Natapos na kanina ang pasalitang eksamen ko para teolohiya at doon din natapos ang aking unang semestre. Ang bilis talaga ng paglipas ng panahon. Pero nagpapasalamat ako't marami akong nagawa at natutuhan ngayong semestreng ito. Ngunit marami pa ring kailangang gawin at kailangang matutuhan.
Ayoko nang pag-usapan ang nangyari sa akin sa mga nakalipas na araw. Isa itong malaking 'Ok lang.' Ewan ko ba. Masyado ko sigurong inaasam ang darating na bakasyon. Gusto kong magpahinga. Gusto kong magbasa. Gusto kong magsulat. Gusto kong maglaro ng videogame. Palaging naaabala ang unang tatlo habang talagang hindi ko ginawa ang huli. Hindi ko pa natatapos basahin ang mga nobelang 'Catch 22' at 'Makinilyang Altar' dahil sa mga iba pang mga babasahin para sa mga klase. Nakakapagsulat naman ako pero pakiramdam ko palagi silang pilit, parang palagi akong hinahabol ng oras.
Kaya bukas, uuwi na ako sa San Pablo para sa sembreak. Hay, isang buwan na ring hindi nakakauwi. Nakaka-miss ang mga kapatid ko, ang mga magulang ko. Nakaka-asam na matulog muli sa kuwarto ko sa ika-apat na palapag (mas malaki kasi ang kama ko doon kaysa dito sa condo). Gusto kong lakarin ang mga daan ng San Pablo, bisitahin muli ang Lawa ng Sampalok.
Pero sa ngayon, mag-iimis muna ako ng mga gamit ko. Marami akong mga 'basura' (mga readings at kung ano-ano pang hindi ko na kakailangan ngunit nakakapanghinayang naman kung itatapon) na dadalhin sa bahay.
Sana'y maging masaya ang aking sembreak at sa inyo rin.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento