1.
Pumunta ako kahapon sa CCP upang panoorin ang "Rolyo" ni Sir Vim na bahagi ng Cinemalaya Filmfest. Bahagi ng Set A o ang limang entry na gawa ng first timers ang pelikula ni Sir Vim. Merong ibang timpla't dating ang pelikula ni Sir Vim kumpara sa ibang mga napanood kong mga entry. Walang intro credits ang "Rolyo," diretso na agad sa kuwento. Napaka-subtle ng pelikula. Pagminsa'y aakalain mong voyeur ka lamang na pinapanood ang pang-araw-araw na buhay ng mga tauhan. Ngunit makikita rin naman ang istruktura ng pelikula kung magiging sensitibibo sa mga munting pangyayari. Nagulat nga ako nang matapos na ang pelikula. Parang walang nangyari. Ngunit kung titingnan ang mga detalye, maraming mga isyu ang binubuksan ang pelikula. Tungkol sa kahirapan, sa relasyon ng lungsod at nayon, sa relihiyon, at maging sa imahenasyon, paglikha at teknolohiya. Hindi ito marahil yung pelikulang pinapanood, ito yung pelikulang dinadanas. Gusto ko sanang mapanoo ulit ang pelikulang ito para mahagip ang iba pang mga aspektong hindi ko nakuha.
Hindi naman ako na-depressed sa mga napanood ko, hindi kagaya ni Kakoi.Pero naiintindihan ko naman siya. Pagminsan, parang walang pagtitiwala ang mga pelikula sa mga manonood. Pero depende naman iyon sa personal na pinanggagalingan ng manonood magugustuhan nila ang napanood. May ginawa namang maganda ang mga pelikula pagdating sa ilang aspekto. Marahil doon lumalabas ang pagiging baguhan ng mga manunulat at direktor ng mga pelikula. Pero hindi naman siguro ako ang tao upang sabihin kung ano iyon o bakit.
2.
Malapit ko nang matapos ang sinusulat kong kuwento para sa klase sa malikhaing pagsulat ngunit pagminsa'y parang ang layo-layo pa. Sa una'y inaasahan kong 6 na pahina lamang ang aabuting haba ng kuwento pero ngayo'y page 7 na ako pero malayo pa ang katapusan. Tinamaan din ako ng inspirasyon para irebisa ang isang lumang kuwento, "Ang Mahiwagang Baha ng Bundok Banahaw," na isinama ko sa "Salamin" at nasulat ko noong 2004 para sa malikhaing pagsulat sa ilalim rin ni Sir Vim. Kahit na nalathala na, hindi pa rin naman talaga tapos ang isang kuwento. Ang dami nang typo ng bersiyong nasa "Salamin." Ang tagal kong magsulat ng kuwento, ano?
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento