Huwebes, Hunyo 28, 2007

Nominasyon/Reading List/Panaginip 3

1.

Nagkaroon ng meeting kanina ang Orgcom, kaming mga Grad Students na pinili upang pasimulan ang isang Grad Student Council. OK naman ang meeting. Pinag-usapan namin ang mga paghahandang kailangang gawin para sa napipintong eleksiyon para sa interim government. Namomroblema lang kami sa mga kakandidato. Kaya nang matapos ang meeting, nailagay ang pangalan ng ilan sa amin, kasama na ang akin, sa mga nominado para sa President, Vice-President, Secretary General at Finance Officer. Pipili lang ng apat na pangalan ang boboto. Ang Top 4 ang magiging officer. Sa totoo lang, ayokong maging kandidato. Pero dahil estudyante lang ako at wala ibang ginagawang trabaho mahirap ang tumanggi at magdahilan. Sana walang bumoto sa akin.

2.

Nag-text at nag-e-mail ang substitute teacher namin sa Development of Fiction, wala pa kasi si Sir DM Reyes, upang ibalitang hindi na tuloy ang mga reporting ng mga grupo. Natuwa naman ako dahil ngayong sabado ang reporting ng grupo ko. Nagmeeting na kami noong Martes pero upang ayusin lang ang delegasyon ng mga trabaho. Kaya ito, kailangan ko na lang gawin ang assignment paper at binabasa ang librong pinili para sa Final Reporting, "The Brothers Karamazov." Maliban dito, required din ang klase na basahin ang "Don Quixote," "Madam Bovary," at "One Hundred Years of Solitude." Nasimulan ko na ang "Don Quixote" pero medyo nakakabagot siya dahil wala naman talagang itong banghay na nakasanayan natin sa panahong ito. Sinimulan ko na muna ang "The Brothers Karamazov" at isusunod ko ang "Madam Bovary" at baka basahin kong muli ang "One Hundred Years of Solitude" kung hindi ko pa rin trip basahin ang "Don Quixote."

3.

Kanina ay nanaginip ako habang umiidlip noong hapon. Nakakatakot ang panaginip. Hindi dahil nakakatakot ang laman nito bagaman tungkol sa mga maligno ang panaginip. Nakakatakot dahil sa linaw at kaayusan nito. Parang hindi panaginip. Marahil magulo pa rin para sa isang panaginip ngunit mayroon itong sinasabing kuwento. Parang nanonood ako ng pelikula pero bahagi rin ako ng kuwento. (Puwede ba iyon?) Ganito ang daloy ng panaginip:

Isang grupo ng mga magkakaibigan ang nagkita-kita sa isang kainan. (Hindi ko kilala ang mga taong ito. Nakapagtataka kung mapapanaginipan mo ang mga taong hindi mo kilala, di ba?) Naghahanda sila para sa isang paglalakbay, isang bakasyon. Hinihintay nilang makumpleto ang kanilang grupo. Ang isa sa kanila, isang babae, ay umorder ng isang baso ng juice. Habang naghihintay, tinitigan niya ang mga yelong nalutang sa juice at may masasaging alaala ang pagtitig na ito. Ang alaala: sa isang damuhang pampang, marahil isang tabing-log o tabing lawa (hindi ako sigurado), nagsisisigaw ang babae. Natatakot siya at nag-iiyak. Yun pala'y nalulunod ang kanyang kaibigan, isa ring babae, nakasalamin. Nakasalamin ang nalulunod na kaibigan at ang mga salaming itong nalubog ang huling nakita ng babae. Naalala ito ng babae dahil sa mga yelong nalutang sa baso ng juice. Mawawala siya sa alaalang ito sa pagdating ng hinihintay nilang kasamahan. At sa kanilang pagdating nagsimula ang kanilang pagbiyahe.

Tatalon ang panaginip sa isang silid. Gabi na at tila nagpapahinga sila mula sa isang mahabang pagbiyahe. Mayroon impresyon na isa iyong silid sa isang lumang bahay. Nagkukuwentuhan sila nang biglang sapian ang isa sa kanila. Ngunit imbes na tipikal na nangyayari sa mga sinasapian, yung tipong sa "Exorcist," biglang tumayo ang nasapian at nagsalita sa isang malalim na boses. Na mayroon parating na panganib at naroon siya upang tulungan sila. Pinasara niya ang lahat ng mga bintana at pinalayo mula sa mga ito. Ilang saglit lang dumating ang isang aswang at nakapasok ito ng silid. Nagkaroon ng isang malaking away sa pagitan ng aswang at ng sinapian. Natalo ng sinapian ang aswang. Kung bakit siya naroon ay dahil pinadala siya upang protektahan ang mga magkakaibigan. Kung bakit, hindi ko na alam. Matatanong din kung anong kinalaman ng namatay na kaibigan sa mga nangyayaring kababalaghan. Malinaw lamang na mayroon sila kailangang gawin upang itama ang lahat.

Nakakatuwang panaginip. Gusto hanapin ang katapusan at gawing tunay na pelikula.

Walang komento: