Sabado, Agosto 30, 2008

22 (Mahaba-haba itong post )

Hindi ako nakapag-update nitong nakalipas na mga araw dahil ang daming ginawa para sa aming pagtatapos na mga gawain para sa Buwan ng Wika at Kultura. Kasabay pa noon ang thesis proposal ni Kalon at ang pagbibigay ko ng long test sa aking mga estudyante at pagpo-proctor sa mga klase ni Ma'am Bong.

1.

Ginamit ko ang nakalipas na long weekend para sa paggawa ng long test. Hinati ko sa dalawa ang test, isang bahaging objective at isang bahaging essay. Sobrang dali ng objective, mga multiple choice. At sobrang bano ng ibang tanong. Ito ang pinakabano:

Ano ang ibig sabihin ng alienasyon?

a. kapag ang tao ay nakarating na sa outer space
b. mahilig kumain ang tao ng alien
c. hindi aktibo ang tao sa mundo kaya’t ang mundo ay kakaiba sa kanya
d. mahilig manood ng pelikulang “E.T.”

Obvious naman sana kung alin yung tamang sagot, di ba? Nakalimutan ko rin ang isang tanong. Nagtaka nga sila. "Sir, nasaan ang no. 8!?" Natawa na lang ako at sinabi, "Bonus na iyan. Ayan, sigurado nang wala sa inyong zero." Mas nahirapan sila sa essay dahil mahirap-hirap ang ibinigay kong akda. Lalo na sa bokabularyo. E hindi ko sila pinadala ng sarili nilang diksyunaryo. Kaya binaha ako ng mga tanong tungkol sa mga salita. Kaya babaguhin ko nang kaunti ang finals ko para hindi na mangyari ulit iyon.

2.

Binantayan ko ang klase ni Ma'am Bong kahapon at nakita ko kung paano niya ginawa ang kanyang test. Hindi naman sa gagayahin ko iyon pero nagkaroon na ako ng sarili kong ideya kung paano ko gagawin ang aking finals.

3.

Maliban sa long test noong Martes, hindi ako nagklase. Bilang panakip-butas, dalawa pinagawa ko sa kanila. Una, mag-volunteer na maging tanod para sa Sagala ng mga Sikat, na ako ang namamahala sa mga tanod. Dahil mahirap-hirap na gawain iyon, binigyan ko sila ng automatic A sa kanilang recitation. Mabigat ang trabahong iyon kaya ginawa ko iyon. Pangalawa, pinapunta ko sila sa KA Poetry Jamming. Manonood lang sila doon kaya attendance lang pinakuha ko.

4.

Sobrang bigat ng Sagala noong Miyerkules. Pinakamalaking problema namin ang pagdating ng Bagyong Lawin. Kaya inulan kami at hindi nakapagparada ang mga arko sa Ateneo. Kaya sa Covered Courts na lang nagpalabas at nagparada ang mga arko. Ang naisip ni Sir Vim, ang namuno sa direksiyon, na paiikutin namin ang mga arko ng dalawang beses. Sa unang ikot, magpapakilala ang mga arko sa mga hurado. Sa pangalawa, magpepresenta na sila ng kanilang skit o pagsasayaw o kung ano man. Namroblema kami ni Sir Vim sa unang pag-ikot dahil malibis ang daloy ng mga arko patungo at palabas ng presentation area. Ang nangyari'y naipon ang mga arko sa dulo ng semi-circle habang hindi mabilis na nakagalaw ang mga nasa ulong pupunta sa presentation area. Halos isang oras kaming nagsisisigaw sa mga arkong gumalaw at umusad. Kaya nang matapos na ang lahat, halos wala na talaga akong lakas. Pero nag-inuman din ang ilan sa Kagawaran bilang selebrasyon at natapos na nga ang Sagala. Kaya alas-dose-medya na akong nakauwi. Pero naabutan ko pa ang replay ng Bandila sa DZMM Teleradyo. May segment kasi ang Bandila tungkol sa Sagala. Ginamit sa segment na iyon ang salitang "sagalahan" na hindi ako sigurado kung tamang salita. Pero hindi ko alam kung bakit ko pa papanoorin ang balita tungkol sa isang pangyayaring naroroo't naging saksi ako. Imagined community?

5.

Pero kinailangan kong gumusing nang maaga pagdating ng Miyerkules para tulungan si Kalon sa kanyang thesis proposal. Bumili ako ng tatlong malalaking bote ng softdrinks at isang plastic ng yelo sa 7/11. At dahil pinagbabawalan na ang mga trayk sa Katipunan (kinamumuhian kita BF), binitbit ko ang tatlong bote ng softdrinks at isang supot ng yelo mula 7/11 hanggang Dela Costa. Mabigat iyon at medyo nabanat ang aking balikat. Mabuti na lang at maraming pagkain sa Kagawaran sa araw na iyon. Sa totoo lang, buong linggong madaling pagkain sa Kagawaran. Kaarawan nina Sir Mike at Aris noong Martes at Lunes kaya may pakain sila noong Martes. Noong Huwebes, kasama ng pameryendang pancit at tinapay ni Kalon, may libreng tanghalian para sa pagtatapos ng Buwan ng Wika. Kaya mababa ang gastos ko sa pagkain nitong nakalipas na linggo.

6.

Umidlip muna ako bago dumalo sa KA Poetry Jamming. Sa KA inanunsiyo ang mga nagwagi sa mga timpalak at sa Sagala. Nagbasa ng mga tula ang mga anak ni Sir Mike pero ang pinaka-high-point siguro ay noong nagperform si Yol. Sumakit ang tiyan ko sa kakatawa at nang matapos na si Yol, binigyan siya ng standing ovation.

7.

Kaya heto, masakit ang katawan ko. Sumakit tiyan ko dahil sa kakasigaw. (Mukhang nasanay na talaga akong gamitin ang aking diaphram sa pagsigaw. Salamat, Ms. Belen.) Malaskit ang mga braso't balikat ko at mga binti. At antok na antok ako.

8.

Next week na nga pala ito. Repost ko lang.

***

The Ateneo Institute of Literary Arts and Practices (AILAP) is accepting applications for the 8th Ateneo National Writers Workshop (ANWW) to be held on 20-25 Oct. 2008.

Each applicant should submit a portfolio in triplicate of any of the following works: five poems, three short stories, written in Filipino or English, with a title page bearing the author’s pseudonym and a table of contents. The 8th ANWW will not be accepting portfolios for one-act plays as a separate workshop will be conducted for this. Details will be announced later this year.

The portfolio must also be accompanied by a diskette containing a file of the documents saved in Rich Text Format.

All submissions must include a sealed envelope containing the author’s name, address, contact numbers, e-mail address, and a one-page resume including a literary curriculum vitae with a 1x1 ID picture.

Twelve fellows will be chosen from all over the country. Food and accomodations will be provided.

Please address entries to: Alvin B. Yapan, acting director, AILAP c/o Department of Filipino, 3F Horacio de la Costa Hall, Ateneo de Manila University, Loyola Heights, Quezon City.

Deadline of submissions is on 8 September 2008. For inquiries, please call 426-6001 local 5320-21 or e-mail ayapan@ateneo.edu.

Sabado, Agosto 23, 2008

Huh?

1.

The past week was a blur. Ano nga ulit ang nangyari? Ang alam ko lang, may mga ginawa ako para kay Kalon (tulad ng pagtulong sa kanyang mga footnotes at bibliography at pagpi-print ng kanyang thesis proposal). At sa tingin ko, hindi rin magiging iba susunod na linggo dahil sa long test ng klase ko at sa Sagala ng mga Sikat at KA.

2. Ilang links

Kagaya ng sinabi ko dati, I get turned on when someone talks about the universe.

Kung paano may "kultura" din ang mga cute na dolphin.

Bigfoot? Chos!

Tungkol sa City Lights.

Martes, Agosto 19, 2008

Ano kaya ang magandang pangalan ng isang writing group?

1.

Pumunta akong booklaunch ng mga libro ni Khavn de la Cruz kagabi. Nakakatuwang makita ulit si Amang Jun Cruz Reyes. Naalaska pa ako ni Amang Jun dahil, bilang Atenistang "Man for Others," hindi ko pinapansin yung mga batang kalye. Kaya kumuha ako ng pagkain sa loob at ibinigay kay Amang Jun at ibinigay niya sa mga bata. Napansin nga namin na yung mga mas bata ang mas makukulit at mas may diskarte pagdating sa pagkuha ng pagkain kumpara sa mga mas nakatatanda. Parang mas nahihiya yung mga mas nakatatanda. Kaya makikita na may herarkiya ng mga bata pero imbes na yung matatanda ang namumuno, sila yung nagiging mas mapagbigay.

Isa lang sa dalawang libro ang binili ko. Yung "Ultraviolins". Iyon yung mas mura e. At iyon yung koleksiyon ng mga kuwento. Katatapos ko lang basahin ang dalawa sa mga kuwneto doon at, um, weird talaga. Hindi ako sigurado kung magiging gabay ko ito sa paggawa ko ng thesis pero mukha naman itong isang interesanteng kalipunan ng mga kuwento.

2.

Pagkatapos ng booklaunch, kumain kami ni En sa Reyes Barbecue at doon ay naghuntahan. Isa sa napag-usapan namin ay yung pagtatayo ng isang writers group ng mga kuwentista. Medyo mapangahas para sa aming wala pa naman talagang pangalan pagdating sa larangan ng panitik. (Well, may Palanca na si En, so ako wala talaga sa radar.) Inisip namin na hakutin ang mga nakasama namin sa mga nadaluhan naming mga workshop (Camille? Caty? Mar?) at sa iba pang mga kakilala sa pagbuo nito. Ang tanong lang talaga siguro kung paano kami maiiba sa mga nauna sa anin gayong naging mga guro namin sila. Kaming henerasyon na lumaki sa mga workshop. O kung may punto pa ba ang mga grupo-grupo sa panahon ng postmodernismong pamumuhay. Ewan. Ideya pa lang naman ito e. Komento kayo kung may suhestiyon kayo o kuro-kuro.

3.

Mayroon palang bagong bill na nakasalang sa Senado na pinamagatang Senate Bill No. 2464 ANTI-OBSCENITY AND PORNOGRAPHY ACT OF 2008. In a nutshell, bawal ang sex. Bawal pag-usapan ang sex, sumulat tungkol sa sex, bawal itula ang sex, ikuwento ang sex bawal isadula ang sex, bawal ang sex. Naku, 70% ata ng nasa mga VCD at DVD store, mukha ipagbabawal kapag naipasa ang bill na ito. Magiging napakasaya ng buhay. Not.

4. Ilang links

Maiirita kaya si Kafka kapag naipasa ang Senate Bill 2464?

Naku, baka maantala ang paglabas ng Watchmen sa susunod na taon.

Sine VS Nobela.

Ang Booker Longlist batay sa pabalat.

Sabado, Agosto 16, 2008

Nostalgia

1.

Natapos ko na ring basahin ang "The Curtain" ni Milan Kundera. Sa tingin ko, kailangan ko na ring basahin ang kanyang "The Art of the Novel" at "Testaments Betrayed". Maganda at malawak ang kanyang pagtalakay sa sining ng nobela. Hindi nakabatay sa kasaysayan ng isang partikular na bansa ang pagtingin ni Kundera sa nobela. Inihahanay niya't inihahambing ang mga nobela ng iba't ibang panahon at bansa sa isa't isa. Nagsasama isa iisang pahina sina Faulkner, Rushdie at Kafka. Interesante din ang kanyang paglalarawan sa nobela bilang isang sining na nakatuon sa pang-araw-araw, pangkaraniwan at bastos. Mahirap sabihing isang kritikal na sanaysay, mas mukha ang librong ito na isang malikhain at pilosopikal na sanaysay tungkol sa nobela.

2.

Natapos ko na ring basahin ang "Pagluwas" ni Zosimo Quibilan. Bumabaybay ang "Pagluwas" sa pagitan ng pagiging nobela at kalipunan ng maiikilng kuwento. May mga piling mga bahagi na nag-uugnay at nagtatagni sa akda upang bigyan ito ng kabuuang naratibo, tulad ng simula at ng katapusan. Kayang tumayong ng bawat kuwento sa sarili nitong puwersang naratibo. Halos lahat ng mga kuwento ay tungkol sa pagkasawi o pagkukulang ng sarili. At nagiging matingkad ito sa konteksto ng mga ugnayan at relasyon ng mga tauhan. Karamihan ng kuwento, tulad ng "Cassette Tape", "Lipstick", "Tinidor" at "Visitor's Pass", ay umiikot sa pag-ibig o ang kawalan ng pag-ibig. Ang iba naman, tulad ng "Voltes V" at "Airgun Pellet", ay tungkol sa kabataan at ang maselan nitong kalagayan sa isang magulong mundo. Pero mahirap basahin ang buong "Pagluwas" ayon sa tema lamang. Marahil maraming basa pa ang kailangang gawin para makita ang kabuuang istruktura ng akda. Kung mayroon nga ba itong estruktura. Payak ang bawat dagli at madaling pasukin. Personally, hindi ako nabitin sa bawat isa.

3.

Napanood ko na rin noong Huwebes ang "WALL-E" ng Pixar. Matagal ko nang gustong panoorin ito. Alam kong cute at mukhang pambata ang pelikula. Pero tungkol ito sa mga robots (na gusto ko) at tungkol rin sa isang post-apocalyptic na mundo (na gusto ko rin). Bagaman puno ng action at ang pangunahing naratibo nito ay ang pag-iibigan nina EVE at WALL-E, nostagia ang namamayaning damdamin para sa akin. Makikita ito sa pagiging rat pack ni WALL-E. Ang bawat bagay na natatagpuan niya't lumilikha ng isang malikhaing mundo kanyang binuo sa isipan niya (o circuit board). Nostalgia din ang namayani para sa Kapitan ng Axiom, ang spaceship na tinitirhan ng mga tao pagkatapos lumisan ng Earth, dahil lumikha siya, mula sa mga mala-encyclodiang kaalaman na nakuha niya mula sa kompiyuter, ng isang imahen ng buhay sa Earth na ibang iba sa buhay niya sa Axiom. Kaya ang nostalgia ng "WALL-E" ay hindi isang nostalgia ng isang taong pumapanglaw sa kanyang nakalipas. Ang nostalgia sa dito ay isang nostalgia sa isang mundong nawala na at tanging mga bagay, mga labi na lamang ang natira. Ngayon ko lamang napansin pero nostalgic din ang "Ang Bulaklak ng Heidelberg" at (sa pamagat pa lang) "Nostalgia" ni Sir Vim Yapan at "The Road" ni Cormac McCarthy. Pero iba ang kanilang nostalgia. Sa "The Road", dahil naaalala pa ng ama ang mundong nawala, mayroong paglayo sa sentimentalidad tungo sa pag-alala dahil masakit ang pag-alala. HIndi sapat ang alaala para sa ama dahil hindi nito binibigyang-katarungan ang mga bagay na nawala na. Sa "WALL-E", dahil daang taon na ang lumipas at wala nang nakakaalala, mayroong malikhaing pag-angkop ang mga robot tulad nina WALL-E at EVE at ng mga tao tulad ng kapitan upang bumuo't magsimulang muli.

4.

Sa Lunes ay book launch ng mga libro ni Khavn dela Cruz sa mag:net Katipunan.

5.

May bagyo ba? Lakas ng ulan e.

Martes, Agosto 12, 2008

Raplagtasan at iba pa

1.

Napanood ko noong isang araw "You Mess with the Zohan." Hindi ito mananalo ng award maliban sa MTV at iyon naman talaga ang habol mo kapag manonood ka ng isang Adam Sandler movie. Sabog itong pelikula at ganun naman talaga. Tungkol ito kay Zohan, isang superhuman Israeli killing machine, na nais lamang sa buhay ay maging hairdresser. Bastos at, kung wala kang sense of humor, di-kagalang-galang sa isyung nangyayari sa Middle East. Pero kahit na, nakakatawa pa rin. At magtataka ka kung bakit ka natatawa.

2.

Nakasalubong ko nga pala si TXTM8 na Carlo sa pinagtatrabahuhan niya. Alam ko na kung sinong tatanungin para sa mga hinahanap na libro.

3.

Kahapon ay birthday ni Dr. Assunta Cuyegkeng, Bise Presidente para sa buong Loyola Schools. Nakasalubong ko si Ate Mel nang pabalik na ako ng Kagawaran at hinatak niya akong pumunta sa handaan sa Xavier. Sakto't nagugutom ako noon. May cake, tinapay, barbecue, spaghetti at tinapay. May lechon nga rin pala. Solb na solb.

4.

Kanina naman ay ginanap ang ikalawang panayam ng Kagawaran sa tulong ng Humanities Org ang "Raplagtasan". Nagtanghal sina G. Mike Coroza, G. Teo Antonio at G. Vim Nadera ng balagtasan habang nag-freestyle ang mga rapper na nag-perform sa pelikulang "Tribu" ni Jim Libiran. Natuwa naman ang estudyante sa performance nina Sir Mike at G. Teo. Tungkol sa maganda at di-maganda ang kanilang pinagbalagtasan. Tungkol naman Ateneo-La Salle ang topic ng mga nag-freestyle. Kahit na medyo stressed dahil bukas ang deadline ng advisory marks, mabuti't medyo naaliw ako dito.

5.

Happy Birthday nga pala sa Ka-Ligang si Sandy!

Biyernes, Agosto 08, 2008

Ilang Links

1.

Anim na maiikling kuwento tungkol sa pag-ibig.

2.

Limampung pinakamabuting salin tungong Ingles.

3.

Lumabas na ang ika-9 na isyu ng Highchair. Kasama sa isyu na ito sina Jason Tabinas, na minsang naging kaklase, at Allan Derain, na kasama sa kagawaran. May mga tula at sanaysay din si Allan Popa, naging guro ko.

4.

Dahil nahuhumaling ako ngayon sa pagbabasa ng kanyang "Dictionary of the Khazars", heto ang isang interview kay Milorad Pavic.

5.

Kung bakit masama ang Olympics para sa Tsina ayon kay Ma Jian.

Miyerkules, Agosto 06, 2008

Balita at Tsismis

1.

Wala akong klase bukas kasi ginawang Monday sched iyon. Dahil kasi sa mga klaseng nawala dahil sa mga bagyo o kung ano mang holiday. Kaya masaya ako ngayon. Kawawa ang mga may MWF na klase.

2.

Pero mayroong panayam na magaganap bukas. Tungkol ito kundiman. Bahagi ito ng selebrasyon ng Buwan ng Wika at Kultura. Hinihintay ko ang pangalawang panayam, isang "raplagtasan". Sa Agosto 12 ito. Mula sa title, halo ito ng balagtasan at rap. Inimbitahan ang mga miyembro at gumanap sa "Tribu." Magiging masaya ito.

3.

Mayroong "honesty store" sa basement ng MVP. Isang itong kabinet na puno ng pagkain. Pinagkakatiwa ng tindahan na kusang babayaran ng mga tao ang mga kukuning pagkain. Nakyutan ako sa konsepto nito. Iba nga naman ang pagharap natin sa isang vending machine. Kapag vending machine, nauuna ang pera bago ang pagkain. Kailangan ng pera para makakain. Sa "honesty store," litaw pa rin ang halaga ng pera pero nilalantad ang kakayahan ng taong pumili. Magbabayad ba ako ngayon, sa susunod na arw o hindi na? Siyempre inaasahan ng tindahan na magbabayad ang mga tao. Nasa tao ang naging pokus ng transaksiyon at imbes na sa pera.

4.

May kilala na akong nanalo ng Palanca para sa Tula. Secret.

5.

Setyembre 12-16 ang Manila International Book Fair. Paano kaya makakapag-commute mula Katipunan papuntang SMX?

Martes, Agosto 05, 2008

Kalesa

1.

Kagaya nga ng sinabi ko noong huling post, pumunta ako sa book launch ng "Chiaroscuro" ni G. Joel Toledo. Malakas ang ulan kahapon noong mga banda 6:35 nang dumating ako doon. Galing akong Ateneo. Nilakad ko lang ang papuntang. Hindi naman ako sobrang nabasa. Naroon na si Doug Candano at ilang mga tao na hindi ko kakilala. Bumili agad ako ng libro at nagpalagda. P240 ang benta ng libro kaya inaasahan ko na paglabas ng libro sa mga bookstores, baka mas mahal na nang kaunti.

