Lungkot ang naramdaman ko pagkatapos basahin ang maikling nobelang ito ni Eduard Morike. Isinulat nang malaon nang patay si Mozart at matatag na ang kanyang reputasyon bilang dakilang kompositor, muling isinasalaysay ni Morike ang tila munting anekdota ng paglalakbay ni Mozart patungong Prague para sa unang pagtatanghal ng Don Giovanni. Inilalahad ng akda, sa loob ng 90 pahina at sa banghay (sjuzet) na tumatagal lamang ng dalawang araw, ang buhay at paghihirap ni Mozart.
Isang madamdaming henyo ang pagkakalarawan kay Mozart. Madali siyang madala ng kanyang damdamin at pabugso-bugso kung magdesisyon. Dahil mapagbigay sa mga kaibigan, madalas siyang pagsamantalahan ng kanyang mga “kaibigan” sa pangungutang. Sa paglikha, madalas niyang napapabayaan ang kanyang pamilya at maging ang kanyang sarili, ang imahen ng tempremental artist. Hindi kumakain at hindi madaling makausap kapag lumilikha. Pero madalas ay isa siyang masayahing tao.
Sa kabuuan ng nobela, bagaman makikisalamuha ang mag-asawang Mozart sa sirkulo ng mga maharlika ng Europa, nabubuhay sila sa panganib ng kawalan ng pera at ang pangunahing namomroblema dito ay si Gng. Mozart. Siya ang nagsisilbing rasyonal na pundasyon sa loob ng kanilang relasyon. Siya ang namamahala sa kanilang pinansiyal na kalagayan. Siya rin ang nangangarap sa isang panatag na kabuhayan. Sa paglalakbay na ito papuntang Prague, ito ang kanyang pinapangarap. Bagaman may reputasyon na si Mozart, hindi siya kumikita nang tuloy-tuloy. Sa pagtatanghal ng Don Giovanni, inaasahan ni Gng. Mozart na makapagdudulot ito ng pinansiyal na kapanatagan. Mga alok ng pagtuturo. Mga alok ng pagtatanghal ng Don Giovanni at ng iba pa niyang dula na magdudulot ng dagdag na kita.
At sa kabuuan ng akda, ito ang lumalabas na tensiyon: ang henyong tiwalag sa mundo at isang alipin sa Musa o Paraluman na nabubuhay sa mundo ng praktikalidad at salapi. Tinitingnan si Mozart bilang isang puwersang hindi mapigilan. At sa dulo ng akda, nang pinagmumunihan ng bagong kasal na dalaga ang pambihirang gabing iyon na bumisita si Mozart sa kanilang palasyo at nagtanghal ng ilang sipi sa di pa tapos na opera ni Mozart, nauunawaan ng niya na ang tulad ni Mozart ay hindi bagay sa mundong ito. Maitatanghal niya ang kanyang henyo subalit kapalit nito’y mauupos ang kanyang pisikal na katawan. Pero hindi na mahalaga iyon. Ang mananatili’y ang kanyang sining at doon siya magiging imortal.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento