang luto. Ang dami nga lang Koreanong naroon sa kinainan namin. Mga turista. Nakakatuwa.
Kahapon, noong Undas, pumunta kami ng sementeryo. Yun. Binisita sina Lolo't Lola. Wala namang espesyal na nangyari. Ang ingay nga lamang ng mga kapatid ko. Parang mga maton na bakla na jologs na conyo na nakatambay sa kanto na lasing. Basta. Yun na iyon.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento