Miyerkules, Disyembre 30, 2009

Mini-rebyu: Parang

Pinagmumunihan ng kalipunang "Parang" ni Mesandel Arguelles ang hangganan at kawalang-hanggan. Pinaglalaruan ng kalipunan ang salitang "parang" na maaaring tinutukoy ang isang malawak na lupain o kaya'y ang "parang" bilang pagtutulad sa isang bagay ngunit hindi tulad na tulad ng isang bagay, isang paghahambing na alangan. Sa unang pakahulugan ng "parang," umuulit ang imaheng ito sa kabuuan ng kalipunan, isang lupaing tila walang hanggan at tanging ang langit lamang ang sumasaklob. Sa mga sandaling ito sa kalipunan, maigting ang karanasan ng kaliitan ng sarili na humaharap sa kawalang-hanggan ng parang. Sa ikalawang pakahulugan naman ng salitang "parang," makikita't mararanasan ito sa paglalaro't pagsasaayos ng mg salita't taludtod ng mga tula. Walang mga kudlit at tuldok ang buong kalipunan kaya't tumatawid ang kahulugan mula sa pagitan ng mga salita, kataga't taludtod. Tila nababanaagan ang isang kahulugan o kataga ngunit hindi eksakto dahil sa pagpasok ng susunod na mga salita't taludtod. Palaging inilalagay sa isang kakaibang kalagayan ng mga tula ang mambabasa. Nang binabasa ko ito, tila naliligaw ako sa malabnaw na daloy ng mga kahulugan. Ngunit iyon naman talaga ang karanasan ng isang taong humaharap sa isang misteryo. At sa mga huling tula ng kalipunan, kinakaharap naman ang misteryo ng kamatayan.

Biyernes, Disyembre 18, 2009

Encyclopedia

Hindi nobela o maging mga librong pampanitikan ang una o pangunahin kong binasa noong bata ako. Kung sa oras na ginugol ang tatanungin, ang encyclopedia ang madalas kong binasa noong bata ako. Naaalala ko ang araw nang bilhin ni Dad ang isang buong set ng Grolier World Encyclopedia. Umuwi siyang may dala-dalang isang malaking kahong puno ng mga mga malalaki't mabibigat na mga aklat na matigas at kulay bughaw na pabalat. Kinailangan pang magpagawa ng isang bagong kabinet para sa mabibigat na tomo ng encyclopedia. Madalas ko iyong basahin kapag brown out o kaya may bagyo't walang kuryente. O madalas kapag wala lang talagang mapanood sa TV. At ang pinakapaborito kong tomo ang tomong naglalaman ng mga entry tungkol sa World War I at World War II. Basta naging interesado lang talaga ako sa World War. Syempre, hindi ko naman talaga binasa ang encyclopedia mula sa A hanggang Z. May mga piling artikulo lang talaga ang tinitigilan ko't binabasa. At depende lang talaga kung ano'ng makita ko at matripan. Madalas, kukuha lang ako ng isang random na tomo at magbabasa. Minsa'y ginagawa ko itong laro at magtatalon-talon ako sa mga tomo at hanapin ang mga artikulong nakapaloob sa isang tema.

At ito ang anyo ng encyclopedia, na bagaman nakaayos nang alpabetiko mula A hanggang Z, hindi naman talaga ito binabasa batay sa pagkakalatag at pagkakasunod-sunod ng mga artikulo. Isang bukas na akda ang isang encyclopedia, maaaring pasukin sa isa bahagi at matapos sa isa pa. Nagagawa ito ng encyclopedia dahil hindi natin hinahanapan ng isang malawakang naratibo ang nilalaman ng encyclopedia. Hindi lubhang natataranta ang batang isip ko noon na may kulang sa aking binasa. Hindi binabasa ang isang encyclopedia upang mabasa ang kabuuan nito kundi mabasa ang isang bahaging sa tingin mo'y mahalaga para sa iyo. Maaaring umiral nang mag-isa ang bawat artikulo ng isang encyclopedia. Kung may dagdag na impormasyon, may mga arikulong suhestiyon sa dulo ng mga artikulo. O kung may mga tao, lugar, bagay, pangyayari atbp. ang binabanggit sa isang artikulo, maaari iyong hanapin sa encyclopedia at basahin sa ibang pagkakataon. Gayundin, magkakasama sa loob ng encyclopedia ang iba't ibang larangan ng kaalaman, mula agham, matematika, kasaysayan, sining atbp. Walang nakatataas na larangan sa loob ng encyclopedia.

Kung tutuusin, isang kabalintunaan ang isang encyclopedia. Nagbibigay ito ng ilusyong nasa loob ng mga pahina nito ang kabuuang kaalaman ng sangkatauhan ngunit hindi naman talaga. Kung hahanapin ang mga partikular na artikulo tungkol sa mga tao sa kasaysayan ng Pilipinas, halimbawa, kulang na kulang ang Grolier World Encyclopedia namin sa bahay. At maging ang malawakang ginagamit na encyclopedia sa Internet, ang Wikipedia, ay kulang at maraming bunging pahina. Maraming mga pulang hyperlink ang ilang mga ilang mga artikulo na nangangahulugang wala pang impormasyong nakasulat tungkol sa paksang iyon. Kaya't isang ilusyon na pantay-pantay ang lahat ng bagay loob ng sistema ng encyclopedia. Kung wala ka sa loob nito, ibig sabihin lamang nito na hindi ka mahalaga o hindi ka pa mahalaga. Gayundin, masusukat din ang halaga ng isang paksa sa haba ng artikulo at detalyeng nakapaloob dito. At dito lumalabas ang politika ng isang encyclopedia, sa pamantayang ng isang partikular na grupo nakabatay ang pagpili ng mga paksang nakapaloob sa encyclopedia. Sa pamatayan ng editor at mga manunulat ang pagpili ng mga paksang isasama sa encyclopedia. Ngunit walang hanggan ang kaalaman at magiging walang hanggan ang trabaho ng isang editor at manunulat ng isang encyclopedia (kaya't idealistiko ang isang proyektong tulad ng Wikipedia) kaya't para maglabas ng isang edisyon, kailangang pumili lamang ang mga editor at manunulat ng mga partikular na paksa na sa tingin nila'y mahalaga. Gayundin, napapagaan ang trabaho sa paggawa ng isang encyclopedia dahil nariyan na ang mga naunang edisyon ng para dagdagan at repasuhin. Ngunit iyon lamang ang kayang gawin ng isang editor at manunulat ng encyclopedia, ang magsimula o kaya't magdagdag at magrepaso, hinding-hindi niya kayang buuin nang may katapusan ang encyclopedia dahil pala-palaging kulang ang ito. Hindi niya kayang sabihing "Tapos na" dahil walang katapusan ang kaalaman.

Ngunit nakakatakas ang encyclopedia sa kabalintunaang ito dahil sa kapangyarihan ng pagbubuod. Ibinubuod sa isang artikulo't sanaysay ang mga paksang pinag-ukulan ng mga libro ng mga eksperto. Sapat na ang buod upang ibahagi ang mga "mahahalagang" detalye nang walang nawawala sa pagiging "mahalaga" ng paksa. Hindi mo naman kailangang malaman ang paboritong pagkain ni Cleopatra o Andres Bonifacio pero mahalagang malaman na namatay sila sa mga panahon ng malaking pagbabago mga lipuna't bayan. Tulad ng pagpili ng paksa, isang politikal na desisyon ang pagbubuod ng mga paksa, kung ano'ng isasama o iisantabi sa artikulo.

Mahalaga para sa akin ang encyclopedia dahil, sa paglipas ng mga taon at unti-unti kong binubuo ang aking personal na estetika, tila bumabalik ako sa karanasang ito ng pagbabasa ng encyclopedia. Sa aking tinatapos na thesis tungkol sa kasaysayan ng isang fictional na bansa, malinaw sa akin ang tensiyong ito ng nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ng aking mga kuwento. Na kahit sabihing may "katapusan" ang isang kuwento, nariyan ang katotohanang maraming mga bagay na hindi binaggit at hindi isinama sa loob ng naratibo. Kailangang tanggapin na maaaring isang pagbubuod ang bawat kuwento, ang bawat nobela at maging ang bawat tula sa harap ng kawalang hanggan ng kaalaman at karanasan. Ngunit tulad ng personal kong pinaniniwalaan tungkol sa karanasan ng panitikan (at maging ng sining), personal kong iniiwasan ang pagbubuod. At marahil nasa kalagayang iyon ng pagharap sa walang hanggan (Diyos?) nakikipagbuno ang isang manunulat sa paglikha ng kanyang mga akda. Na sa pagsusulat ng mga akda, partikular na ang mga kuwento, may pagsasaayos na ginagawa sa mga bagay-bagay na kung tutuusi'y mga bukas na mga paksa at may posibilidad ng kawalang-hanggan. At narito ba ang matatagpuan ang karanasan sa sining? Isa lamang ba itong personal na pagsasaayos? Hindi ko alam at marahil matatagalan pa ba ko malaman. Pero malay ako na ang bawat pagsusulat ay isang sandali ng pakikipagtunggalian sa alam natin at di natin alam, sa nasusukat at di nasusukat. Para sa akin, hindi na mahalaga kung palagi tayong nagsisimula o nagdaragdag lamang. Ang mahalaga, hindi natin nakakaligtaang abutin iyong walang hanggan, kung ano man iyon dahil sa pag-abot sa walang hanggan nasusukat ang kabuuan ng sangkatauhan.

Sabado, Disyembre 12, 2009

Promis, hindi na ako gagastos hangga't hindi ko natatapos ang aking thesis

Dahil sale sa mga press ngayon, nakabili ako ng maraming libro. Masyadong marami nga ata. At dahil may thesis ako, ewan ko lang kung mababasa ko nga ang mga iyon agad. Hay, tambak na naman.

Anyway, heto ang bili ko sa Ateneo, UP (kahapon bago mag-UP Writers' Night) at Anvil (kanina at natutuwang alam na ang daan papuntang Anvil nang nagko-commute lamang) nitong mga nakalipas na mga araw. Pinakapanalo ang Anvil sale dahil nakabili ako ng 26 na libro sa halagang 570.

Anvil Sale

Congressman Kalog - Larry Alcala
The Calling - Tony Perez
An Author's Notebook - Tony Perez
Mga Panibagong Kulam sa Pag-ibig - Tony Perez
Mga Panibagong Kulam - Tony Perez
Mga Panibagong Tawas - Tony Perez
Stories of the Moon - Tony Perez
Witch's Dance - Marra PL. Lanot
Black Silk Pajamas - Danton Remoto
Pulotgata - Danton Remoto
Sari-sari - Rio Alma
Sentimental - Rio Alma
Estremellenggoles - Rio Alma
Beyond Life Senteces - Eileen Tabios
Mga Tula sa Pag-ibig - Teo T. Antonio
Reading Korea
Sarilaysay
Ladlad 1 & 2
Conversion and Other Fictions - Charlson Ong
Love, Sex and the Filipino Communist - Patricio Abinales
Herstory - Rosario Cruz Lucero
Daisy Nueve - Menchu Aquino Sarmineto
Porn Again - Jose Javier Reyes
Latitude: Writing from the Philippines and Scotland
Apat na Screenplay

Ateneo

Pahiwatig - Melba Maggay
Theater in Society, Society in Theater - Resil Mojares

UP

A History of the Philippines - Samuel K. Tan
On Cursed Ground and Other Stories - Vicente Garcia Groyon III
Pook at Paninindigan - Ramon Guillermo
Alternative Histories - Ruth Pison

Hay, balik na pagsulat at pagbabasa.

Martes, Disyembre 08, 2009

High Chair 12 Call For Contributions

High Chair 12 is a special issue devoted to the Maguindanao Massacre.

We are inviting poets and artists everywhere to submit responses to the following questions:

1. What did you feel upon hearing about the Maguindanao Massacre?
2. How could poetry be written/art be made so that it has value to the event?

We are in search of poems (whether old or new, unpublished or previously published) that offer ways of thinking about terror, horror, and other pertinent ideas/terms.

We are in search of essays and reviews that examine the role and state of Philippine poetry and art in the context of the Maguindanao Massacre.

We recognize the need to confront the Maguindanao Massacre immediately and to ensure, through an ongoing discussion, that it maintains its status as a current event. Thus, High Chair 12 will take on the format of a work in progress, with content uploaded by installment from mid-December to mid-February.

The deadlines for submission for possible inclusion in the four installments of High Chair 12 are: December 10, 2009, December 26, 2009, January 15, 2010, and January 30, 2010.

We welcome submissions in Filipino and English. Please visit our site to get a more comprehensive idea as regards the work we do and the poetry and essays we publish. Please send no more than five pages of poetry. There is no page limit for essay contributions.

Please email your submissions or enquiries to highchair@gmail.com (subject heading: High Chair Issue 12). Feel free to circulate this call for submissions to other interested parties. Thank you.

Conchitina Cruz and Adam David (Issue Editors)

Mga Tanong at Mga Tanung-tanungan

1. Mga Tanong, Retorikal at Totoo

Rebelyon nga ba talaga ang nangyayari sa Maguindanao? Kapag hindi na kakampi ang isang "warlord" kuno, rebelde na siya? Sino ba ang nag-armas sa kanila? Nasaan ang mga "private armies" na iyan? Bakit wala pang malawakang labanan? Bakit hindi na lang state of emergency? Dahil ba Mindanao/Maguindanao kaya okey lang na Martial Law doon? Bakit ba tabingi ang logic ninyo?

2. PEN Conference

Pumunta ako sa Philippine PEN Conference noong Sabado sa CCP. Wala lang. Nag-feeling writer. May ilan din naman kasing kakilala na pumunta doon, bilang audience o panel kaya pumunta ako. Nakinig lang ako. Kahit na tempting na magsalita sa Q&A portion, pinigil ko ang sarili ko. Ayokong magmukhang knowitall. Kapag nagtanong na lang sa akin. "New Writing in the Philippines" ang paksa ng conference. Interesante ang mga binasang maiikling papel ng mga panelist pero masyado lang talagang maikli ang panahon na inilaan para sa kanila. Narito ang link ng ilan sa mga papel na binasa doon: "CNF at ang AKA-Fan Attitude" ni Vlad Gonzales at "Ang Panitikan Mula sa Peninsulang Bikol at ang mga Peninsula ng aking Panulat" ni Kristian Cordero. Orihinal paksa sana ng conference, ayon nga kay Jun Cruz Reyes, ang "Young Writing" at syempre nagtampo naman ang mga uhm higit na mature na miyembro ng PEN Board. Na ageist daw ang paksa. Pero interesante pa rin iyon at mayroon higit na fokus ang paksa. Maganda nga sana na higit na maraming mga batang manunulat ang kanilang inimbita upang magsalita at naging tagasagot/reactor na lamang ang mga higit "established" na mga manunulat sa mga punto ng mga batang manunulat. Sa gayon, mayroon malinaw na dialogo sa pagitan ng mga nakababata at nakatatandang henerasyon. Pero kung ano man, enjoy ap rin ang PEN Conference. Kalimitan, sa ganitong mga event, bagot na bagot na ako sa dulo, pagod na pagod at inaantok. Pero hindi iyon nangyari at imbes e nabuhayan ako kaya kahit na ginabi kami nina Kristian, Jason at ang kaibigan niyang si Nick sa Mogwai, nakapagsulat pa rin ako ng pagkauwi ko nang mga ala-11 ng gabi. Mayroon din nga pala ngayong kumakalat na teksto sa Internet na nagpaparatang at inaaway ang mga inlatag ni Kristian na ideya tungkol sa ugnayan ng rehiyon/sentro. Masyado kasing maikli ang panahon kaya hindi nabasa ni Kristian ang buo niyang papel at hindi naipaliwanag nang mabuti ang kanyang mga ideya. Sana maliwanagan tayong lahat at umalagwa sa nakasayan nang mga pananaw sa mundo. Dahil iyon naman ang hamon sa mga batang manunulat di ba? Ang wasakin ang mga hangganan--ang mga dingding, kisame't bubungan--upang makapasok ang hangin at maliwanagan ang lahat.

Huwebes, Nobyembre 19, 2009

Pagtakas sa Isang Lumulubog na Bangka

Napanood ko kanina sa ANC ang konperensiya ng LAKAS-KAMPI-CMD. Punong-puno ang dating PICC. Engrande ang entablado--malalaki't maliliwanag na video screen ang telon na gumagalaw pa. Sa mga naroon, nagkalat ang mga lobo at plakard. Estilo talagang Democratic o Republican Convention sa Amerika. Pero isa lang itong walang katuturang pag-iingay at wala naman talagang kapangyarihan ang LAKAS-KAMPI-CMD pagdating sa pambansang antas. (Sa tingin ko mananatili pa ring makapangyarihan ang LAKAS-KAMPI sa lokal na antas maliban na lang kung maging matalino ang mga botante at tanggalin ang lahat ng mga bumoto para sa HR 1109.) Walang-wala halos si Gibo Teodoro. 4% pagdating sa SWS survey. 4%! May margin of error pa sila ng 2.5%. Parang hindi ka umiiral noon. Mas mataas pa ang ranggo ni Erap. At may masamang kasaysayan na si Erap noon. Kagaya nga ng sinabi ni MLQIII sa kolum niya, isa itong laban sa pagitan ni Manny Villar at Noynoy Aquino para sa pagkapangulo. Bukod pa diyan, marami ang nag-aaklasan mula sa LAKAS-KAMPI tungo sa ibang mga partido tulad ng Nacionalista at Liberal. Ewan ko ba pero pakiramdam ko, habang pinapanood ang konperensiya ng LAKAS-KAMPI-CMD, parang nag-aaksaya lang ako ng oras.

Lunes, Nobyembre 16, 2009

Mga Sandali ng Apokalipsis

1. Kawalan ng Langis

Tinanggal na ang price ceiling para sa mga produkto ngayong araw ngunit naging interesante ang pagbabanta ng mga korporasyon ng mga langis ng kakulangan sa langis dulot ng price ceiling na ipinataw ng pagkatapos ng Ondoy at Peping. May mga balita na may mga istasyon ng gasolina sa Metro Manila hanggang sa mga lalawigan ang nauubusan ng gasolina’t napipilitang magrasyon at magsarado. At naging tensiyunado ang buong bansa. Mahirap linawin kung gaano naging kalala ang problema (may tendensiya kasi na maging eksahirado ang balita sa TV).

Nakakatawa lang talaga ang lohika ng korporasyon ng “kita muna”. Naging dating talaga sa akin ay black mail ang nangyari. Kung hindi rin nga naman sila kikita e di huwag na lang. Hindi naman sa sinusuportahan ko ang price control at ang EO 839 pero naging malinaw lang kung kaninong kapakanan ba talaga ang binabantayan at sinusubaybayan ng mga korporasyon. (Hindi naman sa sobrang galing ng track record ng Administrasyong Arroyo sa kung ano-ano.) At interesante nga na ang BSP mismo’y nagsasabi na hindi pa naman kailangan ng price increase sa petrolyo. Ewan ko ba kung ginagago lang talaga nila tayo o krisis na nga ba talaga.

2. Lindol

Ako lang ba o parang ang dami ng mga lindol akong nakikita sa balita dito sa Pilipinas? Sa nakalipas na dalawang buwan, marami-raming magnitude 5 pataas na lindol ang naganap sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Pero kung titingnan nga ang website ng PHIVOLCS, parang normal lang naman talaga ang isang magnitude 5. Kaya baka epekto naman ng panonood ng TV ito. Pero pagkatapos ng mga lindol sa Indonesia, hindi rin naman kataka-taka na maging sensitibo sa mga balitang tulad nito.

3. 2012

Ewan ko kung bakit may mga kaso na naniniwala ang mga tao na matatapos ang mundo sa 2012 (Disyembre 21 to be exact) pagkatapos mapanood ang pelikulang “2012”. Napanood ko na ang pelikula at malinaw na kalokohan ang pseudo-science na nililikha ng pelikula bilang dahilan ng pagtatapos ng mundo. At, ano ba, ang pangit-pangit ng pelikula para paniwalaan.

Miyerkules, Nobyembre 11, 2009

ANI 35 Press Release

CCP launches 35th issue of Ani publication

11 November 2009, Pasay City – The Cultural Center of the Philippines (CCP) Literary Arts Division will launch Ani 35, The Pinoy as Asian issue, on November 26, 2009, 6:00 p.m., at the CCP Ramp with some of the featured authors reading from their works.

“Ani 35 is devoted to writings by Filipinos on their interaction with other Asian peoples and cultures. This may be interpreted as a response to the call of Dr. Bienvenido Lumbera, National Artist, on the need to reconnect with Southeast Asian literary tradition if we are to survive in this age of globalization,” Herminio S. Beltran, Jr., Literary Arts Division chief and editor of the publication, wrote in the Introduction. “We hope this will inspire the birthing of mechanisms and eventually practices in the Philippine literary/publishing world that will start off a more dynamic interaction among Filipino writers and their counterparts in the Asian continent,” Beltran continued.

Ani 35 features 54 authors who contributed for three sections: poetry; prose (essay and fiction) based on the The Pinoy as Asian theme and; Malayang Haraya for poetry and prose contributions outside the theme.

The 54 authors included in Ani 35 are Mark Angeles, Lilia F. Antonio, G. Mae Aquino, Genevieve L. Asenjo, Abdon M. Balde, Jr., Janet Tauro Batuigas, Gil Beltran, Herminio S. Beltran, Jr., Kristoffer Berse, Jaime Jesus Borlagdan, Raymond Calbay, Catherine Candano, Nonon V. Carandang, Christoffer Mitch Cerda, Joey Stephanie Chua, Kristian S. Cordero, Genaro R. Gojo Cruz, Carlomar Arcangel Daoana, Arvin Tiong Ello, Dennis Espada, Rogerick Fontanilla Fernandez, Reparado Galos III, Dr. Luis Gatmaitan, Joscephine Gomez, Malou Jacob, Ferdinand Pisigan Jarin, Karla Javier, Phillip Kimpo, Jr., Ed Nelson R. Labao, Gexter Ocampo Lacambra, Erwin C. Lareza, Jeffrey A. Lubang, Glenn Sevilla Mas, Perry C. Mangilaya, Noahlyn Maranan, Francisco Arias Monteseña, Ruth V. Mostrales, Victor Emmanuel Nadera, Jose Velando Ogatis-I, Wilhelmina S. Orozco, H. Francisco V. Peñones, Jr., Scott Magkachi Sabóy, Judith Balares Salamat, Edgar Calabia Samar, Louie Jon A. Sanchez, Soliman Agulto Santos, Dinah Roma-Sianturi, Rakki E. Sison-Buban, Jason Tabinas, Vincent Lester G. Tan, Dolores R. Taylan, Rosario Torres-Yu, Betty Uy-Regala, and Camilo M. Villanueva, Jr.

For issues of Ani, please contact the CCP Marketing Department at 551-7930 or 832-11-25 locals 1800 to 1808. For authors who want to contribute for the next issue of Ani, please contact the CCP Literary Arts Division at 832-11-25 locals 1706 and 1707, or email aniyearbook@yahoo.com.

Miyerkules, Oktubre 28, 2009

Rebyu Edition: Sembreak (Ingat: May Spoilers)

1. Virgintarian at Iba Pang Kuwento

Tinitipon sa aklat na ito ang mga kuwento ni Mayette Bayuga. Sa introduksiyon ng aklat, ginugrupo ni Rosario Cruz Lucero sa tatlong hanay. Una, mga kuwentong inisasyon o coming-of-age. Pangalawa, mga kuwentong may maigting na paglalahad ng sexual politics lalo ng feminismo. Pangatlo, mga kuwento ng pagiging "iba" ng babae, wika nga ni Lucero. Interesante ang mga kuwentong nasa unang hanay dahil sa sensitibidad at pinong paghawak ni Bayuga ng kanyang materyal. Bagaman hindi na bago ang mga ganoong uri ng kuwento, sa kamay ni Bayuga, umaangat sa ibang antas ang mga kuwento. Halimbawa na lang ang "Unang Baytang." Bagaman walang banghay at tungkol lamang sa unang araw sa eskwela ni Sarah. Ngunit puno ng tensiyon ang kanyang unang araw dahil ipinamamalas ang kawalang-inosente ng mga bata. Na sa mga murang edad, puno na sila ng mga prehuwisyo. Nakakaasiwa naman ang mga kuwento sa pangalawang hanay at sa tingin ko, iyon naman talaga ang gustong gawin ni Bayuga. Napakatindi ng kuwento sa paglalarawan ng pagkaapi ng kababaihan sa mga relasyon sa mga lalaki. May tendensiyang maging istereotipikal ang paglalarawan ng mga lalaki sa hanay ng mga kuwentong ito ngunit nauunawaan ko naman iyon dahil nga dinadala sa sukdulan ng mga kuwento ang pang-aapi sa mga babae. Na ang mga lalaki'y mga representasyon ng patriarkiya at hindi lamang mga a**hole na nang-aapi ng kanilang mga asawa/kinakasama. Kaya nga kapag itinuturo ko ang "Ang Baliw," palagi kong sinasabi sa mga lalaki kong estudyante na hindi nila kailangang maging masyadong mailang o malungkot kasi ganoon lang talaga. Sa huling hanay ng mga kuwento lumalabas ang eksperimentasyong ambag ni Bayuga sa pagkukuwento. Karamihan sa mga kuwentong nasa hanay na ito'y patungkol sa natatangi ngunit marginal na kalagayan ng mga babae partikular ang babae bilang babaylan. Lahat ng mga kuwento sa kalipunan ay may dating at salimuot na maaaring pag-isipan.

2. Shame

Tungkol at di-tungkol sa Pakistan ang nobelang ito. Malinaw itong sinabi ng tagapagsalaysay sa loob ng nobela. Puno ng mga tauhang batay sa mga tunay na tao habang naghahalo sa mga kathang nilalang. Bagaman may pangunahing tauhan, si Omar Khayyam Shakil, na itinatanghal ang tagapagsalaysay, hindi naman talaga siya ang pangunahing paksa at pakay ng nobela. Sa pamagat pa lang, itinatanghal na ang pangunahing tema ng nobela: shame o hiya. Nagsisimula ang nobela sa kawalanghiya at nagtatapos sa panunubos ng kawalanghiyaang namamayani sa kabuuan ng nobela. At pangunahin nang pinagkakaabalahan ng mga tauhan ang hiya o kawalan ng hiyang kanilang nararamdaman. Para kay Omar Khayyam, ang kawalanghiyaang nararamdaman niya sa kanyang pinagmulan at sa kawalanghiyaang damdamin ng kanyang mga ina. Para kay Raza Hyder, ang nanggagaling ang hiya sa kanyang kakulangan bilang sundalo at bilang lalaki. Para kay Bilquis, asawa ni Raza, resulta ang kanyang hiya ng terorismong kanyang naranasan noong dalaga siya't iniligtas siya ni Raza. At ang lahat ng kawalanghiya at hiyang nararanasan nila'y ipinamamalas nang literal ni Sufiya Zinobia, anak nina Raza't Bilquis. At ito nga ang pangunahing nagpapatakbo hindi lamang sa buhay nila kundi sa buong bansang maaaring hindi Pakistan. At matatapos ang lahat sa literal na pagkasawi ng mga tauhan dahil sa kanilang hiya't kawalanghiya.

Sabado, Oktubre 10, 2009

Rebyu Edition: Pelikula (May Spoilers)

1. In My Life

Pinanood ko ito kasama ang pamilya tatlong linggo na ang nakakaraan. May mga sandaling nakakaaliw ang pelikula pero all in all, pangit ito. Isang nakakainis na tauhan ang ginagampanan ni Vilma Santos, isang talakerang maraming isyu sa buhay, mula sa pagtanda, pagkakawatak-watak ng kanyang pamilya at sa pagiging bading ng kanyang kaisa-isang lalaking anak. At dahil napakadaming isyu ang tinatangkang harapin ng pelikula tungkol sa pangunahin nitong tauhan, nagiging sabog tuloy ang kabuuang daloy ng lahat. At parang napakadaling resolbahin ang bawat problema at isyu nang ganun na lang. Interesante ang isyu ng migrasyon at gay relationships pero hindi lubusang natatalakay nang maayos ng pelikula dahil nga nasasapawan ng tauhan ni Vilma Santos ang mga isyu na ito. Kaya pagkatapos manood e napagod din lang ako imbes na gumaan ang pakiramdam dahil sa catharsis.

2. Blow Up

Dinerehe ni Michelangelo Antonioni at batay sa isang maikling kuwento ni Julio Cortazar, umiikot ang pelikula sa isang photographer na nagngangalang Thomas, na ginampan ni David Hemmings. Malaking bahagi ng mga unang kalahating oras ng pelikula ay walang banghay o plot. Sinusubaybayan lamang ang mga gawain ni Thomas bilang isang photographer. Kung saan-saan siya pumunta at maliban sa kanyang trabaho bilang isang photographer, tila walang direksiyon ang kanyang buhay. Ginagawa lang niya ang gusto niyang gawin sa sandaling iyon at kapag may nakita siyang interesante, kinukunan niya ng litrato. Ang pinakamahalagang sandali sa pelikula ang pagkuha ni Thomas ng mga litrato ng dalawang mangingibig sa isang park. Kakaiba ang reaksiyon ng babae, na ginampan ni Vanessa Redgrave, sa kanyang pagkuha ng litrato. Sinundan siya ng babae sa kanyang apartment at tinangkang kunin mula sa kanya ang mga negatibo ng kanyang litrato. Sa pag-develop niya sa mga litrato, doon niya natagpuan na posibleng naging saksi siya sa isang krimen at ang kanyang mga nakuhang litrato ang tanging ebidensiya sa nangyaring krimen.

Decadent ngunit nabubulok ang kabuuang kaligiran na ginagalawan ni Thomas. Isang 60's London na tila catatonic at manhid sa maraming mga bagay. May isang eksena sa pelikula sa isang club at umaawit ang isang rock band ngunit walang ekspresyon ang mukha ng mga tagapakinig. Interesado si Thomas sa mundong ito at siya na nga ang isa sa mga pinakabuhay sa London. Ngunit interesado sa mundo bilang isang photographer at hindi bilang isang tao. Interesado siya sa mundo bilang sining. Kaya't nang mamalayan niya ang krimen na nangyari, hinanap niya ang katotohanan. Bilang photographer, mga representasyon at imahen ang kanyang pangunahing katuwang. At kung tutuusi'y gamit ng kamera lamang niya natantong may krimen palang nangyari sa park. Isa itong kabalintunaan dahil matalas ang kanyang mata bilang photographer. Gayudin, nang mawala ang mga negatibo niya dahil nilooban ang kanyang bahay, nawala na rin ang ebidensiya. At bagaman nakita niya ang bangkay, nawala rin ito at sino ang makapagsasabi na nangyari nga ang krimen kung wala na ang ebidensiya? At dahil hindi naman talaga niya nakita nang tuwiran ang krimen, dahil sa mga larawan lamang niya iyon nahinuha, kaduda-duda rin ang kanyang magiging testimonya. At sa mundo ng puno ng pagwawalang-bahala, bakit pa nga ba niya kailangang mabahala?

3. Infernal Affairs

Umiikot sa isang mole ng triad na nasa loob ng Hong Kong Police at ng isang undercover na pulis na nasa loob ng triad, puno ng paliko-liko ang pelikula dahil sa bawat sandali'y may bagong development. Nang hindi naging matagumpay ang isang sting operation ng pulisya laban sa triad, naging malinaw na may mga traydor sa loob bawat organisasyon. Puno ng pagpapanggap ang bawat tauhan at tila nagkakahalo na nga ang mga identidad. At iyon ang interesante para sa pelikulang ito, na hindi lamang ito labanan sa pagitan ng mabuti at ng masama. Paano nga ba huhusgahan ang kabutihan ng isang tao? Buong buhay ba niya bilang krimenal ang pagbabatayan o ang isang sandali ng pagwawasto? Lubhang etikal ang pelikula at hindi basta-bastang moralistiko.