Huwebes, Hulyo 24, 2008

Sakit, Pasakit, Saktan, Sinaktan, Sasaktan, Masasaktan, Masakit, Pansakit, Sakit-Sakitan, Malasakit

1.

Pagkatapos ng napakatagal na panahon, nagkasakit ulit ako. Kaunting ubo't sipon lang. Nakuha ko itong nang umuwi ako ng San Pablo. Nanibago siguro ako. Pinakamalala na siguro ay noong Martes. Ngayon, halos wala na ang sakit ko. Hindi na ako inuubo o sinisipon. Inaantok na lang. Ewan ko ba pero dalawang buwan na halos ang lumilipas mula nang magsimula ang semestre pero hindi pa rin umaayon ang body clock ko. Iyon na lang siguro ang natatangi kong sakit.

2.

Pinili na ng Kagawaran ang mga klaseng sasali para sa Sagala ng mga Sikat. Pumili kami ng 30. Inabot kami ng higit tatlo't kalahating oras na deliberasyon. Kaya mula alas syete ng umaga hanggang alas otso y medya e nasa Ateneo ako. Pinakamahaba ko na iyon mula nang magtapos ako. Maraming nakapasok dahil sa design habang ang iba naman ay nakapasok dahil sa konsepto. Pinaka-weird na entry siguro yung "Ang Manananggal at ang kanyang Katawan". Ewan ko kung seryoso talaga ang klaseng iyon pero mukha naman dahil okey din ang desinyo nila sa arko nila at may script pa silang isinulat. Kaya kahit na hindisuwak sa temang "Tambalan", pinasok na rin namin. Ako nga pala ang mamamahala sa ilang logistics ng Sagala.

3.

Ako pinapunta ng Kagawaran para sa recruitment na ginawa sa roofdeck ng MVP para sa mga mag-aaral ng hayskul ng Ateneo noong Martes at nitong Huwebes. Namigay ako ng mga flyers at pamphlet tungkol sa pagkuha ng kursong AB Panitikan (Filipino). Syempre, kaunti lang ang pumunta sa booth namin sa School of Humanities. May mga naging interesado naman talaga. May nakita akong istudyanteng seryosong nakipag-usap sa isang taga-Philo. May nakita rin akong aliw na aliw na binabasa ang libro tungkol sa set designs ni Sir Badong kaya pinasahan ko ng flyer ng BFA Theater Arts. Pero siyempre, dinumog ang ang JGSOM. May mga libre silang produkto. Sunod na dinumog ay sa SOSE kasi may mga eksperimento silang ipinakita. Sa SOH, mga awards lang. Kaya tumambay ako sa tabi ng ekshibit. Kapag may lumapit, binibigyan ko agad ng pamplet. Ang init lang sa roofdeck kaya lowbat na lowbat ako tuwing babalik ng Kagawaran.

4.

Nasira yung elevator sa condo. Gumagana pa naman kaya lang hindi gumagana yung mga buton. Kaya kailangang tumawag sa lobby upang sabihan yung operator sa loob ng elevator kung saang floor ang naghihintay. Siyempre tinangka kong bumaba mula sa 17th floor. Heto, medyo nabanat ata ang ham string ko. Tanga.

5.

Nilabas na nga pala ng Man Asian Literary Prize ang kanilang longlist. Apat ang Pinoy. Sina Ian Casocot, Miguel Syjuco, Lakambini Sitoy at Alfred Yuson. Kaya sabi sa Guardian, medyo pabor daw ito sa Pilipinas. Siguro na gulat lang sila kasi wala sa radar nila ang bansa natin. India, Sri Lanka at Tsina, siguro pa. Ayun, good lucksa kanila.

6.

Natapos ko na nga palang basahin ang "Chronicle of a Death Foretold" ni Gabriel Garcia Marquez. Novella lang ang haba nito kaya pakiramdam ko hindi siya buong nobela pero hindi rin naman maikling kuwento. Kaya siguro medyo napagod ako pagdating sa huling kabanata (o dahil may sakit ako?) Pero maganda pa rin naman ang akda. Marquez na Marquez. Magaling ang paghahalo ng pagkatha at reportage. HIndi ako siguro kung totoo nga bang nangyari o gawa-gawa lang ni Marquez ang akda. Magaling kasi ang pagkakasalaysay.

7.

Panonoorin ko na siguro bukas ang "The Dark Knight". Sa Sabado o Linggo ang "The Girl Who Leapt Through Time" sa Shang. Libre daw itong huli sabi ng Japanese embassy. Sabi nga nila, "thebest things in life are free."

8.

Kaya nga lang, kailangan ko pang mag-check ng mga papel. time management na lang.

Walang komento: