Lunes, Hulyo 28, 2008

Crimefighting

1.

Napanood ko na sa wakas ang "The Dark Knight". Well, marami nang nasabi ang mga tao tungkol dito kaya hindi ko na masyadong dadagdagan pa. Medyo nakakapagod nga itong panoorin. Hindi isyu sa akin yung haba. Ang nagpapagod siguro sa akin ay yung tono at atmosphere. Mahirap sabihing dragging ang pelikula. Aliw naman ang bawat eksena. Basta. Maganda itong pelikula.

2.

Katatapos ko lang basahin ang "Watchmen" ni Alan Moore. Sa darating Marso nasalang na ilabas ang bersiyong pelikula. Sa nakita ko sa trailer, mukhang malapit ang adaptation ng pelikula mula sa komiks. Nagustuhan ko rin ito. Malalim at detalyado ang pagpansin ng nobela (mas maiigi siguro na basahin ko ito bilang nobela dahil may "totality" ng pananaw sa mundo ang "Watchmen" kung pagbabatayan ang pamantayan ni Lukacs) pagdating sa pulitika, sikolohiya, sining at pilosopiya. Gayundin, mas babasahin ko ito bilang alternate history imbes na karaniwang superhero na komiks. Sinusundan ng nobela ang isang grupo ng mga "mask adventurers" kung kailan namatay ang isa sa kanila at mayroong nabubuong conspiracy at banta ng digmaan. Karamihan sa mga tauhan ng nobela ay mga ordinaryong tao lamang na walang super-powers. Isa nga lang sa kanilang ang may super-powers. Ang kanilang personal na kasaysayan lamang ang masasabing puno't dulo ng kanilang pagiging "bayani," bakit nila piniling maging "mask adventurer". Maraming layers ang nobela na baka hindi mahuli ng pelikula. Baka basahin ko ulit ito sa susunod na taon.

Huwebes, Hulyo 24, 2008

Sakit, Pasakit, Saktan, Sinaktan, Sasaktan, Masasaktan, Masakit, Pansakit, Sakit-Sakitan, Malasakit

1.

Pagkatapos ng napakatagal na panahon, nagkasakit ulit ako. Kaunting ubo't sipon lang. Nakuha ko itong nang umuwi ako ng San Pablo. Nanibago siguro ako. Pinakamalala na siguro ay noong Martes. Ngayon, halos wala na ang sakit ko. Hindi na ako inuubo o sinisipon. Inaantok na lang. Ewan ko ba pero dalawang buwan na halos ang lumilipas mula nang magsimula ang semestre pero hindi pa rin umaayon ang body clock ko. Iyon na lang siguro ang natatangi kong sakit.

2.

Pinili na ng Kagawaran ang mga klaseng sasali para sa Sagala ng mga Sikat. Pumili kami ng 30. Inabot kami ng higit tatlo't kalahating oras na deliberasyon. Kaya mula alas syete ng umaga hanggang alas otso y medya e nasa Ateneo ako. Pinakamahaba ko na iyon mula nang magtapos ako. Maraming nakapasok dahil sa design habang ang iba naman ay nakapasok dahil sa konsepto. Pinaka-weird na entry siguro yung "Ang Manananggal at ang kanyang Katawan". Ewan ko kung seryoso talaga ang klaseng iyon pero mukha naman dahil okey din ang desinyo nila sa arko nila at may script pa silang isinulat. Kaya kahit na hindisuwak sa temang "Tambalan", pinasok na rin namin. Ako nga pala ang mamamahala sa ilang logistics ng Sagala.

3.

Ako pinapunta ng Kagawaran para sa recruitment na ginawa sa roofdeck ng MVP para sa mga mag-aaral ng hayskul ng Ateneo noong Martes at nitong Huwebes. Namigay ako ng mga flyers at pamphlet tungkol sa pagkuha ng kursong AB Panitikan (Filipino). Syempre, kaunti lang ang pumunta sa booth namin sa School of Humanities. May mga naging interesado naman talaga. May nakita akong istudyanteng seryosong nakipag-usap sa isang taga-Philo. May nakita rin akong aliw na aliw na binabasa ang libro tungkol sa set designs ni Sir Badong kaya pinasahan ko ng flyer ng BFA Theater Arts. Pero siyempre, dinumog ang ang JGSOM. May mga libre silang produkto. Sunod na dinumog ay sa SOSE kasi may mga eksperimento silang ipinakita. Sa SOH, mga awards lang. Kaya tumambay ako sa tabi ng ekshibit. Kapag may lumapit, binibigyan ko agad ng pamplet. Ang init lang sa roofdeck kaya lowbat na lowbat ako tuwing babalik ng Kagawaran.

4.

Nasira yung elevator sa condo. Gumagana pa naman kaya lang hindi gumagana yung mga buton. Kaya kailangang tumawag sa lobby upang sabihan yung operator sa loob ng elevator kung saang floor ang naghihintay. Siyempre tinangka kong bumaba mula sa 17th floor. Heto, medyo nabanat ata ang ham string ko. Tanga.

5.

Nilabas na nga pala ng Man Asian Literary Prize ang kanilang longlist. Apat ang Pinoy. Sina Ian Casocot, Miguel Syjuco, Lakambini Sitoy at Alfred Yuson. Kaya sabi sa Guardian, medyo pabor daw ito sa Pilipinas. Siguro na gulat lang sila kasi wala sa radar nila ang bansa natin. India, Sri Lanka at Tsina, siguro pa. Ayun, good lucksa kanila.

6.

Natapos ko na nga palang basahin ang "Chronicle of a Death Foretold" ni Gabriel Garcia Marquez. Novella lang ang haba nito kaya pakiramdam ko hindi siya buong nobela pero hindi rin naman maikling kuwento. Kaya siguro medyo napagod ako pagdating sa huling kabanata (o dahil may sakit ako?) Pero maganda pa rin naman ang akda. Marquez na Marquez. Magaling ang paghahalo ng pagkatha at reportage. HIndi ako siguro kung totoo nga bang nangyari o gawa-gawa lang ni Marquez ang akda. Magaling kasi ang pagkakasalaysay.

7.

Panonoorin ko na siguro bukas ang "The Dark Knight". Sa Sabado o Linggo ang "The Girl Who Leapt Through Time" sa Shang. Libre daw itong huli sabi ng Japanese embassy. Sabi nga nila, "thebest things in life are free."

8.

Kaya nga lang, kailangan ko pang mag-check ng mga papel. time management na lang.

Sabado, Hulyo 19, 2008

Nang Matapos ang Mundo Kahapon (uy, gandang pamagat sa kuwento)

1.

Yayanigin daw dapat kahapon ng isang 8.1 magnitude na lindol ang Pilipinas. Sa sobrang lakas ng lindol, mabubura daw ang Pilipinas mula sa mapa. Kaya heto ako, nagtataka kung bakit buhay pa ako.

Pero seryoso, maraming paaralan sa San Pablo ang nag-awas o di nagpapasok sa kanilang mga estudyante. At hindi ko magagap kung bakit nila ginawa ito. Walang rasyonalidad para gawin ito. At pinakanais ako nang malaman kong ang Canossa, isang paaralang pinapatakbo ng mga madre, ay nagpaawas ng mga mag-aaral. Akala ko ba hindi dapat naniniwala ang mga Katoliko sa pamahiin?

2.

Katatapos ko lang basahin ang "Mga Gerilya sa Powell Street" ni Benjamin Pimentel. Simple lang itong nobela tungkol sa mga beterano't gerilya noong panahon ng Digmaan na nakikipagsapalaran sa Amerika upang makakuha ng benipisyo. Nagsasalikop sa nobela ang mga personal at ang pambansang kasaysayan sa mga tauhan ng nobela. Maganda rin at may paghahalo ng drama at pagpapatawa sa nobela. Pero pagminsan ay nararamdaman ko ang pagiging contrived ng nobela. May mga tauhang biglang dumadating at mga pangyayaring biglang nangyayari. Ganoon lang siguro ang tunay na buhay, may nangyayari.

3.

Birthday ni Danny ngayong araw kaya pumunta kami sa Bato Springs para sa pakain niya. Pumunta kami nina Raj, Elmer, Mara, Tonet at Pao habang humabol naman sina Ava at Jerome. Mostly, nagkuwentuhan lang kami at updates sa buhay. At dahil medyo puyat at hindi sobrang ganda ng pakiramdam ko, madami akong mga kalokohang hirit. Pero nawala na rin ito nang dumating na si Jerome, na sabog tulad ng pagkakaalala ko.

Martes, Hulyo 15, 2008

8th Ateneo National Writers Workshop

Pakipasa sa lahat ng interesado. Salamat.

***

The Ateneo Institute of Literary Arts and Practices (AILAP) is accepting applications for the 8th Ateneo National Writers Workshop (ANWW) to be held on 20-25 Oct. 2008.

Each applicant should submit a portfolio in triplicate of any of the following works: five poems, three short stories, written in Filipino or English, with a title page bearing the author’s pseudonym and a table of contents. The 8th ANWW will not be accepting portfolios for one-act plays as a separate workshop will be conducted for this. Details will be announced later this year.

The portfolio must also be accompanied by a diskette containing a file of the documents saved in Rich Text Format.

All submissions must include a sealed envelope containing the author’s name, address, contact numbers, e-mail address, and a one-page resume including a literary curriculum vitae with a 1x1 ID picture.

Twelve fellows will be chosen from all over the country. Food and accomodations will be provided.

Please address entries to: Alvin B. Yapan, acting director, AILAP c/o Department of Filipino, 3F Horacio de la Costa Hall, Ateneo de Manila University, Loyola Heights, Quezon City.

Deadline of submissions is on 8 September 2008. For inquiries, please call 426-6001 local 5320-21 or e-mail ayapan@ateneo.edu.

Untitled

1.

Pinanood ko ulit noong Biyernes ang "Tarong" ng Entablado. Nanood kasi noon ang ilan sa mga estudyante ko. Doon ako umupo sa tabi kahit na may nakareserbang upuan sa gitna. Gusto ko kasing makita ang reaksiyon ng mga estudyante sa mga dula lalo na sa "Mga Pobreng Alindanaw" at "Baclofen." Sa tingin ko, naging di-komportable ang mga nanood sa "Baclofen" pero hindi naman sobrang naeskandalo. Tumili rin yung mga lalaki pero, all in all, nabalanse naman ng "Mga Pobreng Alindanaw" ang "Baclofen." Manonood ulit ako bukas. Dito naman manonood ang iba ko pang mga estudyante.

2.

Pinanood ko ang "The Warlords" noong Sabado. Matagal ko nang hinihintay ito. Noong Diyembre pa noong pumunta ako sa Hong Kong kasama ang pamilya. Noong nakita ko ang mga poster nito sa doon, ginusto ko talagang panoorin ito. Kaya pagkatapos ng 7 buwan, napanood ko na rin sa wakas. Dinub ito sa Ingles kaya siguro natagalan dumating sa Pinas. Mas gusto ko sana na subtitles na lang pero okey na rin. Maganda dating sa akin ng pelikula. Hindi glamoroso ang digmaan at labanan dito. Madumi at madugo ang mga battle scenes. At komplikado rin ang mga tauhang sundalo't heneral, mga taong kailangang pumili sa pagitan ng personal at panlipunan na kabutihan. May mga bida at kontrabida ang pelikula pero hindi sila lahat malilinis at madudumi lamang. May mga sandaling madrama pero okey lang iyon. Hindi ako na-disappoint.

3.

Nagkaroon ng Block E dinner noong Sabado. Masayang makita ulit ang mga tao. May mga larawan sa Multply nina Yumi at Billy.

4.

May blog nga pala ang Kagawaran ng Filipino. Nakalaay na doon ang mga announcement para sa Sagala ng mga Sikat at mga Patimpalak para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

5.

Isang interview kay Salman Rushdie.

Ang nawawalang Western ni Gabriel Garcia Marquez.

Isang artikulo tungkol sa ambag ni Fernando Pessoa sa panitikang Portuges.

Huwebes, Hulyo 10, 2008

What a day...

1.

Pagkatapos magturo, kinailangan kong pumuntang Sto. Domingo para bilhin ang ilang materyales para sa thesis ni Tetel. Pagkatapos magtanong-tanong kung paano makapunta doon, nag-MRT ako papuntang Quezon Ave. at nagdyip papuntang Quiapo. Naglakad ako nang ilang minuto bago ko natagpuan ang opisinang tinuro ni Tetel. Nagtaxi ako papuntang Taft para diretso na kasi may babasagin akong dala. Pagkaiwan ko sa dorm ni Tetel, Nag-LRT na ako pabalik ng Katipunan. Kaya ito, pagod.

2.

Pero kahit na pagod na pagod ako sa kalalakad at pagkabilad sa araw, pumunta pa rin ako sa lecture na ibinigay ni Dr. Ruth Elynia Mabanglo tungkol sa pagtuturo ng Filipino sa mga banyaga. Madami akong natutuhang mga teknik sa pagtuturo ng wika. At sa pagkakalarawn niya, mukhang masaya rin pala ang magturo ng wika sa mga banyaga.

3.

Sa balitang pampanitikan, nilabas na nga pala ang mga nanalo ng UP Centennial Literary Awards.

Gayundin, pinili ng publiko ang "Midnight's Children" ni Salman Rushdie bilang Booker of Bookers para sa ika-40 anibersaryo ng Booker Prize.

At sa kabilang dako ng mundo, mukhang mapapadali na ang pagsasapubliko ng ilang mga itinagong mga papeles mula sa estate ni Franz Kafka na napunta kay Max Brod na napunta sa sekretarya ni Max Brod. Magulo itong balita. Basahin nyo na lang ang artikulo.

Lunes, Hulyo 07, 2008

Lumindol kagabi, di ba?

1.

Natapos ko nang basahin ang "The curious incident of the dog in the night-time" ni Mark Haddon. Tungkol ang nobela kay Christopher Boone, isang autistic na binata nagsimulang magsulat ng isang libro dahil sa pagkamatay ng aso ng kanyang kapitbahay. Si Christopher ang tagapagsalaysay ng nobela. At dahil autistic siya, may kakaiba siyang pagdanas sa mundo at ito ang pangunahing pang-akit ng nobela. Nagtatangka ang nobela o si Christopher na maging isang nobelang detektib. Ngunit may misteryo ang nobela dahil nga kakaiba ang pag-unawa ni Christopher sa mundo. Lubhang napaka-straightforward ang kanyang pagtingin sa mga bagay-bagay at hirap siyang maunawaan ang relasyong personal ng mga tao. Sa totoo lang, medyo napagod ako pagdating sa dulo ng nobela (o dahil pagod lang talaga ako noong araw na iyon?). Sa kabuuan, isa itong magandang kung hindi cute na nobela.

2.

Parent's orientation noong Sabado. Pumunta ako para makita naman kung paano ipinapakilala ng Ateneo ang sarili nito sa mga magulang. Ang pinakainteresante na nangyari doon ay ang Q&A sa dulo ng orientation. Iba't iba ang tinanong mula sa dress code, sa nangyari sa Dela Costa, sa traffic/pollution problem ng Ateneo atbp.

3.

Pagkatapos ng Parent's Orientation, sumama ako kina Sir Je at Aris para magmiting para sa paghahanda sa Sagala ng mga Sikat sa Buwan ng Wika. Dahil bago pa lang ako at wala pang komite, inilagay nila ako sa komite para sa Sagala ng mga Sikat. Ito marahil ang magbibigay sa akin ng stress sa kabuuan ng Agosto.

4.

Pagkatapos ng miting, pumunta kami sa RMT para manood ng bagong produksiyon ng Entablado. Critic's night ito at opisyal na magbubukas ang "Tarong" sa Hulyo 9. Required na manood ang halos lahat ng mga klase sa Filipino. Kaya nga nanood ako nang maaga. Tatlong dulang tig-iisang tagpo ang itinanghal at okey naman ang produksiyon. Kagaya nga ng sinabi ni Sir Egay, mahihirapan kami sa pagpapaliwanag at pagtuturo sa dulang "Baclofen." Sa totoo lang, hindi ako namomroblema sa gay kissing scene (spoiler pero kailangan din namang ipaalam sa mga estudyante na merong ganito so okey lang). Namomroblema ako sa dark tone ng dula at, kagaya nga ng sinabi ng mga nagkomento, sa kawalang-pag-asa sa katapusan ng dula. Pero sigurado, mag-e-enjoy ang mga estudyante sa "Mga Pobre Alindanaw." LOL ito at halos mahimatay ako sa katatawa noong Sabado.

5.

Pinanood ko nga pala ang UFC Rampage Vs. Griffin. Maganda yung Light Heavyweight championship match nina "Rampage" at Forest Griffin. Kaawa-awang paa. Naramdaman ko iyon habang nanonood. Bakit nga pala ako nanonood ng UFC? A oo, yung dugo at yung submissions.

6.

Pinanood ko ang "Hancock" kahapon. Kakaiba itong superhero movie. Mahirap sabihing maganda. Maganda ang on-screen chemistry ni Charlize Theron at Will Smith. Maraming nakakatawang mga eksena. Ang laki lang talaga ng problema ng naratibo nito. Akala ko'y kuwento ito ni Hancock. Yun pala hindi lang kanya. Wala lang talagang momentum ang pelikula pagdating sa naratibo.

7.

Uy, nanalo ang UP kahapon. O. M. G. Kaya siguro lumindol kagabi dahil sa pangyayaring ito. Nanalo nga rin pala ang Ateneo.