Pagkatapos ay dumating na rin Ino, na matagal ko nang hindi nakikita mula nang umalis papuntang China, at En. Sunod naming nakasama ni En si Jessel at Margie. Sumunod si Nante nang malaman niyang pumunta ako. Huling dumadating si Charles. Sobrang daming tao ang dumalo sa book launch. Mula sa mga bigating pangalan sa Panitikang Filipino tulad nina Ma'am Marj Evasco, Ma'am Beni Santos, Jimmy Abad at Butch Dalisay hanggang sa tulad kong mabigat lang talaga.

Kaya iyon, sa labas lang kami nina Jessel, En, Charles at Nante. Kuwentuhan lang kami buong gabi halos. Nakiupo pa nga si Doug sa table namin at nakipagkuwentuhan.

2.

Kaya kulang ang tulog ko kanina. Halos nasa automatic mode ako noong nasa klase. Nakalimutan ko pang magdala ng chalk. Pinag-usapan lang naman namin ang mga dulang pinanood ng mga estudyante.

Pagkatapos ng klase ay binuksan nang formal ang Buwan at Wika at Kultura. Binuksan na rin ang exhibit na nagpaparangal sa Mabuhay Singers. Kumanta ang Mabuhay Singers ng ilang mga kanta at isa na rito ang "Kalesa". Medyo nostalgic ang kantang ito para sa akin kasi kinanta ko rin ito, kasama nina Pao at Archie noong high school. Kaya pinipigil ko ang sariling bigla-bigla na lang bumabay sa pag-awit nila.

3.

That was my day. How was yours?

Lunes, Agosto 04, 2008

Punong Buwan

1.

Mukhang magiging abala ko ngayong Agosto. Una, magsisimula ang Buwan ng Wika at sigurado akong maraming gagawin ang Kagawaran. Pangalawa, tinanggap ko ang pagiging research assistant ni Kalon para sa kanyang pagtapos ng M.A. thesis. Ang karamihan ng trabaho ay kailangang gawing ngayong Agosto. Pangatlo, malapit na ang midterms ng mga estudyante. Kailangan kong gumawa ng pagsusulit at magtsek ng mga exam. Pang-apat, binubuksan ko ang mga files ng mga nasulat kong kuwento para i-edit, i-revise, o i-rewrite. Sa ngayon, dalawang kuwento ang pinapasadahan ko. Yung isa, para sa sentimental na dahilan. Yung isa pa, para sa gusto kong gawin sa tesis ko.

2.

Pumunta ako noong Biyernes sa salo-salo na plinano nina Crisgee at Vip. Lumipat na kasi ang mga lathalain ng Ateneo sa isang bagong kuwarto sa MVP. Madaming pumunta, kagaya nina Jace, Twinkle at Em at iba pang mga EB ng nakalipas na mga taon. Sa sobrang daming tao, nakatayo na lang ang lahat.

Pagkatapos noon, sinamahan ko sina Em at Vip sa 7/11. Parang after party small talk. Dahil na rin siguro nanggaling kami sa pubroom, nabanggit ni Em na buhayin ang Senior's Folio ng Batch '06 na matagal nang naantala. Kung matuloy man ito o hindi, gusto ko sanang samahan ng kuwento ang pinasa ko doong sansaysay. Gayundin, maganda rin siguro kung isama ang mga LS Awardee at graduate ng mga lower batch sa amin. Parang 3-in-1 Senior's Folio mula 2006-2008. Ewan ko lang. I'm just thinking.

3.

Pupunta ako sa booklaunch ng unang koleksiyon ni G. Joel Toledo sa mag:net Katipunan mamaya. Naging panelist namin siya noong 11th Ateneo-Heights Writers Workshop. At pupunta din daw ang mga ka-TXTM8 na Siquey, En at Margie. Magiging masaya ito.

4. mula sa internet

Namatay si Aleksandr Solzhenitzyn, Nobel Laureate. Balita mula sa New York Times, The Guardian at BBC News.

Interview sa isa pang Nobel Laureate, Gao Xingjian.

Ang longlist ng Man Booker Prize.