Lunes, Hulyo 30, 2007

Mga Pagbati

1.

Unang-una, congratulations kay Sir Vim Yapan sa pagkakapano ng kanyang short film na "Rolyo" short film category sa Cinemalaya kahapon. Astig talaga.

Congrats na rin kay Ina Feleo sa kanyang pagkakapanalo ng Best Actress sa Cinemalaya rin. Doble astig.

2.

Galing akong 13th Ateneo-Heights Workshop kanina. Noong Linggo ako pumunta. Kinailangan nina Audrey na siksikin sa loob ng dalawang araw ang mga palihan imbes na tatlo kagaya noong naunang mga workshop dahil sa kakaibang schedule ngayon taon. Imbes na magtapos sa Linggo, nagtapos ang workshop sa Lunes. Halos lahat ng mga panelist ay hindi nakapunta sa Lunes kaya siniksik ang palihan sa loob lamang ng Sabado at Linggo.

Ngunit sa tingin ko naman ay naging maganda ang workshop. Dumalo sina Alwynn Javier at iba pang mga dating Fellows ng 1997 Workshop sa Fellows' Night upang magbasa. Nagbasa rin ako kagabi ng isang dagli.

Bago kami umuwi at hinihintay ang aming sakay pabalik ng Ateneo, sabi ni Sir Egay na may pakiramdam siya na kalahati sa mga fellows ay magpapatuloy sa pagsusulat. Sagot ko naman ay baka pa nga mas marami pa.

Kaya binabati ko ang fellows ngayong taon sa pagpapatuloy nila sa pakikipagsapalaran sa pagsusulat at pakikipagtuos sa Musa, sina Katrina Alvarez, Victor Anastacio, Kyra Ballesteros, Anne Calma, Zoe Dulay, Marie La Vina, Kristian Mamforte, Ali Sangalang, Jason Tabinas at Tim Villarica.

Huwebes, Hulyo 26, 2007

Kuwento

Katatapos ko lang isang kuwento. Pero hindi ako sigurado kung tapos nga ba talaga ang kuwentong ito. Kahaba-haba ng kuwento'y walang nangyayari. Hindi pa ako nakakapagsulat ng kuwentong walang nangyayari. Wala lang. Hindi na siguro madaling makuntento sa mga sinusaulat ko. Natutuwa rin naman ako kapag nakakatapos ng kuwento pero parang ang dami pa akong mga alanganin.

Okey, yung paper naman para sa development of fiction.

Linggo, Hulyo 22, 2007

Shorts

1.

Pumunta ako kahapon sa CCP upang panoorin ang "Rolyo" ni Sir Vim na bahagi ng Cinemalaya Filmfest. Bahagi ng Set A o ang limang entry na gawa ng first timers ang pelikula ni Sir Vim. Merong ibang timpla't dating ang pelikula ni Sir Vim kumpara sa ibang mga napanood kong mga entry. Walang intro credits ang "Rolyo," diretso na agad sa kuwento. Napaka-subtle ng pelikula. Pagminsa'y aakalain mong voyeur ka lamang na pinapanood ang pang-araw-araw na buhay ng mga tauhan. Ngunit makikita rin naman ang istruktura ng pelikula kung magiging sensitibibo sa mga munting pangyayari. Nagulat nga ako nang matapos na ang pelikula. Parang walang nangyari. Ngunit kung titingnan ang mga detalye, maraming mga isyu ang binubuksan ang pelikula. Tungkol sa kahirapan, sa relasyon ng lungsod at nayon, sa relihiyon, at maging sa imahenasyon, paglikha at teknolohiya. Hindi ito marahil yung pelikulang pinapanood, ito yung pelikulang dinadanas. Gusto ko sanang mapanoo ulit ang pelikulang ito para mahagip ang iba pang mga aspektong hindi ko nakuha.

Hindi naman ako na-depressed sa mga napanood ko, hindi kagaya ni Kakoi.Pero naiintindihan ko naman siya. Pagminsan, parang walang pagtitiwala ang mga pelikula sa mga manonood. Pero depende naman iyon sa personal na pinanggagalingan ng manonood magugustuhan nila ang napanood. May ginawa namang maganda ang mga pelikula pagdating sa ilang aspekto. Marahil doon lumalabas ang pagiging baguhan ng mga manunulat at direktor ng mga pelikula. Pero hindi naman siguro ako ang tao upang sabihin kung ano iyon o bakit.

2.

Malapit ko nang matapos ang sinusulat kong kuwento para sa klase sa malikhaing pagsulat ngunit pagminsa'y parang ang layo-layo pa. Sa una'y inaasahan kong 6 na pahina lamang ang aabuting haba ng kuwento pero ngayo'y page 7 na ako pero malayo pa ang katapusan. Tinamaan din ako ng inspirasyon para irebisa ang isang lumang kuwento, "Ang Mahiwagang Baha ng Bundok Banahaw," na isinama ko sa "Salamin" at nasulat ko noong 2004 para sa malikhaing pagsulat sa ilalim rin ni Sir Vim. Kahit na nalathala na, hindi pa rin naman talaga tapos ang isang kuwento. Ang dami nang typo ng bersiyong nasa "Salamin." Ang tagal kong magsulat ng kuwento, ano?

Sabado, Hulyo 14, 2007

Ilang Bagay Lang

1.

Nanood kami nina Aina, Paolo, Maris, Danny, at Tonet ng "Harry Potter and the Order of the Phoenix" noong Thursday sa Glorietta. Oo, medyo malayo sa Katipunan pero iyon ang pinakamalapit sa pinagtatrabahuhan ni Aina dahil nahuli siya noong gabing iyon. Nagkita kami ni Tonet sa Gateway bago dumiretso ng Glorietta. Nanood kami nang mga 730 ng gabi at natapos na ang pelikula nang mga 945. Mabuti na lang at nakahabol kami sa huling pasada ng MRT at nakarating kami sa Cubao. Sa Cubao na ako nagtaxi.

Review ng "Harry Potter..."? Ewan. Ok lang. Yun na yun. Agree naman ako sa maraming sinabi ng mga tao diyan sa Friends-List ko ng LJ.

2.

Tapos na ang deliberation para sa 13th Ateneo-Heights Writers' Workshop. (Yehey!) Kagaya noong isang taon, walo ang pinili ngayong mga fellows. Wala akong full list ng mga fellows dahil wala sa pubroom ang mga application forms. Hintayin na lang ang announcement ng Heights. Parang mas nakakapagod ang meeting noong isang linggo. Dahil siguro sobrang labo pa ng mga posibilidad na makakapili kami. Pero sa huli'y nakapili rin naman kami. Nakapili kami ng anim na makata, isang fictionst at isang fictionist/non-fictionist.

(edit)

May nadagdag na dalawang fellows. mga fictionist sa Filipino at English. Congrats ulit sa mga fellows!

3.

Happy Birthday kay Jihan!

Lunes, Hulyo 09, 2007

Lucky Weekend

Naging mahaba ang araw ko noong Sabado. Simula ng klase ay 8:00 pero 2:30 na ako nakatulog. Kaya buong araw akong inaantok. Pero mabuti na nga lamang at naging maganda ang araw. Unti-unti ko nang nagugustuhan ang klase ko sa Development of Fiction. Nakakainis nga lang sa klaseng ito ay ang dami-daming pagbabago. Hindi maiiwasan na pabago-bago ang mga guro. Pagdating ng Agosto, magkakaroon na kami ng tatlo gurong magtuturo sa amin. Pero OK lang, enjoy naman ang klase. Ang mas nakakainis lang ay ang pabago-bago ng mga classroom. Noong una'y may silid kami sa Kotska pero nagkaroon ng conflict dahil sa isang klase sa NSTP. Kaya lumipat kami sa Gonzaga. Nagkaroon naman ng conflict sa isang FA class na nagsisimula tuwing 10:30. Kaya ngayo'y baka mapalipat na naman kami. Malas talaga.

Pagkatapos ng klase, tumuloy akong SM North para sa tanghalian kasama ang mga katotong FAFA. Kumain kami sa Tender Bob's at naging masaya ang kainan. May kaunting seryosong usapin tungkol sa kung anong gagawin namin sa pera naming natira mula sa Fine Arts Fest namin. At napagkasunduan ang isang outing na lang gastusin.

Pagkatapos kumain nakisabay ako kina Em at Vittorio, na mga honorary blockmates ng Block E, mula sa SM North patungong Ateneo para sa deliberations ng mga nag-apply sa Heights Workshop. Dito na nagsimulang sumakit ang ulo ko. Literally and figuratively. Ayokong magsalita nang detalyado dahil patuloy pa ang deliberasyon. Masasabi ko lamang ay pinahaba ang palugit. :P Sana gumanda-ganda ang susunod na Sabado ng deliberasyon.

Pagkatapos ay kumain kami sa Red Ribbon. Ang iba'y nag-cake lang, ang iba'y naghapunan. Pagkabalik na pagkabalik ko ng condo, bagsak na ako sa aking higaan. 8:30 na ata iyon. Nagising ako ng 10:00, kinabukasan.

Pero pinanood ko rin kahapon ang "Transformers." Isang tunay na popcorn ito pero nakakakiti rin sa alaala dahil lumaki ako sa panonood ng "Transformers" na cartoons. Maraming umaatikabong bakbakan pero ang pinakapaborito kong mga eksena yung pagkuha ng punta ng mga Autobots sa bahay ni Sam. Isang nakakatuwang paglalaro sa tanong kung paano mo nga ba maitatago ang mga dambuhalang robot.