Lunes, Mayo 10, 2010

Rebyu: Cosmicomics (Mag-ingat sa Spoilers)


Ngayong buwan ay Short Story Month ayon sa Emerging Writers Network. At bilang pakikibahagi ko sa pagdiriwang na ito, magbibigay ako ng rebyu ng dalawang kalipunan ng maikling kuwento: Cosmicomics ni Italo Calvino at Collected Fictions ni Jorge Luis Borges. Noon nakalipas na mga buwan ko natapos ang pagbabasa ng mga librong ito pero dalawang dahilan lang naman talaga kung bakit ngayon ko lang ginagawa itong rebyu na ito: thesis at katamaran. Pasisimulan ko rin ang serye ng mga sanaysay tungkol sa mga paborito kong mga maiikling kuwento. Hindi ko matatapos ang serye na sa buwan na Mayo pero mainam na simulan na bilang balanse sa mga rebyu na ginagawa ko sa mga nobelang binabasa ko.

Sa ngayon sisimulan ko muna sa Cosmicomics ni Italo Calvino. Binubuo ng labindalawang kuwento ang kalipunang ito at pinag-uugnay ng iisang tagapagsalaysay, si Qfwfq, isang nilalang o kamalayan na dinanas ang simula ng uniberso at nabuhay hanggang sa kasalukuyang panahon. Lahat ng mga kuwento’y nagsisimula sa isang scientific theory o fact na nagiging premise para simula ni Qfwfq ang kanyang mga kuwento. Bagaman nakaugat sa agham ang premise ng mga kuwento, may oral na katangian ang mga kuwento sa Cosmicomics. Interesante ang mga premise ng mga kuwento subalit ang boses ni Qfwfq, ang kanyang pagsasalaysay ng mga nakaraang karanasan at ang mga damdaming nakaugnay sa mga karanasang ito, ang nagdadala sa lahat ng mga kuwento. Mapapansing halos lahat ng mga kuwento ay mga kuwento ng pag-ibig. Tanging ang “A Sign in Space,” “Games Without End,” “How Much Shall We Bet?” at “The Light-years” lamang ang mga kuwento na hindi kuwento ng pag-ibig. Sa mga kuwento na ito ng pag-ibig, nagtatapos ang lahat sa pagkasawi. Maaaring maiugat ito sa mismong premise ng mga kuwento. Lahat ng mga kuwento’y nakaugat sa isang sinasabing pinagdaanang pagbabago na nangyari sa mundo at maging sa uniberso. Halimbawa’y sa kuwentong “The Distance to the Moon,” nasanay ang mga tauhan na malapit lamang ang buwan sa Earth na kayang tumalon mula sa mga bangka sa gitna ng dagat ang mga tao tungo sa buwan. Napaibig si Qfwfq kay Mrs. Vhd Vhd at nang biglang magsimulang lumayo ang buwan sa Earth. Sa pagkakataong iyon, tinangka ni Qfwfq na makasama nang matagal si Mrs. Vhd Vhd subalit malinaw na hindi siya iniibig nito at nakaranas si Qfwfq ng matinding lungkot at pangungulila nang bumalik na siya sa mundo at iwan sa si Mrs. Vhd Vhd sa buwan.

Sa kabilang dako naman, paglalaro sa lawak ng mga scientific at mathematical premise ang nabanggit ko nang mga kuwentong hindi kuwento ng pag-ibig. Halimbawa nito’y sa kuwentong “The Light-years.” Minamasid ng tagapagsalaysay ang langit gamit ang kanyang teleskopya at nakita niya sa isa sa mga bituin ang isang plaka na nagsasabing “I SAW YOU.” Nabagabag ang tagapagsalaysay at ayon sa batas ng limitasyon ng paglalakbay ng liwanag ayon na rin kay Einstein, nakalkula ng tagapagsalaysay ang haba ng taon paroon at pabalik (na umaabot ng 200 milyong liwanag-taon) at inisip niya ang kung ano ang ginawa niya noong sandaling iyon. Sa kahabaan ng pakikipag-usap niya sa unang nagpaskil ng plaka na iyon, nagsulputan ang ibang plaka mula sa ibang mga bituin at mga galaxy tungkol sa kanyang ginawa. At dahil sa kanyang pagiging self-conscious sa mga plakang ito, tinangka niyang itama ang unang pagkakakilala ng mga tao sa kanyang ginawa pero nahihirapan na siya dahil unti-unting lumalayo ang mga bituin at galaxy sa bilis ng liwanag at dumating ang pagkakataon na hindi na niya kayang makipag-usap sa taong iyong unang nagpaskil ng “I SAW YOU.” At habambuhay na niyang dadalhin ang panghihinayang at pagkahiya ng isang sandaling nagawa milyon-milyong taon na ang nakararaan.

Ulit, bagaman may katangian ng pantasya at agham ang mga kuwentong ito, nakaugat pa rin sa payak at madaling maunawaang mga damdamin ang mga kuwento. Hiya. Lungkot. Pag-ibig. Inggit. At iba pa. At ito ang kapangyarihan ng kabuuang koleksiyon, ang bigyan ng pagkatao ang mga konseptong hindi natin binibigyang halaga. Gamit ng mga kuwentong ito, iniaangat ni Calvino ang mga konseptong pang-agham sa wika at kabuluhang lampas sa siyentipiko nitong katangian tungo sa antas ng talinghaga na may ipinakikita sa ating pagkatao.

Walang komento: